CHAPTER 12
Preparation
Nang marinig ni Calyx ang pagbukas ng pintuan ni Hahn ay kagaad niyang itinago ang ID na nakita niya sa kanyang wallet. Kinakabahan siya na baka makita iyon ng kanyang kaibigan, natatakot siya na baka siya lang pala ang binigyan ng ganoon at mabasa pa ng iba nilang kaibigan kung ano ang nakasulat sa ibaba ng kanyang pangalan.
Matagal na ang pangyayaring iyon pero hindi niya maintindihan kung paano nalaman iyon ng isang tao. Nilinis nila ang nangyari at hindi iyon pinasapubliko na maging ang mga nakatira malapit sa area na iyon ay hindi man lang alam kung ano ang nangyari.
“Akala ko napano ka na sa banyo,” wika ni Calyx tiyaka siya ngumiti kay Hahn, pilit na binalik ni Hahn ang ngiti ni Calyx sa kanya kahit na alam niyang mukhang pilit iyon. Iniisip niya rin kasi kung kanino ba nanggaling ang ID na natanggap niya kanina at hindi niya man lang napansin kung sino ang naglagay noon.
“May problema ba?” tanong ni Calyx nang mapansin niyang naging matamlay ang kanyang kaibigan. Kanina ay masaya naman itong nakikipag-usap sa mga kaibigan nilang babae at masigla naman siyang sumama sa kanilang laro kaya hindi niya maiwasan na magtaka kung bakit pagkatapos niyang mag-shower ay nawala ang enerhiya niya kanina na dapat ay narelax nga siya sa pag-shower niya.
“Ah, wala naman,” agad na tanggi ni Hahn dahil hindi niya pa kayang sabihin sa kaibigan niya ang tungkol sa ID at hindi niya alam kung magiging handa ba siya na ipakita sa kanila ang natanggap niyang ID.
Nakakahiya na malaman nila iyon dahil pare-pareho na silang matagumpay sa buhay. Alam niyang pinaghirapan ng kanyang mga kaibigan kung ano ang narating nila ngayon, hindi siya naiinggit sa halip ay masaya siya para sa mga achievements nila. Kaya magiging kahiya-hiya ang kanyang sitwasyon kung sakali man.
Siguro ay huwag na muna niyang isipin ang tungkol sa ID sa kanilang trip ngayon. Isang linggo lang naman sila dito at kung sakali ay papatulong na lang siya sa mga kaibigan niya, may kaibigan naman siyang detective dahil nakilala niya noong isang beses na nakilala niya dahil ang kaso non ang kino-cover niyang news. Isang linggo na lang naman ang hihintayin niya at malalaman na niya kung sino ang may kagagawan non.
“Are you sure you’re comfortable on the sofa?” pagtatanong ni Sheena kay Isiah habang inaayos niya ang kanyang kumot na hiningi niya kanina kay Cassandra tiyaka ang unan na kinuha niya sa kama.
“Yeah,” tipid na sagot niya sa dalaga dahil parang hindi niya kayang matulog ngayon habang iniisip niya na nasa isang kwarto sina Madelyn at Brandon. Parang paulit-ulit na sinasaksak ang kanyang puso habang iniisip niya kung anong pwedeng gawin ng dalawa, parang may kung ano ang tumutusok sa kanyang puso dahil sa pagseselos kay Brandon.
“Okay!” masigla at nakangiti ni Sheena tiyaka siya humiga sa malawak na kama at nilagay niya ang face mask na palagi niyang nilalagay bago siya matulog gabi-gabi.
Nakangiti siya habang nakapikit dahil kaninang nasa shower siya ay hindi niya alam kung paano sasabihin kay Isiah na hindi siya kumportable na may katabi siyang matulog lalo na kung lalaki pa ito. Pero pagkalabas niya ng banyo ay siya namang pag bukas ni Isiah ng pinto sa kanilang kwarto habang may dala-dala siyang kulay puting kumot.
Habang nasa banyo kasi si Sheena ay alam ni Isiah na hindi komportable ang dalaga na may katabi ito sa kama habang natutulog. Natatandaan niya kasi ang gabing iyon tiyaka maingay na nagkukwentuhan ang mga babae sa kanilang classroom kaya parang tumatak na lang iyon sa kanyang isipan. Kaya naman tumayo siya sa pagkakaupo tiyaka siya pumunta sa kwarto nina Cassandra para magtanong ng extra kumot.
“Dapat lang din naman magbayad kung anong nangyari noon, Cassandra” kumunot ang noo ni Isiah at napatigil sa pagkatok nang marinig niya ang boses ni Michael. Mahina na tila seryoso ang pinag-uusapan nilang dalawa ni Cassandra.
“Alam ko pero hindi naman lahat ang may kasalanan diba?” dinig pa niya ang boses ni Cassandra. “May maikakaso ba sa iba?” lalo pang humina ang boses ni Cassandra kaysa sa boses niya kanina.
“Accessory of the crime,” dinig niyang sagot ni Michael, lalong kumunot ang noo ni Isiah sa pinag-uusapan ng kanyang dalawang kaibigan.
“What are you doing?” napatingin si Isiah kay Brandon na nakapamulsa sa kanyang pajama. Nagtataka si Brandon kung ano ang ginagawa ni Isiah sa tapat ng pintuan nina Cassandra at bakit parang seryoso pa siyang nakikinig dito.
“None of your business,” hindi maiwasan na mapikon ni Isiah kahit na wala namang ginagawa sa kanya ang kaibigan. Nagulat si Brandon sa naiinis na tono ni Isiah kaya kaagad niyang tinaas ang dalawa niyang kamay bilang pagsuko.
“Whoah, chill. I was just asking,” turan ni Brandon sa kanyang kaibigan. Pumikit sandali si Isiah dahil alam niyang wala namang kasalanan si Brandon kung siya man ang pinili ni Madelyn, maayos naman ang samahan nila noon kaya bahagya siyang nakonsensiya sa turing niya sa kanyang kaibigan ngayon dahil lang nakakaramdam siya ng selos.
“Anyway, you can do your business and I’ll do mine,” paalam ni Brandon tiyaka niya hinawakan ang kanyang lalamunan at tinuro ang baba. Tumango si Isiah dahil naintindihan niya kung ano man ang pinapahiwatig ni Brandon, ganon ang laging niyang inaakto kapag gusto niyang uminom ng tubig.
“Okay,” tipid na tumango si Isiah sa kanyang kaibigan tiyaka na siya nagdesisyon na kumatok sa pintuan nina Cassandra dahil ayaw na niyang may makakita pa sa kanya na nakikinig siya sa usapan ng iba niyang kaibigan.
Pinagbuksan din siya ni Cassandra na may ngiti sa labi, nagbabasa si Michael na alam niyang codals dahil nakikita niya iyon palagi kay Michael dahil lagi niyang dala-dala at binabasa ng paulit-ulit.
“Bakit?” ngiting tanong ni Cassandra kay Isiah, malawak ang kanyang ngiti pero seryosong nakatingin si Isiah kay Michael kaya sinundan ni Cassandra ang tingin ni Isiah pagkatapos ay binalik niya rin ito sa binata. “Anong meron? Nagpapatawag ba ng emergency meeting?” tanong muli ni Cassandra tiyaka siya nagpakawala ng naiilang na tawa.
Mula sa codals na binabasa niya ay umangat ang tingin ni Michael kay Isiah dahil naramdaman niya ang pagtitig ng kanyang kaibigan sa kanya. Nang magtama ang tingin nila ni Isiah ay tinanguan lang siya ni Isiah kaya tumango lang naman pabalik si Michael pagkatapos ay tiningnan niya si Cassandra na ngayon ay malawak ang ngiti sa kanya.
“Ah no,” sagot ni Isiah sa tanong ni Cassandra. “May extra kumot ba?” pagtatanong nia kaya mula sa pagkakahilig sa pinto ay tumayo ng diretso si Cassandra.
“Ah hindi kayo magtatabi ni Sheena?” pagtatanong ni Cassandra tiyaka pumasok sa isipan niya ang ang kwento noon ni Sheena. “Ah oo nga pala, hindi nga pala siya sanay na may katabi.”
“Teka lang, kuha lang ako. Nandito lahat eh,” wika ni Cassandra pagkatapos ay tuluyan na niyang binukas ang pintuan tiyaka siya pumunta sa may walk in closet na nasa kwarto nila dahil iyon ang master bedroom. Nandoon din ang mga bagong labang kumot kaya kumuha siya ng isa tiyaka niya iyon binigay kay Isiah.
“Thanks,” sambit ni Isiah tiyaka siya muling bumalik sa kanilang kwarto.
Pagbalik naman niya ay tapos nang maligo si Sheena, alam niyang mahihiya si Sheena na magsabi sa kanya kaya nagkusa na lang siya. Si Sheena rin kasi ang bunso sa section nila. Kung hindi siya nagkakamali ay tatlong taon ang tanda nila kay Sheena. Accelerated student kasi ito kahit na medyo maarte at may pagka-isip bata dahil siguro only child kaya spoiled brat ay mataas pa rin ang IQ ng dalaga. Mahina nga lang ito sa oral recitation dahil madalas siyang kabahan kapag impromptu na kaya hindi niya naayos ng mabuti ang kanyang mga sagot kaya namangha siya ngayon sa dalaga na nalagpasan na niya iyong kahinaan niya.
Habang nakahiga siya sa sofa ay hindi niya maiwasan maisip kung tungkol ba doon ang pinag-uusapan nina Cassandra at Michael, gusto niya tuloy tanungin ang kaibigan niyang lalaki dahil don. Iyon na lang ang iniisip niya keysa isipin pa niya sina Brandon at Madelyn na magkasama sa iisang kwarto sa loob ng isang linggo.
“What?” tanong ng binata sa dalaga ng magkausap sila.
“Bakit? Ang tagal naman?Anong plano mo?” nababagot na ang dalagang panoorin at marinig ang tawa ng mga demonyo. Hindi niya rin inaakala na talaga palang mga demonyo sila dahil kaya nilang pagtakpan pa ang krimen na nagawa ng isa sa kanila.
Hindi na sila nagdala. Hindi na sila natuto. Hindi na sila nakonsensiya.
“Can’t you wait? You know how hard putting those IDs on their wallet or inside their bag, right?” pagtatanong nito.
“I know, I’m putting also diba?” pagtatanggol naman ng dalaga sa kanya.
“Kaya nga, maghintay ka lang. Huwag kang masyadong aligaga dahil baka masira ang plano na pinagplanuhan natin ng ilang taon!”
“Hindi ko na kaya pa silang panoorin! Lalo ko lang silang nakikilala at lalong gusto kong masuka kung paano pa nila kayang pagtakpan ang panibagong krimen!”
“Naintindihan ko kung ano ang gusto mong ipahiwatig. Ang akin lang, ang mahalaga ngayon ay walang nakakapansin at hindi malalakas ang loob nilang tanungin ang mga kaibigan nila tungkol sa ID na natatanggap nila.”
“Malamang dahil kakalat na ang sikreto na kanilang pinakatago-tago.”
“At hindi nila kayang sabihin sa mga kaibigan alam mo ba kung bakit? Dahil nagsisimula na silang magduda sa isa’t-isa, kung sino ang naglagay non at kung paano nalaman ang tinatago nilang sikreto.”
“So, when will we do it?”
“Tomorrow, at the party. You should be prepared.”
“I’m already prepared.”
“Good.”
Kinabukasan ay halos sabay-sabay lang silang gumising na halos magtanghali na kaya mabilis silang nagsikilos paar sa kakainin nila mamayang gabi. Sina Cassandra, Zyrene, Joanne, at Antonniete ang nagluto ng mga uulamin nila pati na rin ng mga pasta. Sina Madelyn, Cathly, Chisty, Sheena, Hahn at Sacha ang nag-ayos na sa pool para sa pool party na gagawin nila mamaya.
Ang mga boys naman ay may kanya-kanya na ring ginagawa, katulad nang paglilinis sa may pool habang nag-aayos ang mga kaibigan nilang babae o ‘di kaya naman ay sila ang nanghihiwa ng karne na lulutuin nila. Ang iba ay naglalaro lang ulit ng play station sa sala dahil sila ang maglilinis pagkatapos magluto ng kanilang mga kaibigan.
Silang lahat ay naging busy para sa party na gagawin nila. Hindi rin nila maiwasan na ma-excited kaya pinalabas ni Cassandra kina Noah at Hermes ang dalawa nilang speaker para lalong kumabog ang nasa pool area mamaya dahil sa music. Kaagad namang chinarge ni Vanz ang kanyang iPod dahil nandoon lahat ng mga club music niya na alam niyang magpapasigla lalo sa kanilang gabi.
Nag-ayos na sina Michael, Brandon, At Jefree dahil tutulong sila sa paglilinis mamaya sa kusina pagkatapos na pagkatapos magluto ng kanilang mga kaibigan. Magpapalit na lang sila ng summer na polo at short mamaya pero nakaligo na rin sila. Nagpatugtog na rin si Ranz sa sala kaya lalong ginanahan sa pag-aayos ang lahat.
Punong-puno ng sayawan, tawanan, asaran at kwentuhan habang masaya silang nagpe-prepare para sa party nila mamayang gabi. Habang nagluluto sila ay nagbabatuhan pa sila nang kung ano-ano o di kaya ay nagpapahiran sila kaya nauuwi sa gantihan at habulan ang kusina. Bakas ang kasiyahan sa kanilang mga labi na umaabot ang kurba nito sa kanilang mga mata dahil para bang bumalik silang muli sa pagkabata na walang ibang iniisip kung hindi ang sarili nila. Na walang ibang iniisip kung hindi sulitin ang bawat sandali na ito dahil alam nila na pagkatapos ng isang linggo, pagkatapos ng leave na ginawa nila ngayon ay muli silang haharap sa tunay na buhay. Ngayon na puno ng matatamis na ngiti at tawanan ay alam nilang mauuwi iyon sa mapait na buhay sa oras na uuwi na sila pabalik ng Manila.
Ang sarap sa pakiramdam na nakalimutan nila kung gaano kapait ang mundo, kung gaano nakakapagod sa araw-araw nilang pagtatrabaho, kung gaano na sila kasawa para harapin pa ang kanilang mga trabaho. Pero wala silang magawa dahil iyon ang pinagkukunan nila ng hanap-buhay, wala silang magawa dahil iyon ang nagbigay karangalan sa kanilang pangalan. Kaya ang tangi na lang nilang magagawa ngayon ay sulitin ang bawat sandali ng isang linggong puno ng saya at ngiti.
Habang pinagmamasdan din sila na may ngiti sa labi dahil alam niya na lahat ng kurba ng kanilang labi ay mawawala na lahat mamayang gabi. Tama, dapat lang nilang sulitin ang sandaling ito dahil mamayang gabi ay mapapalitan iyon ng takot, pangamba at maging ang kanilang tiwala sa isa’t-isa ay mawawala dahil sa pagtuturo nila sa isa’t-isa dahil sa pagdududa. Tama, kailangan nilang sulitin ang ganitong sandali dahil sa oras na makawala na sila at bumalik ng Manila ay hindi ang magagara nilang bahay o condo ang naghihinaty sa kanila kung hindi kulungan para doon na sila muling magkakasama-sama.
Nakangiti si Brandon dahil ngayon na lamang niya naramdaman ang kasiyahan kasama ang kanyang mga kaibigan. Nagpaalam muna siya kay Madelyn na maliligo na siya dahil malapit na rin ang oras na napagkasunduan nila. Pagpasok niya sa kanilang kwarto ay nagkalkal na siya ng kanyang gamit. Kinuha niya ang kulay asul na summer polo maging ang short nito tiyaka niya kinuha ang kanyang towel para makapag-shower na.
Binitawan na niya ang kanyang cellphone sa bed side table kaya kumunot ang kanyang noo nang makita niya ang kulay blue at white na ID sa maliit na side table. Dinampot niya iyon at kumunot ang kanyang noo nang makita niya ang kanyang pangalan maging ang kanyang litrato, humigpit ang kanyang hawak ng mabasa niya kung ano man ang nakasulat sa ibaba ng kanyang pangalan.
Licensed for Failure
Brandon Almonte - Businessman
Agad niyang tinago iyon sa kanyang wallet, hindi naman pinapakialaman ni Madelyn ang kanyang wallet dahil wala namang dahilan ang dalaga para kalkalin iyon. May kanya-kanya silang pera kaya ang wallet niya ang pinaka-safe na bagay kung saan niya ilalagay ang walang kwentang bagay na iyon para hindi makita ni Madelyn. Umiling na lang siya tiyaka dumeretso sa banyo tiyaka niya ipinagpatuloy ang kanyang pagligo kahit na walang sawa sa paggalaw ang kanyang panga.
“Oh I should take a bath na,” maarteng wika ni Sheena dahil siya ang maraming nilalagay sa kanyang katawan. Iyon ang binilin sa kanya ng kanyang derma lalo na ngayon na kakaiba ang hangin dito sa Batangas at wala man lang halos bahay kaya puro puno o di kaya naman ay malawak na taniman ang nasa paligid ng bahay. Probinsiya na probinsiya ang hangin at sa tingin niya ay nakakaitim iyon kaya lalo niyang sineseryoso ang paglalagay ng cream sa kanyang katawan.
Sa tingin niya ay hindi niya bagay ang maitim tiyaka isa pa, alam niya kung ano ang standard ng mga tao para sa isang magandang babae. Ang walang katapusan na kutis ay dapat maputi. Kaya wala rin siyang magawa kung hindi sundin iyon para manalo na siya ng tuluyan.
Naghubad na siya ng kanyang mga accessories, kumunot ang kanyang noo nang makita niya ang hindi pamilyar na ID sa maliit na vanity mirror. Kinuha niya iyon dahil sa pag-aakalang kay Isiah iyon. Ganun na lang ang pamimilog ng kanyang mata nang makita niya ang kanyang inosenteng mukha maging ang kanyang pangalan.
Licensed for Failure
Sheena Alvarado - Beauty Queen
Hindi niya alam kung bakit bigla na lang siyang nanginig pagkatapos niyang mabasa kung ano ang nakasulat sa ibaba ng kanyang pangalan. Nagsimulang bumundol ang kaba sa kanyang dibdib dahil pwera sa coach niya ay alam niyang wala nang iba pang nakakaalam non kaya kaagad niyang hinanap sa kanyang maleta kahit na nanginginig na ang buo niyang pagkatao ang kanyang gamot para kumalma siya kahit papaano.
Paanong mayroong nakaalam ng bagay na tinatago niya?