Anong nangyayari? Isang tanong agad ang sumibol sa loob ng aking isipan, nang marating namin ang kapatagan ng Ekron. Tumambad sa akin ang mga taong nasa labas ng kani-kanilang mga kabahayan na ngayo'y nakaparada sa iisang direksyon, patungo sa sentro ng Ekron. Kalat din sa buong paligid ang mga kawal ng kaharian na mariing nakabantay at nakaalalay sa mga ito.
Tahimik ang buong kapaligiran, tanging mga halinghing lang ng mga kabayo ang pumailanlang sa aking pandinig. May nararamdan akong kakaiba sa tanawing nasaksihan ngayon lalo na't iisa lang ang mga ekspresyong sumisilay sa mga mukha ng mga taong nagpatianod patungo sa sentro ng Ekron. Iyon ay ang matinding takot.
Bigla akong napalingon sa aking likuran nang marinig ko ang pagdaing ni Malik. Ang tinig nito ay tila nasasaktan.
"Malik!" palahaw ko nang makita ko siyang nakaluhod sa lupa. Hapdi at kirot ang rumihistro sa kanyang mukha.
Mula sa kanyang likuran, may isang kawal ang mahigpit na nakakapit sa dulong bahagi ng latigo. Alam ko na ang bagay na iyon ang naging dahilan kung bakit umatungal si Malik.
Muling iniangat ng sundalo ang kanyang kamay, kaya agad akong lumapit kay Malik upang salagin ang latigo. Dahil sa ikinilos ko, sa aking mukha tumama ang latigo nito.
Napapikit ako dahil sa sobrang hapdi na nadarama, kasabay ng aking malutong na pagdaing na pumutol sa aking paghinga. Nagtatangis ang aking mga ngipin habang pilit na ininda ang sakit na nadarama. Parang napunit yata ang aking balat na natatamaan ng latigong iyon na ngayon ay lumikha ng malaking latay.
"Ano pang ginagawa niyo rito?" dinig kong asik ng kawal. "Simpleng utos, di pa magawa! Hala, doon sa pila!" bulyaw niya kapagkuway itinaas muli ang latigong hawak. Akmang sasaktan ulit kami nito.
"O-oo po! Pipila na po kami!" nahihintakutang pahayag ko. Mabuti na lang, hindi natuloy ang paghampas nito ng latigo sa amin.
Agad kong tinulungan si Malik upang mapatayo. Mahigpit na hinawakan ko ang kanyang kamay saka hinila siya patungo sa mga nakatianod na mga tao. Sumiksik kami sa karamihan, walang kamuwang muwang kung ano ang dahilan ng aming pagparito. Naguguluhan man, nagkibit balikat na lang ako at piniling sumunod sa maraming tao na nasa unahan namin.
Hindi ko mapigilan ang aking sarili na hindi kabahan. Napuno ng kaba at pangamba ang aking dibdib. Hindi man alam kung ano ang dahilan ng aming pagparito, ngunit natitiyak kong may hindi magandang mangyayari sa hapong ito.
Gustuhin ko mang magtanong sa mga taong kasabayan namin, pero pinili ko na lang na itikom ang aking bibig, dahil gaya ko rin, alam kong wala din silang alam sa tagpong kinasasadlakan naming ito.
"Huwag kang bibitaw sa akin Malik. Kapit ka lang sa akin nang hindi tayo mahihiwalay," pabulong na paalala ko sa kanya. Tanging pagtango lang ang kanyang isinukli sa akin.
Ilang sandali pa, sinipat niya ako sa mapanuri niyang tingin. Napako ang kanyang paningin sa aking mukha.
"May latay ka," nag-alalang saad niya.
"Kaya ko ito. Huwag mo akong alalahanin." Bagamat hindi kumbinsido, umiiling iling na lang siya. Ramdam ko ang pagpipigil niya ng kanyang galit.
Matapos ang mahabang paglalakad, narating namin ang sentro ng Ekron. Inilinga ko ang aking paningin sa paligid. Nakita ko ang libu-libong mga taong naririto. Nahahati ang mga tao sa dalawang panig na pinaghihiwalay ng isang di kalaparang daanan.
Sa bawat gilid ng daan nakabantay ang mga kawal ng kaharian na mahihigpit na nakakapit sa kanilang mga sandatang pandigma. Sa pinakaunahang dulo ng sentro, matatagpuan ang mataas na palapag kung saan naroon ang entablado na may nakawagayway na bandilang sumisimbolo sa kaharian ng Windsor. Sa pinakagitna naman ng entablado, nakalagay ang isang gintong trono. Sa paanan ng tronong iyon, may pulang karpet ang nakalatag paibaba sa hagdanan na aakyatan ng sino mang mahalagang panauhin.
Napansin kong padami ng padami na ang mga hukbo ng palasyo ang naririto.
Ang katahimikan ng paligid ay naging mas tahimik pa dahilan para domoble din ang kabang sumisibol sa aking dibdib. Nakatayo lang ako, habang patuloy akong nakakapit kay Malik ng mahigpit na nakatayo rin sa tabi ko. Kapwa kami nakapwesto sa hulihan at kaliwang panig ng mga tao.
Maya-maya pa, nakikita ko ang pagka aligaga ng mga hukbo.
"Narito na ang prinsipe." Di sinasadyang nahagip ng aking pandinig ang salitang binitawan ng isa sa sundalo na nakatayo malapit sa amin.
Unti- unti, narinig ko ang pagdagundong ng mga yabag ng mga kabayong paparating. Umalingawngaw sa buong kapaligiran ang halinghing ng mga kabayo na lulan ang mga hukbo ng palasyo. Narinig ko rin ang nakakabinging matining na kalampag ng mga kadena at kagamitang metal na pandigma.
Mabilis ang aking ginawang paglingon sa aking likuran. Sa di kalayuan, nakikita ko ang magarang karwaheng hila hila ng apat na mapuputing kabayo. Sa ibabaw ng karwahe, may taong matikas na nakatayo roon. Papalapit ang mga iyon sa aming kinaroroonan. Sa likuran ng karwahe naman nakasunod ang mga nangangabayong kawal ng palasyo, animoy pinoprotektahan ang sino mang lulan ng karwahe na tila isang alpang lobo na pinangungunahan ang mga hukbong paparating.
Palapit ng palapit ang karwaheng sinasakyan nito. Bawat paghakbang ng mga kabayo palapit ay palakas din ng palakas ang tambol ng aking dibdib. Dahil walang bubong ang karwahe, unti-unti ko ring naaninag ang wangis ng sino mang nakasakay at nakatayo sa ibabaw nito.
Lulan ng karwaheng iyon, nakikita ko ang isang matipunong binata na pakiwari ko'y kasing tangkad ko rin. Nakasuot ito ng kasuotang metal, gaya ng unipormeng pang kawal at sa bewang nito, nakasabit ang isang mahabang espada.
Tila porselana ang balat ng lalaki na may makinis na mukha. Matangos ang kanyang ilong na pinaparesan manipis na mga labi. Parihaba ang hugis ng mukha nito na may perpektong panga na tila inukit at tinutubuan ng kaunting pinong itim na balbas, na sadyang bumabagay sa kagwapuhang tinataglay nito. Ang kanyang buhok ay kulay mahogany at sa ulo nito'y nakapatong ang gintong korona na animoy sinasadyang hinulma upang perpektong magkasya sa ulo niya.
Dahan-dahang bumaba ang aking tingin sa kanyang mga nakakakilabot na mga mata. Kulay itim iyon na animoy punong puno ng kadiliman. Walang emosyon ang nakikita ko sa kanyang mukha sapagkat blangko lang itong diretsong nakatuon sa unahan. Ang kanyang tindig ay nagsusumigaw ng kapangyarihan dahilan para maramdaman ko ang pangingilabot naming lahat. Pati paghinga ay tila mahirap gawin dahil sa tanawing nasaksihan.
Iisa lang ang nasa isipan naming lahat. Ang lalaking nakasakay sa karwahe ay walang iba kundi ang crown prince na magmamana ng trono ng kaharian, ang anak ng namayapang hari, si prinsipe Trevor.
"Magbigay pugay sa prinsipe ng kaharian!" Dinig kong sigaw ng isang kawal na nakasakay sa kulay pulang kabayo na nakasunod sa likuran ng prinsipe. Marahil ito ang heneral ng mga hukbong naririto.
Kaming lahat ay di nagkandauugagang napaluhod at yumuko tanda ng paggalang sa prinsipeng kararating lang. Ilang minuto kaming nanatiling nakaluhod habang iniinda ang panginginig ng aming mga tuhod dahil sa sobrang pangangalay. Hinihintay namin na tuluyang makaabot ang prinsipe sa unahang dulo ng sentro at makababa mula sa sinasakyan na karwahe.
Nakita ko ang matikas na pagbaba ng prinsipe mula sa sinasakyang karwahe. Nanatili lang kaming tahimik na nakamasid sa kanya hanggang sa tuluyan itong naka-akyat sa itaas ng entablado kung saan naghihintay ang kaniyang trono.
Sinenyasan kami ng sundalo na nakaalalay sa kanya na tumayo pagkatapos makaupo ang prinsipe sa kanyang trono. Dahan dahan at maingat ang aming ginawang pagtayo upang maiwasan ang paglikha ng kahit maliit na ingay. Lahat kami ay iisa ang direksyong pinupunterya ng aming mga natatakot na mga mata. Doon, sa prinsipeng walang kabuhay buhay na printeng mayabang, matatag at punong-puno ng kapangyarihang nakaupo sa trono nito.
Bagamat, unang pagkakataong nasilayan ko ang kamahalan, hindi ko maiwasang hindi mapahanga sa kakisigang taglay nito. Ngunit hindi ko maiwasan ang pagpuyos ng aking damdaming sa sandaling ito. Sa wakas, nakikita ko na rin ang dahilan ng aking mga paghihirap. Nakikita ko na rin ang taong walang awang pumatay sa ina ko.
"Huminahon ka, Pyrus." Dinig kong mahinang sabi ni Malik sa akin. Saka ko lang namatyagan ang paghigpit ng pagkahawak ko sa kanyang kamay dahil sa poot at galit na nadarama para sa demonyong prinsipe na nasa harapan.
"Mga mamamayan ng Ekron..." umalingawngaw sa buong paligid ang boses ng heneral ng mga kawal. Nakatayo ito sa gilid ng prinsipe. Hindi ko alam kung anong klaseng kagamitan ang ginamit nila rito. Kahit nasa malayo at sa hulihang banda ako ay naririnig ko ang pag-alingawngaw ng tinig ng heneral. "Isang karangalan para sa inyo ang makilala ang prinsipe ng kaharian. Ito ang huling araw ng kanyang pagpapakita, at pagpapakilala sa publiko. Nawa'y tanggapin ninyo siya at manatili ang inyong katapatan sa maging susunod na hari ng Windsor. Mga mamamayan ng Ekron, ang mahal na prinsipe Trevor!"
Nakita ko ang pagtayo ng prinsipe mula sa kanyang trono. Maging ang paraan ng kanyang pagtayo ay nagsusumigaw ng kapangyarihan. Sandali niyang iginala ang kanyang paningin sa mga taong naririto.
Bagamat natatakot ngunit hindi nakaiwas sa aking pandinig ang tunog ng pagngitngit ng mga ngipin ng mga mamamayan. Alam ko na iisa lamang ang nasa isipan naming lahat, iyon ay ang aming mga hiling at dalangin na mamamatay ang binatang prinsipe. Isang sumpa na hinahangad ng lahat maging ako.
Kailangang mamatay ang susunod na magiging hari. Ngunit, walang may alam kung paano mangyayari ang hangarin na iyon.
"Masyadong masikip ang bayan na ito para sa inyong lahat," panimula ng prinsipe sa baritono niyang boses. Walang buhay ang tinig niyang iyon gamit ang isang malalim at malamig na boses na kumawala sa kanyang bibig. Ang tinig na iyon ay nakakatakot sa aking pandinig dahilan para maramdaman ko ang pagtaas ng balahibo sa aking balat. Isang malademonyong ngisi ang kumawala sa kanya dahilan para maramdaman ko ang pagkabog ng aking dibdib.
Halata sa mga taong naririto ang kanilang pangamba. Mula rito sa aking kinatatayuan, narinig ko ang kanilang pagsinghap at paglunok ng kanilang mga laway. "Mga mamamayan ng Ekron, ako ang Prinsipeng si Trevor. Hayaan niyo akong magpakilala sa inyo." Sumilay muli ang kanyang malademonyong pagngisi.
Matapos niyang sabihin ang mga salitang iyon, biglang nayanig ang paligid. Nagkagulo ang lahat nang bigla na lang may sumabog sa pinakagitnang bahagi ng kinaroroonan namin ngayon! Malakas ang impak nito dahilan para tumalsik ako sa malayo!
"Malik!!" ang aking palahaw nang mamalayang napabitaw ako mula sa mahigpit na pagkahawak sa kanya.
Napaubo ako ng ilang ulit. Kahit nahirapan man, pilit akong tumayo. Sa aking pagtayo, tumambad sa akin ang mausok at madugong tanawin. Nahindik ako sa tanawing tumambad sa akin! Maraming nakahandusay na mga bangkay na naliligo sa kanilang sariling dugo! May mga lamang nagkalasug lasog. Nakakabingi ang panaghoy at mga palahaw na iyak ng mga taong nag aagaw buhay.
Pilit kong hinanap si Malik mula sa mga nagkagulo na mga taong nagtatakbuhan, panay ang pagsisigaw habang pilit rin na isinasalba ang mga mahal sa buhay na hindi ko mawari kung humihinga pa.
"Pyrus!" dinig kong sigaw ni Malik. Nabuhayan ako ng loob nang makita ko siyang walang sugat. Hinihintay niya ako, habang pilit inaabot nito ang kanyang mga kamay sa akin mula doon sa magulo at nagtatakbuhang mga tao.
"Malik!" Pilit ko ring inabot ang kanyang mga kamay ngunit binangga ako ng maraming tao na tumatakbo parito at paroon, hanggang sa napalayo ng napalayo na ako mula sa kanya at tuluyang nagkahiwalay kami sa isat isa.
"Sa kagubatan ng Ekron!" dinig kong huling sigaw niya bago ko siya huling nasilayan.
"Patayin silang lahat at walang ititira!" Rinig kong sigaw ng prinsipe, tila nasisiyahan sa mga kaganapang nangyayari bago bumaba sa entabladong iyon.
Muli, nakarinig ako ng ilang ulit na mga pagsabog. Patuloy na nagkakagulo rin ang maraming mamamayan. Nawalan na ako ng pag-asang makalabas ngunit naramdaman ko na lamang ang aking katawan na tumalsik palayo sa gitna ng mga taong nagkakagulo.
Sinubukan kong tumayo kahit nahihirapan dahil sa sobrang pananakit ng aking katawan. Pilit akong lumayo sa lugar na iyon. Paika ika akong tumakbo at walang sinayang na panahon lalo na, nang makita ko ang mga kawal na patuloy ang ginawang pagsaksak at pagtaga sa mga tao na tuluyang naipit at hindi nakalabas sa sentro ng Ekron.
Mabilis ang aking ginawang pagtakbo upang lisanin ang lugar. Mas lalo pa akong nanginig nang makita ko ang ilang mga kawal na ngayon ay tumatakbo pahabol sa akin. Kailangan kong mailigtas ang aking sarili! Kailangan kong makapagtago sa kagubatan ng Ekron. Hahanapin ko pa si Malik!
Narating ko ang bungad ng kagubatan ng Ekron sa dulo ng kapatagang tinatakbuhan. Bago pumasok sa gubat, pinasadahan ko ng tingin ang buong kapatagan. Isang nakakahindik na tanawin ang nakikita ko. Nasusunog ang mga kabahayan. Patuloy pa rin ang ginagawang pagpapaslang ng mga kawal sa mga taong naroroon dahilan para makita ko ang pagdanak ng dugo! Tila bumabaha sa bawat kanto at daan ng Ekron.
Hapong hapo ako, at dahil sa pagod kaya pinili ko na lang magkubli mula sa mga malalaking puno ng kagubatan kinasasadlakan ngayon. Hanggang sa marinig ko ang halinghing ng mga kabayo na humahabol sa akin.
Ngunit akala ko ligtas na ako. Isang pagkakamali pala ang ginawa kong pagtigil sa pagtakbo. Sana wala akong sinayang na panahon. Narito na sila. Maabutan nila ako rito.
At ang pagtakas sa pagkakataong ito ay walang saysay lalo na at hinang hina na ako. Pero pipilitin kong lumaban. Hindi pa ako pwedeng mamatay. At higit sa lahat ayokong lisanin ang mundong ito sa ganitong paraan. Mabubuhay pa ako at tatanda kasama si Malik. Magkikita kaming dalawa at sisiguraduhin ko iyon.
Sumandal ako sa malaking puno, umaasang maikubli ang aking sarili ngunit napatigil ako nang marinig ko ang isang matining na sigaw mula sa bandang kaliwa ko.
Agad akong napalingon sa pinanggalingan ng tinig na iyon. Nakita ko ang malakas na paglapit ng atsa patungo sa noo ko. Nagmula iyon sa isang kawal na punong puno ng panggigil na desididong mabiyak ang aking bungo. Mula sa pagkakaupo, mabilis akong gumulong pakanan dahilan para maiwasan ko ang atsang papalapit. Tumama ang atsa sa matigas na punong sinasandalan ko. Dali dali kong hinugot ang aking balisong na nakasabit sa aking bewang. Kailangan kong iligtas ang sarili ko. Hindi pa ako pwedeng mamatay. Kailangan ako ni Malik at kailangan kong makawala rito para makabalik ng buhay sa kanya.
Sinubukan niya uli akong atsahin pero umilag ako paatras kaya nailagan ko ulit ang atake niya. Mas lalong naging demonyo ang mga tingin niya sa akin. Hinanda ko ang aking sarili sa posibleng pag atake ng sundalo. Inangat niya naman muli ang atsang hawak kapag kuway buong lakas niya akong inatsa. Mabilis akong umilag at lumapit sa kanya nang hindi niya inaasahan. Wala akong sinayang na oras. Sinalo ko ang kamay niya na nakahawak sa atsa saka ako tumalon paikot sa kaniyang katawan at ibinaon ang balisong na ngayo'y malalim na nakatusok sa laman nito. Nagkaroon ng malaking sugat ang kanyang batok na patuloy sa pagdurugo hanggang sa ngayon.
Napatigil siya ng bahagya saka niya sinubukang hugutin ang balisong. Buong lakas ko siyang sinipa dahilan para tumalsik siya at tumama sa malaking puno. Sobrang lakas ng pagkakatama niya sa puno. Napasuka siya ng dugo at hinahabol ang hininga.
"Pa-patawad!" Ang aking tanging nasambit. "Hindi ko sinasadya,"nanginginig kong saad. Hindi ko alam kung ganoon kalala ang sugat na natamo niya mula sa akin, pero hangad kong mabubuhay pa siya. Hindi maatim ng sikmura ko na makapatay ng kapwa. Higit sa lahat, hindi ako mamamatay tao.
Nanginginig akong tumalikod upang lumayo. Saktong paglingon ko, siya namang paglapat ng matigas na bakal sa aking sikmura. Nahilo ako sa lakas ng pagkahambalos ng bakal na iyon sa sa akin dahilan para mapaluhod ako sa lupa. Napadaing ako sa sakit. Nalasahan ko ang sariling dugo na lumabas sa bibig ko.
Ilang sandali pa, nakarinig ako ng mga yabag ng kabayo hanggang sa makita ko ang dalawang pares na itim na sapatos ang tumalon panaog mula sa kabayong sinasakyan nito.
"Tatapusin ko na ang rebeldeng ito, kamahalan," dinig kong saad ng kawal na humambalos sa akin ng bakal na iyon. Nanghihina akong nakatungo dagdagan pa sa sobrang pagkaba ng aking dibdib. Ayokong tingnan ang taong nasa harapan ko.
Naramdaman ko ang paglapit ng sino mang taong nakasakay sa kabayo. Nang ito ay makalapit, tumigil ang mga yapak niya sa mismong paanan kung saan ako nakatungo. Tahimik ang buong kagubatan ngunit pakiwari ko'y mabibingi ako sa sobrang lakas ng pintig ng aking puso. Pinaghalong kaba at takot ang nararamdaman ko ngayon habang ang isipan ay naglalakbay patungo sa aking kaibigang si Malik. Katapusan ko na. Mamamatay akong hindi nakapagpapaalam sa kanya.
Unti-unti kong iniangat ang aking noo upang tingnan ang sino mang nasa harapan ko. At ang takot na naramdaman ko ay naging triple pa nang tumambad sa akin ang mukha ng prinsipe na mariing nakatitig sa akin gamit ang walang emosyon niyang mga mata.
Nakita ko na iniangat niya ang bakal na panangga na hawak hawak at walang ano-anoy naramdaman ko na lang ang katigasan nito na tumama sa aking ulo.
"Dalhin siya sa palasyo,"dinig kong sabi niya bago lumukob sa akin ang walang hanggang kadiliman.