Dahil sa kalokohan niyang iyon, parang bulang naglaho ang inis ko sa kanya. Alam ko naman kasing hindi siya titigil sa pangungulit sa akin hangga't hindi ko siya kinikibo. Kaya sa huli, sumuko na lang ako, saka napailing dahil sa pagkaisip bata ng taong kasama ko ngayon. At isa pa, nangyari na yun eh. Wala na akong magagawa pa. Kahit hindi ko man siya kibuin, wala pa ring saysay sapagkat iisa lamang ang bahay na aming uuwian. Isa pa, hindi ko kayang magtanim ng galit sa kanya.
At dahil nga sa kagustuhan niyang mamahinga muna, kaya wala akong nagawa kundi ang umupo sa kanyang tabi.
Kasalukuyan kaming nakaupo sa ibabaw ng burol sa labas ng kagubatan ng Ekron. Mula rito sa aming kinaroroonan, matatanaw ang buong kapatagan ng Ekron at ang iba pang mga lupaing nasasakupan ng Windsor. Sa pinakadulo na abot tanaw ng aming mga mata, makikita ang papalubog na araw na animoy nagtatago sa ilang bahagi ng mga matatayog na tore ng palasyo na nagyayabang na nakatayo sa ibabaw ng bundok paharap sa karagatan. Ang repleksyon ng papalubog na araw ay mas lalong nagpapatingkad sa makulay na tanawing makikita sa dagat at pati sa buong kaharian.
Mula dito, hindi ko maiikaila ang kagandahang taglay ng Windsor. Animoy isa itong nakatagong paraiso na pinapangarap ng lahat na panahanan.
Napailing na lamang ako. Sayang ang kahariang ito sapagkat gaano man kaganda ang panlabas na anyo nito ay nagkukubli ang mga demonyong namumuno sa loob ng palasyo.
Sandali kong inilibot ang aking paningin sa buong kapaligiran. Ang mga tingin ko ay unti-unting napako doon sa napakagwapong mukha ni Malik na maaliwalas na nakatuon sa kagandahan ng palasyo. Animoy isang anghel ang tinitigan ko sa ngayon. Nakikita ko kung paano isinasayaw ng hangin ang kanyang buhok, pati ang pagkislap ng kanyang mga mata, tila nangangarap. Hindi rin nakaiwas sa aking paningin ang pagkawala ng kanyang munting ngiti mula sa kanyang manipis na labi. Ano kaya ang nasa isip niya ngayon?
Naputol ang katahimikang namayani sa pagitan naming dalawa, nang unti-unti siyang humarap sa akin. Ang kaninang matamis niyang mga ngiti ay unti-unting napalitan ng isang pilyong ngisi na ngayo'y iginawad sa akin.
Napangunot ako ng noo.
"Bakit?" takang tanong ko sa kanya. "Para kang tanga!" dagdag ko pa.
"Bakit mo ako tinitigan? Gwapong gwapo ka sa akin ano?"
Napairap ako sa kanyang tinuran. "Kapal!" Saka ko ibinaling ang aking paningin paharap sa palasyo. Isang pagtawa ang kumawala sa kanya.
Muli, napailing ako.
"Bakit ba ang layo mo sa akin?" Ilang saglit pa, narandaman ko ang kanyang braso na nakakapit sa aking baiwang saka kinabig ako palapit sa kanya dahilan para mapasandal ako sa matipuno niyang dibdib. "Aray!" pagdadrama ko, hinimigan ko ng pagkadi-gusto ang tinig kong iyon. Pero alam ko sa kalooban ko'y may isang parte doon na tila may isang paruparung kumikiliti sa ilalim ng aking dibdib.
Nanatili kami sa ganoong posisyon, nang muli siyang magsalita.
"Sarap sigurong maging dugong bughaw ano? Sa tingin mo, Pyrus?" tanong niya, habang ang tingin ay nanatiling nasa harapan.
"Ewan," alinlangan kong sagot. "Siguro. Di ko alam. Bakit mo ba tinatanong sa akin yan?" tanong ko sa kanya pabalik.
"Alam mo, balang araw ay ilalayo kita sa kahariang ito." Puno ng senseridad niyang sabi. Napaangat ako ng tingin sa kanya. Ramdam ko ang pagkislap ng aking mga mata. "Tapos magtatrabaho ako hanggang sa sobrang yaman ko na at magiging hari ako. Gagawa ako ng sariling palasyo at kaharian... at dadalhin kita doon. Nakikita mo ang kabundukan na iyan?" Kapagkuway itinuro niya ang mga kabundukang hindi sakop ng kaharian ng Windsor. "Sasakupin ko 'yan at iaalay ko sa iyo."
Unti-unting sumilay ang isang matamis na ngiti sa aking labi. Di ko alam kong seryoso ba siya sa kanyang mga tinuran, o ano?
"Talaga? Eh, paano ka naman magiging hari? Mas mahirap pa nga tayo sa daga! At isa pa, ang isang kagaya natin ay mabubulok na sa kahariang ito na hindi makakaranas kailan man ng karangyaan. Alam mo na ang mga dugong bughaw lamang ay may karapatan n'on at ang mga kagaya natin, hanggang sa iiwan natin ang mundong ito, mananatili tayong nasa kangkungan," saaad ko.
Makatotohanan iyon. Sa lugar na ito, wala ng saysay ang mangarap pa, dahil kahit anong gawin mo ay talagang walang mangyayari. Gusto kong isampal kay Malik ang katotohanang walang kwenta ang pagkakaroon ng mga pangarap sa kahariang ito, subalit ayaw kong putulin ang mga simpleng bagay na nakakapagpasaya sa kanya kahit walang saysay iyon at pawang pag iilusyon lang.
"Eh, di maghihintay ako ng himala." Pabirong sabi niya sabay tawa. "Tapos ang palasyong itatayo ko ay mas maganda pa diyan sa palasyo ng Windsor. Tapos magiging hari ako!"
"Eh, paano ako?" natatawang pagpuputol ko sa kanya. Sige na nga, sakyan ko na nga lang ang walang kwentang pag-iisip nito.
"Eh, di kung ako ang hari, eh di ikaw naman ang magiging reyna ko."
"Tangek! Ginawa mo pa akong bakla! 'Langya ka talaga, Malik! Gusto ko rin maging hari!"pagbibiro ko, sinasabayan ang kagaguhang trip niya sa buhay.
"Eh, paano yan? Isa lang ang dapat ang maging hari sa ating dalawa!"
Sandali siyang nag-iisip. At aba, seryoso talaga siya sa bagay na ito!
"Alam ko na! Ganito na lang. Kasi nga mahal kita, ipaubaya ko na lamang sa iyo ang kaharian natin. Ikaw ang magiging hari tapos ako ang maging personal na kawal mo. Ako na lang ang tagapagligtas mo at maging Heneral sa ating libu-libong mga hukbo."
Kumawala sa akin ang malutong na tawa dahil sa kaadikan ng kanyang pag-iisip. Kung tutuusin, walang kwenta ang ang mga adhikain niyang iyon. Pero kahit hindi iyon matutupad ay masaya pa rin ako. Okay na ako, na sa bawat pangarap niya, kasama ako doon. Hindi ko maiwasang hindi kiligin sa isiping iyon. Alam kong mahal niya ako. Kung nasaan ako ay naroon din siya. Kaya, panatag ang aking kalooban na kahit gaano man kahirap ang mabuhay sa mundo ay makakayanan ko ito dahil tanging si Malik lamang ang naging sandigan ko sa lahat nang mamatay si inang. Kahit walang pangarap ang isang tulad ko, sapat na nasa tabi niya ako at siya nama'y nasa tabi ko.
"Ganyan ka naman lagi Pyrus, eh. Pagtatawanan ba naman ako." May himig ng pagtatampo ang boses niyang iyon. "Wala ka talagang pagmamahal sa akin, seryoso kaya ako. Nakakasakit ka talaga ng damdamin ko."
"Alam mo Malik, libre namang mangarap. At suportado kita doon. Minsan nga ay humahanga ako sa iyo dahil sa lawak ng iyong mga adhikain sa buhay. Kahit walang pag-asa ay umaasa ka pa rin." Totoong sabi ko sa kanya.
Ilang saglit pa, naramdaman ko ang pag-akbay niya sa aking balikat.
"Dapat lang. Kahit minsan, makaramdam man lang tayo ng ibayong kaluwalhatian kahit sa mga imahinasyon man lang. Eh, ikaw Pyrus, ano bang pangarap mo?"
"Wala," Simpleng sagot ko. Ano pa nga ba ang pangangarapin ko? Para sa akin, isang pagsasayang lang ng oras iyon. At isa pa wala ako sa mundong nakasulat sa libro na kung saan kadalasan ang mga tauhan ay nagwawakas ng maligaya. Ganito ang katotohanan ng buhay. Ito ang hinaharap ko. Walang lugar sa aking isipan ang pag-iilusyon dahil kahit pumuti man ang uwak, hindi magkaroon ng milagro na mapabuti ang sistema ng kahariang ito.
"Wala?" Gulat niyang tanong. "Seryoso, tao ka ba?"
"Bakit pa ako mangangarap kong nandiyan ka naman sa tabi ko? Sapat na sa akin na makasama kang tumanda. Kahit na hindi tayo maging mayaman sa hinaharap, ayos lang sa akin. Ang mahalaga, mayroon tayong isa't isa na masasandalan sa hirap at ginhawa."
"Eehhh, may ka sweetan ka din palang taglay, eh!" saad niya, sabay sundot ng aking tagiliran dahilan para mapaliyad ako dahil sa kiliting nadarama. "Kaya nga mahal na mahal kita, eh!" dagdag niya pa.
"Parang tanga 'to!" Saad ko, sabay batok sa kanya. Pero ilang sandali pa, napatawa na rin ako. Minsan talaga ay nahahawa na rin ako sa pagkaisip bata nito.
"Ikaw bakit ang hilig mong manakit sa akin, ha?!" Gigil niyang tanong. Naging demonyo ang paraan ng kaniyang pagngisi, saka isang saglit pa, bigla na lamang itong marahas na kumilos. Parang kidlat ang kaniyang mga galaw at ngayo'y nakapatong na siya sa aking tiyan habang ako'y nakahiga sa damuhan. Kumawala ang ang isang pilyong ngisi niya, "Malalagot ka talaga sa akin ngayon!" dagdag niya pa, dahilan para mapalunok ako.
Nagpupumiglas ako at ilang saglit pa, para kaming bumalik sa pagiging paslit na nagpangbuno. Nagpagulong gulong kami sa damuhan. Nakakuha ako ng pagkakataon upang maihiga siya sa lupa at ako naman ngayon ang nakapatong sa kanya.
"Paano yan? Mas malakas na ako kaysa sa iyo ngayon!" pang-aalaska ko sa kanya. Pero tinawanan lang ako nito.
"Talaga? Baka nakalimutan mong mas matanda pa rin ako kay sa iyo, Pyrus!" Sagot niya. "Tingnan natin," sabay kabig sa akin patihaya. Dahil nga mas malakas siya kaysa sa akin, muli akong napahiga sa damuhan. Buong pwersa niyang itinukod ang mga kamay niya sa dalawang kamay ko na ngayon ay animoy paniking nakalapat sa damuhan sa bandang uluhan ko. Pagkatapos, bigla niyang idinagan ang katawan niya sa paibabaw sa akin.
Pilit akong kumakawala, ngunit parang napako ako sa posisyon na iyon na halos magkalapat ang aming mga mukha. Kapwa kami hinihingal dahilan upang maamoy ko ang mabango niyang hininga. Titig na titig siya sa aking mga mata at gayon din ako. Nakita ko ang marahang paglunok niya.
"Paano yan natalo kita?" sabi niya, ng hindi gumagalaw habang patuloy sa pagdagan sa akin. Ang kanyang mga mata ay nanatiling mariin pa ring nakatitig sa akin.
"Talo na kung talo! Eh, ano naman ngayon?" Di mapakaling sagot ko.
"Edi, paparusahan kita."
"Parusa? Ano mang parusa?" Panghahamon ko sa kanya.
Nakita ko ang pagngisi niya, "Hahalikan kita."
"Edi bakla ka na kapag ginawa mo yan. Bakla ka ba?" Di mapakaling tanong ko.
Dahan dahang bumaba ang kanyang paningin sa aking leeg ngunit bigla siyang natigilan. Napako ang kanyang nga mata sa aking leeg kasabay ng bahagyang pagkunot ng kanyang noo. "May sugat ka."
Ngayon ko lang naramdaman ang paghapdi sa bandang iyon ng aking leeg marahil, nasugatan ito dahil sa mga matutulis na damong naririto.
Unti-unting bumaba ang kanyang mukha palapit sa leeg kong may sugat dahilan upang manigas ako sa kinahihigaan lalo na't nararamdaman ko ang mainit niyang hininga na tumatama sa aking balat. Ilang saglit pa, naramdaman ko ang mainit niyang dila sa sugat kong iyon, dahilan para mapatigil ako sa paghinga. Dahan-dahan akong napapikit nang unti-unti niyang sinipsip ang sugat ko, bagay na madalas niyang ginagawa sa akin tuwing nasusugatan ako sa kamay noong bata pa ako.
Parang mabibingi ako sa lakas ng tambol sa aking dibdib, pakiramdam ko'y nag-uunahan sa pagtayo ang mga balahibo sa aking katawan.
Nang matauhan, buong lakas ko siyang naitulak kapagkuway marahas na tumayo. "Ano ba yan?! Ang dugyot mo talaga kahit kailan!" sabi ko sa paraang naiinis, pilit na kinukubli ang tensyong namayani sa pagitan naming dalawa.
"Sabihin mo, sarap na sarap ka naman." tugon niya, tanging pagtawa lang ang isinukli niya sa akin na umalingawngaw sa ibabaw ng burol na itinangay ng himig ng hangin patungo sa loob ng kagubatan ng Ekron.
Alam kong walang malisya iyon sa kanya pero iba ang nadarama ko. Baka hindi ako makapagpigil at masusunggaban ko siya. Bagay na ikinatakot ko gayong bukod sa hindi siya bakla, parang kapatid na kaming dalawa. Siguradong pandidirihan niya ako at ang mas malala pa, baka lalayo siya sa akin. Bagay na hindi dapat mangyari.
"Gago!" Tanging nasabi ko na lang. Pagkatapos, pinulot ko ang aking pana na nakalatag sa damuhan. Nang makatalikod ako sa kanya, saka naman kumawala ang isang malaking ngiti sa aking labi.
At nasisiguro kong nababaliw na rin ako.