MAYENN BLAIRE DE VERA
Halos isang linggo na rin akong nakatira dito sa bahay nila nanay Sonya at Tatay Boy. Sa Baguio ako bumaba pero sumakay kami ng jeep papunta dito sa atok, malayo-layo rin ito sa Baguio na highly urbanized. Mas ayos na ito sa akin, dahil mas mahirap akong mahanap nila daddy. Madalas ay kami lang ni Nay Sonya ang tao dito sa bahay dahil ang kanyang asawa na si Tatay Boy ay laging nasa byahe dahil sa pagiging kundoktor niya ng bus. Minsan tatlong araw siya bago umuwi, kaya nagpapasalamat sa akin si Nanay Sonya dahil may makakasama na siya ngayon. Hindi na siya nalulungkot sa tuwing umaalis ang asawa niya.
“Mayenn, anak, pupunta akong bayan baka gusto mong sumama, maglalako lang ako nitong mga gulay na naani ko kanina.” Sabi sa akin ni nanay Sonya. Nandito ako sa terrace at nakatanaw sa napakagandang kabundukan habang nagkakape.
“Sige po nay, sasamahan na po kita, may bibilhin din po kasi ako sa bayan.” Wika ko naman.
“Iwan muna kita at tapusin ko lang ibalot ang mga gulay na ibebenta natin. Huwag kang magmadali at maaga pa naman.” Tugon naman ni nanay.
Habang nakatingin ako sa malayo ay biglang sumagi sa isip ko ang aking mga magulang, gusto ko man silang tawagan ay pinipigilan ko ang sarili ko. Sigurado ako na sa mga oras na ito ay baka isinusumpa na ako ng aking ama.
“Kung natuloy kaya ang kasal ko, ano kaya ang itsura ng lalaking napang-asawa ko? Gwapo kaya siya? Mabait o kaya naman ay bata pa?” Mga tanong sa isip ko na hindi ko mahanap ang sagot dahil hindi ko siya kilala. Ang alam ko lang ay ang kanyang apelyido, madalas siyang tawagin nila daddy na Mr. Mondigo. Apelyido pa lang parang amoy lupa na, ayaw ko naman maging caregiver ng asawang matanda.
Pagkatapos kong magkape ay naghanda na rin ako para samahan si Nay Sonya sa bayan. Handa na rin ang gulay na ibebenta namin, tinulungan ko na siyang magbuhat at nag abang na kami ng tricycle papuntang bayan.
“Nay kanino pong bahay yang nasa tapat natin?”
“Ang alam ko anak ay mayroon ng nakabili niyan.”
“Siguro po, mayaman ang dating may ari? Napakaganda po kasi at parang siya lang ang medyo modern sa lahat ng bahay na narito sa lugar natin.” Ani ko.
“Ang alam ko ay bahay bakasyunan yan ng may ari, naninirahan na sila sa amerika at matagal ng walang nakatira d’yan kaya naisipan ng ibenta. Mukang kahapon lang yata naibenta, ayon ang narinig ko kay Suping kanina.”
“Magkakaroon na po pala tayo ng mga bagong kapitbahay at mukhang mayaman din po sila.” Wika ko.
Napatingin ako sa tricycle na huminto sa harap namin.
“Manang Sonya, pwede po bang ipakilala mo ako sa dalagang kasama mo?” Sabi ng binatang driver ng tricycle.
“Naku Marvin, magtigil ka. Bilisan munang buhatin itong gulay ko ng maaga kaming makarating sa palengke. Tanghali na ako mag titinda pa kami.” Sagot ni Nay Sonya.
Ikinarga na ni Marvin ang mga gulay na ititinda namin ni Nanay sa bayan. Sumakay na rin siya sa loob ng tricycle.
“Miss Maganda, dito ka na sa likod ko sumakay para hindi madaganan yang gulay na paninda ninyo.” Nakangiting sabi sa akin ng binata.
Umikot naman ako at sumakay na sa likod ng tricycle niya. Halos kalahating oras din ang byahe bago kami nakarating sa palengke, napakaraming tao at halos mag siksikan na sila. Agad naman inilatag ni nanay Sonya ang sako at isa-isang nilabas ang gulay na paninda namin. Tinulungan ko na rin siyang mag salansan para mabilis.
“Nay, bakit po napakaraming tao ngayon dito sa palengke kahit araw ng sabado?” Tanong ko.
“Ngayon kasi ang market day, ganito talaga dito sa lugar natin. Kapag market day ay pumupunta ang mga tao dito sa bayan para mamili ng kakailanganin nila sa loob ng isang linggo. Ito rin ang araw kung saan marami kang mabibili dahil maraming mga manininda ang bumababa galing sa bundok para ibenta ang mga kalakal nila.” Sagot sa akin ni nanay.
Natutuwa ako dahil sa dami ng tao, marami ding bumibili sa paninda namin na kadalasan ay mga suki na ni Nanay Sonya.
“Gumatang kayon, kakabsat!” sigaw ng isang Ale. Hindi ko man maintindihan ang sinasabi niya pero para siyang tumatawag na mga mamimili.
“Suki, maykan naimas daytoy lakok.” Narinig ko rin na sabi ng isang matandang babae. Para silang mga ibon na nagsasalita. Ilocano ang dialekto nila dito at ang iba naman ay Ibaloi. Mabuti na lang at magaling din silang magtagalog kaya hindi rin ako nahihirapan makipag usap sa kanila.
May dalawang oras na kaming nagtitinda dito sa gilid ng kalsada at halos malapit na rin maubos ang paninda namin.
“Nay pwede po ba ako umalis para bumili ng mga personal kong gamit?” Nahihiya kong tanong kay Nanay.
“Sige anak, ito ang pera bumili ka na lahat ng pangangailangan mo sa loob ng isang linggo.”
“Itabi niyo na lang po yan Nay, may pera naman po ako. Huwag po kayong mag alala sa akin. Libre na nga po ako lahat, nakakahiya na po kung pati ang personal kong kailangan ay kayo pa ang magbibigay.” Ani ko.
“Anak na ang turing ko sayo, masaya ako at dumating ka sa buhay namin mag asawa kaya sana huwag ka ng mahiya sa akin.”
“Hayaan po ninyo, kapag wala na po akong pera hihingi na lang po ako sa inyo.” Nakangiti ko namang sabi.
“Naku talaga ikaw na bata ka, alam mo ba ng dahil sayo kaya mabilis na naubos itong paninda natin at natutuwa sila sayo dahil hindi ka raw nahihiyang samahan akong magtinda.” Masayang ngiti ang nakita ko sa mukha ni Nanay Sonya.
Nagpaalam na ako kay nay Sonya at naghanap ng mabibilihan grocery store. Habang naglalakad ako ay parang nararamdaman ko na may mga matang nakatingin sa akin. Nag palinga-linga ako baka sakaling makita ko kung may sumusunod ba sa akin. Wala naman akong nakita na kakaiba, kaya nagpatuloy ako sa paglalakad.
Pumasok ako sa unang grocery store na nakita ko, dahil na rin sa takot ko. Inalis ko na sa isip ko yung hinala ko, ayaw kong takutin ang sarili ko. Namili ako ng mga personal kong gamit sabon, toothpaste, shampoo, conditioner at iba pa. Bumili rin ako ng mga kailangan namin sa loob ng bahay kape, asukal, gatas at iba pang groceries. Nang makita ko na okay na ang mga pinamili ko ay nag lakad na ako papunta sa counter ng may bumangga sa akin na dalawang babae.
“Ouch!”
“Naku, miss, sorry! Hindi po namin sinasadya.” Sabi ng magandang dalaga. Tingin ko mas matanda lang sya sa akin ng konti. Pero makikita mo sa ayos niya na may kaya sila sa buhay.
Ngumiti lang naman ako sa kanya at mag lalakad na sana papunta sa counter ng bigla ulit magsalita ang babaeng kasama niya.
“Miss, taga dito ka ba?” Tanong ng babaeng mahaba ang buhok at medyo maliit pero maganda.
Ngumiti muna ako bago sumagot sa kanila. “Hindi eh! Sinamahan ko lang magtinda dito ang nanay ko,” sagot ko sa kanila.
“Bye the way, miss, ako nga pala si Gianna Avery; Gianna na lang for short. Ito naman ang pinsan ko si Ayesha Reign.” Nakangiting sabi ni Gianna. “Ikaw anong pangalan mo?” Tanong ni Ayesha.
“Mayenn, nice to meet you” nakangiti ko ring sagot. “Sige mauna na ako, baka hinihintay na kasi ako ng nanay ko. Uuwi pa kami sa baryo namin.” Nagmamadali kong paalam sa kanila.
Mukha naman silang mababait, pero iba kasi ang pakiramdam ko. Siguro dahil may pinagtataguan ako, kaya nagiging tamang hinala ako sa mga taong gustong makipagkilala sa akin.