Nakipagkita sa wakas si Riley kay Jeff kinabukasan sa mall. Pero sa kanilang pagkikita ay tila umiba na ang pakikitungo niya kay Jeff. Masinsinan ang kanilang usapan habang nakaupo sa isang upuan sa foodcourt.
“Babe? What’s wrong?” tanong ni Jeff sa kanya na naghahanap ng paliwanag bakit nag-iba na si Riley sa kanya. “May problema ba tayo?” pero walang imik ang isa at nakatitig lamang sa malayo “Babe, kausapin mo naman ako oh. Bakit?? Ano ba ang nagawa ko? Bakit ka nagkakaganyan??”
“Wala” sagot nito “Wala kang problema. Kundi ako. Ako ang may problema”
“Ano nga?? Sabihin mo” sabay abot ni Jeff ng kamay niya sa mesa “Pag-usapan natin ‘to, babe”
“Para ano pa?? Para ipamukha mo sa akin kung gaano akong kawalang kakuwentang tao?? Huwag na…”
“Tungkol ba ‘to sa singsing na binili ko??” panghuhula ni Jeff “Kung yan lang ang problema mo, edi sorry. Hindi na mauulit babe”
“Hindi mauulit?? Nabili mo na, Jeff. Sayang lang ng pera at paghihirap mo”
“Sorry na kasi babe. Hindi ko naman alam na magagalit ka eh”
“Hindi ka kasi nagtatanong. Yan ang problema mo” balik ni Riley sa kanya at kaagad siyang tumayo “Alam mo, itigil na natin ‘to. Ayoko na”
“Babe… huwag naman oh. Mahal kita eh” hila ni Jeff sa kamay ni Riley pabalik sa upuan “Nakipagbreak ka na ba sa akin?”
“Masakit man pero oo. Gusto ko nang makipaghiwalay sa’yo. Sorry pero hanggang dito na lang tayo”
Tumayo si Riley pero pinigilan siyang muli ni Jeff “Riley…” sigaw nito. Lumingon naman siya kay Jeff na may kinuha sa kanyang bag. “Kung yan ang desisyon mo, hindi na kita pipilitin. Tatanggapin ko kahit na masakit. Pero tanggapin mo ang singsing na ‘to bilang sagisag ng pagmamahal ko sa’yo. Kahit huwag mo nang isuot. Paalala lang yan na naging parte ako ng buhay mo”
Kinuha naman kaagad ni Riley ang pulang kahon na may lamang dalawang singsing. Tumalikod at tuluyan nang lumayo kay Jeff.
Napaiyak na lang si Jeff sa sakit dahil natapos na ang relasyon nilang dalawa na parang mababaw lamang ang rason.
***
Pagkadating niya sa bahay ay pumunta siya agad sa dining table para maghanap ng kakainin para sa kanyang hapunan. Tinignan niya ang orasan kung anong oras na. Alas-nwebe na pala ng gabi.
Walang senyales na tao sa sala o sa kainan ng bahay sa mga oras na iyon. Malamang siguro ay natutulog na silang lahat, maliban sa kanya na kararating lang.
Nakita niya ang ulam na may takip na pinggan. Menudo ang kanilang ulam kanina na niluto ng kanyang nanay. Umupo si Jeff at nagsimula nang sumubo pero hindi niya manguya ang pagkain sa kanyang bibig dahil naging tulala siya. Hindi niya na alam kung ano ang gagawin sa mga oras na iyon dahil naalala niya na naman ang paghihiwalay nila ni Riley.
Maya-maya ay merong sumulpot na tao pababa ng hagdan. Si Jean pala at naka-ngiti ito na parang alam ang nangyari kay Riley at Jeff.
“What’s wrong, Jeff?” sambit ni Jean “Nag-away naman ba kayo ng ‘babe’ mo? …Ang bilis talaga ng karma noh? At dapat lang sa’yo yan kasi BAKLA KA at MAPAGMANTALA sa mga kayamanan namin.”
“Hindi mo talaga ako tatantanan kahit ngayon lang noh?”
“Why oh why my brother? Wala ka ba ngayon sa mood para magbangayan ulit with your BELOVED and SWEET little sister?” patuloy pa rin ang pang-iinis niya kay Jeff.
“Wala. So please. Wag ngayon” sabat ni Jeff
“Ayoko” sigaw niya “matapos mo akong saktan kagabi at tinuring na parang basahan, ngayon ka pa aayaw?! Mabuti nga kung mainit ngayon ang ulo mo para marinig nila Daddy at ni Mommy ang pang-aapi mo sa akin!!” patuloy ang kanyang pag-sigaw at tila sinasadya niya ito para marinig ng mga magulang niya ang bangayan nilang dalawa “Ikaw ang nag-umpisa nito Jeff kaya tatapusin ko ‘to!!”
Tila nairita at uminit muli ang tenga ni Jeff sa sigaw ni Jean pero pinipigilan niya ang kanyang sarili na patulan ang nagwawalang kapatid. Tumayo siya sa inuupuan at humarap kay Jean. “Boo!” biglang pagsigaw ni Jeff sa kanya. Tumakbo ng matulin si Jean na tila natakot at umakyat sa kanyang silid.
‘Akalain mo nga naman. Sa simpleng pananakot lang, natakot kaagad ang bruha’ sambit ni Jeff sa sarili ‘Effective pala ang pananakot na ‘to.’
***
Araw ng Lunes. Masinsinan ang usapan nina Jacqui at Jeff habang nananghalian sa may dining hall ng kanilang eskwelahan. Tungkol ito sa nangyari kahapon na hiwalayan nilang dalawa ni Riley.
“Hindi pa rin ako makapaniwala na wala na kami, bes eh” sambit ni Jeff na walang lakas ang tono ng pananalita
“Baka hindi naman ganun ang ibig niyang sabihin. Baka may problema lang siya. Intindihin mo na lang”
“Paano ko siya intindihin?? Nakipaghiwalay na nga siya sa akin eh”
“Suyuin mo kaya. Gusto niya lang siguro ng lambing mula sa’yo. Nagpapalambing, ganun”
“E anong gagawin ko?”
“Diba alam mo kung saan ang bahay nila?”
“Oo. Bakit naman?”
“Dalhan mo siya ng pagkain o sweets. Sigurado ako na magiging okay kayo at magkakabalikan kayo.” payo ni Jacqui na tila kinikilig “Ganyan ang ginawa niya kahapon sa akin eh. Binigyan niya ako chocolates dahil nag-away kami”
“Sino?? Ni Althea?”
“Oo kaya. May iba ba akong tinutukoy?”
“Wala naman…” dugtong ni Jeff na nagaalala “Paano kung hindi siya matutuwa? Baka tuluyan na kaming maghihiwalay”
“Napaka-nega mo talaga. Tumayo kanga. Ngayon din, puntahan na natin ang Riley mo”
***
Sa mga oras ding yon ay nakaupo naman si Riley sa may terrace ng kanilang bahay. Nakatingin sa mga dumadaan na tao sa labas ng kanilang gate.
“Break na kayo. So, anong plano mo ngayon?” sambit naman ng kanyang katabi
“Hindi ko alam. Pahinga muna ako siguro”
“Bakit? Nandito naman ako eh. Nagmamahal sa’yo” abot ni Fred ng kamay ni Riley.
“Salamat. Salamat sa lahat dahil nawawala pansamantala ang problema ko dahil andiyan ka” sagot naman ni Riley sa alok nito “Pero Fred, hindi pa ako handa eh. Mahal ko pa si Jeff. Ayaw ko naman na maging panakip-butas ka lang”
“Okay lang naman na maging panakip-butas lang ako. Basta mahalin mo lang ako, Riley”
“Hindi ko alam, Fred. Hindi pa ako handa” baling ng kanyang ulo sa kanyang kinakausap.
Umangat ang ulo ni Fred mula sa pagkasandal sa upuan at dahan-dahang linapit ang labi niya sa labi ni Riley.Kaagad naman ginantihan ni Riley ng maiinit na halik ng isa.
Tumayo si Fred at sinakyan ito at pinatuloy pa nila ang mainit na mga halik. Sa kalagitnaan ng kanilang ginagawang halikan ay may napansin si Riley sa labas ng gate. Inalis niya ang ulo ni Fred sa kanyang paningin at nakita niya na ang umiiyak na si Jeff, na nakatingin sa kanilang ginagawa.
Tumayo si Riley sa kanyang pagkaupo at gusto niyang habulin sana si Jeff pero hinarangan siya ng isa “Ako na ang kakausap sa kanya” boluntaryo ni Fred. Tumango naman siya bilang kumpirma sa alok ng isa.
***
Habang nagmamadaling lumakad papalayo si Jeff sa bahay ni Riley, may biglang tumawag sa kanya. Napahinto lamang ito para tignan at sa kanyang paglingon, si Fred pala ang taong tumatawag sa kanya.
“Buti na lang nahabol pa kita, Jeff” sambit ni Fred na parang hinahabol ang kanyang hinga.
“Bakit?”
“About sa nakita mo kanina…”
“… No. wala na kayong dapat ipagpaliwanag pa” pagputol ni Jeff sa sasabihin ni Fred sa kanya. Bigla niya muling naalala ang nakita niya kanina at bumuhos muli ang mga luha “Kaya pala nanlalamig na si Riley sa akin. Kaya pala…”
“Yes. Tama ka. He’s falling in love with me again” pagkumpirma niya kay Jeff “Biglaan lang kasi eh. Nagsimula sa halikan tapos may nangyari sa amin. Tapos naging kami na. Napag-isip-isip namin na ituloy muli ang naudlot naming pagmamahalan noon”
Sa gitna ng matinding iyak niya ay nakuha pa ni Jeff na ngumiti“ Happy ako para sa inyong dalawa. Happy ako dahil nakita na ni Riley ang forever niya”
“Oo nga eh. Ako din eh. Nakita ko din ang forever ko sa pagkatao niya. Maswerte talaga kami sa isa’t-isa”
“Sana maging kayo na nga habambuhay” sabay punas niya ng kanyang mga luha at inabot niya ang kanyang dalang pagkain, na kakainin sana nilang dalawa “Pakibigay na lang ‘to sa kanya o pwede din na kainin niyo na lang”
“Salamat”
“Fred?? Please take good care of Riley ha. Kapag mainit ang ulo niya, tumahimik ka na lang at bigyan mo siya ng oras para lumamig” patuloy pa din ang kanyang pag-iyak “Kapag sa tingin mo okay na siya. Iyan na ang panahon na yakapin mo siya ng mahigpit. Gustong-gusto niya kasi yon. Ang mainit na yakap”
“Thank you, Jeff. Salamat talaga dahil naiintindihan mo na nagmamahalan kaming dalawa ni Riley” hawak niya sa kamay ni Jeff “Don’t worry, susundin ko ang mga payo mo”
“Salamat. So pano, alis na ako”
“Sige. Mag-iingat ka. Baka maaksidente ka”
Sumakay si Jeff ng jeep habang tinatakpan niya ng panyo ang kanyang mukha dahil sa pag-iyak.
Bumalik naman si Fred sa bahay at pumasok dito.Nakita niya na nasa terrace pa din si Riley at parang wala sa kanyang sarili at nababalisa.
“Oh. Kamusta na?” tanong niya kay Fred “Anong sabi niya?”
“Wala. Pinamimigay niyapala” sabay abot ni Fred ang supot ng pagkain kay Riley.
“Anong wala naman?”
“Wala. Wala siyang sinabi dahil wala siyang pakialam sa’yo”
“Hindi totoo yan, Fred. Alam ko na nagsisinungaling ka lang”
“Hay naku… bahala ka nga”
Papasok na sana si Fred sa loob ng bahay ng biglang hinawakan ni Riley ng dalawang kamay niya ang damit nito at itinulak si Fred sa may frame ng pintuan. Nanlilisik ang mga mata ni Riley sa kanya na tila kakainin niya ito ng buhay “Magsabi ka ng totoo kundi papasabugin ko yang mukha mo…!!”
“Chill ka lang. Chill lang, okay? Wait lang”napahinga ng malalim si Fred sa takot at sasabihin niya na lang ang totoo kay Riley “Sabi ko sa kanya na tayo na dahil nagmamahalan tayo. Pero tinanggap naman niya yon at umalis na”
“Ano?! Sinabi mo yon??”
“Oo. Diba totoo naman na mahal natin ang isa’t-isa?”
“Nahihibang ka na ba?? Hindi kita mahal. Mahal ko si Jeff. Siya ang mahal ko!!”
“Mahal mo?? Kapatid mo siya, Riley. Kahit anong gawin mo, kahit na patayin mo ako ngayon ng dahil sa pagmamahal mo sa kanya” pahiwatig ni Fred “Hindi pa rin mabubura na magkapatid kayo”
Natahimik na lamang si Riley at binitawan niya ang damit ni Fred. “Plinano mo’to?? Ang mga paglalandi mo sa akin. Ang muling pagbabalik mo sa buhay ko. Ang halik mo sa akin kanina dahil alam mo na andiyan si Jeff?? Ang samantalahin ang kahinaan ko…? Ha?! Sumagot ka!!”
“Oo!! Inaamin ko na sinamantala ko ang kahinaan mo dahil alam ko na wala na kayo ni Jeff. Pero hindi ko plinano na maging kapatid kayo. Siguro… destiny na ang gumagawa ng paraan para hindikayo magkatuluyan”
“Napakasama mo…” pangangalit ni Riley “Ang sama-sama mo. Lumayas ka. Ayaw na kitang makita pa…”
“Talagang aalis ako. Nagbago na ang isip ko sa’yo” habang palapit sa gate ng bahay. “Ang pinaka ayaw ko sa lahat ang mapanakit na tao. Tama lang din siguro na iniwan ka ng tuluyan ni Jeff dahil sa pag-uugali mo..!”
Itinapon ni Riley ang upuan sa kanyang tabi sa direksyon ni Fred pero hindi ito naabutan dahil umalis na kaagad siya at tuluyan na ding hindi magpapakita.
***
Samantala…
Bumalik si Jeff sa eskwelahan. Nakita ni Jacqui ang kaibigan na naglalakad patungo sa kanya na namamaga ang mata.
Tumayo si Jacqui sa bench at sinalubong ang kaibigan na mainit na yakap. “Sssshhh… Stop crying, bes”
“Gusto ko nang mamatay” iyak ni Jeff “Ayoko nang mabuhay. Gusto ko nang mawala ang sakit na ‘to”
“Ano ba ang pinagsasabi mo diyan, bes. Ano ba ang nangyari kanina?”
“Kaya pala… Kaya pala nanlalamig na siya sa akin” iyak pa din ni Jeff.
“Ano nga?? Sabihin mo nga”
“May iba na siya, Jack. Si Fred ang mahal niya” patuloy pa din ang iyak niya habang nakayakap sa kaibigan “Kaya pala, iba ang nararamdaman ko kay Fred nung una pa lang kami nagkita”
Walang imik si Jacqui at hinimas na lang ng hinimas ang likuran ni Jeff para patahanin ito sa pag-iyak.
Ilang minuto din matapos nahimasmasan si Jeff sa kakaiyak. Umupo muli sila sa bench at kwinento niya lahat ang nangyari kanina kay Jacqui.
“Masakit, bes. Pero kailangan mong tanggapin na may iba na siyang mahal” payo niya sa kaibigan na parang naiinis din sa ginawa ni Riley “Mga lalake talaga… mapa straight o mapa beki. Sarap putulan eh”
“Mahirap tanggapin, Jack. Mahal ko siya eh”
“Mahal mo pero iba ang mahal niya. Hindi ikaw” balik ni Jacqui “Alam mo, maghanap ka ng taong magmamahal sa’yo at mamahalin mo din”
“Saan naman?”
“Hindi ko alam. Basta maghintay ka na lang, bes. I’m sure na may tao diyan na para sa’yo”
Itutuloy…