CHAPTER 20
“Baka sinasabi mo lang iyan para gumaan ang pakiramdam ko ‘no?” Pagbibiro ko rito.
Tumingin naman ito agad sa akin. Tumututol. “I mean it, Xia.” Itinaas ko ang kamay ko at pinakita ko sa kanya ang hinliliit na daliri. “Pangako?” Tumawa agad ito nang makita kung ano ang ginawa ko. “Okay, let’s do the pinky swear.” Itinaas din nito ang hinliliit na daliri n’ya at ginaya ang ginawa ko.
We both sealed our Promise.
Napangiti ako nang maalala ang sinabi n’ya sa akin noong araw na ‘yon. Para akong baliw na nakangiti ngayon habang iniisip ang mga sinabi n’ya. Nang kaparehong araw din na iyon, pinangako ko sa sariling, sasamahan ko rin s’ya sa lahat.
Nakakatuwa na sa sasandaling panahon palang naming nagkakausap at nagkakasama, pero dahil sa kakaibang koneksyon na mayroon kami ay handa akong tumakas kasama n’ya. Na gaya ng hindi n’ya pagdadalawang isip nang sabihin n’ya sa aking “Palagi kitang sasamahan,” ay gano’n din ako sa kanya.
Nakahiga lang ako ngayon, wala sa kondisyon ang katawan ko para gumawa nang kung anu-ano. Nais ko lang magpahinga at mananatili rito sa condo. Hanggat maari ay gusto kong bigyang pagkakataon ang sariling mag-isip, nakakatawang isipin, pero nababagabag ako sa nararamdaman ko sa hindi malamang dahilan. Hindi ako nakatulog ng ilang gabi dahil sa kakaisip kung gusto ko bang talaga si Alec. Hindi ko rin alam sa sarili kung nagta-tanga-tangahan lang ba ako, dahil kahit alam ko na ang sagot ay pilit ko pa rin itong itinatanggi. Mas pinapakumplikado ko nga lang sigurong talaga.
“Gusto ba kasi kita, Penguin?” Para na akong tangang kinakausap ang sarili ngayon.
“Bakit ba kasi ang dami nating pagkakapareho? Ginagaya mo ba ako?”
Nagulat ako noong bumukas ang pinto at inuluwa nito ang pinsan ko. Gulat kaming pareho nang makita ang isat-isa. Nahuli kasi ako nitong mag-isang nagsasalita. Hindi talaga ‘to marunong kumatok paminsan-minsan. Parang sira.
“May kausap ka ba?” Tumingin-tingin pa ito sa paligid. Sinisigurado kung mayroon bang tao sa loob bukod sa amin.
Hindi ko ito sinagot at mabilis lang akong tumalikod. Narinig ko ang yabag nitong papalapit sa higaan ko. “Ano bang nangyari? ‘Di ka mapakali r’yan. Tapos narinig pa kita bumu-bulong. Nababaliw ka na ba?” Seryoso pa talagang tanong nito habang nakadukwang sa likuran ko para makita ang kabuuan ng mukha ko.
‘‘Nababaliw na nga ‘ata ako Sheena. Teka nga, anong ba ang kailangan mo? Uso naman ‘yong ‘knock before you enter ‘di ba?’ Sarkastiko kong sabi.
Natawa agad ito. “Uso ‘yon, pero hindi sa ating dalawa. Na-miss lang kita, kaya ako pumasok dito.”
Nagkunyari itong nasusuka matapos n’yang sabihin ang salitang ‘miss’. “’Di bagay sa’yo. Ano nga kasi ‘yon?” pagpupumilit kong tanong sa kanya. Panigurado kasing mayroong dahilan ‘yon.
“Aba! teka nga rin, Elyxia Lyanne, ikaw ‘yong nauna kong tanungin kanina. Mag-kuwento ka, bakit ka ba di mapakali? Naririnig kita sa kabilang kuwarto, sinisipa-sipa mo pa ‘yong pader lalo na kagabi. ‘Di ko malaman kung kinikilig ka ba o ano e.” Humiga ito sa kama ko at malakas ang puwersang dinaganan ako.
“Aray ko, Maudin! Umalis ka naman, ‘di ako makahinga.” Tawang-tawa na ako ngayon at ‘di talaga makahinga.
Umalis na ito sa pagkakadagan sa’kin at hinampas ako ng unan, “deserve mo.” Nang marinig ko s’ya ay agad ko itong ginantihan, binato ko rin ‘to.
Hindi kami matigil na dalawa at walang nagpapatalo. Ganitong ganito din kami lalo na noong mga bata pa kami ni Sheena. Sa aming lahat na magpi-pinsan kami ang pinakamalapit sa isat-isa pero kami rin ang pinakacompetitive kaya madalas kaming mag-away. ‘Di ko inaasahang s’ya pa ang makakasama ko sa iisang bubong.
Ang kaninang mga iniisip ko ay nawala dahil nalilibang kaming pareho maglaro. Para kami ngayong bata dahil hindi kami matigil sa paghaharutan. Nagpapahabol pa ang loka-loka sa’kin.
Pareho kaming napahinto sa paghaharutan nang biglang tumunog ang cellphone ko. Alam naming parehong sa’kin ‘yon dahil walang dalang cellphone si Sheena noong pumasok s’ya sa kuwarto ‘ko.
Sabay pa kaming nagkatinginan noong tumunog ito. Tinaas-taas pa n’ya ang kilay. Alam ko na ang plano nito.
Dali-daling tumakbo si Sheena, animo ay nakikipagkarera pa sa’kin sa pagtakbo. Hindi nga ako nagkamali noong inunahan ako nitong kuhanin ang cellphone ko. Patuloy pa rin ito sa pagtunog. Mayroong tumatawag. Wala naman akong inaasahang tawag ngayon kaya nagtataka rin ako.
“Sino si Penguin? Tumatawag e.” Tiningnan pa ako nito at tinanong. Nanlaki ang mata ko nang marinig kung sino iyon, inaagaw ko ito sa kanya. “Amin na ‘yan Maudin!” Pero imbis na ibigay ito sa akin ay mas lalo n’ya pang itinaas ang kamay at hinahayaan n’ya akong abutin ito. “Kakaiba reaksyon mo noong marinig kung sino ‘yong caller. Sandali, sagutin ko nga.” Ang ipinagtataka ko naman ay talagang patuloy pa rin ang pag-dial ni Alec ng call sa’kin. Bahagya pa akong nag-alala dahil baka importante ang tawag at hindi ko manlang ito nasagot agad.
“Hello, who’s this?” Sagot ni Sheena sa kabilang linya. Wala na akong nagawa dahil sinagot na n’ya ito. Hinayaan ko na lang s’ya. Tinitingnan ko lang ang pakielamera kong pinsan, ni-loud speaker pa n’ya ito para mapakinggan ko.
“Uhm--- Hi? Where’s Xia?” Narinig ko ang boses ni Alec. Halatang nag-aalangan pa ito at nagtataka kung bakit hindi ako ang sumagot. Pero nang mapagtantong ang ganda pa rin ng boses nito kahit sa tawag lang ay lihim akong napangiti. Ang sarap mapakinggan ng boses niya. Ilang araw ko na rin itong hindi naririnig. Matapos kasi ng exam nito ay hindi na kami ulit nakapagkita dahil pareho kaming maraming ginagawa. Ayaw ko namang ako ang mag-aya sa kanya, baka masyado n’ya akong mahalata o kaya ay baka mapansin n’yang may kakaiba sa’kin.
“She’s here, pero sino muna ‘to?” Hinila ko ng slight ang buhok nito. Mahina kong s’yang sinisinghalan dahil ayaw pa rin iabot sa’kin ang cellphone ko.
“Can I talk to her? By the way, I’m Alec.” Nagtataka ako kung bakit s’ya tumawag at kung bakit n’ya akong gustong kausapin. Madalas naman kaming nag-uusap sa chat at sa text.
Tumango-tango ang pinsan ko. Nakatingin na sa’kin ito at bakas sa mata n’ya ang pang-aasar. Binulungan ako nito. “I got it now.”
Iniabot na nito sa’kin ang phone ko. Pero hindi pa rin umaalis sa tabi ko. Nakiki-usyoso.
“Alec? Bakit?”
Nakikita ko ang pag-poprotesta ng katabi ko sa’kin. Bumubulong-bulong pa.
“Naabala ba kita?” tanong ni Alec.
“Hindi, hindi. May kailangan ka ba?” Mabilis kong sagot. Umiiling-iling pa ako kahit na ‘di naman n’ya ako nakikita.
Narinig kong bumulong sa’kin si Sheena. “Ang arte ng boses mo, biglang nag-iba nung kausap mo na s’ya. Tsk, kakaiba ka Elyxia Lyanne,” sinensyasan ko itong tumahik.
“Nasa condo ka ba? I saw your story, you said you’re craving for siopao, I ordered siopao for you.”
Nagulat ako ng marinig ang sinabi n’ya. Kinikilig ako pero kailangan kong kumalma. Hindi ko alam kung bakit n’ya kailangang gawin pa iyon. Si Sheena ngayon ay hinahampas-hampas na ako, parang tanga. Wala pa nga s’yang alam kay Alec pero dahil lang ngayon sa mga naririnig n’ya ay kilig na kilig din s’ya.
“You don’t have to do that, Alec! Wala lang ‘yon, e.” Pagtanggi ko kunyari, kahit na, ang totoo ay walang mapaglagyan ang ngiti ko dahil sa ginawa n’ya.
“Wala na, na-order ko na, parating na ‘yon in any minute.” He sounds so proud. Ang sarap talaga pakinggan ng boses nito.
“Baka, COD ‘to, Alec ha? ‘Wag mo na akong kakausapin kahit kailan kung ganoon.” Pagbibiro ko sa kanya.
“Hmm... What do you think?” Talaga naman. Hilig din talaga ako nitong asarin.
“Ipapabalik ko ‘yon sa’yo, promise. Sayo na ‘yong siopao, kung ganoon.” Tumatawa pang sabi ‘ko.
“’Yong pisnge mong siopao na lang ‘yong ibigay mo sa’kin.” Hindi ko maipaliwanag, isa ‘to sa halimbawa ng sandamakmak naming dumb conversations ni Alec. Pero kahit ganoon ay sobra ko pa ring nae-enjoy na kausap s’ya.
“Tsk,tsk, pisnge ko na naman ang napansin mo. Pati ba naman dito sa tawag ha?”
I heard him laugh in other line. “Pero seryoso, I ordered that for you. Next time you can just tell me your cravings. Hindi mo naman kailangan magparinig pa sa iba.” Nahiya tuloy ako bigla. Hindi naman ako nagpaparinig sadyang gusto ko lang talaga no’n, ‘di ko naman inaakalang papatulan n’ya talaga.
“Hindi ako nagpaparinig, Alec ha!” Pagtatanggol ko sa sarili.
“Ayos lang din naman na sa’kin ka magparinig.”
Humihinga-hinga na ako ng malalim dito. Nauubusan na ‘ata ako ng hangin dahil sa kanya. Si Sheena naman ay umalis na sa tabi ko at nahiga sa kama. Pero nakatingin pa rin ‘to sa’kin. Bakas sa mukha n’yang hinuhusgahan na n’ya ako ngayon. Panigurado ring gisado ako sa kanya mamaya oras na matapos itong tawag.
Hindi ko na pinansin ang huli nitong sinabi, sinasadya n’ya ‘atang gawin ang mga ganito para magpakilig.
“Thank you, Alec. I appreciate it.” Ang lawak na ng ngiti ko.
“Welcome, Xia, send my regards to your cousin. Enjoy eating!”
“Bye, Alec.” ‘Di pa rin nito pinapatay ang tawag.
“May sasabihin ka pa ba?” Dagdag kong tanong. Hinihintay s’yang magsalita.
“Xia, I think, I’ll be needing your spare key tomorrow.”
“Ha? Bakit? Nawala mo ‘yong susi ng condo mo?” Pag-aalala ko.
Tumawa ito ng bahagya. “No. I just need an excuse to see you. So-----” Hindi pa ito nagsalita ulit. Binitin pa. Hinihintay siguro ang sagot ko.
“So?” Pag-uulit ko pa sa sinabi n’ya.
“So, can we meet?”
Hindi ko na napigilang kagatin ‘yong daliri ko dahil sa kilig. Nagpatong-patong na ang dahilan. ‘Di pa nga ako nakakausad sa kilig dahil binilhan n’ya ako ng pagkain tapos ngayon pang sinabi n’yang gusto n’ya akong makita? Kung kanina at ang mga nakalipas na araw ay nag-aalangan pa ‘ko kung gusto ko s’ya.
Sa palagay ko ngayon ay hindi na, wala naman sigurong masama na aminin sa sariling gusto ko s’ya.
Natagalan ang pagsagot ko, masyado akong masaya ngayon at nawawala ‘ata ako lalo sa katinuan. Narinig ko itong tumikhim. “Hmmm..”
“Gusto rin kita makita.” Nabigla kong sagot ko sa kanya. Sa palagay ko’y sapat na ‘yon para malaman n’yang payag akong makipagkita sa kanya bukas. Wala naman akong planong bawiin ang sinabi ko, sadyang ako lang din mismo ay nabigla.
Gusto kong tapatan ang pagiging vocal nito, gaya kasi ng sabi n’ya no’n hindi s’ya gano’n ka-expressive, pero sa tuwing nagsasalita naman s’ya ay namamangha ako, kaya’t sa tuwing nangyayari iyon ay parang umuurong ang dila ko.
After naming mag-usap tungkol sa magiging pagkikita namin bukas dahil sa ‘susi’ ng condo n’ya ay tinapos na rin namin ang tawag. Paglingon ko sa gawi ni Sheena ay nakatingin pa rin ito sa akin at nakangisi.
“Okay, bye, Alec,” Narinig ko pang ginaya nito ang sinabi ko kay Alec noong nagpaalam ako kanina.
“Dapat ko pa bang I-kuwento? Sa sobrang bihasa mo na sa mga ganito, palagay ko na-conclude mo na.”
“Gusto mo na ‘no? Halata naman sa boses mo kaninang nag-iba nung bigla mo na s’yang kausap e. Samantalang pagkausap mo ako boses siga ka? Ano, gusto mo na?”
Marahan akong tumango, bilang pagsang-ayon. Dapat ko ng aminin sa sarili ko, kase masyado na rin naman akong halata. Sabay kaming tumili ni Sheena noong sinabi kong ‘oo’.
Inihulog ko ang sariling katawan sa kama.
“Ang pula ng mukha mo. Jusko ka. Kakaiba. Dalaga ka na talaga.”
Kinapa ko agad ang mukha, ang init init ng pisnge ko. Ganito pala ang epekto no’n. Ganito pala ang epekto ni Alec sa’kin. Palagay ko ay patagal nang patagal ay mas palala rin ng palala.
“Wait mayroong kumakatok sa labas Ely, mamaya mo na ituloy ‘yong kilg mo. ‘Yon na ‘ata ‘yong pagkain mo.”
Hindi ko na hinintay matapos ang sinasabi ni Sheena, agad agad na akong lumabas ng kuwarto at nagtungo sa pinto para tingnan kung sino iyon. Hindi ako nagkamali nang makitang, iyon nga ang ipinadalang pagkain ni Alec.
Nagpasalamat lang ako sandali roon sa nagdeliver. Pagpasok ko ay natawa na lang ako sa sariling naisip, parang wala na kasi akong balak kainin ‘yong siopao dahil mas gusto kong titigan na lang ito.
Ganunpaman, dahil sa excitement ay ‘di ko pa rin naman napigilan.
I took a picture of me eating then I sent it to Alec. He just replied, “Happy eating :)” Kaya sa totoo lamang noong magsimula akong kumain at hanggang sa matapos ay literal na nakangiti lang ako.
Matapos nang mga nangyari ay naikuwento ko na ang lahat kay Sheena. Masaya raw s’ya sa’kin dahil sa wakas ay tao na raw ako. Hindi ako aware na kailangan ko palang magkagusto muna bago 'ko maging ganap na tao. Kung hindi ba naman din talaga siraulo.
Habang nagkukuwento ‘ko sa kanya ay mas napagtanto kong memoryado at saulo ko pala talaga ang lahat ng nangyari.
Masayang-masaya ako ngayon, umaasa akong wala itong dulo at hangganan, kung mayroon man akong isang hiling, pahihintuin ko ang oras kung saan ganito lang ang aking nararamdaman dahil kung ako ang tatanungin, ayaw ko na itong matapos.