Ang plain ng kwarto namin. Wala man lang ebidensya na kwarto ito ng mag-asawa. Wala rin kasi rito ‘yung wedding pictures namin - ‘ni hindi ko nga alam kung saan nila ito nilagay ni Dax o baka naman sinunog na nila.
Huminga ako nang malalim. Parang pagod na pagod ako nang bumangon. Kahit sapat naman ang tulog at pahinga ko ay wala itong naiambag para gumaan ang pakiramdam ko. Dumagdag pa sa isipin ko nang hindi ko na naman nakita si Dax sa tabi ko pagkagising. Naisip ko agad na baka pinuntahan niya si Richelle... baka roon siya natulog sa bahay nila.
Sabi niya magtiwala ako. Pagsisisihan ko ba kapag ito ang pinili kong gawin ngayon? Kahit na hindi ko pa rin talaga naiintindihan ang mga nangyayari? Kahit na hindi ko alam ang detalye?
Bumangon na ako’t lumabas ng kwarto. Pagbaba ko ng hagdan, nakasalubong ko pa si Bobbie. Hindi siya makatingin ng diretso sa akin. Siguro naiilang dahil sa narinig niyang pagtatalo namin ng kuya niya.
“Good morning!” bati ko pero tumango lang siya at nagpatuloy sa paglalakad. Mas matamlay siya kumpara nung nakakaraan.
Nagkibit-balikat ako. Tahimik na lang akong sumunod sa kanya sa dining room para makapag-breakfast. Ayos na rin ito dahil wala rin ako sa kundisyong makipagusap.
At mukhang kaming dalawa lang ang kakain ngayong umaga dahil wala pa rin sa hapagkainan si Mrs. Savage at Dax. Nagpapatong pa rin ng mga pagkain sa lamesa ‘yung mga katulong nila nang maupo kami sa dating pwesto.
“Pumasok na ba si Dax?” tanong ko kay Bobbie dahil baka nakita niya ito. Pero umiling agad siya nang hindi tumitingin sa akin. Kulang na lang ay hindi niya ako pansinin.
Kadalasan kasi nauuna sila sa dining room, o ‘di kaya pumapasok na ng opisina si Dax. Hindi ko lang alam kung nasaan ‘yung dalawa ngayon.
Gusto man naming hintayin sila, may pasok pa kami pareho ni Bobbie kaya gaya niya ay nagsimula na rin akong kumain.
Kumpara noon ay parang may iba sa kung paano namin tratuhin ni Bobbie ang isa’t isa. Akala ko mas naging malapit na kami pero mukhang hindi pa rin pala.
Walang nagsasalita sa amin at siguro ilang oras din ang lumipas bago dumating si Mrs. Savage.
Padabog na tumayo si Bobbie kahit na hindi pa siya masyadong nakakakain. Muntikan nang tumumba ‘yung upuan niya sa pwersang binigay niya rito.
Samantalang naupo lang nang walang sinasabi ang nanay niya gaya ng dati. Napatingin pa ako sa paligid dahil baka dumating na rin si Dax pero hindi ko naman siya nakita kaya nakaramdam ako ng pagkadismaya.
Binilisan ko na lang din ang pagkain dahil hindi ako sanay makasama si Mrs. Savage sa iisang lamesa. Nagtaka lang ako nang makita kong medyo iniikot niya ‘yung kamay niya na para bang may masakit dito. Tatanungin ko sana ito kung anong problema pero sa huli’y pinigilan ko na lang ang sarili ko. Ang sabi nga mas magandang hindi mangielam.
Inubos ko ang laman ng plato ko at nagpaalam na ring papasok sa opisina. Nakatalikod na ako nang marinig kong magsalita si Mrs. Savage.
“Isa ka ng Savage, so always act like one,” nanlamig ako sa istriktong boses niya. Sigurado akong may kinalaman ‘yung bilin niya sa kumalat na picture namin ni Richelle. Imposible naman kasing hindi nakarating ang balitang ‘to sa kanya.
Humarap ako sa kanya at ngumiti, ‘yung litaw ang dimples ko para mas ramdam niyang hindi ako natatakot sa kanya. “Sorry Mrs. Savage. Kasal man ako sa anak niyo, isa pa rin akong Valderrama. At hindi ‘yon kailanman magbabago.”
“Matututunan mo rin tanggapin na kapag naging isang Savage ka, you have rules to live by. Hindi ka pwedeng magtago na lang parati sa likod ng asawa mo.”
Tumingin ako kay Bobbie para humingi ng tulong. Hindi ko kasi naiintindihan ang pinanghuhugutan nito. Pero tumitig lang ito sa kanyang plato na para bang walang nangyayari sa kanyang paligid.
Kumunot ang noo ko. Hindi ko alam kung anong ibig sabihin ng huli niyang sinabi pero dahil nagpatuloy na rin siya sa pagkain ay hindi na rin ako nagsalita pa para humaba ang usapan.
Pagkatapos mag-ayos ng sarili ay dumiretso na ako sa Savage Enterprises. Hinatid ako ulit ni Harold at sa kanya ko nalaman na nauna nang pumasok si Dax. Nakahinga naman ako nang maluwag dahil sa bahay naman pala ito nanggaling.
“May sponsors na kayong nahanap para sa event natin?” tanong ko kay Inna bago ako pumasok sa loob ng opisina ko.
“Naghahanap kami ng bago Ma’am pero may mga dati na tayong partners na kinakausap na rin namin. Bigyan ka na lang namin ng report at the end of this week.”
“Okay. Just explain to them our goal for this event. Alam kong medyo mahihirapan tayo dahil bago ‘yung gagawin natin pero iyon naman ang mas maganda rito, tayo ang unang gagawa.”
Halos kalahating araw namin pinagtulungan ni Inna ‘yung event proposal na ise-send niya sa prospective sponsors. Dahil sa naging sobrang abala ay hindi ko na namalayan ang oras.
Kung hindi pa ako nakatanggap ng tawag mula kay Dax ay hindi ko maaalalang lunch time na pala.
“Are you already eating your lunch?” bungad ni Dax sa akin. Sinenyasan ko naman si Inna na magtanghalian na kaya ngumiti ito’t iniwan na ako sa opisina ko.
Nagtatampo pa rin ako dahil sa pagtatalo namin kagabi pero siguro dahil nakapagpahinga ako kahit papaano, naibsan ‘yung inis na nararamdaman ko.
Malaki rin ang naitulong ng panaginip ko.
“Not yet... and you?”
“I’m actually looking forward to eat with you.”
Nabuhayan ako ng loob. “Let’s eat in your office? Puntahan kita dyan with my favorite comfort food,” medyo halata ang excitement sa boses ko. Tanggap ko nang ganito ako karupok pagdating kay Dax.
“Okay, I’ll wait for you. May pinipirmahan pa naman akong ilang kontrata.”
“Okay! See you!”
Nagmadali akong lumabas at dumiretso sa Mcdonalds. Bumili ako ng isang bucket ng fried chicken, ice cream, at BFF fries. Oo’t ganito kasimple lang ang comfort food ko rito sa Maynila. Sa bahay kasi ay hindi nila ako hinahayaang kumain masyado sa fast food, lalo na si Kuya TJ. Pero dahil malayo naman ako sa kanila, rito ay malaya akong nakakakain ng ganito.
Mabilis lang akong nakabili ng pagkain at sa dami ng bitbit ko, hindi ako magkamayaw sa kung ano ang mas dapat ingatan.
Mabuti na lang talaga at pagdating sa elevator, ako na ang pinauuna ng lahat. Pinagbubulungan na naman nila ako pero kaunti na lang ay masasanay na ako.
Tuloy-tuloy akong nakarating sa 25th floor. Pagbukas ng pinto, patakbo akong nagpunta sa opisina ni Dax.
Pipigilan sana ako ni Miss Minchin kaya lang nabuksan ko na ang pinto at nakita ko na ‘yung sisira ng araw ko.
Nabitawan ko ‘yung mga dala ko sa sahig. Napatingin naman sa akin si Dax at Richelle na magkaharap ngayon sa loob ng opisina niya. Habang gulat na gulat si Richelle at parang maiiyak, si Dax naman ay napuno na naman ng pagaalala ang mga mata.
Dax was just sitting behind his desk. Samantalang nakatayo sa harapan niya si Richelle. May inaabot itong nakalagay sa baunan na kung hindi ako nagkakamali, pagkain ang laman.
Someone tapped my shoulder. Dito ko nakitang pinulot pala ni Miss Minchin ang mga dala ko at inabot sa akin. Tila ba binibigyan niya ako ng lakas ng loob pumasok sa loob at gawin ang ipinunta ko rito. Tutal naman, alam naming lahat na ako ang mas may karapatan.
Kaya naman taas-noo akong pumasok at ipinatong ko sa ibabaw ng lamesa ni Dax ‘yung mga binili kong pagkain. Wala akong pakielam kung nandito pa si Richelle dahil ako naman ang asawa.
“Hi! May naiwan ka pa ring gamit hanggang dito sa loob ng opisina ni Dax?” sarkastikong tanong ko. Ngumiti ako ng abot tainga kay Richelle kaya medyo naningkit ang mga mata ko.
“Ahh dinalhan ko lang ng thank you gift si Dax— Mr. Savage. Sorry...”
Naririndi na ‘yung tainga ko sa paulit-ulit na paghingi niya ng sorry. Halata namang walang laman. I flipped my hair and spoke again. “Tamang-tama, sabay na tayong kumain. I’d love to know more about you.”
Tumingin ako kay Dax na wala namang imik kaya kinuha ko na ‘yung mga pagkaing dala ko at dumiretso sa maliit na salas ng opisina niya. Sumunod naman ‘yung dalawa.
Mabuti at nagiisip si Dax dahil naupo siya sa tabi ko, malayo kay Richelle. Nakapagitna ako sa kanilang dalawa.
Binuksan ko na ‘yung dala kong pagkain at kasalukuyang inaayos nang magsalita si Richelle. “Ahh sorry... hindi kasi kumakain si Dax ng fast food. Unhealthy daw.”
Kinagat ko ang ibabang labi ko bago binaling ang tingin kay Richelle. Nakita kong nabuksan na niya ‘yung dala niyang pagkain. May gulay dito at ulam na halatang lutong bahay. “Kaya nagdala ako ng niluto ko...”
Yumuko ako. Nanginig ang dalawang kamay ko. Bumigat na naman ‘yung pakiramdam ko. Tao pa rin naman kasi ako - nasasaktan at napupuno. Gusto niyang iparating sa akin na mas kilala niya si Dax kaysa sa akin, I get it.
“Paborito ni Dax ‘to. Madalas ko kasi siyang nilulutuan nito-”
Nakarinig ako ng pagkagat sa malutong na fried chicken. Pagtingin ko sa tabi ko ay nauna na palang kumain si Dax! Sinawsaw pa niya ‘yung balat ng chicken sa gravy at para bang sarap na sarap dito.
Naiiyak man ako, mas naging matimbang ‘yung sayang naramdaman ko dahil sa pagpili niya sa pagkaing dala ko.
“I eat whatever my wife brings me,” sabi ni Dax bago pinagsabay ang subo ng chicken at fries sa bibig niya. Inabutan ko tuloy siya ng tubig para hindi masamid. Pinalis ko agad ‘yung tumulong luha sa gilid ng mata ko bago pa niya makita. Napakaemosyonal ko naman!
Pagtingin ko kay Richelle ay natahimik na siya. Napayuko siya’t napatitig sa pagkaing dinala niya. Bagsak-balikat siyang nagsimulang kumain.
“Kilalang-kilala mo talaga si Dax ‘no?” sabi ko at heto na naman ‘yung pagkagitla sa mukha niya.
“Kailangan... kasi sekretarya niya ako.”
I chuckled. “Really? May secretary din kami pero work-related lang ang concerns niya. Ang effort mo naman yata at pati personal na bagay tungkol sa boss mo inaral mo pa.”
“Ahh kasi... ano-”
“Kasi alam mo Ms. Gonzales? Kung hindi kita kilala, iisipin kong naghahanda kang maging asawa ng boss mo.”
Namutla ang mukha ni Richelle at itong si Dax naman hinawakan ang kamay ko. Pagtingin ko sa kanya ay umiling siya. Parang pinipigilan niya akong idiin pa sa pagmumukha ni Richelle ang ginagawa niyang kalandian.
Bago ko pa mabalikan ulit si Richelle ay mabilis na siyang nagligpit ng mga dala niya. Nagmamadali siyang tumayo at nang maglakad, natisod pa’t tumapon ang mga dala.
Nawala agad si Dax sa tabi ko at nakita kong pinuntahan niya si Richelle. Tinulungan niya ito sa mga dalang tumapon.
Nandito na naman ba kami sa tagpong ‘to?
Hindi ko matagalan kung paano tratuhin ni Dax si Richelle. Oo hindi naman masamang magalala para sa dating empleyado pero dahil sa paulit-ulit na pag-eksena ni Richelle ay hindi na basta empleyado lang ang tingin ko sa kanya. Hindi naman ako tanga para hindi maramdaman na may iba siyang habol kay Dax. Babae rin ako! May pakiramdam ako!
Kaya bago pa mauwi kung saan ang nakikita ko, naglakad ako nang mabilis palabas ng opisina ni Dax.
“Miss Minchin!” Dalawang beses na sigaw ko. Hindi lumilingon si Miss Minchin kaya naman naalala kong mali pala ang tawag ko rito.
“Ms. Mabelle! Patawag ng maglilinis sa office ni Dax. May basurang nagkalat.”
Ano man ang habol ni Richelle kay Dax, hangga’t ako ang asawa nito, hindi ko hahayaang makuha niya ang gusto niya.
***
Nang tawagin na si Dax para sa meeting ay tyaka lang ako umalis ng opisina niya. Tumambay ako rito dahil ayaw din siyang lubayan ni Richelle. Iiyak-iyak pa ito kaya hindi ko binigyan si Dax ng pagkakataong aluin ito. Inabutan ko siya ng toilet tissue para siya na ang magpunas ng sarili niyang luha.
Sabay kaming umalis ni Richelle at sumakay sa elevator. Walang nagsasalita sa amin pero mabuti naman tumigil na siya sa kakangawa niya. Ito ‘yung nakakainis sa ibang babae, ginagamit lagi ang luha nila para makakuha ng simpatya. Kaya ako hangga’t maaari ay hindi talaga ako umiiyak. Kapag sobra na ay dun lang talaga bumabagsak ang luha ko.
“Iiwanan mo rin si Dax.”
Napatingin ako kay Richelle, kahit kaming dalawa lang naman ang nasa loob ng elevator, nanigurado pa talaga ako kung siya ‘yung nagsalita.
“Alam kong iiwanan mo rin siya... dahil ako lang naman ang kayang umintindi sa kanya.”
Kinuyom ko ang mga palad ko. Gigil na gigil na talaga ako sa galing ng pagarte ng babaeng ‘to. Akala mo mabait pero pag kaming dalawa na lang ang magkaharap, lumalabas ang sungay at buntot.
“You can’t measure how much I love him.”
Tumawa siya pero may bumagsak na luha sa gilid ng mga mata niya nang tingnan niya ‘ko ng diretso.
“Mahal mo si Dax? Sigurado ka ba? Ngayon pa lang, parang pagod na pagod ka nang mahalin siya. Paano pa kapag mas nakilala mo siya?”
Hinawakan ko ‘yung malaking bungkos ng buhok niya. Hinila ko ito kaya napasigaw siya at napapikit sa sakit.
“Ano bang alam mo ha?!”
“Ako lang! Ako lang ang may kayang tumanggap sa kanya!”
Akmang hahawakan na niya ang buhok ko para sabunutan nang mapasinghap ako sa sunod na nangyari. Nabigla ako nang may biglang sumampal sa kanya ng malakas kaya nabitiwan ko siya’t bumagsak siya sa sahig.
Pagtingin ko ay nakabukas na ang pinto ng elevator. Wala pa kami sa 10th floor pero nasa harapan ko ngayon si Mrs. Savage.
Si Mrs. Savage ang sumampal kay Richelle!
Nanlaki ang mga mata ni Richelle pagkakita kay Mrs. Savage. Takot na takot siyang tumayo bago tumalikod sa amin. Kita ko ang panginginig ng buong katawan niya.
“Hindi ka na babalik sa opisina. Titingin na tayo ng damit mo para sa linggo,” utos ni Mrs. Savage sa akin na para bang walang nangyari.
Kaya tuloy imbes na bumaba ako sa 10th floor ay hinintay ko pa hanggang sa muling bumukas ang pinto ng elevator.
Pagdating namin sa ground floor, tumakbo agad si Richelle palabas. Parang gustong-gusto niyang layuan si Mrs. Savage.
Hindi nga lang ako makahanap ng tamang tyempo para makapagtanong kung bakit. Nag-vibrate pa ang phone ko at nakita kong si Bobbie ang nag-text.
BOBBIE: I know you’re with my mom. Don’t tell her anything about Kuya please.
Bakit nag text si Bobbie ng ganito?
Natatakot din naman ako kay Mrs. Savage dahil kung mahirap nang basahin si Dax, para sa akin ay doble ang hirap pagdating sa kanya. Ito kaya ang idinulot sa kanya ng pagiging single parent? May pagkakataon naman na parang mabait siya pero mas madalas ko siyang makitang seryoso at istrikto.
Sa high-end mall sa Makati kami nagpunta. At halos lahat yata ng clothing stores dito balak pasukin ni Mrs. Savage!
Kung tutuusin ay ito ang unang beses na lumabas kami nang magkasama. Bonding sana pero parang bangungot para sa akin.
Hindi ko na mabilang kung ilang damit ang pinasukat niya sa akin. At kahit gusto kong ako ang magbayad, pinilit pa rin niyang siya ang sumagot sa lahat!
Nakakahiya lang talaga dahil bukod sa susuotin ko sa party, binilhan pa niya ako ng pang araw-araw kong damit. Kahit sinabi ko naman na walang problema sa mga damit ko sa bahay, hindi siya sumangayon dahil hindi raw ganuon kamahal ang mga gamit ko.
“You have to look like a Savage. Gusto mo bang maagaw na lang basta ang asawa mo?” narinig kong sinabi ni Mrs. Savage habang nagsusukat ako sa loob ng dressing room. Parang may iba siyang ibig ipakahulugan. Kaya naman kahit nagbilin si Bobbie, hindi ko na napigilan ang sarili ko.
“Kilala niyo ba si Richelle Gonzales?” Ngayon ko lang pala ito maitatanong. Binalak ko noon pero nawalan ng pagkakataon. Nawala rin kasi sa isip ko dahil akala ko hindi ko na siya dapat pang problemahin.
Lumabas ako ng dressing room at pinakita ‘yung pang limang gown na nasukat ko sa boutique na pinasok namin. Pagod na pagod na ako kahit hindi pa man kami nagtatagal dito.
Pinaikot ako ni Mrs. Savage para mas makita niya ang detalye ng suot ko at tyaka siya umiling. Pinabalik niya ako sa loob at nagpapasok ulit siya ng isa pang gown.
“Oo. At mukhang kilala mo na rin siya.”
“What do you know about her?”
“Sekretarya siya ng anak ko.”
“At bukod doon?”
“Nilalapitan na naman ba ni Richelle si Daxon?”
Ibig sabihin ba ay nangyari na ito noon?
Hindi muna ako nagsalita at hinintay na siya ang muling maglabas ng kahit anong impormasyon tungkol kay Richelle. Medyo nahihirapan din kasi ako sa isinusuot kong gown dahil nagkabuhol-buhol na ang mga tali nito.
“Sinabihan ko na ang babaeng ‘yon na layuan na ang anak ko. Hindi talaga siya marunong makinig. Manang-mana sa ina niya.”
Lumabas ako ng dressing room. Hindi pa man ako umiikot ay umiling na siya. Bumuntong-hininga na lang ako at kinuha ang sunod kong isusukat. Pero bago ako bumalik sa loob ay nagsalita na muna ako.
“I don’t think she knows how to listen. Ilang beses na niyang pinapunta sa kanya si Dax - kahit noong honeymoon namin. At nito lang, dalawang beses na rin siyang nagpupunta sa opisina. Ayaw niyang lubayan si Dax,” nakita ko ang galit sa mga mata ni Mrs. Savage. Wala na akong pakielam kahit para akong batang nagsusumbong ngayon. Kung siya ang makakatulong sa akin para hindi maagaw si Dax, I’m willing to take risks!
“Pinupuntahan ni Daxon si Richelle?” naningkit ang mga mata niya.
“Oo! Baka nga binabahay pa! I’m sure she’s not just his secretary.”
Papasok na sana ako sa loob ng dressing room nang magsalitang muli si Mrs. Savage.
“Yes she’s not. Because she planned to be his wife,” Nabitawan ko ‘yung gown na hawak ko at napatingin ulit sa kanya.
“What do you mean his wife? Nag-apply din siya?”
“She applied to be his secretary with her ulterior motive to marry him,” naupo siya at para bang sumakit ang ulo sa ibinulgar na sikreto. Kahit ako’y nakaramdam din ng pagkahilo sa natuklasan.
“Pagkalipas ng limang taon ay doon ko lang nalaman. Pinaimbestigahan ko kasi siya matapos ma-report sa akin na may malaking pera ang kumpanya na pumapasok sa iba’t ibang bank accounts - which turned out to be hers. Iyon ang dahilan kung bakit ko siya pinagdudahan. Ito rin ang naging paraan para mapagtagpi-tagpi ko lahat.”
“Alam ba ‘to ni Dax?”
“No. Because I didn’t want him to know. Malaki ang tiwala niya kay Richelle bilang sekretarya niya. Kasama niya ito sa bawat tagumpay niya at ayokong masira ang tingin niya sa lahat ng bagay na pinaghirapan niya oras na malaman niyang niloko lang pala siya ng taong pinagkatiwalaan niya. I want a strong CEO to lead our company.”
“Pero kailangan malaman ni Dax!”
“His beliefs are so important for him. It would break him apart to know about these lies.”
“Beliefs?! That can easily be changed!”
“Not for a Savage. Siguro nga hindi mo alam dahil isa kang Valderrama. Pero sa aming mga Savage, our beliefs, our rules, those are keeping us alive. Kapag nawala ang mga ‘yon ay ikamamatay namin.”
Natahimik ako. Bakit ba baluktot silang mag-isip?!
“Kaya nga tinanggal ko agad si Richelle sa trabaho noong malaman ko ang balak niya. Pero mukhang hindi pa rin pala siya sumusuko hanggang ngayon. Sigurado akong kinukunsensya pa rin niya si Daxon.”
“Bakit naman makukunsensya si Dax? Wala naman siyang ginawa ah.”
“That’s it. Wala siyang ginawa pero nangako siya kay Richelle. Pinangakuhan niya ito ng maraming beses pero sa huli’y wala siyang natupad kahit isa. Hanggang sa maghirap ang pamilya ni Richelle. Hanggang sa masira ang buhay nito.”
I clenched my jaw. Hindi ko alam kung dapat ko bang kaawan si Richelle.
“Pero ‘wag kang magalala. Ako ang bahala kay Dax. Masunurin ang anak ko. Basta gawin mo ang papel mo bilang asawa, hindi tayo magkakaroon ng problema.”
Dapat ay makaramdam ako ng ginhawa sa sinabi ni Mrs. Savage pero hindi ko alam kung bakit mas kinabahan pa ako sa sinabi nito.
Pagbalik ko sa loob ng dressing room, nag-vibrate ulit ang phone ko.
DAX: I miss you... I’ll see you at home.