"TANDAAN mo Zia," ani Lucero na kanina pa tila aligagang paroon at parito sa kanyang harapan. Nakaupo siya sa paanan ng kanyang kama, habang ang lalaki ay nakatayo sa harapan niya, at kanina pa pabalik-balik ng paglalakad. Tila mas malakas pa ang kaba na nadarama nito, kaysa sa kanya. Ang totoo, kada lumilipas ang mga minuto ay palakas na ng palakas ang kaba na nararamdaman niya. Pilit niya lamang iyong iniignora. Hindi siya maaaring talunin ng takot, at tiyak na walang mangyayari sa magiging lakad nila. "Huwag na huwag kang titingin sa mga mata ng aking ama. Kaya niyang ipagawa sa iyon ang lahat, kapag nagkataon. At sigurado, iyon na ang magiging katapusan mo..." sandali itong huminto sa harapan niya at matamang tumingin sa kanya. "...at ako." Nais niyang matawa sa huling sinambit nit

