Chapter 1
NANGHIHINANG napasandal sa dingding si Terra matapos makausap ang kanyang ina sa cellphone. Nangangailangan sila ng aabot ng isangdaang libong piso. Para sa operasyon ng kanyang nakababatang kapatid na kasama sa jeep na nahulog sa bangin sa kanilang probinsya!
Napasabunot ito sa ulo. Litong-lito ang isipan at hindi alam kung saan kukuha ng malaking halaga ng pera para maipadala sa kanyang ina! Kailangang kailangan na nila ang pera dahil nasa peligro ang buhay ng kapatid niya. Pero nagkataon na nasa abroad ang mga boss niya. Kaya wala siyang ibang malalapitan.
"Terra? What's the matter?" tanong ni Jelly, ang anak ng boss niya.
Isa siyang katulong sa Delavida family sa Manila. Isang senator ang boss niya at businesswoman naman ang babae. May isa silang anak na kasama nila sa bahay--si Jelly. Maarte, maldita at maluho ang dalaga. Isa itong matatawag na nepo baby. Kung saan mahilig sa mga branded na gamit at nagta-travel abroad with her friends gamit ang pera ng kanyang mga magulang. Mag-isa itong anak ng mag-asawang Delavida. Kaya lahat ng gusto nito ay ibinibigay ng mga magulang niya. Sa takot na umalis ang dalaga sa poder nila o kaya ay magrebelde.
Nagpahid ng luha si Terra. Pilit ngumiti at nilakasan ang loob. Kahit alam niyang hindi rin naman siya tutulungan ng dalagang amo, nagbaka sakali pa rin ito. Dahil nauubusan na sila ng oras para maisalba ang buhay ng kanyang ina!
"Uhm, ma'am. Kakapalan ko na po ang mukha ko. K-kailangan ko po kasi ng pera e. Iyong nanay ko tumawag, naaksidente ang kapatid ko at kailangan siyang maoperahan. Pwede po ba akong humiram sa inyo? Kahit kunin niyo na po ang mga sahod ko sa magulang niyo sa mga susunod na buwan hanggang makabayad ako. Kailangang kailangan ko lang po talaga." Pakiusap ni Terra na halos lumuhod na sa dalaga.
Napanguso naman si Jelly. Napapaisip kung tutulungan niya ito o hindi. Hanggang sa may sumagi sa isipan na ikinangisi niya.
"Magkano ba ang kailangan mo?" tanong nito.
Nanlaki ang mga mata ni Terra sa gulat at nabuhayan ng pag-asa sa tinuran ng dalaga!
"One hundred thousand po, ma'am!" bulalas nito na nangungusap ang mga mata sa dalaga.
Tumango-tango naman ito. "Sige, bibigyan kita pero. . . may kondisyon ako, Terra. Hindi ko na kailangang kunin ang sahod mo kina daddy. Basta sundin mo ang iuutos ko at tayong dalawa lang dapat ang nakakaalam nito. Naiintindihan mo?" seryosong saad ng dalaga dito na tumango-tango.
"Opo, ma'am! Lahat gagawin ko maipagamot lang ang kapatid ko!" sagot nito sa sobrang tuwa na tutulungan siya ni Jelly!
"Good. Come to my room. Kunin mo ang pera." Ani ng dalaga na napa-flip sa buhok nitong mahaba at tumalikod na.
"Salamat po, ma'am! Salamat po talaga!" bulalas nito na bakas ang tuwa at sensiridad sa tono.
"Tsk. May kapalit iyon, Terra. Masyadong malaki ang perang kailangan mo kaya dapat asahan mong malaki din ang kapalit." May kasungitang saad ng boss nito pero deadma lang si Terra dahil mas mahalaga sa kanya na maipagamot ang kapatid niya.
PARANG nabunutan ng tinik na nakatarak sa dibdib si Terra na malamang stable na ang kapatid nito. Buong magdamag itong hindi nakatulog. Gusto niyang umuwi sa probinsya nila pero dahil nasa bakasyon abroad ang mga boss niya, hindi siya pwedeng umalis ng mansion.
Hindi pa malinaw sa kanya kung ano ang kapalit ng perang ibinigay sa kanya ni Jelly. Dahil walang ibang mas mahalaga sa kanya kundi ang kaligtasan ng kanyang pamilyang nasa probinsya. She was only twenty years old. Pero tatlong taon na din siyang kumakayod para sa kanilang pamilya. Her father passed away three years ago because of heart attack. Dahil doon, tumigil siya sa pag-aaral at sumama sa kanyang tiya na naninilbihan sa pamilya Delavida dito sa Manila. Minimum lang ang sahod niya dito. Pero sapat na iyon para mapag-aral ang nakababatang kapatid nito at hindi sila magutom ng kanyang ina.
Hindi na iniisip ni Terra ang sarili at kinabukasan nito. Kahit habang buhay pa siyang maging katulong sa pamilya Delavida, mabigyan lang ng masaya at maginhawang pamumuhay ang ina at kapatid niya ay gagawin niya. Nasa third year college na sana ito sa kanyang kurso sa medisina kung hindi siya huminto. Matalino ang dalaga. Masipag ito at scholar ng kanilang mayor sa kanilang bayan. Sa weekend, nagtatrabaho siya sa bahay ng mayor. Naglalaba at general cleaning sa buong bahay kahit malaki at malawak iyon. Bukod kasi sa ang mayor ang sumasagot sa pag-aaral niya, binibigyan pa siya ng pera na allowance niya pagkatapos niyang manilbihan sa mayor. Pero nang mamatay ang ama niya, kinailangan niyang tumigil sa pag-aaral.
Her mother is blind. Kaya hindi ito nagtatrabaho. Nasa bahay lang ito at pinagsisilbihan ang mag-aama niya. Sa loob ng ilang dekada na bulag ito, gamay na niya ang pasikot-sikot ng bahay. Kaya kahit wala itong kasama sa bahay, nakakapag trabaho sa gawaing bahay. Noong una, sinubukan niyang sa mayor nila lumapit at humingi ng tulong. Tinanggap siya ng mayor sa kanilang pamamahay. Pero dahil may angking ganda si Terra, palagi siyang pinagseselosan ng asawa ng mayor. Kaya nagkusa na lamang umalis si Terra. Nagkataon na nagbakasyon ang kanyang tiya sa probinsya nila kaya sumama siya dito para dito na sa syudad magtrabaho.
Sa nakalipas na tatlong taon, walang naging problema sa trabaho si Terra. Parehong abala ang mag-asawang Delavida kaya madalas ay sila ng kanyang tiya at dalawa pa nilang kasama sa mansion ang naiiwan. Araw-araw ding gumigimik ang anak ng boss nilang si Jelly, kaya hindi ito nahirapang mag-adjust sa mansion lalo na't alam naman nito ang mga gawaing bahay.
"Terra, fix yourself and come with me. We're going to the hospital."
Napalingon si Terra na tinawag siya ng kanyang amo--si Jelly. Kaagad itong naghugas ng kamay at abala siya sa pagdadamo sa mga halaman ng boss nila sa garden ng mansion.
Kaagad itong sumunod sa dalaga na pumasok na sa mansion. Napapalunok itong nakasunod sa dalaga. Nakasuot siya ng maid's uniform nila. Habang ang dalaga na kaedaran niya lang, nakasuot ito ng elegant silky strapless dress na hapit sa kurbada ng katawan. Nakalantad ang makinis at maputing mga hita nito sa iksi ng kanyang dress. Nakalugay ang curly blonde hair nito na abot hanggang baywang dahil sa hair extension na gamit. Palagi din itong naka-make-up kaya kay ganda nitong tignan. Ibang-iba kapag wala siyang make-up dahil kitang-kita na mas maganda nang 'di hamak si Terra kaysa sa kanya.
"Take a bath and wear something decent, Terra. Ayokong masabihan na may mutchacha akong mukhang pulubi," turan ng dalaga dito na tumango.
"Opo, ma'am." Magalang sagot nito.
Umakyat muli sa silid ang dalaga. Tumuloy naman si Terra sa kanilang maid's quarter sa likod ng mansion at kaagad naligo. Naligo na ito kanina, pero dahil nagtrabaho siya at pinagpawisan na, mas minaigi na lamang niyang maligo ulit. Ayaw niyang mapagalitan siya ng amo lalo na't mataray at maldita talaga si Jelly.
"Alin kaya ang isusuot ko dito?" tanong niya sa sarili.
Nahalungkat na kasi nito ang lahat ng mga damit niya sa closet. Pero wala siyang mahanap na maganda. Dahil magmula magtrabaho siya sa mansion, hindi na siya nakabili pa ng mga bagong damit niya. Lahat kasi ng kinikita nito ay ipinapadala sa kanyang kapatid. Mapait itong napangiti na napailing sa na-realized.
Tatlong taon siyang nagtatrabaho pero ni bagong panty ay hindi siya nakakabili para sa sarili. Dahil ibinibigay niya lahat sa kanyang pamilya. Hindi naman siya nagsisisi na ibinibigay lahat ng pangangailangan ng pamilya niya. Lalo na't sa kanya nakaasa ang mga ito. Pero may bahagi sa puso niya ang nalulungkot. Dahil sa kanyang responsibilidad, hindi niya manlang magawang ilibre o treat ang sarili sa kanyang sariling pera.
"Ito na lang." Aniya na inabot ang bestida na natanggap niya sa kanyang boss noong debu niya.
Iyon lang kasi ang bago at maganda sa lahat ng mga damit niya. Lahat iyon ay kupas na ang kulay at lumang-luma na. Mabuti na lang at may uniform sila sa mansion. Kung tutuusin nga ay mas elegante pa tignan ang mga uniform nila kaysa sa mga damit niya. Mga kupas na pantalon at plain tshirts na binili pa ng yumao niyang ama. Kahit ang mga underwear niya ay hindi niya manlang magawang bumili ng bago. Dahil sa sitwasyon ng ina at kapatid niya sa probinsya, kailangan niya talagang magtipid ng todo.
Paglabas nito ng maids quarter nila ay tumuloy na siya sa sala ng mansion. Sakto namang pababa na sa hagdanan ang dalagang amo. Napatuwid siya ng tayo na nakamata sa dalaga. Napakaganda nitong tignan sa suot na pink sexy sleeveless dress na hapit sa kurba ng katawan. As usual, naka-make-up ito at humahalimuyak ang pabango.
Napataas baba pa siya ng tingin kay Terra nang makababa na ito at malapitan ang dalaga. Nangunot bahagya ang noo na mapatitig sa mukha ni Terra.
"B-bakit po, ma'am?" tanong ni Terra na kitang hindi nagustuhan ni Jelly ang itsura niya.
"Wala ka manlang lipstick o cream na ipinahid sa mukha mo? My gosh!" iritadong saad nito na nagpatiuna nang lumabas ng mansion..
Pilit ngumiti si Terra na sinundan ito. Bubulong-bulong sa isipan.
"Ang maldita talaga. Kahit naman hindi ako naka-make-up, maganda ako at malinis tignan. Baka kapag nag-make-up ako e. . . ikaw ang magmukhang katulong sa ating dalawa." Piping usal nito na nakasunod sa dalaga.