HINDI niya itinago ang inis sa mga kaibigan nang makabalik sila sa labas ng kanilang university para alamin kung nandoon pa ang mga sundo nila.
"Uy, sorry na," halos sabay pang sabi ng tatlo sa kaniya pero hindi siya kumibo.
"Si Sam," sabi ni Trichie na kagyat na nagbago ang mood at tila nalimot na kaagad ang tungkol sa kalokohang ginawa ng mga ito sa kaniya.
Tumingin siya sa direksyong tinatanaw nito at nakita niya si Sam na lumalakad palapit sa kinaroroonan nila.
Gusto niya si Sam, popular ito sa university nila bilang isang varsity player kung saan ito ang captain ball ng basketball team. Matagal na rin itong umaaligid at nanliligaw sa kaniya pero hindi niya ito magawang sagutin dahil sa tsismis na naririnig niya na boyfriend daw ito ng cheerleader na si Jamie.
"Hi, ladies," bati nito sa kanila habang maluwang na nakangiti partikular sa kaniya.
"Hi, Sam," pa-cute pang korus ng tatlo na lalo niyang ikinainis.
"Kanina pa umalis ang sundo mo, Amber," wika nito na noon ay nakatingin sa kaniya. "Mabuti pa sumabay na kayo sa akin tutal naman dadaan din ako sa places n'yo," nakangiting dagdag nito.
"Puwede, kase mukhang nakaalis na rin ang mga sundo namin," sabi naman ni Sandy.
"Kaya lang, 'yong isa r'yan, willing kayang sumabay?" pagpaparinig naman sa kaniya ni Denise.
Napabuntong-hininga siya. Ang totoo ay hindi rin talaga niya nais na tumanggi dahil dumidilim na ang paligid at tiyak na magkakapatung-patong ang sermon sa kaniya ng parents niya kung aabutin pa siya ng gabi bago makauwi.
•••
NAPABUNTONG-hininga pa si Amber bago pumasok sa gate ng kanilang bahay. Gabi pa rin siya nakauwi dahil nagkayayaan pa silang gumala at kumain, hindi niya nagawang tumanggi.
"Naku, Miss Amber, galit na naman ang Dad mo sa 'yo, pinagtaguan mo na naman daw ang sundo mo," sabi ng guard sa gate nila.
Nasa labas ng gated estate ang malaking bahay nila kaya mayroon silang sariling security guard.
Inirapan niya ito. "Eh, ano'ng gusto mong gawin ko ngayon? Lumakad na ako ngayon ng paluhod simula rito?" kaagad niyang pagtataray.
Hindi ito sumagot bagkus ay napailing na lang, siya naman ay nagpatuloy na sa pagpasok.
Napahinto pa siya nang pagpasok niya sa doorway ay makita na nandoon ang kaniyang Dad at Mom pero kaagad ding napangiti hindi dahil para pampalubag-loob sa mga ito kun'di dahil alam niyang hindi siya makakagalitan dahil may bisita pala ang mga ito. Lamang ay kaagad na napawi ang ngiti niya nang mapansing pauwi na rin pala ang mga bisita. Lagot pa rin siya.
"Hello po," nakangiting bati niya sa mga ito na sinabayan pa ng pagkaway.
Kumaway rin ang mga bisita sa kaniya.
"Hi, Dad, Mom," bati naman niya sa mga magulang at kaagad lumapit sa mga ito para dampian ng halik sa pisngi.
"Oh, hija, gabi na, pumunta ka na sa dining room at magpahanda ng dinner kay Aling Sylvia," nakangiti at mahinahong sabi ng kaniyang ama. Alam niya, matindi ang pagtitimping ginagawa nito sa mga sandaling ito.
"Mr. Avanzo, hindi ko alam na may anak ka palang dalaga," malawak ang ngiting sabi naman ng bisita ng Dad niya habang nakatingin sa kaniya.
Sa tingin niya ay hindi nalalayo ang edad nito sa kaniyang ama at gaya ng ama niya, matikas pa rin ang tindig nito at hindi maikakaila ang kaguwapuhan.
"Ah, oo, Mr. Villaverde. Graduating na s'ya sa BSA course kaya masyadong subsob sa pag-aaral at minsan, kagaya ngayon ay ginagabi na siya ng uwi dahil sa mga activities niya," nakangiting pagtatakip sa kaniya ng ama habang ang ina niya ay walang masabi, nakangiti lang ito at patangu-tango bilang pagsang-ayon sa mga sinasabi ng kaniyang ama.
"That's good. That just means na malayo ang kaniyang mararating sa buhay," turan naman nito. "Ano'ng pangalan mo, hija?" baling nito sa kaniya.
Ngumiti siya. "Amber po, Sir," tugon niya na inilahad kaagad ang palad dito.
Tumango-tango ito. "You're as beautiful as your name, hija. Mag-aral ka pa na mabuti para hindi ka masayang—ibig kong sabihin, ang kinabukasan mo," sabi nito saka tinanggap ang palad niya.
Nag-shakehands sila sandali bago ito tuluyang nagpaalam. Inihatid pa ito ng parents niya hanggang sa gate ng kanilang bahay.
•••
"MR AND MRS. Avanzo, ayaw kong umalis nang hindi ito nasasabi sa inyo at ayaw ko ring magpaliguy-ligoy pa. I like your daughter for my son," diretsahang wika ni Justin Rico sa dalawa pero mas itinuon niya ang tingin sa lalaki. "Isasalba ko ang kompanya mo kung papayag kang ipakasal siya sa aking anak," walang gatol na dagdag pa niya kay Andrew na hindi niya kinakitaan ng pagkabigla kabaliktaran sa esposa nito.
"Pero, Mr. Villaverde, ang aming anak ay nasa edad na twenty-one pa lang at kasalukuyang nag-aaral, she's too young to get married," maagap na pagtanggi ng esposa nito, mariin.
"Hayaan mo at pag-iisipan namin," sabi naman ni Mr. Avanzo na mas ikinagulat ng esposa nito.
Tinapik niya ito sa balikat bago sumakay sa kotse matapos siyang ipagbukas ng pintuan ng kaniyang driver.
"Hihintayin ko ang iyong sagot," sabi pa niya bago inilapat ang pintuan ng sasakyan.
•••
"MUKHANG hindi siya nagbibiro, Andrew, pero hindi ko maintindihan sa 'yo kung bakit hindi ka nagulat sa mga ganoong klase ng pagbibiro niya," kaagad na paninita ni Kriziel sa asawa.
Hindi na niya nahintay na makapasok muna sila sa loob ng bahay.
Hindi ito nagsalita at nagpatuloy lang sa paglakad. Napailing siya habang binabasa ang ikinikilos nito.
"Mayroon ba akong hindi nalalaman?" napataas ang boses na tanong niya rito.
Hindi pa rin ito sumagot at bagkus ay nilakihan ang mga hakbang patungo sa kanilang silid.
"Ano'ng ibig sabihin ng pananahimik mo?" napaluhang tanong dito at tinangka itong pigilan bago pa man sila makapasok sa kanilang silid.
"Sa loob natin pag-usapan 'to," mahina pero mariing sabi nito.
Napailing siya subalit hindi ito pinigil pa nang pihitin nito ang seradura ng pinto sa kanilang silid at pumasok doon.
"Kung iyon ang paraan para makabangon ang kompanya, why not?" at kapagkuwan ay parang walang anumang turan nito.
Para siyang binagsakan ng langit matapos marinig ang sinabi nito, 'ni hindi niya nagawang itulak pasarado ang pintuan.
Kung gayon ay nabuo na sa isip nito ang tungkol sa bagay na iyon at naunahan lamang ito ni Mr. Villaverde kanina.
"What do you think of your daughter? Lumang gamit na p'wedeng i-barter? Nag-iisip ka ba? Alam mo ba at pinag-isipang mabuti ang mga sinasabi mo!?" masama ang loob na tanong dito.
"Oo, alam ko at napag-isipan ko nang mabuti. Given the company's situation, I can't think of any other way to recover. Kung tuluyang bumagsak ang kompanya paano na si Amber? Tiyak na sa kangkungan pupulutin 'yang anak mo."
"Pero, Andrew, hindi p'wedeng—"
"At isa pa," putol nito sa kaniya. "Nag-aalala ako r'yan sa anak mo, kaysa umuwi s'ya isang araw na buntis, mabuting ngayon palang mag-asawa na s'ya."
Natahimik siya sa sinabi nito at napatitig dito habang pinipigilan ang mapaiyak sa mga sinabi nito laban sa anak. Kinakain ng matinding sama ng loob ang kaniyang dibdib.
"Para rin sa kaniya 'to, Kriziel."
"Paano mo maigagarantiya ang magandang kinabukasan ng anak mo kung ganiyan kang mag-isip? Kung alam ko lang, sana noon ka pa namin iniwan!" asik niya na hindi napigil ang maluha.
"Alam ko ang ginagawa ko," determinado at desisyunadong sabi nito.
"Pag-isipan mong mabuti, kung ayaw mong sa huli lahat tayo magsisi, lalong-lalo ka na," sabi pa niya na mayroong pagbabanta sa tinig bago ito tinalikuran at tinungo ang bathroom upang doon pakawalan ang sama ng loob na kanina pa gusto kumawala sa pamamagitan ng mga luhang pigil niya sa kaniyang mga mata.