III - Wonderful Daughter

1448 Words
NAGULAT si Amber nang makita ang sasakyan ng kaniyang ama imbes na ang sasakyan niya na dinadala ng kaniyang driver. Sapagkat nang mga sandaling iyan ay katabi niya si Sam at dahil hindi niya inaasahan na ang ama ang susundo sa kaniya ay hindi niya kaagad naitaboy ang binata. Madilim ang anyo ng kaniyang ama nang bumaba ito buhat sa sasakyan nito. "Dad!" tawag niya rito habang pilit na ngumingiti. Lumakad ito palapit sa kanila pero kay Sam nakatuon ang mga mata. Sinalubong niya ito at kaagad na dinampian ng halik sa pisngi. "Hello po, Sir," bati rito ni Sam subalit siya ang napahiya nang hindi ito batiin ng kaniyang ama. "Get in the car," bagkus ay pautos ang tonong sabi ng ama niya. Nag-atubili pa siyang sumunod dito at hindi napigil na sulyapan ang binata na noon ay nakatingin sa kaniya. Sa huli ay tumalima siya sa ama, sumunod ito pero bago sumakay ng sasakyan ay tiningnan pa si Sam na noon ay nananatili pa rin sa kinatatayuan. "Dad, bakit ginawa mo 'yon? Nakakahiya!" kaagad niyang sita rito nang makasakay na ito. "Mas nakakahiya kung magpapaka-plastic ako sa kaniya sa edad ko na ito," katuwiran nito bago pinausad ang sasakyan. Dinaan niya sa pagbuntong-hininga ang inis sa ama dahil hindi niya iyon maisatinig. Tinanaw niya si Sam habang papalayo ang sasakyan nila. "Dad," kapagkuwa'y hindi niya natiis ang sariling manahimik. "Ang ibig kong sabihin, hindi niya inaasahan na—" "Hindi ko s'ya gusto," putol nito sa kaniya. Napaawang ang bibig niya bago mapaklang napangiti sa ama. "Wala s'yang ginagawang masama lalo na sa'yo, Dad!" Hindi na niya naikubli ang inis sa tono. "Sa ngayon, wala pa," maagap nitong wika. "P'wede ba, Amber? Makinig ka na lang sa akin. Papunta pa lang s'ya pabalik na ako." "Dad, hindi porque nasa ganiyang edad ka na, eh, alam mo na ang lahat at puwede mo nang husgahan ng ganoon na lang ang isang tao lalo na si Sam." Maanghang itong napasinghap. "Why do you keep trying to justify that young man, huh? I'm your father and most of all, I know what is good for you. So can you stop arguing with me dahil mas lalo lang akong naniniwala na hindi maganda ang maidudulot sa iyo ng Sam na 'yan," wika nito sa mas mataas na tono at bahagya pang napahampas ng palad sa manibela. Sinikap niyang pigilan ang inis at piniling tumahimik na lang hanggang sa makarating sila sa villa. Padarag siyang bumaba ng sasakyan at malalaki ang mga hakbang na pumasok sa loob. "Amber?" tawag ng kaniyang ina nang masalubong niya sa sala pero hindi niya ito pinansin bagkus ay tumakbo siya paakyat sa hagdanan at tinungo ang kaniyang silid. ••• NAPATINGIN si Carl Xin sa nakapinid na pintuan ng kaniyang pribadong opisina nang makarinig ng marahang katok doon, kasunod ay bumukas iyon at ang kaniyang ama ang bumungad. "Tapos na ang office hour, pero mukhang busy ka pa rin," puna nito nang makalapit habang nakatuon ang mga mata sa mga papeles na nasa harap niya. Naupo ito sa upuan sa kabilang ibayo ng executive table niya. "Kailangan ko itong matapos ngayon," wika niya at ipinagpatuloy ang pagtipa sa keyboard ng kaniyang computer, kahit pa nga nais itanong sa ama kung ano'ng masamang hangin ang nagdala rito patungo sa kaniyang opisina sa ganoong oras. Nasanay na siya na hindi anak ang tingin nito sa kaniya kahit wala sila sa workplace. Kinakausap lang siya nito kapag office hour at tungkol sa trabaho. Tiningnan siya nito at tila tinatantiya. "I have a dinner meeting later," kapagkuwa'y pagsisimula nito. "He's not just an important client. He used to be my friend at kaklase ko siya from primary to middle school. And I want you to be my companion," wika nito na siyang nagpa-angat sa kaniya ng tingin dito. "Bakit ako?" diretso at walang gatol na tanong niya sa ama. Sanay siya na hindi siya ang isinasama nito pagdating sa mga ganitong pagkakataon. Alam niyang hindi ito proud sa kaniya bilang anak. "Because you're my son, and I wanna show him that I'm proud of you dahil sumusunod ka sa tinatahak kong landas sa buhay," wika nito sa mababang tono pero may diin sa bawat kataga. Hindi niya itinago rito ang mapailing dahil sa disgusto. Tila bigla ay naalala nito ngayon na anak siya at hindi basta employee lang sa kompanya nito. "But—" "If you don't want to accompany me as your father, come along with me as an employee of this company,” bigla ay naging pormal ang tono nito sabay tayo. Napasunod naman siya ng tingin sa ikinilos ng ama. "Excuse me," paalam nito saka tumalikod sa kaniya at iniwan siya. Tiim-bagang niya itong inihatid ng tingin hanggang sa makalabas ng kaniyang opisina. ••• NAPAKUNOT ang noo ni Carl Xin nang pumasok sa isang private estate ang sasakyan ng kaniyang ama na minamaneho ng driver nito. Hindi naman nabanggit ng kaniyang ama kung saan mangyayari ang dinner meeting na sinasabi nito at hindi na rin niya naitanong iyon dito. "He chose to hold a dinner meeting with us at his place," wika ng ama na tila nabasa ang nasa kaniyang isip dahil sa naging reaksyon niya. Hindi siya nagsalita kaya naman tumahimik na lang din ito. Nang humimpil ang sasakyan sa tapat ng modernong villa ay kaagad na bumaba ang kaniyang ama. Inayos naman niya ang sarili bago bumaba ng kotse. Hinintay siya nito at magkasabay silang lumakad papasok sa gate na kaagad namang binuksan ng security guard nang makita ang kaniyang ama. "Good evening," nakangiting bati ng isang lalaki na sa tingin niya ay kaedad ng kaniyang ama. Sinalubong sila nito kasama ang isang ginang nasa tingin niya ay esposa nito. "Magandang gabi," masayang bati naman ng kaniyang ama. Nagkamay ang dalawa bago nagbeso ang kaniyang ama sa ginang. "I'm glad you came as I expected, Mr. Villaverde," maluwang ang ngiting sabi ng ginoo na kabaliktaran naman ng esposa nito. Tumawa ang kaniyang ama. "Let's just call each other by name, tutal naman tayo lang ang narito." Mabilis naman itong sinang-ayunan ng kausap. Pumihit sa kaniya ang ama. "He's my son, Carl Xin, " pakilala sa kaniya nito sa mga ito. "And Xin, si Andrew, nabanggit ko na sa 'yo ang tungkol sa kaniya and Kriziel, ang kaniyang esposa," pagpapakilala nito sa kanila sa isa't isa. "Good evening, Ma'am, Sir, it's a pleasure meeting you." Pormal ngunit nakangiti at kaagad niyang inilahad ang palad sa mga ito na mabilis tinanggap ni Andrew. Nang ang esposa na nito ang kadaupang-palad ay naramdaman niya ang malamig nitong palad. Kanina pa rin niya ito napapansin na mataman siya nitong tinititigan. "Guwapo ang iyong anak, Justin Rico. Correct me if I'm wrong, nasa twenty-seven or twenty-eight na ang edad niya, hindi ba?" nakangiting tanong ni Andrew sa ama niya. "No, Sir," maagap niyang pagtatama rito. "Thirty-five na po ako." Biglang nasamid ang esposa nito kaya napatingin siya rito. "Excuse me," pagpapaalam nito at nagmamadaling umalis. Tumingin siya sa ama ganoon din sa kausap nito na wala namang pagbabago sa ekspresyon ng mukha maliban sa maluwang na pagkakangiti. "Hindi ko naisip na I would make a mistake in guessing your age. Pero, totoo na bata kang tingnan sa 'yong edad. Ikagagalak ko kung ibabahagi mo sakin ang iyong sekreto para mapanatili rin ang pagiging bata ng hitsura ko kahit patuloy sa pag-usad ang aking edad," sabi pa nito. Ngumiti siya. "Stress-free lang po to keep the young look, Sir." Ngumiti ito saka tinapik siya sa balikat bago tumingin sa kaniyang ama. Natigilan siya at napaisip nang mapansin ang kakaibang tinginan ng mga ito sa isa't isa. "Ah, sandali lang," wika ni Andrew na tila may biglang naalala. "Masyado akong nasiyahan and I forgot to let you in first before talking." Natawa ito. "Please, come inside," sabi nito sabay akbay sa kaniya at iginiya papasok. Tiningnan siya ng kaniyang ama na noon ay nakasunod sa kanilang dalawa. Sinapit nila ang dining room at nang kapwa sila makaupo ay pasimple niyang iniligid ang mga mata. Maaliwalas at maluwang ang espasyo roon, moderno ang mga kagamitan. Sa kabila ng glass-wall doors ay tanaw sa labas ang Koi pond na napapaligiran ng mabeberdeng halaman. "Maiwan ko muna kayo sandali, I'm going upstairs to bring my wife and wonderful daughter down here," pagpapaalam ni Andrew na bahagyang nagpakunot sa noo niya. 'Wonderful daughter?' ulit pa niya sa isip dahil binigyan nito ng diin ang mga katagang iyon. Business meeting ang dahilan kung bakit sila narito at hindi para sa wonderful daughter nito. Napatingin siya sa ama niya na noon ay nakatitig sa kaniya. Nakita niya ang kakaibang kislap sa mga mata nito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD