Nagmamadaling araw na ngunit hindi pa rin dinadalaw ng antok si Onyx. Buong gabi siyang nagpipigil. Parang sinilaban ang kaniyang katawan at muntik na niyang magalaw si Caroline. Mabuti na lang at may dumating na service crew na inutusan niyang bumili ng damit pambabae para dito kaya naihinto niya. Naroon siya sa couch habang ang dalaga naman ay mahimbing na natutulog sa kama. Malalim ang kaniyang iniisip. Kailangan niya makahanap ng paraan kung paano mailalayo ang dalaga sa mansiyon. Kung nandoon kasi ito tiyak na mahihirapan siyang maisagawa ang kaniyang plano. Tumayo siya at tumungo sa closet. Kinuha niya doon ang diary ng dalaga kung saan niya ito itinago. Bumalik siya sa couch at binuklat iyon. Naging mapagmatyag rin siya dahil baka magising ito bigla.

