Part 11

1643 Words
ANG MAG-ASAWANG nakaharap ni Eve ay malayo sa anyo ng parehang nauna na niyang naipinta sa isip. Tila mukhang tutuntong pa lang sa singkuwenta ang edad ng mga ito gayong si Ryan na ang mismong nagsabi na pawang mahigit na sa sixty ang edad ng mga magulang nito. Matamis ang ngiti sa mga labi ng mag-asawa. Sinseridad din ang mababakas sa mga mata nito. Nang yakapin siya ng mama ni Ryan, dama niyang totoong welcome siya sa lugar nito. “Mabuti pa’y mamahinga na muna kayo,” wika ni Mr. Romeo Olivares. “Mamaya na lang tayo mag-usap-usap uli.” “Hija, halika at ihahatid kita sa magiging silid mo,” magiliw namang wika sa kanya ni Mrs. Amelia Olivares. Spanish-style ang malaking bahay. Maging ang interiors ay Spanish-inspired din. Nang akyatin nila ang magarang hagdan, nakita niyang kagaya ng first floor ay marangya rin ang anyo ng ikalawang palapag. May hilera ng kuwarto ang isang pasilyo. Sa bandang dulo siya dinala ng babae. “May veranda ang silid na ito, hija. Kung magpapaantok ka, may upuan sa veranda. Tahimik dito, sariwa ang hangin.” “Kaya naman po pala nawili na kayo rito,” wika niya. “Ano pa nga ba. Kung hindi nga lang kailangan, hindi ko na gugustuhing lumuwas sa Maynila. Kaso iyang si Ryan, kapag naglambing sa akin ay hindi ko rin matanggihan. Magaling mangsuhol ang lokong iyan. Palaging sinasabi, lumuwas lang ako at ipagsa-shopping niya ako. Kunsabagay, marunong din namang tumupad sa pangako. Masarap mangako iyan, hija. Talagang ginagawa. Ilang araw din akong ipinasyal sa Rockwell at Rustan noong huli akong lumuwas. Bale ba’y luho lang naman iyong mga ipinamili niya. Aanhin ko ba ang sangkaterbang damit gayong bihira na akong dumalo sa sosyalan.” Napangiti lang siya. Kung sa bibig ng ina ni Ryan, tila anghel ang anak nito. Pero hindi niya gustong matuon doon ang isip. May iba siyang plano. Hindi siya dapat maapektuhan ng anumang maririnig niya upang hindi iyon makasagabal sa kanyang plano. “Wala na po ba kayong ibang anak?” tanong niya. “Mayroon, iyong bunso namin ay nasa Amerika. Uuwi iyon sa kasal namin. Sabi ko nga agahan ang uwi para naman makapiling namin nang mahaba-haba ang apo namin. Tatlong taon na ang apo ko. Minsan, kami ang dumadalaw doon. Kuuu! Dapat nga sana’y si Ryan ang unang nagbigay sa amin ng apo dahil siya ang panganay.” “Wala pa po bang balak mag-asawa si Ryan?” Tinitigan siya ng matandang babae. “H-hindi pa ba siya nag-aalok ng kasal sa iyo?” “Ho?” aniyang tila gustong mabilaukan. “Aba, eh, huwag mong sabihing wala kayong relasyon?” Kumunot ang noo nito. “Business, ho. Iyon ang pakay ko sa pagpunta ko rito.” Kung anuman ang pakay niya kay Ryan, hindi niya gustong magsangkot pa ng ibang tao. Kay Ryan lang siya mayroong ibang binabalak. Ang mga magulang nito na totoo ang pakita sa kanya ay hindi niya gustong madamay. Hindi nagbago ang lalim ng gatla sa noo nito. “Parang hindi yata ganyan ang intindi ko sa pagsasabi ni Ryan ng pagbabakasyon ninyo rito.” “M-Ma’am, wedding planner po ako. Sabi ni Ryan sa akin, we’ll talk about your wedding.” “Oo nga. But he was telling me that you are his girlfriend.” Napanganga siya. “Eh, hindi naman po ganoon.” Ngumiti sa kanya ang babae. “It’s all right, hija, kung hindi ka pa kumportableng umamin. Ako lang naman ang sinabihan ni Ryan. Walang alam ang papa niya tungkol sa inyo. I want you to feel at home, Eve.” Sa tono nito ay halatang- halata na mas naniniwala ito sa sinabi ni Ryan kaysa sa pagkontra niya doon. “S-salamat ho.” “Paano, maiwan na muna kita. Mamahinga ka. Ipapatawag na lang kita sa oras ng hapunan.” “Sige po.” Bago ito tuluyang lumabas ng silid ay nilingon siya. “You’re very much welcome here, hija. At ngayon pa lang, magaan na ang loob ko sa iyo. Kung malalaman kong magpapakasal na kayo ng anak ko, I would be the happiest mother in the world.” Hanggang sa maiwan siyang mag-isa ay hindi pa siya makahuma na para siyang natuka ng ahas. KUNG TUTUUSIN ay hindi naman nakakapagod ang kanilang naging biyahe. Patunay lang na mainam na hosts ang mga magulang ni Ryan kaya ipinipilit ng mga ito na mamahinga muna. Ayaw naman niyang mapahiya ang mga ito kaya namalagi siya sa kanyang silid. Matapos mag-shower ay naghanap siya ng mapapanood sa TV. Hindi naman siya interesado sa mga palabas kaya nahiga na lang siya kahit basa pa ang kanyang buhok. Walang dudang mayaman ang pamilya ni Ryan. Sa guest room pa lang na kinalalagyan niya ngayon ay bakas na iyon. And of course hindi na siya dapat na magulat pa. Kahit hindi pa siya nito dinadala dito, sa Maynila pa lang ay bakas na sa anyo ni Ryan ang yamang iyon. They own that twenty-five-story building in Makati. At si Ramil, noong nabubuhay pa ito ay ilang beses ding nakarating sa mansion ni Ryan sa Corinthian Gardens kapag doon idinadaos ang mga corporate parties. Hindi nga lang siya napilit nitong sumama dahil nga sa resentment niya kay Ryan. Si Ramil. Hindi niya ito dapat makalimutan. Para sa kanila ni Ramil ang balak niyang paghihiganti. Simple lang naman ang kanyang plano. Tutal ay walang dudang malakas ang atraksyon sa kanya ni Ryan, iyon na rin ang gagamitin niyang panlaban dito. Imbes na palagi na lang siyang nahahalikan nito ng ganoon na lang, dapat ay magkaroon naman siya ng agenda sa mga pagkakataong iyon. Nang magpakita sa opisina ng Romantic Events, woman’s instinct na niya ang gumana at alam niyang pumapasok na sa buhay niya ang lalaki. At hindi niya matatanggap na basta ganoon na lang. She had been reckless on that night. Napaalipin siya sa isang uri ng mahika at nagpahalik dito. Dapat, sa mga susunod na pagkakataon—na alam din naman niyang mahirap niyang matanggihan ay magkaroon siya ng pansariling dahilan. At iyon nga, balak niyang i-seduce ito. Yes, siya naman ang mang-aakit sa lalaki. Gagawa siya ng bitag para dito. She wanted him to fall in love with him. At kapag natiyak niyang napaibig na nga niya ang lalaki ay saka naman niya ito iiwan. She wanted him to feel the hurt. Gusto niyang magdusa ito kagaya ng lang nga pagdurusa at guilt feeling na naramdaman niya noong nagsasama pa sila ni Ramil. At kapag nangyari iyon ay patas na sila. At hinding-hindi na rin makakalapit pa si Ryan sa kanya. Nagmuni-muni siya. Inisip niya kung paano gagawing bentahe ang maling akala ng mama ni Ryan. Talagang ikinagulat niya ang narinig. Kanina, gusto niyang hanapin si Ryan upang sumbatan ito sa pagtatahi nito ng ganoong istorya. Pero matapos siyang maligo at mapreskuhan, nag-iba na rin ang daloy ng ideya sa kanyang utak. Napangiti siya. It was like hitting two birds in one stone. Makakaganti na siya kay Ryan, may mapapakinabang pa ang Romantic Events niya. Baka nga tama ang akala ni Jenna, na ang kasal na gagawin niya para sa mga magulang ni Ryan ang maging daan upang makilala sa Visayas ang firm niya. Bumangon siya at sinuklay ang nagulong buhok. Nananalamin pa siya nang makaramdam ng pagkilos sa gawi ng veranda. Binitawan niya ang suklay at sumilip doon. “Anong ginagawa mo riyan?” gulat na tanong niya kay Ryan at tuluyan na siyang lumabas sa veranda. He smiled at her. “Magkatabi tayo ng kuwarto, Eve.” Iniarko niya ang kilay. “Sinadya mo?” Mas higit ang akusa sa tinig niya kaysa pagtatanong. “No. Talagang kuwarto ko ang nasa kabila. Hindi ko naman sinabi sa Mama na ibigay sa iyo ang guest room na katabi ng sa akin. But then, why would I complain? Pabor nga sa akin iyon.” Tinitigan niya ito nang matalim. “We’re here for business, Ryan. Gusto ko lang ipaalala sa iyo.” “Oo nga. Ang kaso lang ay kung susunod ako. Which I don’t think I would.” Tumayo si Ryan at walang babalang niyakap siya sa bewang. He sniffed her hair. “Hmmnn, ang bango.” Napalunok siya. “Ryan, why are you doing this?” “Gusto ko,” mabilis na sagot nito. “Honey, kung araw-araw na makikita kitang ganyan ka-preskong tingnan, mas lalo kong makakalimutan na business ang idinayo mo rito. Isang piraso ng langit na mayakap kita nang ganito.” At minsan pa ay hinapit siya nito. Napapikit siya. Totoong masarap sa pakiramdam na kulong siya ng mga bisig nito. Pero kailangan ay manatiling kontrolado ng kanyang isip ang bawat galaw niya. Kahit na hindi nagbabago ang lakas ng epekto sa kanya ni Ryan, hindi pa rin niya dapat kalimutan ang talagang plano niya. “May atraso ka sa akin, Ryan,” sumbat niya. “Sinabi mo sa mama mo na girlfriend mo ako. I was dumbfounded, of course.” He smiled coyly. “Galit ka?” Itinaas niya ang noo. “Ayoko lang na bigla na lang magugulat sa mga naririnig ko. Kung sinabi mo lang sa akin ang balak mo, di sana’y nakapaghanda ako.” “So, hindi ka galit?” arok nito. “Well, mainit ang pagtanggap sa akin ng mama mo. Masarap isipin na tanggap niya akong girlfriend mo ako kahit hindi naman totoo.” “Kung totohanin natin?” Tumawa siya nang walang buhay. “I’m here for business, Ryan.” “And I’m the one who always combine business and pleasure.” “Then don’t do it at my expense.” Anyong tatalikuran niya ito nang abutin nito ang kanyang braso. “All right, liligawan kita.” Mabilis niyang itinago ang pagkagulat. “Ginagawa iyan. Hindi sinasabi,” may kasamang hamon na pakli niya bago ito ganap na tinalikuran. - itutuloy -
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD