Part 10

1316 Words
“YOU MEAN, nasa probinsya din sila ngayon? Paluluwasin mo lang sila para makausap ang isang wedding planner na kagaya ko?” wika ni Eve matapos marinig ang sinabi ni Ryan. “Mula nang ipasa sa akin ni Papa ang pangangasiwa ng kumpanya, doon na sila sa probinsya namalagi. Lumuluwas sila kung kailan lang nila maisipan. Nang isuhestyon ko sa kanila na ipasa na lang sa ibang tao, let’s say sa isang wedding planner ang pag-aasikaso ng kasal nila, pumayag naman sila. Mabuti nga raw iyon at hindi na sila mag-iintindi pa nang husto.” “Pero iyong luluwas pa sila,” ulit niya. “Ano ang ginagawa ng telepono? Puwede naman kaming magkausap sa pamamagitan ng telepono?” “O puwede rin namang ikaw ang pumunta sa kanila kung ang iniisip mo ay ang magiging pagod nila sa pagbiyahe mula sa Kalibo,” he said suggestively. “Ha?” “All-expense paid pati accommodation,” maagap na sabi ni Ryan. “Kailan ka puwede?” “Teka muna,” aniya na itinaas pa nang bahagya ang isang kamay. Hinayaan niyang i-absorb ng utak niya ang tinuran nito bago siya muling nagsalita. “I can’t leave. May mga naunang kasal akong dapat na personal na asikasuhin.” “I’m not asking you to leave right away. Let’s say, a week from now? May mga schedule ka ba ng kasal? Can you take a week off? Kung mapagkakatiwalaan ang assistant mo, why don’t you take the opportunity na makapagbakasyon na rin? Maganda sa amin, Eve. Makakapagpahinga ka nang husto.” Parang nirapido ang utak niya. Minsan pa ay nagbigay siya ng sandali na mag-sink in sa isip niya ang mga narinig bago muling nagsalita. “Hindi ba’t kailangan lang kaming mag-usap ng mga magulang mo? Paanong nauwi sa bakasyon ang usapang ito?” “Eve, naroroon ka na rin lang, di samantalahin na. Boracay is just two hours from Kalibo. Kung magsawa ka sa ancestral house, di sa Boracay tayo mag-stay. Siguro naman, hindi ka agad maiinip kung doon ka magbabakasyon.” “Tayo? Kasama ka? Sa Boracay?” Ngumiti na tila nang-aakit si Ryan. “Hindi naman yata ako papayag na magbabakasyon ka sa lugar namin na hindi ako ang kasama mo. Consult your schedule, Eve. That’s business… and pleasure.” Ibinaba niya ang tingin ay kunwa ay nag-isip. Hindi niya magagawang ipakita sa kaharap ang malaking katuwaan sa kanyang mukha. Kapag ipinag-aadya nga naman ng pagkakataon, naisip niya. Noncommittal ang ekspresyon niya nang muling bumaling kay Ryan. “Titingnan ko kung puwede ako,” kunwa ay kapos sa interes na sabi niya. Napatango-tango naman si Ryan. “ARE YOU sure, Jenna? Do you think you can handle the Joaquin-Alonzo wedding?” paniniyak ni Eve sa assistant niya. “Ma’am naman, nakakasakit kayo ng loob, eh,” kunwa ay nagtatampong wika ni Jenna. “Conventional ang concept ng kasal na iyon. Master na master na natin ang ganoong wedding theme. Kayang-kaya ko, ma’am. Kung iyong kasal lang na iyon ang makakapigil sa desisyon ninyo, sayang naman! First time kayong magse-service sa Visayas kung kayo ang gagawa ng kasal ng parents ni Mr. Olivares. Baka iyon ang maging door para mag-branch out ang Romantic Events. Ma’am, ako ang kunin ninyong manager doon, ha? Malapit-lapit na iyon sa parents ko sa Bacolod.” “Loka!” aliw na wika niya dito. “Basta ipangako mo sa akin, you will report everything to me. Palagi namang bukas ang cell phone ko.” “Yes, ma’am. Don’t worry, pagkakataon ko na rin ito para mai-prove sa inyo na deserving talaga ako na maging empleyado ninyo.” “Oo na. Sige, bibigyan kita ng raise kapag nasiyahan ako sa trabaho mo.” “Ay, ma’am, the best iyan! Buti pang tawagan ko na iyong suppliers natin. Iko-confirm ko iyong mga order natin.” Tumango siya at hinarap ang iba pang trabahong pansamantala niyang iiwan. Tapos na ang desisyon niya. Sasama siya kay Ryan sa Kalibo. Iisang kasal lang ang masasagasaan ng gagawin niyang bakasyon. Simpleng kasal lang iyon at areglado na ang lahat kaya panatag ang loob niya na ipagkatiwala kay Jenna ang okasyong iyon. “Ma’am, flowers,” nanunudyong sabi sa kanya ni Jenna at ibinaba iyon sa mesa niya. “Huhulaan ko, ma’am, kung kanino nanggaling?” “Kanino?” game namang tugon niya. “Kay Mr. Olivares.” Itinaas niya ang kilay pero maluwang ang ngiting nasa mga labi. “Baka sinilip mo ang card?” at kinuha niya ang card na kasama ng bulaklak. Selyado pa iyon. “Ma’am, hindi ako pakialamera. Malakas lang ang kutob ko. Noong isang araw, siya rin ang nagpadala sa inyo ng bulaklak, di ba? Ma’am, nanliligaw na iyon sa inyo? Kapag ayaw ninyo, sa akin na lang, please?” “Luka-luka! Sige na, ako nang bahala dito. Thank you.” “Kay Mr. Olivares nga galing?” “Oo na. Magaling ka nang manghula.” Maigsi lang ang mensaheng nakalagay sa card na kasama ng mga bulaklak. I look forward seeing you. At sa tingin niya ay mismong penmanship nito ang nakalimbag doon. Tinitigan niya ang pangalan nito. Ryan. And it was delicately written. Itinabi niya ang card at inilagay sa isang mesita ang bulaklak. Pag-unat niya ng tayo ay siya namang pagtunog ng telepono. “Yes?” sagot niya agad. Isang mababang tawa ang narinig niya. “I’m glad na “yes” na agad ang sagot mo hindi pa man ako nagtatanong.” “Ryan,” she said sweetly—bahagi ng hidden agenda niya dito. “Salamat sa mga bulaklak.” “Suhol iyan,” pabirong wika nito. “I just wanna make sure na hindi ka tatanggi sa paanyaya ko.” “Para saan?” tanong niya. “Well, gusto ko lang ipaalala ang tungkol sa bakasyon. The offer still stands. Ikaw lang ang hinihintay ko kung kailan mo ako pauunlakan. Isa pa, nangungulit na sina Mama. Excited na sila na makilala ang wedding planner na ipinagmamalaki ko. Iyong dalawang matandang iyon, daig pa ang first time magpapakasal kung makaasta,” may fondness na wika nito. “Oh, that,” she breathed. “Yes, that. So, magpapakuha na ba ako ng plane ticket?” “S-sige,” kunwa ay hindi siento por siento’ng gusto niya na sumama. “Can we leave tomorrow?” “Okay.” “Good. I can’t wait to bring you there.” “Am, Ryan…” “What?” “We mean business, aren’t we?” Hindi ito agad sumagot. “Eve, I won’t promise it would be a hundred percent business. But I’m telling you, you’ll have a very good time. I will make your vacation memorable and definitely unforgettable. Pagkakataon ko na rin iyon para makilala mo ang totoong ako.” “Talaga, ha?” malamyos siyang tumawa. At bahagyang pinagtakhan ang huling tinuran nito. “Bakit, hindi ba totoong ikaw ang pinapakita mo ngayon?” “What you see is the businessman in me. I’m entirely different kapag nasa bahay. You’ll know what I mean soon.” “Bakit nagiging si Batman ka ba kapag nasa bahay?” tudyo niya. “You’ll find out. I’ll bring you to Boracay. Magbaon ka ng bikini.” Lalo niyang inilakas ang pagtawa. “Kailangan ba iyon? Wala bang nude camp sa Boracay?” she said in a seductive tone. “Eve, honey, kung balak mong mag-nude, doon ka na lang sa kuwarto ko.” She swallowed. He said those words in a playful manner pero pakiramdam niya ay nagawa niyong haplusin ang buo niyang katawan. Damn it, pati ba naman sa telepono napakalakas ng epekto sa kanya ng lalaking ito? Matatalo siya sa laban kapag ganito! Siya ang mang-aakit kay Ryan, hindi siya ang dapat maakit dito! Tumikhim siya. “May dumating akong kliyente, eh. Saka na lang tayo uli mag-usap,” paiwas na wika niya at mabilis nang nagpaalam. - itutuloy -
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD