“TUMAWAG ang kapatid mo, Ryan,” wika ng matandang Olivares nang nasa hapag na sila. “Pinayagan daw siyang maagang makapagbakasyon sa trabaho. Kung magagawan ng paraan, malamang ay naririto na silang mag-ina sa makalawa. O kaya ay bukas. Ipinapaayos na raw niya ang ticket nila.”
Tumango si Ryan. “Good. Magkakasama naman kami ng matagal-tagal dahil bakasyon ko rin.” Nilinga siya nito. “Hon, magkakasundo kayo ni Riva. Hindi naman kayo nagkakalayo ng edad. Nag-asawa nga lang agad. Pa, iyong bayaw ko?”
“No. Susunod na lang daw si Giovanni.”
Tumango uli si Ryan at bumaling uli sa kanya. “Alam mo, Hon, barkada ko ang bayaw kong iyon. Kaklase ko iyon sa La Salle pero noong mabalitaan kong iyong kapatid ko ang inaatupag niya, sinapak ko. Aba, first year high school lang si Riva noon samantalang graduating na kami sa college! Akala ko, lulubayan na ang kapatid ko. Iyon pala, hinintay lang makapag-debut at sukat itinanan si Riva!”
“Ryan, mamaya na ang kuwentuhan. Baka naman hindi mabusog si Eve sa kakukuwento mo,” malumanay na sabad ni Amelia.
“Okay lang po,” polite na wika niya sa ginang. Sa loob-loob niya, kanina pa siya nakakahalata sa ekstrang lambing sa kanya ni Ryan. Kung makaasta ito, para bang totoo ngang may relasyon sila! At kulang na lang ay langgamin siya sa paraan ng pagtawag nito ng hon. At nagugustuhan din naman niya!
“We’ll have a nightcap,” wika ni Ryan mayamaya. “Or kung gusto ni Eve, we’ll go swimming. Bagong palit ba ang tubig sa pool, Ma?”
“Kaninang umaga. Talagang ipinalinis ko iyon dahil alam kong darating ka.” Sinulyapan siya ng babae. “Alam mo, Eve, iyang lalaking iyan, hindi ko naman ipinaglihi sa isda kung bakit ang hilig mag-swimming. Matagal na ngang umuungot iyan na ipaayos iyong lupa namin sa Boracay at gusto pang doon dumayo ng swimming,” buong kaaliwang kuwento nito.
“May property po kayo sa Boracay?” aniya.
“Yes,” si Ryan ang sumagot. “Andun, nakatengga lang. Ma, mabuti sa katawan ng tao ang swimming. It’s one of the best exercises, mental and physical. At kaya ko lang naman gustong mailagay sa ayos iyong lupa doon, para na rin sa kumpanya. We could treat our investors there. Maliligawan natin sila nang husto nang hindi tayo gumagastos nang malaki. Para ano na lang ba iyong plane ticket? Boracay iyon. Ang mga turista, local man o hindi, kapag sinabing Boracay, iba agad ang pakiramdam nila. They felt high-class. At dahil taga-rito talaga tayo, we could easily make them feel at home.”
“Kung desidido ka, Ryan, ikaw ang mag-asikaso. Retired na kami ng mama mo. Lahat ng vision mo para sa kumpanya, ikaw na ang gumawa. Ipinasa ko na sa iyon ang lahat ng tungkol diyan, di ba? Basta kami ng mama mo, we just want to spend the rest of our adult lives with each other.”
Sa pananahimik ni Eve, nakadama siya ng inggit sa tinurang iyon ng ama ni Ryan. Bakas na bakas ang pag-ibig nito sa asawa nito. And she couldn’t help thinking kung ganoon din kaya si Ryan sa mapapangasawa nito.
At napansin na naman niya si Ryan. He seemed to be a man of contradiction. Ubod ng lambing sa kanya, bakas ding mabuting anak kung ang nakikita niyang pakikitungo sa mga magulang nito ang pagbabasehan niya. Pero kapag negosyo ang pinag-uusapan, ang nakikita niya kay Ryan ay ang personalidad nito na kagaya ng nasa Maynila.
She secretly grimaced. Kung kakalimutan niya ang unang pagkakilala niya kay Ryan, kung kakalimutan niya ang intensyon niyang gantihan ito, hindi malayong mapaibig siya ng binata. Bumabagsak sa kategoryang Mr. Nice Guy ang nakikita niya dito. O ito na ba iyong sinasabi ni Ryan sa kanya na makikita niyang I’m-entirely-different-pagdating-bahay.
“Alam mo, hija,” wika sa kanya ng ginang. “Masanay ka na. Iyang si Ryan, hindi yata masisiyahang i-focus ang atensyon sa iisang kumpanya. He’s like his father, he loves business ventures. Akala mo, for leisure lang ang dahilan kung kaya gusto niyang ipaayos ang property na iyon sa isla? Narinig mo naman siguro. May business interest siya!”
“Ma, business and pleasure ang tawag doon,” nakangiting sagot ni Ryan. “At alam ninyo naman ako, I don’t give all my time in business. Bakit ko naman titikisin ang sarili ko kung puwedeng may kasamang pleasure?” At sumulyap ito sa kanya.
Mabilis siyang umiwas ng tingin. She was very well aware of the innuendo in his words. At hindi na ito masyadong Mr. Nice Guy. Nang-aakit na ito. And good lord, hindi nga malayong maakit siya!
“Kung iyan ba ang makakaligaya sa iyo, bahala ka. Pero puwede ba, Ryan, since bakasyon naman ang dahilan ng pag-uwi mo rito, kalimutan mo naman ang business? May kasama kang bisita. You should know how to treat a visitor, lalo na kung espesyal na bisita.”
“Mama, naman, kung ganyang si Eve ang kasama ko, hindi niya na ako kailangang paalalahanan. Ang totoo, may mga plano na akong nabuo para masulit ang bakasyon niya dito.”
“Excuse me,” banayad na wika niya. “Hindi naman purong bakasyon ang idinayo ko dito, ah? Io-organize ko po ang kasal ninyo.” Sinulyapan niya ang mag-asawa.
“Hindi naman kumplikadong trabaho iyon,” kumpas ng patriyarka. “Bale pang-limang beses na naming pagpapakasal ito. We don’t want elaboration.”
“Saka darating si Riva. Palagay ko, Eve, kayong dalawa ng anak kong iyon ang mas mag-uusap pagdating sa mga detalye. Kami ng papa ninyo, uupo na lang kami. Just tell us how much money you would need at ibibigay namin sa inyo.”
Papa ninyo. Agad niyang napansin ang salitang iyon ng ginang at alam na alam niyang pati siya ay damay sa pagtukoy na iyon pero pinili niyang magpatay -malisya.
“Wow! Ang akala ko ay ako ang sasagot ng kasal ninyo,” narinig niyang pabirong wika ni Ryan.
“Hindi na, hijo,” sabi uli ng ginang. “Sinagot mo na iyong gastos noong thirty-fifth anniversary namin. At isa pa, baka bukas-makalawa ay magpaalam ka sa aming magpapakasal na. Aba, iyon ang mas dapat mong paghandaan. Dapat lang na en grandeng okasyon iyon.”
“Hindi ninyo ako tutulungan sa gastos? That’s unfair,” kunwa ay nasaktang wika ng binata. “Noong si Riva ang ikinasal, sinagot ng pamilya ni Giovanni ang lahat ng gastos. Sa kasal ko, ayaw ninyo ring gumastos?”
Humalakhak si Romeo Olivares. “Sabihin ninyo sa aking balak ninyo na ring magpakasal na dalawa. Bakit hindi natin gawing double-wedding ang kasalan? At ngayon din ay hahanap ako ng contractor na gagawa ng resort na iyon sa Boracay. Doon natin idadaos ang double wedding.”
Napatanga si Eve. Hindi niya alam kung kanino itutuon ang mga mata. Kay Romeo na bakas na bakas ang sinseridad sa tinig o sa ginang na hindi niya alam kung susumbatan niya o ano. Ang sabi sa kanya nito ay walang alam ang lalaki pero bakit iba ang narinig niya?
And Ryan. Hindi siya nagha-hallucinate lang at nakikita niyang nagdiriwang ang mga mata nito. Kulang na lang ay matalo niyon ang liwanag ng kandeleryong umiilaw sa formal dining room na iyon. Walang iniwan ang itsura nito sa isang batang nanalo ng isang bayong na candy!
“Hon,” tawag sa kanya ni Ryan. “Ayaw maniwala ni Papa na bisita lang kitang talaga, eh. Kaya inamin ko na sa kanya na you know, we’re on.”
- itutuloy -