‘Suspect each moment, for it is a thief, tiptoeing away with more than it brings.’ – John Updike
Ilang minuto lang din pagkaalis ni Luna ay umalis na rin ako. Bago kasi lumabas ay nag-search muna ako ng way kung saan pwedeng mag-shortcut. Ilang beses pa nga akong napatulala dahil ang tagal kong tinitigan ang cellphone pati na rin ang katawan ko.
Walang basag at maayos ulit ‘yong cellphone ko. ‘Yong katawan ko rin ay walang sugat o galos man lang. Ilang beses ko rin kasing kinakapa-kapa ang sarili ko pero wala akong makitang sugat. Para bang walang nangyari. Para bang hindi ako binaril nang paulit-ulit.
Kapag naaalala ko ‘yon ay hindi ko mapigilan na maawa sa sarili ko dahil pakiramdam ko ay sobrang kawawa ko nang mga oras na ‘yon dahil wala man lang akong kalaban-laban. Na sa ikatlong pagkakataon ay hinayaan ko lang yong killer na patayin ako.
At kaysa mag-isip nang kung ano-ano ay bumaba na rin ako at dumiretso sa parking at saka nagmaneho do’n sa shortcut na nakita ko. At mukhang magandang idea naman ang pag-shortcut dahil mangilan-ngilan lang ang nasasalubong ko na sasakyan kaya naman naging mabilis lang ang naging byahe.
Habang nagmamaneho ay biglang pumasok sa isip ko ‘yong itsura nila Hazel at Luna no’ng gabing nakita nila akong pinatay. Kita ko ‘yong gulat at takot mula sa mga mata nila. Pero nang makaharap ko si Luna kanina ay parang hindi niya nakita ang bagay na ‘yon.
Pakiramdam ko tuloy ay masisiraan na ako ng bait dahil sa bawat pag-ulit ng araw ay ako lang ang nakakaalam ng nangyari. May mga nababago na senaryo pero sa huli, ang kahahantungan ko pa rin ay kamatayan.
Kaya naman wala akong maisip na paraan kung paano matatakasan ang sitwasyon na ‘to.
At dahil masyado akong abala sa iniisip ko ay hindi ko kaagad napansin ag papatawid na lalaki. Mabuti na lang at nakita ko kaagad siya kung hindi ay baka nabangga ko na siya. Nang tignan ko siya ay parang wala siya sa sarili niya dahil tuloy-tuloy pa rin siya sa paglalakad habang nakayuko.
Hindi ko naman maiwasan na mainis kaya naman kaagad akong bumusina. Mukha namang nagulat siya sa pag-busina na ginawa ko kaya napatingin siya sa gawi ko. At gano’n na lamang ang pagkagulat ko nang makilala ko ang lalaki na nasa harapan ko.
Siya ‘yong lalaki sa balita kahapon! Andrei? Andy? Andrew? I don’t know. I forgot his name pero alam ko siya ‘yon. Siyang lalaki na nakabangga ko sa may gas station at nakasalo ko sa isang table. Ngayong naalala ko, nakakapagtaka lang na nakita siyang patay sa may airport gayong nag-bus naman siya papuntang Bicol.
Napansin ko na nakatingin din siya sa akin kaya naman bigla akong natauhan. Mabuti na lang at may bumusinang sasakyan mula sa likod ko kaya naman nagsimula na ulit akong mag-maneho. Napansin ko pa na sinundan niya ako ng tingin pero hindi ko na lang inintindi ‘yon.
Maya-maya lang din ay nakarating na ako sa venue at mas maaga ako ng ilang minuto kumpara sa dati kong no’ng mga nakaraang araw. Pumili na rin ako ng maayos na pwesto kung saan hindi magagalaw ang kotse ko kung sakali man na dumating na ‘yong truck.
Pagpasok ko sa loob ay nakasalubong ko pa ‘yong mga staff na abala sa kani-kanilang ginagawa. Walang bago, gano’n pa rin ang ayos, gano’n pa rin ang ginagawa nila. Nang mapansin nila ako ay kaagad akong bumati sa kanila at nagpatuloy na lang ulit sa paglalakad.
Pakiramdam ko tuloy ay wala akong lakas ngayon na makipagbatian sa kanila ng paulit-ulit gayong ilang araw ko na rin naman na silang nakikita. Hindi ko na hinintay pa na tawagin ako ni Andrei at dumiretso na kaagad ako sa waiting room.
Pagpasok ko sa loob ay wala pa si Lhia kaya naman pasalampak akong umupo sa sofa. Hindi ko na alam kung anong gagawin ko. Nawawalan na ako ng gana na kumilos at humarap sa mga readers ko. Kaya naman imbes na sayangin pa ang lakas ko ay pumikit na lang ako, baka sakaling panaginip lang ang lahat.
Pero agad din akong napadilat ng biglang bumukas ang pinto at iluwa no’n si Lhia. Saglit ko lang siyang tinignan at pumikit na ulit ako. Paniguradong se-sermunan niya lang ako at wala ako sa mood para makinig sa mga sermon niya.
“Wow! After a few years ay nakita ko rin na ginamit moa ng dress na ‘yan,” agad naman akong napadilat dahil sa sinabi niya. Napatingin tuloy ako sa damit ko at do’n ko lang naalala na ginamit ko nga pala ‘yong regalo niya.
“Yeah,” walang ganang sagot ko sa kanya at muling pumikit. Naramdaman ko pa ang presensya niya na nasa harapan ko pero nanatili lang akong nakapikit.
“Hey Tracy, hindi pwede na gaganyan-ganyan ka sa harap ng mga readers mo mamaya,” panimulang sermon niya kaya naman napabuntong hininga na lang ako at tumingin sa kanya. “At saka bakit ba parang ang tamlay-tamlay mo? Natulog ka ba?” tanong niya pa kaya tuluyan na akong dumilat at humarap sa kanya.
“Yeah, nakatulog ako. Wala lang akong ganda,” maikling sagot ko at saka ko napansin ang mga papel na dala niya. “Sige na gawin mo na ‘yan. Mga manuscript ‘yan na kailangan mong i-review at pirmahan hindi ba?” sabi ko pa kaya muli siyang napatingin sa akin.
“What did you say?”
“Sige na, unahin mo na ‘yan. Alam kong busy ka, kaya ko naman na ang sarili ko,” wika ko para na rin matapos ang usapan. At dahil nga pakiramdam ko ay tamad na tamad ako ngayong araw ay lumabas na lang ako para bumili muna ng inumin.
May malapit naman na vending machine rito lang din sa loob kaya naman hindi ko na kailangan pang lumabas. Bigla tuloy akong napatingin sa labas at nakita ko ‘yong mga readers ko na naghihintay na magsimula ‘yong event.
Hindi ko alam pero bigla tuloy akong na-guilty, kahit wala pa man akong ginagawa ay parang na-guilty ako. Kahapon ay hindi ako pumunta sa event kaya naman paniguradong na-disappoint sila sa akin. At ngayon naman ay parang wala akong gana na kaharapin sila kaya pakiramdam ko ay hindi rin nila mae-enjoy ang event mamaya.
Kaya naman para sa kanila ay pinilit ko na pasiglahin ang sarili ko. Ilang oras lang naman. Titiisin ko na lang muna ang ilang oras. Ayokong ma-disappoint sila kaya naman kailangan kong makipag-plastikan sa kanila mamaya.
Nang makabili ako ng inumin ay bumalik na rin ako sa loob. Sakto namang pagbalik ko ay tinawag na ako ni Lhia dahil magsisimula na ang event. Hindi naman na ako umangal pa at sumunod na sa kanila.
Nang makarating kami sa backstage ay pamilyar na pamilyar na sa akin ang senaryo, mula sa mga sasabihin ng emcee, sa magiging reaksyon nila at sa magiging daloy ng buong event.
“Are you feeling nervous?” mahinang tanong ni Lhia kaya naman umiling ako. Ngayon din ay hindi na ako nakakaramdam ng kaba dahil nga sa pamilyar na feeling.
Matapos akong ipakilala ng emcee ay lumabas na ako at kaagad na bumati sa mga readers. Sinubukan ko namang ngumiti at mag-mukhang excited sa harap nila. Sana lang ay hindi masyadong mag-mukhang pilit ang ngiti ko.
Matapos din ‘yon ay nagsimula na rin ang event. Habang nagpipirma ay may ibang readers na hindi maiwasan na magtaka sa akin. Paano ba naman kasi ay bago pa man nila sabihin ang pangalan nila ay naisulat ko na at tapos na ako sa pagpirma.
May ilang readers kasi na natatandaan ko na rin ang pangalan kaya naman hindi ko mapigilan na tuloy-tuloy ang ginagawa. Dahil tuloy do’n ay naging mas mabilis ang usad ng event kumpara no’ng mga nakaraang araw.
Napapansin ko pa nga sa gilid ko si Lhia na sinasabihan akong ngumiti dahil masyado na akong seryoso kaya naman sinunod ko na lang din ang sinasabi niya at buong pusong ngumiti sa mga readers. Hindi ko naman maiwasan na malungkot din bigla dahil pakiramdam ko ay na-disappoint sila sa ginawa ko.
Naguguluhan tuloy ako kung ano baa ng dapat kung gawin. Kung tama pa ba ‘yong ginagawa ko. Kasi pakiramdam ko ay kahit anong gawin ko ay mamatay din ako sa huli.
Na hindi matatapos ang araw na ‘to na hindi kami nagkakaharap no’ng killer.