‘Better three hours too soon than a minute too late.’ – William Shakespeare
“Standby, Tracy. Lalabas ka na rin in a few minutes,” PD Kyle said at itinaas ang kamay niya na siyang magiging go signal ko kung lalabas na ba ako o hindi pa.
Habang nasa backstage ay rinig ko naman ang mga sinasabi ng emcee at ang iilang tilian at sigaw ng mga readers na kanina pa naghihintay. Natuwa tuloy ako dahil kahit hindi ko pa sila nakikita ay ramdam ko na kaagad ‘yong excitement nila.
At dahil pakiramdam ko ay na-experience ko na ‘to ay hindi na ako gano’ng kinakabahann. ‘Yong masamang kaba na nararamdaman ko kanina ay napalitan na ng saya at excitement. Napansin ko naman na lumapit sa akin si Lhia kaya tumingin ako sa kanya.
“Smile, Tracy,” she said kaya naman napangiti ako. “Remember that today is your day, okay? So, enjoy this experience and interact with your readers,” dagdag niya pa.
“Thank you, Lhia,” I said at umalis na rin siya sa backstage dahil kailangan niyang i-monitor ang kabuuan ng event.
Matapos akong ipakilala ay lumabas na rin ako kaagad kaya naman rinig ko rinig na rinig ko ang palakpakan ng lahat. Mas lalo tuloy lumawak ang mga ngiti ko dahil sa suportang ibinibigay sa akin ng mga readers ko.
Nang makaakyat ako ng stage ay inabot sa akin ng emcee ‘yong mic. Saglit lang din akong nagsalita at nagpasalamat sa pagpunta nilang lahat. Kaya naman matapos ‘yon ay nagsimula na rin ang event. Nang magsimula na ang paglapit nila para magapa-pirma ay nag-alinlangan pa ako na tanggapin ang kamay nila.
Nakakainis naman kasi dahil ang pasmado ko masyado. Kaya naman kada taong nakaka-shake hands ko ay pa-simple akong nagpupunas ng kamay. Kapag nakita kasi nila ang ginagawa ko ay baka isipin nila na nag-iinarte ako.
Mabilis pa namang ma-misinterpret ng mga tao ang simpleng bagay na ginagawa natin. Na kahit na mabuti ang intensyon mo ay maiiba ‘yon dahil iba ang pagtingin nila sa ginagawa mo. At kaysa problemahin pa sila ay ibinalik ko na lang ang atensyon ko sa mismong event.
Ilang oras din ang itatagal nitong event kaya naman pa-simple akong nagdadasal na sana ay hindi matapos kaagad. O kaya naman ay maagang matapos para hindi ako abutin ng gabi. Ramdam ko na rin ang pangangalay ng kamay ko pero tiis lang para sa kanila.
“OMO! OMO! OMO! Ako na, excuse me,” natigilan naman ako ng marinig ko ang pamilyar na boses na ‘yon. Kung hindi ako nagkakamali nang pagkakatanda ay siya ‘yong reader na nagpakilalang super fan ko. At nang mapatingin naman ako sa kanya ay nakumpirma ko ang hinala ko.
“Hello,” nakangiting bati ko sa kanya at kaagad na kinuha ang libro na hawak niya.
“OMG! Ang ganda niyo po sa personal. Grabe, super fan niyo po talaga ako. Grabe! Lahat ng novel niyo po ay nabasa ko na. Nakaabang din ako sa mga update mo, ni-share ko rin sa mga friends ko ‘yong stories mo kasi napakaganda po talaga,” tuloy-tuloy na sabi niya.
Hindi ko tuloy alam kung matutuwa pa ba akong marinig ang mga sinabi niya dahil ‘yon din mismo ang sinabi niya, no’ng unang magkita kami. Pero hindi ko naman pwedeng sabihin sa kanya ‘yon dahil paniguradong para sa kanya ay ito ang unang beses na nagkita kami.
“Thank you, Anna,” nakangiting sagot ko na lamang sa kanya at mabilis na tinapos ang pagpirma ko sa libro niya. Napansin ko naman na bigla siyang natigilan kaya naman nagtatakang napatingin ako sa kanya. “May problema ba?”
“Alam niyo po ang pangalan ko?” nagtatakang tanong niya kaya naman hindi ako makasagot kaagad. At dahil naging memorable siya sa akin no’ng araw na ‘yon ay natandaan ko ang pangalan niya. Hindi rin naman complicated ang pangalan niya kaya hindi madaling kalimutan.
“Uhm, nabanggit mo kanina,” pagsi-sinungaling ko na lang. Hindi niya pa talaga nababanggit ang pangalan niya kaya naman mukhang napaisip pa siya kaya inabot ko na kaagad ang libro sa kanya para mabaling ang atensyon niya sa ibang bagay.
“OMG! Grabe! Thank you po Miss T. Thank you po talaga! I love you po,” paalam niya pa habang hawak ang libro ko at tuluyan nang umalis.
Mabuti na lang at hindi na siya masyadong nagtanong pa kung paano ko nalaman ang pangalan niya dahil hindi ko rin naman alam kung paano sasabihin sa kanya. Nang matapos naman ang sumunod na reader ay kaagad kong nakilala ang sunod sa kanya.
Bigla tuloy akong na-estatwa sa pwesto ko nang makita ko si Hazel. Sinubukan ko namang tumingin sa likuran niya at nakita ko si Luna na kumaway pa sa akin. Mukha namang napansin ni Hazel na mukhang hindi maipinta ang itsura ko kaya muli akong napatingin sa kanya.
“Masyado ka bang nagulat dahil nakakita ka ng maganda kaya hindi ka mapagsalita?” sabi niya kaya naman natawa na lang ako. Agad ko namang kinuha ang libro na hawak niya at pinirmahan ‘yon.
“Buti nakapunta ka,” nakangiting sabi ko na lang sa kanya at ibinalik na ang libro na pinirmahan ko. Sumunod naman sa kanya si Luna at gano’n lang din ang napag-usapan namin.
Kahit na nakangiti ay hindi ko pa rin maitago ang pagkabahala. No’ng dumating sila ng araw na ‘yon ay malapit na rin matapos ang event kaya naman bago pa tuluyang makaalis sina Luna ay tinawag ko kaagad siya.
“Hey, pwede bang hintayin niyo ako hanggang sa matapos ang event?” mahinang sabi ko sa kanya. Ngumiti naman siya at nag-okay sign kaya naman nakahinga ako ng maluwag. Mabuti na lang at pumayag siya.
Sa nakita ko kasi ay umalis din kaagad sila dahil kailangan nilang bumalik sa trabaho kaya naman naiwan akong mag-isa pauwi. Kaya naman ngayon ay paniguradong may magbabago kapag kasama ko sila hanggang sa matapos ang event na ‘to.
Inaasahan ko na, na magiging memorable ang event na ‘to, ang araw na ‘to para sa akin. Pero hindi pumasok sa isip ko na sa ganitong paraan. Na sa mismong importanteng araw sa buhay ko ay do’n din pala ako mababawian ng buhay. At ayokong mangyari ‘yon.
Pagkalipas pa ng ilang oras ay natapos din kami. Kaya naman nagpaalam na rin ako sa kanilang lahat at agad na nagtungo sa backstage. Pagkaalis ko ay dali-dali naman akong dumiretso sa waiting room para tignan kung nando’n ba sila Luna.
Nang buksan ko ang pinto ay parang nabunutan ako ng tinik sa lalamunan, nakahinga ako ng maluwag ng makita ko sila na naghihitay habang kausap si Lhia. Pagkapasok ko ay agad akong yumakap sa kanila kaya naman nagulat sila sa ginawa ko.
“You know, ang weird mo today, Tracy,” natatawang sabi pa ni Hazel nang humiwalay ako sa pagkakayakap.
Hindi naman ako sumagot at ngumiti lang sa kanya. Wala na akong pake kung weird ang tingin nila sa akin ngayon. Basta masaya ako. Masaya ako na nandito sila ngayon kaya naman wala na akong dapat pang isipin.
“True, kanina ko pa napapansin na parang kanina ka pa nagugulat sa mga nangyayari,” segunda naman ni Luna sa sinabi ni Hazel. “Hindi ka pa rin ba makapaniwala? Totoo na ‘to girl, hindi ka nananaginip,” sabi niya pa kaya napangiti ako.
“Yeah. Totoo na ‘to, hindi na panaginip,” wala sa sariling wika ko. Saglit lang din kaming nag-kwentuhan nila Hazek bago namin napag-pasyahan na kumain sa labas.
“Sorry girls, I can’t come along. I need to go back to the office dahil may gagawin pa ako,” Lhia said kaya naman hindi ko maiwasan na malungkot. “Maybe, next time,” nakangiting pahabol niya pa.
“Yeah, next time,” sagot ko na lamang. Hindi ko rin naman na siya mapipigilan dahil natural nang workaholic si Lhia kaya naman nauna na rin siyang umalis. Hindi rin naman kasi siya magpapapigil kung sakaling gawin ko ‘yon.
Kaya rin siguro nauna na siya ay dahil kasama ko sina Luna. Kilala naman na niya ang mga kaibigan ko dahil nagkita na sila dati pa lang, kaya lang ay hindi pa naman sila close dahil bihira lang silang magkita-kita.
Nang makaalis si Lhia ay sumunod na rin kami. Habang papalabas kami ay hindi ko naman maiwasan na kabahan ulit dahil sa nakita ko sa panaginip ko. Pero nawala ang lahat ng pangamba na nararamdaman ko ng makita ko ang sasakyan ko sa parehong pwesto niya kanina.
At dahil may dala rin silang sasakyan ay nag-kanya-kanya na kami ng sakay. Nang makapasok sa sasakyan ko ay hindi ko naman maiwasan na mapangiti dahil sa nangyayari. Tuluyan na rin akong nakahinga ng maluwag ng ligtas akong makaalis sa venue.
Nasa harapan ko ang sasakyan nila Luna kaya naman nakasunod lang ako sa kanila. Sila kasi ang pumili ng pupuntahan namin, sila rin naman kasi ang madalas na lumabas dahil lagi lang naman akong nasa bahay at nagsusulat.
Nang tuluyang makalayo sa lugar na ‘yon ay mas lalo pang lumawak ang ngiti ko. Pakiramdam ko tuloy ay mapupunit na ang labi ko pero hindi ko na inisip pa ‘yon dahil masaya ako.
Kung gano’n ay tama ako, panaginip nga lang ‘yon. Isang masamang panaginip.