‘Lost time is never found again.’ – Benjamin Franklin
Ilang minuto lang din ang inabot namin sa byahe dahil hindi masyadong traffic. Nang makarating sa resto-bar ay agad kong pinarada ang sasakyan ko. Nang makababa ay pakiramdam ko ay nakalutang ako sa ere dahil sa sayang nararamdaman ko.
Nang makita ko sa entrance sina Hazel na naghihintay sa akin ay agad akong dumiretso sa pwesto nila. Sabay-sabay naman na kaming pumasok sa loob at agad kong napansin ang mga tao na nagkakasiyahan. Nang makahanap ng bakanteng pwesto ay kaagad kaming dumiretso ro’n at nagsimulang mag-order.
Maganda ‘yong place dahil ang friendly ng ambiance, kahit na maraming tao ay hindi gano’n kaingay at kagulo, sakto lang naman. Ngayon pa lang din kasi talaga ako nakapunta sa ganitong lugar. Mostly kasi ng napupuntahan ko ay dahil lang din naman kay Hazel talaga.
Sa aming tatlo kasi ay siya ang social butterfly, ‘yong maraming kakilala, maraming friends, at laging invited sa mga party. Kaya naman ‘yong mga lugar na napupuntahan din namin ni Luna ay mga lugar na nasubukan na niya.
Alam din naman niya kung saan kami komportable. Kaya nga madalas na puntahan talaga naming tatlo kapag pare-parehas kaming may oras ay mga kainan. Bihira lang din naman na kasi kaming makalabas talaga dahil busy sa kanya-kanyang trabaho kaya nga kapag magkakasama kami ay sinusulit talaga namin ang oras.
“Tracy, gusto mo hanapan kita ng boyfriend?” narinig kong sabi ni Hazel kaya naman natatawang umiling ako sa kanya. Habang nagku-kwentuhan kami ay naalala ko pa kung ilang beses sinubukan ni Hazel na magreto sa akin ng mga kakilala niya pero walang nag-level up.
Ako rin naman ang may problema dahil wala pa talaga ang atensyon ko at ang isip ko na pumasok sa isang relasyon. Hindi ko pa kasi talaga nakikita ang sarili ko na may kasamang boyfriend. Natawa pa nga ako no’ng sabihin ni Luna naba baka babae rin ang gusto ko, nabatukan ko tuloy siya.
Paano naman ako mgakakagusto sa babae kung sa kada Kdrama na pinapanood ko ay nagbabago rin ang oppa na gusto ko? Kapag naka-writer’s block kasi ako ay nanonood ako ng Kdrama o kaya naman kahit anong movie para gumana ang imagination ko. Minsan naman ay nagbabasa rin ako ng ibang novels.
Pero mas madalas ay puro panonood lang ng Kdrama ang ginagawa ko dahil ang dami ring ongoing talaga. Kung pwede ko nga lang panoorin ng sabay-sabay lahat at kung marami lang akong oras ay ginawa ko na. Kaya lang ay mas gusto kong manood kapag tapos na para tuloy-tuloy at hindi ako nabibitin.
“I have no time to be in a relationship,” sagot ko sa kanya at sinubuan siya ng tsitsaron. Nagulat pa nga siya sa ginawa ko at agad na niluwa ang pagkain. Diet daw kasi siya pero maya-maya lang din ay nagbago ang isip niya dahil dumating na ang mga pagkain.
Natawa naman tuloy ako sa inasta niya dahil mas nauna pa siyang magsandok kaysa sa amin ni Luna na kanina pa nagugutom. Nang magsimula kaming kumain ay bigla ko na namang naalala ‘yong napanaginipan ko kagabi.
Mabuti na lang talaga at panaginip lang ang nangyari. Ang weird lang talaga dahil eksaktong-eksakto ‘yong mga eksena sa lahat ng ginawa ko except do’n sa pagpunta ko sa parking lot at paghaharap namin ng killer.
Nakahinga lang talaga ako ng maluwag no’ng makaalis kami sa lugar na ‘yon. Parang bigla tuloy ayaw ko nang bumalik dahil natatakot ako, lalo na sa parking lot talaga. Sayang lang dahil ‘yong dating paborito kong lugar ay ayaw ko na ngayon.
Hindi ko na inisip pa ‘yon at itinuon ko na lang ang atensyon ko sa dalawang kasama ko. Ngayon kasi ay nagbabangayan na silang dalawa na akala mo ay aso’t pusa. Hindi ko naman sila inawat at nakangiting nakatingin lang ako sa kanila.
Sanay naman na ako na mag-asaran silang dalawa hanggang sa mag-aaway sila dahil parehas silang pikon, hanggang sa maya-maya lang din ay ayos at bati na ulit sila. Kaya naman imbes na awayin sila sa pagtatalo ay kumain na lang ako dahil kanina pa rin ako nagugutom.
Paano ba naman kasi, ang pinagtatalunan nila ay kung ano raw ba ang nauna, ang itlog o ang manok. Bata pa lang ako ay naririnig ko na ang tanong na ‘yan at ayoko na lang makipagtalo rin dahil maski ako ay hindi ko alam ang sagot.
Pakiramdam ko kasi ay parehas na tama pero hindi naman pwedeng parehas silang nauna dahil hindi magkakaro’n ng itlog kung walang manok, at hindi rin naman magkakaro’n ng manok kung walang itlog, hindi ba? Ay nako, ewan, nagagaya na tuloy ako sa kanila at nakikipagtalo sa sarili kong isip.
Nang matapos akong makipagtalo sa isip ko ay tapos na rin naman na silang magbangyan at iba na rin naman na ang topic nila. Minsan ay nagtatanong-tanong sila sa akin kung ano ba ang tama, kaya ayon parang ako tuloy ang naging judge sa kanilang dalawa.
Nang matapos kami sa gano’ng phase ng kwentuhan ay nagtanong naman ako sa kanila kung ano ang mga imaginations nila. Madalas akong magtanong sa kanila ng ganito kapag kailangan ko ng new idea for my manuscript.
Nakiki-cooperate naman sila kaya walang problema. Minsan kasi sa mga idea na mayro’n sila ay nakakabuo pa ulit ako ng panibagong idea, o kaya naman minsan ay pinagsa-sama-sama ko ang mga idea na nabanggit nila.
Para sa akin kasi ay mas okay na kung ano ang mga imaginations ang isinusulat ko. Parang pakiramdam ko kasi ay kapag naisulat ko na sila ay nagiging totoo na ang mga ‘to. Naalala ko tuloy no’ng panahon na sobrang naadik ako sa panonood ng Kdrama.
No’ng mga panahong ‘yon ay parang na-imagine ko kung ano ‘yong ideal man ko, ‘yong gusto ko sa isang lalaki, ‘yong mga gusto kong mangyari. Kaya naman based on that, nakapagsulat ako ng panibagong story. Mayro’n pa nga na kung anong nagign dream job ko ay ginagamit ko sa mga characters na sinusulat ko.
Lahat naman kasi ng sinusulat ko at characters ko ay ‘yong mga gusto kong mangyari habang ‘yong iba naman ay pure imagination na galing sa kung ano-anong idea na pumapasok sa isip ko. Mabuti na lang din at hindi ako nauubusan ng idea kaya naman tuloy-tuloy din ang pagsusulat na nagagawa ko.
Depende na lang talaga kapag tinamad akong mag-type o kaya naman kapag wala akong naiiisip na pwedeng susunod na scene ay nahihinto ko. Naalala ko no’ng nagka-writer’s block ako ay parang ilang linggo rin akong hindi nakapagsulat.
Kapag sinusubukan ko ay hindi ko talaga magawang tapusin kaya naman puro simula lang ako ng simula at hindi ko natatapos ‘yong scene na ‘yon. Dati naman kasi ay kapag nagsimula na akong humarap sa laptop ay tuloy-tuloy na rin ang pasok ng ideas kaya tuloy-tuloy din ako sa pagsusulat.
Mayro’n pa ngang time na kahit natutulog na ako ay naiisip ko ‘yong mga scene o kung ano ang pwedeng mangyari sa kabuuan ng kwento. Kaya naman kung ano ang sinusulat ko ay ‘yon din ang pumapasok sa isip ko at napapanaginipan ko.
Muli tuloy pumasok sa isip ko ‘yong napanaginipan ko kagabi, mukhang alam ko na kung bakit ako nanagip ng gano’n. Dahil kasi sa bagong novel na sinusulat ko. Nando’n na kasi ako sa part na mamamatay yong babae pero nahinto ako dahil wala akong maisip na way kung paano siya papatayin.
Kahit na sobrang daming way to kill that character ay parang hindi ako makapag-isip ng kahit isang paraan. Kung hindi kasi masyadong brutal ay parang hindi tugma ro’n sa daloy ng story kaya naman nahirapan din akong isulat ang part na ‘yon.
Pero ngayon ay mukhang alam ko na kung paano ko siya isusulat, mukhang ‘yon nga ang idea na pwede kong gamitin. Good thing din pala na napanaginipan ko ‘yon dahil matutuloy ko na ‘yong scene na ‘yon kung saan ako nahintong magsulat.