Chapter 9

1349 Words
‘Time is the most valuable thing a man can spend.’ – Theophrastus Dahil sa tagal naming nag-kwentuhan ay hindi ko na namalayan pa ang oras. Alas-onse na rin naman na kasi ng gabi kaya naman napagkasunduan namin na umuwi. Bukas kasi ay maaga pa ang pasok ni Hazel habang may meeting naman si Luna bukas. Mabuti na lang din at hindi namin naisipan na uminom kaya naman hindi na kailangang mag-taxi, delikado pa naman lalo na at malalim na ang gabi at puro pa kami babae. Matapos magpaalam sa isa’t isa ay nag-kanya-kanya na kami ng sakay. Hinintay ko naman muna na makaalis sila bago ako tuluyang sumakay sa sasakyan ko. Nang hindi ko na sila natatanaw ay saka ako sumakay at nagsimulang magmaneho. At dahil wala na rin masyadong sasakyan sa kalsada ay sinulit ko ang pagmamaneho. Hindi naman ako nagmamadaling umuwi dahil wala naman akong ibang gagawin bukas bukod sa pagsusulat. Ngayon na lang din naman na ako nakalabas kaya naman sinusulit ko na rin ang oras. Hindi ko kasi alam kung kailan ulit ang sunod na paglabas ko. Kapag nagsimula pa naman akong magsulat ay tuloy-tuloy na, kaya nga habang sinisipag pa ako ay sinusulit ko ang oras kaya sulat lang nang sulat. Bigla naman akong napahinto sa pagmamaneho nang maramdaman ko na may bumangga sa likurang bahagi ng sasakyan ko. Itinigil ko sandali ang sasakyan ko at ang mapatingin sa rare view mirror ay nakita ko ang itim na sasakyan na nakabangga sa akin. Nang tignan ko ang kalsada ay walang ibang kotse bukod sa aming dalawa kaya naman nakakapagtaka na nabangga niya pa ako gayong napakalawak ng daan. Nang mapatingin naman ako sa oras ay alas-onse y medya na rin pala ng gabi. Hindi naman na ako nagsayang pa ng oras at kaagad na lumabas ng sasakyan upang tignan kung ano ang nangyari. Nang tignan ko ang likurang bahagi ng sasakyan ko ay hindi naman ito masyadong napuruhan bukod sa nagkaro’n ng gasgas. Nang mapabaling naman ako sa driver ng sasakyan na nakabangga sa akin ay napansin ko na nakayuko siya sa steering wheel kaya naman kaagad akong lumapit sa bintana niya at paulit-ulit itong kinatok. Hindi gano’n kalakas ang pagkakabangga niya. Kaya nga nagtataka ako na nagawa niya pang mahagip ang sasakyan ko. Nakailang katok na ako sa bintana pero nanatili pa rin siyang nakayuko. Hindi ko naman makita ang mukha niya dahil nakasumbrero siya at naka-hoody pa. Tingin ko tuloy ay lasing siya o kaya naman ay sobrang inaantok na. Kaya dapat talaga hindi tayo nagmamaneho kapag nakainom o kaya naman kapag kulang sa tulog dahil hindi maiiwasan ang ganitong aksidente. Bukod kasi sa hindi lang naman ikaw ang mapapahawak ay posibleng makadamay ka pa ng inosenteng tao. Ilang minuto na ang lumipas at patuloy pa rin ako sa pagkakatok sa bintana niya pero hindi pa rin siya gumagalaw. Hindi ko rin tuloy matukoy kung babae ba siya o lalaki dahil natatakpan ng hoody. Parang bigla tuloy akong nag-panic dahil hindi ko na alam ang susunod kong gagawin. Ito kasi ang unang beses na nasangkot ako sa ganitong insidente kaya naman hindi ko alam ano ang dapat gawin. Wala rin ibang dumadaan na sasakyan sa kalye na ‘to kaya naman wala rin akong mahihingan ng tulong. Hanggang sa maalala ko na tumawag ng pulis. Kaya naman dali-dali akong bumalik sa loob ng sasakyan ko para kunin ang cellphone ko. Nang mahanap ito ay kaagad naman akong nag-dial para sana tumawag ng tulong pero nahinto rin ako sa ginagawa ko. Nang mapansin ko ang pag-angat nang ulo no’ng driver ay muli akong lumapit sa kanya. Medyo mabagal ang pagkilos niya pero wala naman akong nakikitang sugat mula sa kanya kaya hindi ko matukoy kung nasaktan ba siya o ano. Nang buksan niya ang pinto ng sasakyan niya ay gumilid ako para makalabas siya. At nang magkaharap kami ay bigla akong na-estatwa. Hindi ko makita ang buong mukha niya dahil natatakpan ito ng face mask, pero nang magkatinignan kami ay do’n ako mas lalong natigilan. ‘Yong mga mata niya. Kilala ko ‘yong mga matang ‘yon. Natatandaan ko ang berdeng mata niya. Hindi ko matukoy kung ‘yon talaga ang kulay ng mata niya o naka-contact lense lang siya pero sigurado ako na siya ‘yon. Siya ‘yong nakita ro’n sa parking. Siya ‘yong naghihintay sa akin. Siya ‘yong nakita ko na pumatay sa akin. At dahil sa pagkabigla ay hindi ako nakagalaw kaagad. Pilit kong iniha-hakbang ang paa ko pero para akong nakapako sa kinatatayuan ko. Nang maigalaw ko ang mga paa ko ay dali-dali akong umatras kaya naman napasandal kaagad ako sa sasakyan ko. Dahan-dahan ko namang kinapa ang pintuan at nang mahawakan ko ito ay mabilis ko ‘tong binuksan at sumakay kaagad. Pero hindi pa ako tuluyang nakakapasok ng bigla niyang hatakin ang buhok ko kaya naman napahiga ako sa sahig. Hindi na ako makapag-isip ng maayos sa mga oras na ‘to kaya naman kahit na nararamdaman ko na gumgasgas na ang balat ko sa lupa ay patuloy lang ako sa pag-atras. Wala akong kahit anong hawak na pwedeng ipanlaban sa kanya kaya naman kung makakakuha ako ng tiyempo ay makakatakbo ako kaagad palayo. Habang umaatras ako ay mabagal siyang naglalakad papalapit kaya naman unti-unti nang nagkakaro’n ng agwat sa pagitan naming dalawa. At habang naglalakad siya papalapit ay tanaw na tanaw ko ang matalim na kutsilyo na hawak niya. Hindi ko alam kung anong balak niya pero hindi ako papayag na mapatay niya pa ulit ako. Kahit na naluluha na ay pinigilan ko ang pagtulo ng mga luha ko dahil wala naman silang magagawa sa mga oras na ‘to. Masyado akong naging kampante na ayos lang ang lahat. Kasi akala ko ay ayos na talaga dahil hindi kami nagkatagpo sa may parking lot. Pero hindi ko akalain na hindi matatapos ang araw na ‘to na hindi kami hnagkakaharap. Bigla tuloy akong napaisip kung may nakaaway ba ako pero kahit anong pilit na piga ko sa utak ko ay wala akong maisip. Wala akong natatandaan na may nakaaway ako. Wala akong natatandaan na may na-agrabyado akong tao. At wala akong natatandaan na may natapakan akong tao. Kaya naman wala akong maisip na dahilan kung bakit niya ako gustong patayin. Hindi ko alam kung pinaglalaruan niya ba ako dahil sa bagal ng paglapit niya pero wala na akong pakialam do’n, kaya naman dali-dali akong tumayo at umambang tatakbo pero bago pa man ako tuluyang makatayo ay nauna na siyang tumakbo papalapit sa akin at sinaksak ako. At hindi pa siya nakuntento dahil ilang beses niya pa akong sinaksak hanggang sa tuluyan kong maramdaman ang pag-agos ng dugo mula sa katawan ko. Gamit ang natitira kong lakas ay sinubukan ko pa na abutin ang face mask niya para makita ang mukha niya pero mabilis din siyang nakaiwas. Hindi ko na mabilang kung ilang beses niya akong sinaksak, basta ang alam ko ay masaya siya sa ginagawa niya kahit na hindi ko nakikita ang mukha niya. Nang mukhang mak-kontento siya sa ginawa sa akin ay kaagad din siyang tumayo. Matapos niyang tignan ang kalagayan ko ay naglakad na siya papalayo na para bang walang nangyari. Hindi na ako makapagsalita dahil sa panghihina. Gusto kong humingi ng tulong pero walang ibang tao. Walang ibang dumadaan. At do’n ko lang tuluyang napansin ang hawak ko na cellphone. Unti-unti nang nanlalabo ang paningin ko at unit-unti na ring gustong pumikit nang mga mata ko. Hindi ko na alam kung kaninong number ang tinatawagan ko basta ang alam ko lang ay narinig ko na nag-ring ito at saglit lang din ay may sumagot kaagad ng tawag. Gustuhin ko mang sumagot ay hindi ko na magawa. Sobrang hina na ng boses na lumalabas sa bibig ko kaya naman hindi ako sigurado kung naririnig niya pa ako. Pero bago pa man ako tuluyang mawalan ng malay ay narinig kong nagsalita ang nasa kabilang linya. “Hello, this is 191, what may I help you?” hindi na rin ako nakasagot pa dahil tuluyan nang pumikit ang mga mata ko.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD