‘Time is the wisest counselor of all.’ – Pericles
Nagising naman ako dahil sa ingay na naririnig ko. Nang idilat ko ang mga mata ko ay natagpuan ko ang sarili ko sa pamilyar na kwarto. Nandito ako ngayon sa kwarto ko! Agad din akong natigilan ng mapatingin ako sa orasan at alas-otso pa lang ng umaga.
Hindi ko alam kung anong nangyayari, hindi na ako makapag-isip ng tama. Bumalik lang ako sa ulirat nang muling tumunog ang cellphone ko at saka ko napansin na tumatawag si Lhia. Nagda-dalawang isip man ay sinagot ko pa rin ito matapos lang ang ilang ring.
“Finally! Akala ko ay wala ka nang balak pang sagutin ang tawag ko dahil nakukulitan ka na. Sigurado ako kagigising mo lang kaya ngayon ka lang nakasagot, am I right?” wika niya pagkasagot na pagkasagot ko ng tawag.
No… hindi pwede… hindi ‘to totoo.
Hindi ko na hinintay na matapos siyang magsalita at kaagad kong pinatay ang tawag. I’m sure, maya-maya lang ay dadating na si Luna na may dalang cake. Kaya bago pa man mangyari ang lahat ng ‘yon ay kailangan makakilos na kaagad ako.
Hindi na ako nag-dalawang isip pa at kaagad na inilagay sa bag ang mga damit na makuha ko. Hindi ko na pinagtutuuan ng pansin pa ang mga gamit na nagugulo ko. Wala na akong pakialam pa dahil ang nasa isip ko lang ngayon ay ang makaalis sa lugar na ‘to.
Kailangan kong makalayo. Kailangan kong umalis. Dahil sigurado ako na gagawa at gagawa siya ng paraan para patayin ako. Hindi ako papayag. Hindi na ako nag-abalang maligo pa at mabilis na kinuha ang mga importanteng gamit gaya ng wallet at cellphone ko.
Matapos kumuha ng mga gamit ay mabilis akong nagpalit ng damit dahil nakapantulog lang ako. Nang masigurado kong dala-dala ko na ang mga kailangan ko ay kaagad din akong lumabas at pumunta sa parking.
Ngunit pagkababa ko ay nakasalubong ko si Luna at gaya ng inaasahan ay gano’n pa rin ang suot na damit niya. At may dala-dala pa rin siyang cake. Napansin ko naman na nagulat siya nang makita ako pero wala na akong panahon pa na magpaliwanag sa kanya.
Hindi ko siya pinansin at agad na dumiretso sa kotse ko pero hindi pa ako nakakalapit do’n ay pinigilan na niya kaagad ako. Kaagad ko namang tinabig ang kamay niya at saka humarap sa kanya. Kahit na nagulat siya sa ginawa ko ay napansin ko na nangibabaw ang inis sa kanya.
“Tracy! Ano bang problema mo?” naiinis na tanong niya sa akin. “Bakit may dala-dala kang gamit? Hindi ba ngayon ang fan sign event mo?” naguguluhang tanong niya pa sa akin pero umiling-iling lang ako.
“Hindi… hindi na ako pupunta,” wala sa sariling sabi ko sa kanya at tinalikuran na ulit siya pero muli niya akong hinatak sa braso ko.
“Ano bang nangyayari sa’yo? Anong hindi ka pupunta? Ano ba kasing problema, Tracy?” inis na tanong niya sa akin.
Agad naman akong humarap sa kanya at tinitigan siya. “Kahit na sabihin ko sa’yo, hindi mo rin ako maiintindihan,” seryosong sabi ko at muli ko siyang tinabig.
At dahil alam kong natural siyang makulit ay muli niya akong hinarangan sa paglalakad. Napapikit na lang ako dahil sa inis, hindi sa kanya kung hindi inis para sa sarili ko. Hindi ko magawang sabihin sa kanya dahil sigurado akong hindi rin siya maniniwala dahil maski rin naman ako ay hindi makapaniwala sa nangyari.
“Paanong hindi kita maiintindihan, ayaw mong sabihin sa akin kung anong problema,” she said. Napansin ko naman ang pag-aalala sa mukha niya kaya napa-buntong hininga na lang ako.
At dahil wala na rin naman na akong choice ay kaagad ko siyang hinatak papasok ng sasakyan ko. Nang makapasok siya ay hindi muna ako pumasok at pumunta sa likod para tignan kung may gasgas ba ‘yong kotse ko pero nang tignan ko ito ay nasa maayos siya na kalagayan.
Hindi na rin naman na ako nagtagal pa at kaagad na pumasok sa loob. Pagpasok ko sa driver’s seat ay mukha namang nag-aabang siya ng sasabihin ko kaya naman wala na rin akong ibang nagawa kung hindi ang mag-kwento sa kanya.
“Kailangan kong umalis. Kailangan kong makalayo. Kasi kung hindi, mamamatay ako ngayong araw,” diretsang sabi ko sa kanya. Hindi na rin naman na ako nagpaligoy-ligoy pa dahil mahalaga sa akin ang oras. Dahil hindi ko alam kung kailan ulit siya aatake para patayin ako.
“A-ano bang sinasabi mo? Ayos ka lang ba talaga?” hindi makapaniwalang tanong niya. At kung tignan niya ako ay para bang isa akong baliw. Na wala ako sa tamang pag-iisip.
“That’s why I told you hindi ka maniniwala!” naiinis na wika ko. Hindi ko intensyon na mainis sa kanya pero hindi ko na rin kasi ma-kontrol pa ang emosyon ko dahil sa nangyayari. “’Yang cake na dala mo, you baked that for me. At ang nakasulat, ‘I’m so happy for you, T,’” wika ko at napansin ko ang pagkagulat sa mukha niya.
“P-paanong? Paano mo nalaman?” nagtatakang tanong niya. Mukhang wala akong choice kung hindi sabihin sa kanya ang lahat.
“Maniwala ka man o hindi, pero dalawang beses mo na akong dinalhan ng cake, Luna. Pagkatapos no’n ay babalik ka rin sa shop mo dahil may tinatapos ka pero plano niyo talaga ni Hazel na surpresahin ako mamaya," I said at napansin ko ang panlalaki ng mata niya sa gulat.
“H-how did you know?” tanong niya ulit kaya naman humarap na ako sa kanya.
“Kasi dalawang beses na siyang nangyari!” huminga naman muna ako ng malalim dahil pakiramdam ko ay masyado na naman akong nadadala ng emosyon ko. “’Yong fan sign event, dalawang beses ko na siyang naranasan. Balak mo pa ngang magpadala ng coffee and pastries sa mga staff. And next week, sabi mo ay may meeting ka for expansion ng shop mo.”
Umiling-iling naman siya na para bang hindi makapaniwala sa mga sinasabi ko. “Believe it or not pero ayon talaga ang nangyari. After nang event, may magtatangka na pumatay sa akin, then pagkatapos no’n ay magigising ako sa parehong araw na para bang walang nangyari,” dagdag ko pa.
“Pero bakit?”
“’Yan din ang tanong ko. Bakit? Bakit ako? Sa dinami-rami ng tao sa mundo, bakit ako pa?” balik na tanong ko sa kanya at hindi ko na napigilan pa at napaiyak na lang ako.
Hindi ko na alam ang gagawin ko. Gusto ko nang matapos ang araw na ‘to pero parang ayoko rin. Kasi alam ko na bago matapos ang araw ay mamamatay ako at mauulit lang ulit ‘yong mga nangyari.
“Anong balak mong gawin ngayon?”
“Naniniwala ka sa akin?” tanong ko sa kanya pero tinignan niya lang ako.
“Naniniwala ako sa’yo, Tracy, but…” napahinto naman siya sa pagsasalita at saglit na umiling. “Pero ang hirap paniwalan no’ng sinasabi mo. Kasi kung sinasabi mo nga na nangyari na ‘to, bakit ikaw lang ang nakakaalam?”
Napahilamos na lang ako sa mukha ko at kaagad na pinunasan ang mga luha ko. “Kaya nga sabi ko sa’yo na mahirap paniwalaan,” walang ganang sagot ko sa kanya.
Natigil naman kami sa pag-uusap ng biglang mag-ring ang cellphone ko at nabasa ko ang pangalan ni Lhia. Kaagad ko naman ‘tong sinagot at rinig na rinig ko mula rito ang malakas na boses niya.
“Tracy! Ano bang nangyayari sa’yo? Kanina pa ako tumatawag. Nasaan ka na? Don’t tell me na nakalimutan mo ‘yong event mo for today?”
“I won’t be coming, Lhia,” sagot ko na lamang sa kanya.
“What?! Tracy—“ hindi ko na pinatapos pa ang sasabihin niya dahil kaagad kong pinutol ang tawag. Napansin ko naman na tumawag ulit siya pero pinatay ko na ng tuluyan ang cellphone ko para hindi ko na makita pa ito at kaagad na binato sa backseat.
“What’s happening with you?” nagtatakang tanong ni Luna nang makita niya ang ginawa ko.
Umiling na lang ako sa kanya at pinababa siya ng sasakyan ko. “You don’t believe me. Baba na Luna, aalis ako,” seryosong wika ko sa kanya pero tinignan niya lang ako. “Please, baba ka na,” pakiusap ko pa sa kanya.
Ilang minuto pa ang lumipas bago siya tuluyang lumabas. Ramdam ko naman na ayaw niya akong iwan pero kailangan kong gawin ‘to. Kailangan kong makaalis dito.
Nang tuluyan siyang makababa ay hindi ko na siya tinapunan pa ng tingin at agad na nagmaneho paalis.