‘The trouble is, you think you have time.’ – Jack Kornfield
Mukhang wala naman pala akong dapat ikabahala, masyado na ata akong napa-praning. Kurtina lang pala ‘yong nakikita ko na parang anino. Hinahangin kasi kaya akala ko ay may tao tuloy. Mahangin kasi kaya gano’n.
Bigla naman akong natigilan sa naisip ko. Mahangin. Imposibleng mahangin dito sa loob dahil walang kuryente. Sinigurado ko rin na naisarado ko ang mga bintana. Nang hanapin ko kung saan nanggagaling ‘yong hangin ay napansin ko na nakasiwang ‘yong maliit na bintana sa may kusina.
Nasa bandang itaas kasi ‘yon kaya naman baka hindi ko napansin kanina nang magsarado ako. Tumungtong lang ako sa upuan at agad na isinara ang bintana. Hindi pa ako tuluyang nakabababa sa upuan ay naramdaman ko na may biglang humatak sa paahan ko.
Dahil do’n ay nadulas ako at nahulog mula sa pagkakatayo sa upuan, kaya naman sumemplang ako sa sahig. Mabuti na lang at hindi tumama ang ulo ko sa dulong bahagi ng counter dito sa kusina. Masakit ang katawan ko dahil sa pagkakabagsak dahil medyo may kataasan din ‘yong upuan na tinuntungan ko.
Agad naman akong tumayo dahil sigurado na ako na may iba akong kasama rito sa bahay ngayon. Nang makatayo ako ay mabilis kong dinampot ang payong na pinatong ko sa gilid at itinutok ‘yon sa harapan ko. Wala akong masyadong makita dahil madilim at nabitawan ko ang cellphone ko.
Kahit papano naman ay nakakaaninag ako dahil nasasanay na rin ang mga mata ko sa dilim. Naging alerto naman ako kung sakali na bigla siyang sumugod. Nang ilibot ko ang tingin ko sa paligid ay wala na akong ibang makitang tao kung hindi ako lang.
Pero sigurado ako na may ibang kasama talaga ako rito. Sigurado akong kamay ‘yong humawak sa paahan ko kaya naman nalaglag ko, imposible namang multo ‘yon dahil hindi totoo ang mga multo. Walang multo kaya alam ko na may kasama ako.
“Lumabas ka! Harapin mo ako!” hindi ko alam kung saan ako kumuha ng lakas ng loob para sabihin ang mga ‘yon. Siguro ay dahil dalawang beses ko na rin naranasan ang mamatay kaya naman hindi na ako nakakaramdam ng takot.
Pero walang nagpakita sa akin. Kaya naman umalingawngaw lang ang boses ko sa kabuuan ng bahay. Ilang minuto na ang nakalilipas at nasa gano’ng pwesto pa rin ako pero wala na akong nararamdaman na kakaiba. Kaya naman dahan-dahan akong naglakad habang nasa harapan ko pa rin ‘yong payong.
Mabuti nang handa kung sakali man na may biglang sumugod sa akin. Habang naglalakad ay napansin ko ang cellphone ko na nasa sahig kaya naman agad ko itong pinulot. Pero nang subukan kong buksan ay hindi na siya gumagana.
Napapadyak tuloy ako dahil sa inis. Mukhang nasira pa ang cellphone ko dahil ayaw nang bumukas at may maliit na basag din siya sa gilid. At dahil wala naman na akong magagawa sa cellphone ko ay nagpatuloy na ako sa paglalakad pero nanatili pa rin akong alerto.
Sinusubukan ko pa ring buksan ang cellphone ko pero ayaw niya pa rin gumana. Kapag ito talaga hindi pa rin bumukas ay ibabato ko na ang cellphone na ‘to. At mukhang narinig niya ang sinabi ko dahil nang pindutin ko pa ang power button ay bumukas na ulit ito.
Nakahinga naman ako ng maluwag nang tuluyan itong bumukas. Saglit ko pa itong sinulyapan at napansin ko na may signal na ulit. Kaya naman dali-dali kong pinindot ang call button sa gc namin nila Hazel. At dahil abala sa cellphone ko ay hindi ko napansin na hagdan na pala ang nasa harapan ko kaya naman napatid ako.
Mabuti na lang at hindi ko nabitawan ang payong at cellphone na hawak ko. Kaya lang, pagkatayong-pagkatayo ko ay naramdaman ko na may humampas sa ulo ko kaya naman napasubsob ako sa railings ng hagdan.
Hindi pa ako nakababawi mula sa pagkakasubsob ay kaagad nitong hinila ang buhok ko kaya naman napaatras kaagad ako at nagkanda patid-patid pa dahil sa hagdan. At dahil hindi ko pa rin binibitawan ang payong ay buong lakas ko itong inihampas sa direksyon niya kaya naman natamaan siya sa tagiliran at natanggal ang pagkakahawak niya sa buhok ko.
Mabilis naman akong umatras sa kanya at nang humarap ako ay muli ko siyang hinampas ng payong. Rinig ko pa ang bawat hampas na ginagawa ko sa katawan niya kaya naman ramdam ko na rin ang hingal dahil sa lakas ng pagkakapalo ko.
Pero hindi ko na ininda pa ang pagod at hingal at walang tigil siyang pinaghahampas ng payong. Pansin ko naman na unti-unti na ring nasisira ang payong kaya naman lumalawlaw na ang ilang maliliit na bakal nito na tumutusok sa braso niya sa kada hampas na ginagawa ko.
Ngunit ako naman ang natigilan ng makarinig ulit ako ng mahinang pagputok. Hindi kaagad ako nakagalaw dahil sa gulat kaya naman hindi rin ako nakapag-react kaagad. At nang mapatingin ako sa kanya ay do’n ko lang napansin na binaril niya na pala ako sa hita.
‘Yong tunog na nanggaling sa baril niya ay siya ring tunog na narinig ko kanina. Kung gano’n ay hindi lang pala guni-guni ang lahat dahil totoo siya. Kahit na may tama na sa hita ay patuloy pa rin ako sa pag-atras. Unti-unti ko na ring nararamdaman ang hapdi at sakit pero hindi ko ininda ‘yon.
Ang kailangan kong gawin ngayon ay ang makatakas at makahingi ng tulong. At saka ko naalala ang cellphone ko na nabitawan ko kanina. Habang paatras ako nang paatras ay dahan-dahan naman siyang naglalakad papalapit sa pwesto ko.
At saka ko lang napagtanto na pamilyar ang pangyayaring ‘to. Ganito rin ‘yong nangyari kahapon, pero hindi baril ang dala niya no’n kung hindi kutsilyo. Kaya naman ngayon ay alam ko na kahit anong takas o kahit gaano ako kabilis tumakbo ay hindi rin ako makakatakas sa kanya lalo na at may baril siya.
Kahit na sira-sira na ang payong na hawak ko ay hindi ko pa rin ito binitawan. Hindi ako papayag na mamatay ulit ako sa ikatlong pagkakataon na wala man lang akong ginagawa para makaligtas. Kaya naman buong lakas ko ulit ‘yong himapas patungo ssa direksyon niya.
Kaagad naman siyang nakaiwas pero hindi ako tumigil at sunod-sunod na paghampas pa ulit ang ginawa ko hanggang sa mapansin ko na nadaplisan ang braso niya mula sa maliliit na bakal mula sa payong. At hindi naman na ako nagsayang pa ng oras at muli siyang sinugod at muling hinampas ng payong.
Ngayon ay sinadya ko na itama sa kanya ang mga bakal. Agad ko ring tinaggal ang tela na nakakabit dito kaya naman purong bakal na ang humahampas sa kanya ngunit sa ikalawang pagkakataon ay muli niya akong pinaputukan.
Pero hindi na sa hita kung hindi sa braso ko na may hawak na payong. At dahil sa sakit ay nabitawan ko ang payong na hawak ko. At hindi pa siya tumigil pagkatapos no’n dahil muli niyang pinaputukan ang isa ko pang hita kaya naman tuluyan na akong napaupo sa sahig.
Pagkatapos ng isang putok ay isa na namang putok sa bawat parte ng katawan ko. Mula sa braso, hita, tiyan, paa, at kamay. Hindi ko na mabilang kung gaano karaming bala ngayon ang nakabaon sa katawan ko. Basta ang alam ko lang ay namamanhid na ako kaya naman hindi ko na nararamdaman pa ang sakit.
Hindi ko na rin magawa pang magsalita dahil kapag ibinubuka ko ang bibig ko ay imbes na salita ang lumabas dito ay dugo ang bumubulwak pataas. Hindi ko maaninag ang mukha niya dahil naka-sumbrero at hoody siya kagaya ng dati. At nakadagdag pa ang dilim ng buong paligid.
Nanlalabo na ang mga mata ko pero pilit kong nilalabanan na huwag pumukit.
Naramdaman ko naman na lumapit siya sa akin at idinikit niya ang baril sa tapat ng ulo ko. Kaya pala hindi mahina ang tunog ng bawat pagputok niya ay dahil naka-silencer ang baril. Saglit naman akong napapikit at nang dumilat ako ay nasilaw ako sa liwanag dahil bumalik na ang kuryente kaya naman kitang-kita ko na siya ngayon.
At nang mapatingin ako sa kanya ay muli kong nakita ang pamilyar na kulay berdeng pares ng mga mata. Siya na naman. Nasundan na naman niya ako. Masyado akong nakampante na hindi niya ako masusundan dahil nakalayo na ako. Mukhang masyado kong minaliit ang kakayahan niya.
Hindi na rin naman na ako nagkaro’ng ng pagkakataon na makapag-react dahil ikinasa na niya ang baril at walang sabi-sabi na pinindot ang gatilyo nito.
Dahil sa lapit ng pagkakabaril sa akin ay napatabingi ang mukha ko. At bago pa ako tuluyang mawalan ng malay ay nakita ko ang cellphone ko na nakatapat sa akin habang ka-video call ko sina Hazel at Luna.