‘The two most powerful warriors are patience and time.’ – Leo Tolstoy
Agad naman akong nagising dahil sa tunog ng alarm ko. Napabalikwas naman ako dahil sa tunog na narinig ko na nanggagaling pala sa cellphone ko. Bigla naman akong napahawak sa dibdib ko dahil sa sobrang bilis ng t***k nito.
Mabuti na lang din pala at nagising ako kaagad. Hindi ko nagustuhan ‘yong naging panaginip ko, sana ay hindi na maulit pa. Nang tuluyan akong magising ay kaagad kong inabot ang cellphone ko na nasa side table ko at nang makita ko ang oras ay alas-otso na pala ng umaga.
Nang tignan ko naman ang notifications ko ay ang dami nang missed calls at text messages kaya naman isa-isa ko ‘tong tinignan na nanggaling lang pala sa iisang tao. Bigla naman akong napatigil nang may mapansin ako.
Hindi ko alam kung bakit biglang bumilis ulit ang t***k ng puso ko pero parang nangyari na ang bagay na ‘to. At hindi nga ako nagkamali dahil nakita ko ang muling pagtawag ni Lhia. Ilang beses pa itong nag-ring bago ko tuluyang masagot ang tawag.
“Lhia,” mahinang wika ko sa kanya pero mukhang hindi na narinig ang sinabi ko dahil dire-diretso siyang nagsalita.
“Finally! Akala ko ay wala ka nang balak pang sagutin ang tawag ko. I’m sure kagigising mo lang. Am I right?” tanong niya kaya naman muli akong na-estatwa at hindi nakasagot kaagad.
“Lhia,” muling pagtawag ko sa kanya.
“Okay, mukhang nakatulala ka pa dahil kagigising mo lang. Anyway, I just called to remind you about the book signing event later and I just want to inform you na baka hindi na kita masabayan papunta sa venue,” paliwanag niya pa.
Kung hindi ako nagkakamali ay alam ko na nasabi na niya ito sa akin. Pero panaginip lang naman ‘yon dahil nangyayari pa lang ang bagay na ‘yon. Iwinaksi ko na lang ang iniisip ko at pinakinggan pa ang sinasabi niya.
“No need to drop by the office. May aasikasuhin pa kasi ako so mauna ka na lang muna then magkita tayo sa event later. I just need to finish this task as soon as possible. Pero saglit na lang naman na rin ‘to so hindi na ako magtatagal pa,” she said.
At kahit hindi niya ako nakikita ay tumango na lang ako sa sinabi. “Okay, sasabihan na lang kita kapag nakarating na ako sa venue, no need to rush.”
“Thanks, T! I’ll call you later kapag natapos din ako kaagad. Goodluck and see you later!” masayang sabi niya pa bago tuluyang pinutol ang tawag.
Matapos naming mag-usap ay ginilid ko na ang cellphone ko at inayos ang higaan ko. Espesyal sa akin ang araw na ‘to kaya no to negativity muna ako. No to bad vibes muna kaya naman kinalimutan ko na ‘yong mga iniisip ko kanina.
Normal lang naman na makaranas ng gano’n dahil mayro’n tayong tinatawag na déjà vu, yes, déjà vu lang ‘yon. Kaya naman imbes na problemahin pa ang bagay na ‘yon ay nagsimula na akong maghanda.
Hindi pwedeng magkaro’n ng problema dahil ito na ang big break na hinihintay ko. At alam ko naman na hindi lahat ng tao ay nabibigyan ng pagkakataon na ‘to kaya naman ayokong masayang ‘yong chance. At imbes na mag-isip nang kung ano-anong negative na bagay ay naghanda na lang ako ng almusal.
Ngayong unti-unti ko nang natutupad ang pangarap ko ay hindi pwedeng hindi ‘to matuloy. Pagkatapos kong mag-almusal ay iniligpit ko na lang din ang pinagkainan ko, mamaya ko na lang din sila lilinisin pag-uwi ko dahil baka mahuli pa ako.
Nang mailagay sa lababo ang lahat ng kalat ay dumiretso muna ako sa drawer ko para maghanap ng damit na susuotin. Nang makita ko ang damit na suot-suot ko sa panaginip ko ay nilaktawan ko ito ng tingin. At dahil no to negative things muna ako ay naghanap ako ng iba pang damit na pwedeng suotin.
Dapat pala ay kagabi pa ako pumili ng damit para naman hindi nasasayang ang oras ko ngayon. Naghanda lang naman kasi ako ng mga gamit na kailangan kong dalhin ngayon. At dahil sa pagod ay nakalimutan ko na rin maghanda ng maisusuot.
Nang makapili ng dami ay isinabit ko na ito at nagsimula nang maghanda. Kaagad naman akong dumiretso sa banyo para maligo na. At dahil hindi naman ako sobrang matagal maghanda ay mabilis din akong natapos.
Saktong pagkatapos kong magbihis ay narinig ko ang doorbell kaya naman agad akong nagtungo sa labas para tignan kung sino ang bisita. Wala naman kasi akong inaasahan na dadating dahil nga aalis ako kaya naman kahit na nagtataka ay dumiretso pa rin ako sa pinto para buksan ito.
At hindi na nga ako nagulat ng masilayan ko ang nakangiting mukha ni Luna. Alam ko na dapat ay masaya ako dahil nandito siya pero hindi ko alam kung bakit kinakabahan na naman ako. At imbes na ma-paranoid ay umiling-iling na lang ako para lang mawaksi sa isipan ko ang bagay na ‘yon.
“Pasok ka,” wika ko at tuluyang binuksan ang pinto para makapasok siya. Mukha namang nagtataka siya sa inasta ko pero pumasok pa rin siya sa loob.
“Bakit parang ang nakasimangot ka? ‘Di ba dapat masaya ka dahil special day mo ngayon?” nagtatakang tanong niya ng makapasok siya sa unit ko.
“Baka kulang lang ako sa tulog, pagdadahilan ko at agad na isinara ang pinto.
“Anyway, para naman sumaya ka. I baked a cake for you!” masayang wika niya at ipinakita sa akin ang cake na dala-dala niya kanina pa. Nagsimula naman na siyang ilabas ito at inihanda sa mesa.
Hindi ko naman nagawang ngumiti kaagad nang makita ko ang cake na dala niya. ‘Yong design ng cake ay kaparehang-kapareha no’ng nakita ko sa panaginip ko. Mabilis ko namang pinasadahan ng tingin ang buong katawan niya at do’n ko napansin na parehas din ang damit na suot niya sa nakita ko.
“Are you okay?” nag-aalalang tanong niya kaya naman ngumiti na lang ako para mapanatag din siya. Hindi ko alam kung paano sasabihin sa kanya kaya naman nanahimik na lang ako.
‘Hindi, Tracy, it’s only a déjà vu, you don’t need to worry,’ pagkumbinsi ko sa sarili ko at itinuon ko na lang ang atensyon ko sa kanya.
Nang makaupo ako sa mesa ay kaagad niyang inabot sa akin ang cake na dala niya kaya naman mabilis ko rin itong tinikman. At dahil nakakain na ako ng matamis ay kahit papano ay kumalma na rin ako. Mukhang wala naman pala akong dapat ikabahala dahil imbes na mag-kwentuhan ay nagtanong-tanong siya sa akin kung anong dessert ang pwede niya pang gawin.
Saka ko lang din naalala na this week na rin ang opening ng isa pang branch ng coffee shop niya sa Laguna. At dahil alam niya na mahilig ako sa mga sweets and desserts ay ako lagi ang tinatanong niya kung anong magandang bago dessert ang pwede niyang gawin.
Ilang minuto rin naming pinag-usapan ang mga pwede niyang gawin at kada may suggestion ako ay kaagad naman niya ‘yong nilalagay sa notes niya. Kapag kasi nagsasabi ako ng mga ideya ay ililista niya lang ang lahat ng ‘yon at saka siya makakaisip ng unique na dessert.
Kaya naman mabilis din ang naging paglago ng negosyo niya dahil kakaiba ang mga dessert na inihahanda niya. At kada kapag may nagagawa siyang bagong recipe ay madalas niyang isama ang pangalan ko o kaya naman ay bigyan ako ng credits.
Sabi ko nga sa kanya na ayos lang sa akin dahil siya naman ang pinaka-gumawa pero gusto niyang isama ang pangalan ko dahil ako raw ang nakaisip no’ng ideya. Kaya naman pamilyar na sa mga customer niya ang pangalan ko kahit na hindi pa naman nila ako nakikita.
Matapos naming mag-usap tungkol sa negosyo niya ay napansin ko naman na napatitig siya sa mukha ko kaya na-conscious tuloy ako bigla at agad na napahawak sa mukha ko para kapain kung may dumi ba.
“Hindi ka pa nagme-makeup?” tanong niya kaya naman tumango ako.
Imbes na magsalita ay agad naman siyang tumayo ay kinuha ang makeup kit ko na nasa loob ng kwarto ko. Kahit na kanina ko pa na iniisip na déjà vu lang ‘yon ay hindi ko pa rin mapigilang kabahan kasi alam ko na hindi maganda ang mangyayari sa dulo.
Pagkalabas naman niya mula sa kwarto ko ay nagsimula na siyag ihanda ang mga makeup na gagamitin niya para sa akin.
“Alam mo, T, need mo na talagang matutong mag-ayos. Isa pa, public figure ka na ngayon kaya naman maraming magpapa-picture sa’yo for sure,” wika niya pa habang nilalagyan ako ng makeup.
Hindi na naman ako nakasagot kaagad sa sinabi niya dahil narinig ko na ‘yon. Hindi naman na siya nagsalita pa kaya nanatili na lang din akong tahimik habang inaayusan niya ako.
Baka nga napa-paranoid lang talaga ako.