‘Time takes it all, whether you want it to or not.’ – Stephen King (The Green Mile)
At sa hindi ko mabilang na pagkakataon ay nagising na naman ako nang dahil sa tunog na nagmumula sa cellphone ko. At kagaya nang dati ay si Lhia ang tumatawag para ipaalala ‘yong event na mangyayari mamaya.
Nang bumangon ako ay hindi na ako nag-abala pang sagutin ang tawag niya. Sa dami nang boses kong narinig ang sasabihin niya ay halos nakabisado ko na ang mga ‘to. Hindi ko na rin mabilang kung ilang beses na bang umulit ang araw na ‘to.
At sa bawat araw na lumipas ay sinubukan ko ang iba’t ibang paraan para lang makatakas, para lang mabuhay at hindi na maulit pa ang araw na ‘to pero nabigo ako. Dahil hindi pwedeng hindi natatapos ang araw na ‘to na hindi niya ako napapatay.
Ang dami ko nang ginawa na paraan pero ito pa rin ako, gumigising sa parehong araw na para bang walang nangyari. Sinubukan ko nang magsabi sa mga pulis na may nagtatangkang pumatay sa akin pero kagaya nang inaasahan ay hindi agad-agad sila naniwala.
Lahat na nang paraan na pwedeng gawin ay pakiramdam ko ay nasubukan ko na pero para bang wala pa rin akong takas. Nagmaneho ako nang lasing kaya naman nakulong ako pero wala pa rin, nakagawa pa rin siya nang paraan para mapatay ako.
Kaya naman kahit na nasa puder ako ng mga pulis ay hindi pa rin ako nakaligtas. Sinubukan ko na rin na magpakalayo-layo at pumunta nang ibang bansa, pero bago pa man ako makasakay sa eroplano at makaalis ay napatay na naman niya ako.
Kaya naman unti-unti ko na ring natatanggap na wala nang pag-asa na makaalis pa ako sa pagkakabilanggo na ‘to.
Na kahit anong gawin kong paraan ay mamamatay pa rin ako at uulit lang ulit ang araw na ‘to. Kaya naman desidido ako na gawin na lang ang mga bagay na gusto kong gawin bago pa man ako mamatay ulit ngayong araw.
Nang makabangon ay agad kong pinatay ang cellphone ko, wala muna akong balak pumunta sa event dahil napapagod na rin ako sa paulit-ulit na pagpapanggap na masaya ako.
Kaysa lumabas at umalis ay napagpasyahan ko na mag-stay na lang dito sa bahay. Panigurado namang alam na nang killer ko kung saan ako nakatira. At saka kahit saan pa ako magpunta ay siguradong makakasunod siya kaya naman imbes na magpakapagod pa ako sa pagtakbo at paglayo ay dito na lang ako.
Nang patayin ko ang cellphone ko ay naghilamos lang ako sandali at naghanda nang makakain. Plano kong manood nang movie ngayon. Sa araw-araw na umuulit, pakiramdam ko ay pwede ko nang mapanood ‘yong mga Korean drama o movie na hindi ko mapanood dahil wala akong oras.
Kaysa naman magsulat ako, sayang lang dahil kapag natapos ang oras na ‘to ay babalik lang ulit sa dati kaya naman mawawala rin ‘yong sinulat ko. Nang makapili ako panonoorin hininaan ko lang ang volume nito. Para kung sakali man na dumating si Luna ay hindi niya marinig ang tunog.
Maya-maya lang din pagkaumpisa nang palabas ay narinig ko ang doorbell mula sa labas pero hindi ko ito pinansin. Ilang beses pa siyang nag-doorbell at kumatok pero nanatili akong nakaupo sa kama ko at nanonood.
Hindi ko alam kung ilang minuto niya pang ginawa ang bagay na ‘yon hanggang sa mapansin ko na lang na parang umalis na siya. Paniguradong tatawag siya o kaya naman ay magte-text sa akin, mabuti na lang din pala at na-off ko kaagad ang cellphone ko.
Nasa kalagitnaan na ako nang movie nang marinig ko na may kumakatok na naman mula sa labas. Bigla tuloy akong napaisip kung sino ‘yong nasa labas dahil ang alam ko lang naman ay si Luna ang pupunta ngayong araw.
Inihinto ko muna sa pag-play ‘yong movie at lumabas ako nang kwarto para tignan kung sino ang nasa pinto. Nang sumilip ako sa maliit na butas ay saka ko napansin si Lhia sa labas na kanina pa naghihintay. Pinatay ko nga pala ang phone ko kaya naman hindi malabong puntahan niya ako para sa event.
At imbes na pagbuksan siya nang pinto ay hinayaan ko na lang siya sa labas at bumalik na sa kwarto ko. Napabuntong hininga na lang din ako dahil sobrang nagsasawa na rin ako sa nangyayari. Gustong-gusto ko nang matapos ang araw na ‘to pero may parte pa rin sa akin na ayaw.
Dahil alam ko na kapag natapos ang araw na ‘to ay paniguradong wala na ako kinabukasan, na baka patay na ako. Pero hindi ko rin matanggap nang buo na nasa ganitong sitwasyon ako. Araw-araw ay napapaisip ako na sa dinami-rami nang tao rito sa mundo, bakit sa akin pa nangyayari ang bagay na ‘to.
Sa 26 years ko sa mundo na ‘to, kahit kailanman ay hindi ako naging masamang tao o masamang mamamayan. Kaya naman kahit anong pili tang gawin ko ay wala talaga akong maisip na dahilan kung bakit ako.
I feel so devastated. May mga araw na parang gusto ko na lang sumuko pero paulit-ulit din akong nagigising sa parehong araw. Hindi ko na alam kung paano tatakasan ang bagay na ‘to.
Hindi ko na alam kung ilang oras na ba ang lumipas dahil nakailang movie na rin ako na napapanood. Maghahanap pa sana ako ng pwedeng panoorin nang bigla na namang mag-doorbell kaya naman lumabas ako para tignan kung sino na naman ang bagong dating.
Pagsilip ko sa labas ay nakita ko si Luna at Hazel na naghihintay sa labas. Bigla tuloy akong napaisip kung pagbubuksan ko ba sila o hindi. Pero matapos lang din ang ilang minuto ay dahan-dahan kong binuksan ang pinto at tumambad sa akin ang nag-aalalang mukha nilang dalawa.
Wala naman na akong nagawa pa kaya nilakihan ko pa ang bukas nang pinto at pinapasok sila. Saglit lang naman nila akong tinignan at dumiretso na rin sila sa loob. Nang mapansin ko ang damit nila ay ito rin ‘yong suot nila no’ng pumunta sila sa event ko.
Kaya siguro nandito sila ngayon ay dahil hindi nga natuloy ang event dahil hindi naman ako pumunta. Nang tuluyan silang makapasok ay kaagad kong sinara ang pinto at sumunod sa kanila. Kahit wala pa silang sinasabi ay ramdam ko na kaagad ang bigat nang paligid.
“Tracy,” mahinang tawag ni Luna sa pangalan ko kaya naman napatingin ako sa kanya. Hindi naman na siya nagsalita at nanatili lang na nakatingin sa akin. Maya-maya lang ay nagulat pa ako ng bigla siyang lumapit sa akin at yakapin ako.
Nagtataka tuloy akong napatingin sa kanya. Ramdam ko naman ang higpit nang yakap niya sa akin kaya naman napayakap na lang din ako sa kanya pabalik.
“Kung nahihirapan ka, nandito lang kami. We are always ready to listen,” sabi niya pa sa akin habang hinihimas ang likuran ko.
Masyado akong naging makasarili ko, nakalimutan ko na may mga kaibigan pala ako na nag-aalala sa akin. Masyado akong na-focus sa pansariling kagustuhan ko. Hindi ko man lang naisip ‘yong mga taong nag-aalala para sa akin.
Hindi ko tuloy maiwasan na ma-guilty dahil sa pag-iwas na ginawa ko sa kanila. Ilang beses ko rin namang naisip na sabihin sa kanila ang nangyayari pero alam ko naman na mahihirapan silang intindihin ako, ang sitwasyon na mayro’n ako.
Hindi ko na mabilang kung ilang beses kong sinubukan na sabihin sa kanila ang lahat pero kada magsisimula ako ay para bang nababaliw ang tingin nila sa akin kaya naman hindi ko na lang din tinutuloy ang plano ko.