‘There’s only one thing more precious than our time and that’s who we spend it on.’ – Leo Christopher
Kaagad akong nagising dahil sa ingay nang cellphone ko kaya naman napabalikwas ako nang bangon. Nang tignan ko ‘to ay nakita kong si Lhia ang tumatawag kaya naman dali-dali kong ni-dial ang numero ni Luna.
Alam ko na pupunta rin siya rito maya-maya pero hindi ako makapaghintay na marinig ang boses niya. Gusto kong malaman kung maayos at ligtas ba sila ni Hazel.
Nakailang ring pa ang tawag hanggang sa sagutin niya rin ‘to. “Luna!” tawag ko sa kanya.
“Hello?” bigla naman akong nagtaka dahil imbes na si Luna ang marinig ko ay boses nang lalaki ang sumagot sa akin.
“H-hello? Sino ‘to?” kinakabahan na tanong ko sa kanya.
“Miss Tracy? Si Ian po ‘to,” pagpapakilala niya pa.
“Nasaan si Luna?” agad na tanong ko sa kanya. Hindi ko tuloy mapigilang kabahan dahil imbes na si Luna ang sumagot ay siya nag kausap ko ngayon.
“Ah, si Ma’am Luna po, nasa baking room lang sandali Miss Tracy. Naiwan niya kasi ‘tong cellphone niya rito kaya ako ang nakasagot,” paliwanag naman niya kaya kahit papano ay nakahinga ako nang maluwag.
“Pwedeng pakibigay sa kanya, gusto ko siyang makausap.”
“Sige, Miss Tracy, sandali lang,” he said kaya naman sandaling tumahimik sa kabilang linya.
Maya-maya lang din ay may nagsalita ulit kaya naman nang marinig ko ang boses ni Luna ay para bang nabunutan ako ng tinik sa lalamunan.
“Luna,” tawag ko pang muli sa kanya.
“Oh, bakit? Napatawag ka?” tanong niya pa pero hindi ako sumagot. “’Di ba ngayon ang event mo? Nag-aasikaso ka na ba?”
“Yeah,” pagisisinungaling ko. “Bigla ko lang naisipan na tawagan ka,” dagdag ko pa.
“Na-miss mo lang ako, eh. Anyway, tawagan na lang ulit kita mamaya, may tinatapos pa kasi akong i-bake,” sabi niya pa at nagpaalam na.
“Sure,” maikling sagot ko at naputol na ang tawag.
Mukhang ‘yong cake na dadalhin niya rito ‘yong tinatapos niya ngayon. Sunod naman na tinawagan ko si Hazel. Kahit may ideya na ako na ligtas din siya ay gusto ko pa ring marinig ang boses niya para makasigurado ako.
Saglit lang din nag-ring at sinagot na niya kaagad ang tawag. “Hello, napatawag ka?” tanong niya mula sa kabilang linya. At nang tuluyan kong narinig ang boses niya ay hindi ko alam kung bakit parang naiiyak ako.
“Itatanong ko lang sana kung pupunta ka sa event ko mamaya,” tanong ko pa sa kanya kahit alam ko naman na ang sagot.
“Hay, wala talaga kaming takas sa’yo, masyado kang sigurista. Oo, pupunta kami ni Luna mamaya. Basta ba ‘wag mong sabihin sa kanya na ako ang nagsabi kung hindi sasabunutan talaga kita,” dagdag niya pa kaya naman napatawa ako.
“Oo naman, sige na magpahinga ka na muna. Mukhang naistorbo ko pa ang pagtulog mo.”
“Oo, bakla ka, naistorbo mo talaga ako,” mataray na sabi niya pa kaya naman natawa ulit ako sa kanya.
“Sige na, pahinga ka na ulit. See you, later,” paalam ko sa kanya at ibinaba ko na ang tawag.
Matapos ‘yon ay nakampante na ako na ayos na nga silang dalawa. Mabuti naman kung gano’n, dahil kung hindi ay paniguradong sisisihin ko ang sarili ko kung sakali. Hanggang ngayon naman ay sinisisi ko pa rin ang sarili ko.
Kahit na ligtas na sila ay hindi ko pa rin maiwasan na sisihin ang sarili ko. Kasi kung hindi ko sinabi sa kanila ang nangyari, hindi sila magpapasya na manatili sa unit ko at hindi mangyayari ‘yon sa kanila. Napahilamos na lang ako sa mukha ko nang maalala ko ‘yong lagay nila kagabi.
Pakiramdam ko tuloy ay ang bobo ko no’ng mga panahong ‘yon dahil kung hindi ako masyadong nagpadala sa emosyon ko ay hindi naman ako mapipilitan na sabihin sa kanila ang nangyari. At hindi rin maiisipan no’ng killer na patayin sila.
Hindi ko lang din maiwasang manghinayang dahil ‘yon na sana ang pagkakataon ko para makabawi sa lahat nang ginawa niya sa akin, pero kung hindi ko siya hahayaan na patayin ako ay hindi mababalik sa dati ang lahat.
Kaya naman imbes na labanan pa ang tadhana ay hahayaan ko na lang na mangyari ang mga dapat mangyari. Pakiramdam ko kasi ay kada sinusubukan ko na gumawa nang paraan makatakas sa ganitong sitwasyon ay laging may nadadamay.
Kung hindi ibang tao ay ang mga kaibigan ko naman. Kaya naman mas mabuti na ako na lang at ‘wag na sila. Dahil hindi ko kakayanin kung may mangyari mang masama sa kanila.
Siguro ay e-enjoy ko na lang ang bawat araw, gagawin ko na lang ang mga bagay na gusto kong gawin. Hahayaan ko na lang ang sarili ko na e-enjoy ang bawat sandali bago ako mamatay. Kaya naman nagpasya ako na gawin ngayon ang mga bagay na hindi ko nagagawa dati.
Habang nag-aasikaso ay biglang pumasok sa isip ko si Andrew. Ilang beses ko na siyang nakita kaya naman natatandaan ko na rin ang pangalan niya. Bigla ko tuloy naalala ‘yong balita kahapon. Kung namatay siya kahapon ay paniguradong buhay na ulit siya ngayon.
Pero nakakapagtaka lang na naiba ‘yong lugar kung saan siya namatay. Pero imposible naman na nararanasan niya rin ang nararanasan ko dahil aksidente lang naman ang nangyari sa kanya. Kaya lang ay hindi ko maiwasang isipin na parehas din pala kaming mamamatay sa parehong araw.
Nang matapos akong mag-asikaso ay narinig ko na ang pagkatok mula sa labas kaya naman palagay ko ay si Luna na ang nasa labas. Agad naman akong dumiretso sa pinto at bumungad sa akin ang nakangiti niyang mukha.
Agad ko naman siyang pinapasok at pinatuloy saka ko isinara ang pinto.
“Mabuti naman at nakahanda ka na. Anyway, bakit ka pala napatawag kanina?” tanong niya kaagad pagpasok na pagpasok niya.
“Wala lang. Bawal na ba tumawag?” balik na tanong ko sa kanya kaya naman tinignan niya lang ako.
“Here, I baked a cake for you,” wika niya at inihanda na ang cake.
Hindi naman na ako umangal pa at naupo na lang din at saka kinain ang inihanda niya sa akin. Habang kumakain ay pinag-uusapan din namin ‘yong tungkol sab ago niyang bakeshop.
Kaya naman kahit alam ko na kung ano ang plano niya ay nakisabay na lang ako sa sinasabi niya at nagpanggap na wala pa akong ideya. Nang matapos siyang magsalita ay saka ko naisipan na magtanong sa kanya.
“Luna, may tanong ako sa’yo. What would you do if you wake up in the very same day every day?” tanong ko at nakita ko naman ang bahagyang pagkunot nang noo niya.
“Huh? What do you mean? Paki-elaborate, please,” she said kaya naman huminga muna ako nang malalim bago muling nagpatuloy.
“Anong gagawin mo kung sakaling gumising ka sa parehong araw? Na ‘yong araw na ‘yon ay tapos na talaga pero gigising ka na ‘yon ulit. Parang paulit-ulit lang,” paliwanag ko pa.
Mukhang hindi na naman niya naintindihan dahil muling kumunot ang noo niya. Hindi ko tuloy alam kung paano ipapaliwanag sa kanya. Wala naman na akong balak pang sabihin sa kanila ang nangyari pero gusto ko lang ipaalam sa kanila indirectly.
“Ako lang ba o magulo talaga? Parang naiintindihan kita na hindi,” sabi niya pa sabay kain nang cake.
Napabuntong hininga na lang tuloy ulit ako at saglit na tumingin sa kanya. “Magulo talaga. Kasi pati ako ay hindi ko rin talaga maintindihan,” sabi ko na lang.