‘Time flies over us, but leaves its shadow behind.’ – Nathaniel Hawthorne
At dahil napagpasyahan nila na rito matulog at magpalipas nang gabi ay hindi na rin ako umangal pa. May point din naman ‘yong sinabi ni Luna. Mas mabuti nga na magkakasama kami kaysa mag-isa lang ako, sa gano’ng paraan ay may chance na hindi ako mamatay ngayong araw.
At dahil ilang beses na rin naman na silang nakatulog dito sa unit ko ay may mga gamit at damit na rin sila rito. Mabuti na lang din at nagkaayos kaagad kami ni Hazel. Nagtampo lang daw siya sa akin dahil nga masyado kong sinarili ang problema ko.
Pero matapos din naming mag-usap ay nagkaayos din naman agad kaming dalawa. Maraming beses na kaming nag-away-away pero hindi rin naman natatapos ang araw na hindi kami nagkakaayos. Kaya nga malaki rin ang pasasalamat ko na nakilala ko sila at naging kaibigan.
Abala ngayon si Luna sa paghahanda nang makakain namin ngayong gabi. Sabi ko nga sa kanila ay magpa-deliver na lang kami para hindi na kami magluluto pero nag-presenta siya kaya naman hinayaan na lang namin siya.
Sa aming tatlo ay siya lang din naman kasi talaga ang marunong magluto. Nakakapagluto naman kami ni Hazel pero puro prito-prito lang hindi kagaya niya na maraming alam na putahe. Habang nagluluto siya ay nasa banyo naman si Hazel at nagsha-shower.
Wala naman akong ginagawa kaya naman nakatingin lang ako kay Luna at hindi ko maiwasan na mapangiti. Mukhang mas mabuti talaga kung susulitin ko ang bawat araw na lumipas. Kasi kung hindi dahil sa ganitong sitwasyon ay baka hindi ko sila kasama.
Lately ay sobrang bihira namin magkita-kita talaga dahil abala rin silang dalawa sa trabaho. Ako kasi ay abala sa pagtapos nang manuscript ko at para sa event kaya naman puro meeting ako no’ng nakaraang araw at puro sulat.
Si Luna naman ay busy din dahil puro meeting din siya para ro’n sa baking branch nang bakeshop niya sa Laguna. At si Hazel naman ay madalas na wala rito sa bahay dahil sunod-sunod din ang flight niya.
Hindi ko tuloy maiwasan na maging proud sa kanila. May kaya ang mga pamilya namin kaya naman kahit na hindi kami mag-trabaho ay mabubuhay pa rin kami. Kaya nga nakaka-proud na kahit gano’n ang estado namin sa buhay ay nagagawa pa rin naming mag-hanapbuhay para sa sarili namin.
Natural na nasa pagne-negosyo na talaga ang dugo ni Luna dahil ang parents niya ay may negosyo rin. Ang pamilya nila ang may-ari nang pinakasikat na skincare brand dito sa bansa. Kaya nga minsan ay binibigyan nga kami nang mga sample nang bago nilang product.
Si Hazel naman ay nasa politics ang mga magulang. Ang tagal na ring mayor nang papa niya dahil ilang beses na re-elect. Suportado rin kasi nang lahat ang mga magulang niya dahil kilala ang mga ‘to na tumutulong talaga sa mga residente at sa lahat nang nangangailangan.
Ang pamilya ko naman ay may negosyo rin. May engineering firm ang papa ko habang may sariling boutique naman si mama.
Nang matapos mag-shower si Hazel ay lumabas na rin siya at nagsimula nang mag-skincare. Sa aming tatlo kasi ay siya talaga ang maraming skincare na ginagawa. Madalas din siya sa mga spa at salon para magpaayos.
Hindi naman kasi maitatanggi na maganda talaga si Hazel kaya nga marami rin ang nanliligaw sa kanya pero wala siyang sinasagot dahil wala pa raw siyang balak pumasok sa isang relasyon. Naniniwala kasi siya na balang araw ay mahahanap na rin ‘yong prince charming niya.
Oo, prince charming talaga ang sabi niya. Hindi man halata pero siya ang pinaka-hopeless romantic sa amin. Kaya nga kahit na minsan ay may nakakalandian siya ay hanggang do’n lang dahil alam niya na may lalaki talagang nakalaan para sa kanya.
Naalala ko pa kung paano niya i-kwento sa akin ‘yong gusto niyang mangyari. Nai-imagine niya kasi na kapag nagkita sila no’ng lalaking para sa kanya ay mararamdaman ‘yon nang puso niya. ‘Yong para bang love at first sight, tipong kahit na kakakita pa lang nila ay mabilis na titibok ang puso niya.
Na babagal ang paligid at hindi maaalis sa isip niya ‘yong lalaki na ‘yon. At pagkatapos no’n ay magiging madalas na rin ang pagkikita nila. Kaya nga nang nasabi niya sa amin ‘yon ay hindi namin maiwasan ni Luna na matawa sa kanya.
Sabi ko pa nga sa kanya ay pwede na siyang makagawa ng kwento sa sinasabi niya. Mahilig kasi rin siyang manood nang mga Korean drama at magpantasya sa mga bidang lalaki. Sa kanya nga ako natutong manood ng mga Korean drama.
Well, hindi ko naman siya masisisi dahil totoo naman na nakakakilig ang mga bidang lalaki. Na kahit sino namang babae ay mapapahiling na sana ay magkaro’n ka rin nang gano’ng lalaki sa buhay mo. Kaya lang ay imposibleng mangyari dahil hindi naman lahat nang lalaki ay katulad sa mga nasa palabas.
Na hindi naman laging masaya at nakakakilig ang pumasok sa isang relasyon.
Lagi ko pa ngang iniisip na kahit nasa late 20s na ako ay pakiramdam ko ay mahaba pa ang panahon at may ibang araw para makipag-relasyon. Kaya lang ay hindi ko naman inaasahan na mamamatay pala ako nang maaga na.
Never pumasok sa isip ko na mangyayari ang bagay na ‘to. Kaya nga minsan ay hindi ko maiwasan na ma-imagine kung ano ba ang pakiramdam nang nasa isang relasyon. Na kung ano ang pakiramdam nang may nag-aalala sa’yo bukod sa pamilya at kaibigan mo.
All this time, akala ko ay masaya na ako sa buhay ko dahil malaya kong nagagawa ang mga gusto ko, ang mga bagay na gusto kong gawin. Kaya lang ay mare-realize mo rin na hindi pa pala talaga lahat ay nagagawa mo.
Kaya nga ngayon na ilang beses ko nang naranasan mamatay ay hindi na rin ako natatakot dahil alam ko naman kasi na kahit anong gawin ko ay hindi ko ‘to maiiwasan. Hindi lang talaga pumasok sa isip ko na mamamatay ako nang bata pa.
“Hey! Kinakain ka na naman nang iniisip mo, kanina pa kita tinatawag nakatulala ka lang,” sabi ni Luna nang mapatingin ako sa kanya.
Tapos na pala siyang magluto hindi ko napansin. Napansin ko na tapos na rin pala sa skincare niya si Hazel at nauna na sa mesa kaya naman sumunod na ako sa kanila at naupo.
“Ang dami mo namang niluto,” sabi ko sa kanya nang mapansin ko ang mga pagkain na nasa mesa.
“Mabilis lang naman lutuin ang mga ‘yan. At saka para makakain kayo nang maayos. Alam ko naman na minsan ay wala na kayong oras para kumain,” she said at naupo na rin matapos ihain sa mesa ang mga niluto niya.
Bukod sa mga pritong pagkain ay may gulay at adobo rin. Pakiramdam ko tuloy ay ang dami nang pagkain na nasa mesa para sa aming tatlo. Pero hindi ko na pinansin pa ‘yon at nagsimula nang magsandok.
May punto naman kasi ang sinasabi niya. Minsan kasi ay hindi na talaga ako nakakakain sa tamang oras, lalo na kapag sobrang na-focus ako sa pagsusulat ay hindi ko namamalayan ang oras kaya naman hindi na ako nakakakain.
Nakakakain lang talaga ako kapag nakaramdam na ako nang sobrang pagkagutom. Puro rin kasi inumin ang katabi ko sa mesa dahil mas convenient ‘yon.
Dahil kapag kumakalam ang sikmura ko ay iinom lang ako ng juice o kaya kape at saka kakain pagkatapos. Kaya lang ay nakakalimutan ko na rin kumain matapos kong magsulat dahil natutulog na ako kaagad. At pagkagising ko naman ay magka-kape lang ako at haharap na ulit sa laptop para magsulat.
Mas okay kasi sa akin ang gano’n dahiol kapag tuloy-tuloy ang idea na nasa isip ko ay tuloy-tuloy din ako sa pagsusulat. Mahirap din naman kasi kapag nahinto ka dahil mawawala ka sa momentum kaya naman tinitiis ko na lang minsan ang gutom.