Nang matapos ang laban sa pagitan nila Makmak, Ara at Patricia ay nagpasiya muna ang mga namamahala na magpahinga muna ang kanilang manlalaro. Nakaramdam ng awa si Patricia sa bawat bata at matanda na kanyang nadaraanan, dahil bahid sa mukha ng mga ito ang pagkatalo. Wala namang imik ang mga kaibigan niya at patuloy lamang silang naglalakad pabalik ng bahay. Si Makmak ay tahimik din at tila iniisip kung ano nga ba ang sasabihin ng dalawa sa kanya. Nilibang na lamang niya ang sarili sa pagsipa ng bato sa lupa.
"Nakakapagod din pala ang larong iyon ano?" pangunguna ni Patricia nang hindi na matiis ang katahimikan.
"Oo. Hindi ko rin akalain na matatalo ako," ani Ara sa malungkot na boses. Upang bumalik ang sigla ni Ara, tumingin si Patricia kay Makmak. Ilang segundo lang din at lumingon na si Makmak sa dalaga. Alam na nila ang gagawin, kapag ganitong malungkot ang kaibigan nilang si Ara.
"May naaamoy ako," wika ni Makmak na kunwari ay may sinisinghot.
Hindi naman siya narinig ni Ara, kaya si Patricia na ang sunod na nagsalita. "Oo nga ano? Mukhang masarap," takam na sabi ng dalaga, kaya naman nahulog din sa patibong nila si Ara at hinahanap ang sinasabi nilang amoy.
"Tss. Wala naman e," bulong sa sarili at mas lalong binilisan ang paglakad. Hinabol siya ng dalawa bahid ang nakakalokong ngiti.
"Patricia? Mukhang walang ganang kumain ngayon si Ara ano? Tayo na lang ba ang kakain ng lulutuin mong kare-kare?" pag-iinggit ni Makmak.
"Oo naman! Mayroon pang baboy sa bahay, buto-buto iyon. Pagkatapos lalagyan ko ng maraming gulay,ano sa tingin mo?" dagdag pa ni Patricia.
Bigla namang naramdaman ni Ara na kumukulo na ang kanyang tiyan sa pinagsasabi ng dalawa sa likuran niya. Hindi niya matiis lalo na nang marinig ang paborito niyang ulam na kare-kare.
Magsasalita na sana si Ara,ngunit bigla namang nagtinginan sina Patricia at Makmak saka sabay na tumakbo.
"Hoy teka!Hintayin ninyo ako! Nagugutom din ako 'no!" sigaw ni Ara habang hinahabol ang dalawa.
Humahangos silang tatlo na parang bata noong nakarating na sila sa bahay ni Patricia. Pagbukas ng pinto ay kaagad silang umupo at si Patricia naman ay nilapag anng pitchel sa mesa.
Ngayon nila nararamdaman ang sobrang pagkauhaw. Sa pitong oras nilang nakatayo doon at naghihintay ay hindi pa sila nakakain man lang o nakakainom. Mabuti na lang at nagkaroon pa ng awa sa kanila ang mga nasa likod ng laro, at pinagpabukas na lamang iyon.
Nang makapagpahinga na sila, nagsimula namang maghanda ng pagkain si Patricia, habang si Makmak at Ara naman ay tahimik ma naghihintay.
"Ano nga pala...ang sasabihin ninyo sa akin?" humahangos pa ring sabi ni Makmak.
Huminga muna ng malalim si Ara,hinihintay na humarap sa kanya si Patricia. At nang maramdaman na ni Patricia na kailangan ni Ara ng pahintulot niya ay tumango na lamang siya habang nakatalikod.
" Iyong nakalaban mo kasi kanina," wika ni Ara.
Kumunot ang noo ni Makmak. "Yung mayabang na maliit na iyon? Babawi ako sa sunod naming paghaharap!" matapang na sambit ni Makmak, sabay lumagok pa ng tubig sa baso.
"Hindi gano'n kadali iyon, ani Ara. "Hindi normal si Alter,"dagdag pa nito.
"Alter? Alter ba ang pangalan ng mayabang na 'yon?" tanong nito.
Humarap naman si Patricia dala ang sandok sa kaliwang kamay. "Oo, at kailangan mong mag-ingat doon," may diin sa sinabi ni Patricia.
"Pero teka. Wala ka bang napapansin na kakaiba kay Alter kanina? Sa mga kilos niya? Tinanggal ba niya ang salamin niya sa harapan mo?" sunod-sunod na tanong ni Ara.
Umiling naman si Makmak. "Hindi naman. Pahikab-hikab lang siya at parang inip na inip sa akin, kaya medyo nainis ako," anito.
"Mayroon kasing nakapagsabi sa amin na ang kalaban mo kanina ay may abilidad sa panghihipnotismo," paliwanag ni Ara.
"H-hipnotismo?" hindi makapaniwalang tanong ni Makmak.
"Hindi rin iyon kapani-paniwala sa amin noong una, dahil kung titingnan mo siya ay parang wala namang espesyal sa kanya hindi ba? Ngunit nang pinaliwanag sa amin iyon ng isa sa mga nabiktima niya, nag-alala kami sa 'yo. Lalo na ngayon na pinapangunahan ka pa ng galit mo," malumanay na paliwanag ni Patricia.
"P..pero paano? Paano siya nakakapanghipnotismo? Paano maiiwasan iyon?" tanong ni Makmak na ngayon ay nagsisimula nang kabahan.
"Sa suot niyang salamin," tipid na sagot ni Ara. "Ang sabi sa amin ay kapag tinanggal na nito ang suot na salamin ay hawak na niya ang buhay mo, pero.."
"Pero ano?" nagmamadaling tanong ni Makmak.
"Pero naalala ko ang sinabi sa akin noon ni Ina," ani Ara.
"Na ano ang sinabi sa'yo?"tanong ni Makmak.
Bigla naman siyang binatukan ni Ara,kaya muli ay napangiwi si Makmak. "Pwede ba? Kumalma ka muna at makinig ka sa amin," anito.
"Naalala pa namin ang huling sinabi ng lalaki bago iyon umalis, upang maiwasan mo ang hipnotismong dala ni Alter, kung sakaling bibiktimahin ka nito," paliwanag ni Patricia. Hinawakan naman ni Patricia ay gawa sa tanso niyang singsing. Ang singsing na iyon ay galing pa sa kanyang ama. Noong bata pa siya ay sinuot na sa kanya iyon, ngunit ngayon ay hinubad niya at pinatong sa mesa.
"Mga bagay na gawa sa tanso. Kailangan mong suotin 'yan sa proteksyon. Ngunit hindi naman masisigurado sayong isang daang porsyento na maililigtas ka niyan. Basta kung sakali ay huwag kang titingin ng direkta sa kanyang mata," ani Patricia.
Napasandal sa sandalan ng upuan si Makmak at bahagyang nag-isip. "Kung hindi ko babantayan ang kilos niya at hindi ko siya titingnan sa mata ay baka iyon ang ikatalo ko. Alam naman ninyo ang abilidad ko hindi ba? Hindi ko makikita ang susunod niyang ititira kung hindi ko siya titingnan sa mata," paliwanag ni Makmak,kaya pati sina Ara at Patricia ay napaisip.
Kung sabagay ay malaking kawalan iyon kay Makmak kung sakali at kung ang singsing man ni Patricia ang makakapagligtas sa kanya kahit sa maliit na tiyansa ay gagamitin niya iyon. Siguro nga ay isang dalubhasa ang nakalaban ni Makmak dahil kahit abilidad ng binata ay alam ni Alter. Hirap din si Makmak na magpokus, lalo na kapag tinitingnan siya ng matalim ni Alter, sabay tatawa.
"Kaya pala nalaman kaagad ni Alter na binabasa ko ang nasa isip niya," bulong ni Makmak,kaya napatingin sa kanya ang dalawa.
"Ano?!" gulat na sabi ni Ara.
"Kaya pala ay hindi na niya sineryoso ang laro. Ang huling sabi lang niya sa akin ay gusto pa niya akong makita sa susunod, kaya binigay niya sa akin ang panalo. Hindi ko iyon tanggap," ani Makmak saka kinuha ang singsing ni Patricia. "Hihiramin ko muna ito Pachot. Kahit kaunti lamang ang tyansa upang hindi ako tablahan ng hipnotismo niya ay makikipagsapalaran ako. Hindi ko na hahayaan na laitin pa niya ako ng gano'n." Napakagat sa ibabang labi si Makmak nang maalala ang nakakalokong ngiti ng kalabang si Alter kanina.
"Alam ninyo, ako rin e kinakabahan doon sa nakalaban ko kanina," ani Patricia.
Tumaas naman ang kilay ni Makmak. "Bakit naman? Eh tingin ko nga sa mga manlalarong babae ay mahihina lamang," ani Makmak.
"Nagkakamali ka," sagot ni Ara. "Mayroong nakalaban si Patricia na siyang tumalo rin sa akin. Iyong babaeng nakatakip ang mukha ng itim na tela pagkatapos ang supt ay kulay lila na damit. Pakiramdam ko nga napakamisteryosa ng babaeng iyon. Halos hindi man siya nahirapan sa limang nakalaro niya. Pwera kay Patricia."
"Ramdam ko rin 'yon, Ara," pagsang-ayon ni Patricia.
"Hindi basta-basta ang babaeng iyon. Nakakatakot siya. Parang may kakaibang awra siyang dala para manginig at manlambot ang mga nakakalaban niya. Mabuti na lang at natiis ko pa kanina, kahit nangangatog na ang tuhod ko," ani Patricia.
Pagkatapos maluto ang pagkain ay inihain na ito ni Patricia sa mesa. Hindi maipagkakailang sabik na sabik si Ara sa niluto ni Patricia na kare-kare kaya hindi na nito napigilan ang sarili na manguna na sa pagkuha. Pagkalagay niyon sa plato ay saka nito sinubo ang pagkain.
"P..pashensya..na ha? Gutom na gutom na kasi ako e." wika ni Ara na punong-puno ang bibig. "Mamaya na lang siguro natin pag-usapan ang ating gagawin," anito, kaya natuwa na lang si Patricia at Makmak.
Umupo si Patricia sa tapat ni Ara. "Mabuti naman at nagustuhan mo ang niluto ko," aniya sa kaibigan.
"Aba oo! Kuhang-kuha mo ang timplang hinahanap ko," ani Ara at mabilis na sumubo pa ng kanin at ulam.
Napailing-iling na lang si Makmak. "Alam mo, Patricia. Masanay ka na sa kaibigan natin. Kapag stress 'yan, masiba talaga 'yan," tatawa-tawa nitong sabi kaya sinamaan siya ng tingin ni Ara.
Nang matapos na silang kumain, inilatag na kaagad ni Makmak ang banig kinuha nitong nakasiksik sa pader. Pagkatapos niyon ay tinipon na nito sina Ara at Patricia upang magsanay. Alam ni Makmak simula pa man na hindi gano'n katalas ang memorya ni Ara. Madali ring mawala sa pokus ang kaibigan, kaya mas kailangan nito ngayon ng matinding pagsasanay.
Si Ara naman ay tuwang-tuwa sa pakikipaglaro ng jack en poy. Bawat matalo kasi ay bubudburan ng harina sa mukha, kaya palaging silang dalawa ni Patricia ang talo kay Makmak.
"Napakadaya talaga nito e!" paninisi ni Ara na sinang-ayunan naman ni Patricia.
"Paano nababasa niya ang nasa isip natin!" ani Patricia na hindi na malinaw ang nakikita sa dami ng harina sa kanyang mukha.
Umabot ng tatlong oras ang kanilang pagsasanay. Katulad nang nakaraan ay pasado alas dose na naman silang natulog.
Sa hindi maipaliwanag na dahilan, biglang nagising si Ara sa mahimbing nitong pagkakatulog. Tila humahangos at hinahabol ang kanyang hininga. Mabilis siyang nagpunta sa kusina upang lumagok ng tubig. Nang umupo siya at makapagpahinga ay naalala nito ang masalimuot niyang napanaginipan. Kahit nanaginip siya tungkol sa kanyang ama ay parang bangungot na iyon kung tawagin.
Nanaginip siya na nasa isang sitwasyon daw sila ni Mang Eddie kung saan mamimili siya kung sasagipin nito ang kanyang ama o tuluyan na niya itong kakalimutan. Hindi maalis sa isipan ni Ara ang mukha ni Mang Eddie na namumula sa takot. Ang boses nito ang paulit-ulit na sumisigaw sa tainga ni Ara. Paulit-ulit na umiiling si Ara. Inaalala nito ang bawat detalye ng kanyang napanaginipan.
"Hindi.." bulong nito sa sarili. "Hindi ko kailanman ililigtas ang nag-iisang tao na tumakwil sa akin at hindi ako kinilala bilang anak." Sa sobrang galit ay napatikom na lang si Ara ng kanyang kamao at tumingin sa apoy ng gasera.
Naalala nito ang noon pa nilang masasayang alaala ng kanyang pamilya. Ang akala nitong masaya at matibay na pundasyon ng kanilang pamilya ay sisirain lamang ng kanyang ama dahil sa ina ni Deth. Iniwan ni Mang Eddie sina Ara para sa ina ni Deth at dahil doon ay nagkasakit ang kanyang ina at namatay. Hindi mapigilang magalit ni Ara at simula noon ay tinatak na nito sa kanyang isipan na hindi na kailanman kikilalanin si Mang Eddie bilang ama. Ngunit dahil unti-unti nang napapatawad ni Ara ang kanyang ama ay saka naman ito ipinagkaila na anak niya ang dalaga. Iniwasan at pinandirihan si Ara noon ng sarili nitong ama, kaya nagpalaboy-laboy siya. Doon nito nakilala ang ina ni Makmak. Nagtitinda si Aling Linda noon sa palengke, habang si Ara ay namumulot ng basura. Sakto naman dahil kaibigan ni aling Linda ang ina ni Ara kaya naman sila na ang umampon sa dalaga. Simula noon ay doon na nanirahan si Ara sa bahay nina Makmak at tinuring siyang totoong pamilya. Kinalimutan na rin nito simula noon ang ama na ilang beses nang tumakwil sa kanya.
Tiningnan rin nito ang mahimbing nang natutulog na sina Makmak at Patricia. Kahit papaano ay maswerte pa rin siya dahil may naiwan pa ring nagmamalasakit sa kanya. Malaking pasasalamat nito sa pamilya ni Makmak, dahil sila na ang tumayong magulang ng dalaga. Pati si Makmak ay hindi matatawaran ang ginawa nito kay Ara sa bawat pagligtas na ginagawa nito sa kanya. Kaya siguro hindi mapigilan ni Ara na magkaroon ng masidhing damdamin tungo kay Makmak. Hindi rin nito maiwasang magselos, tuwing nakikita ang kaibigan na iba ang tingin kay Patricia. Nasabi na rin kasi sa kanya ni Makmak na hindi malabong hindi magkagusto si Makmak kay Patricia. Kahit naman siya ay nababaitan sa bagong kaibigan at wala siyang masabi roon. Pero kahit gano'n, hindi pa rin niya maiwasang hindi masaktan. Lalo na alam naman ni Patricia na may pagtingin si Ara kay Makmak.
Nanatiling tulala si Ara sa tapat ng gasera. Nagising din si Patricia dahil ramdam niya ang pantog na nagsisimula nang magwala. Pagkalabas ni Patricia sa banyo ay pupungay-pungay naman siyang naglakad palapit sa pwesto ni Ara.
"Mukhang hindi ka makatulog?" tanong niya sa kaibigan sabay umupo.
"Oo. Nanaginip ako ng masama e," sagot ni Ara.
Tumigil naman sa pagpunas ng mata si Patricia at tumingin kay Ara. "A..anong napanaginipan mo? Ayos ka lang ba?" tanong niya.
Tumingin naman si Ara ng seryoso kay Patricia saka inusog ang upuan. "Ikaw, Patricia? Paano kung nasa isang sitwasyon ka na.."
"Na ano?" tanong ni Patricia.
"Sitwasyon na kailangan mong mamili kung ang buhay mo ba ang ililigtas mo o buhay ng pamilya mo na matagal mo ng kinasuklaman. Sino ang ililigtas mo?" tanong ni Ara.
"Siyempre...uhm.. ang kinasusuklaman ko," aniya at pakamot-kamot sa ulo.
Bigla namang nag-init ang ulo ni Ara kaya naman matalim siyang tumingin kay Patricia. "Bakit?"
"Kasi...hindi masayang mabuhay kung puno ng galit ang sarili mo," nahihiyang sambit ni Patricia, kaya ang kaninang galit na mukha ni Ara ay naging normal muli. Hindi nito inaasahan na gano'n ang magiging sagot ni Ara.
"Hindi ko alam kung paano nakakatulog ang isang tao na may kagalit. O paano nakakapaglakad ng matiwasay ang isang tao sa daan kahit may kagalit siya. Alam mo 'yun? Kung kaya mo namang unawain ang taong iyon, hindi ka na aabot sa gano'ng sitwasyon," ani Patricia.
"Pero paano kung umabot ka na sa sukdulan?" ani Ara na wala sa sariling nakatingin sa apoy.
"Hindi ko alam ang rason mo kung bakit mo naitatanong sa akin 'yan, pero kung umabot ka man sa sukdulan, ipaubaya mo na sa Diyos iyon. Alam ko hindi habang buhay ilulubog ka niya sa galit at poot. May hangganan din ang lahat," masayang sabi ni Patricia, sabay hinawakan ang kamay ni Ara.
Kahit saglit ay naging panatag si Ara na nasabi nito ang saloobin sa kaibigan. "Narito kami. Tutulungan ka namin sa lahat ng bagay," paninigurado pa ni Patricia.
Tumango na lang si Ara. Si Patricia ay ramdam na muli ang antok, kaya naman nagpaalam na siya kay Ara na iiglip muna habang maaga pa.
Minsan sa buong buhay ni Ara ay ngayon lamang siya natauhan ng gano'n. Hindi niya masabi kung ano ang nararamdaman niya ngayon. Parang may kung anong kumurot sa puso nito nang pinaliwanagan siya ni Patricia. Habang pinapaliwanag iyon ni Patricia ay kitang kita ang sensiridad sa mata nito. Sa ugaling iyon ni Patricia ay mukhang wala siyang kagalit ni isa sa pamilya niya, at iyon ang isa sa kinaaiinggitan ni Ara.
Hindi nito magawang kumalma at ipagpasa Diyos ang kanyang problema. Gusto niyang maghiganti at iparanas sa kanyang ama kung ano ang ginawa sa kanya noon.
Hindi na nakatulog si Ara mula noon. Siya na rin ang nagluto ng kanilang kakainin, bago pa sumapit ang oras. Tuwang-tuwa na gumising si Makmak nang maamoy ang mabangong sinangag na niluto ni Ara. Nakahanda na ang lahat, habang ang dalawa ay nagliligpit ng kanilang hinigaan. Kahit na walang tulog si Ara ay hindi halata rito ang puyat. Dahil masayang-masaya si Ara na paghain sila ng makakain.
"Mukhang masarap ang gising mo ngayon ah?" tanong ni Makmak.
Tumango naman si Ara. "Syempre!Masarap ang tulog ko e," paglukunwari ni Ara.
Si Patricia naman ay binigyan siya ng isang tingin. Tingin na parang alam ni Patricia kung ano ang naiisip nito.
"Ang sarap naman niyang niluto mo!Sigurado gaganahan ako mamaya nito," ani Makmak at umupo na sa tabi ni Ara.
"Kahit hindi ka naman ganahan e. Mananalo ka pa rin, dahil mandurugas ka!" ani Ara.
Tumawa naman si Makmak. "Huy, hindi 'a? Sadyang nabiyayaan lang ako ng magandang abilidad. Sana lang ay maayos itong gumana mamaya, dahil ayokong may makalaban na naman akong Quadro."
"Napatingin si Patricia sa kanya. "May nakalaban ka na ng Quadro?" takang tanong nito.
"Oo naman!" pagmamalaki ni Makmak. "Si..siporika yata ang nakalaban ko no'n," saka siya bumulalas ng tawa.
Sinabayan naman siya ni Ara kaya takang-taka na tumingin si Patricia.
"Bakit?" tanong ni Patricia.
"Paano...kasi diba.." hindi masabi-sabi ni Ara iyon dahil inuna nito ang tawa.
"Kasi hindi ba ang mga Siporika ay ang malalambing na Quadro?" ani Makmak at saka pa rin tatawa-tawa.
Tumango naman si Patricia.
"Akala ko noong una ay mababait ang mga iyon. Hinahalikan pa ako at niyayakap ng Siporikang iyon. Akala ko mapapadali ang paglabas ko," ani Makmak.
"Pero ang hangal, nasiyahan ang Siporika sa kanya. Kasabay no'n na muntik na siyang patayin ng Siporika dahil matindi na ang pagkakayakap sa kanya. Doon lamang namin nalaman na mas matindi pa pala ang siporika sa iba," ani Ara.
"Ikaw ba, Patricia? Wala ka pa bang nakaharap na Quadro?" kuryos na tanong ni Makmak.
"Meron na. Isa siyang Meiko," sagot ni Patricia.
"Teka.." bahagyang napaisip si Ara. "Hindi ba ang mga meiko ay iyong mga nangongolekta ng gamit galing sa kanilang mga kakabangga?" tanong nito.
Tumango naman si Patricia. "Ang akala ko noon ay ligtas na ako sa kanya. Maayos naman ang pakikipag-usap nito sa akin, ngunit nang akmang aalis na ako ay humingi ito ng isang bagay na makintab," paliwanag ni Patricia.
"Anong binigay mo? Ang bali-balita sa mga Meiko, napaka rami raw nilang gamit sa lungga nila. Paano ka nakaalis?" tankng ni Makmak.
"Nagustuhan ng Meiko ang relo ko," tipid na sagot ni Patricia, sabay hinawakan ang braso. "Bigay pa iyon ni inay sa akin, ngunit dahil gusto ko pang mabuhay at makalabas ng buhay, binigay ko na sa kanya iyon," aniya sa malungkot na boses.
Bigla namang tumunog ang trumpeta. Hudyat na para magsimula na naman ang kanilang kalbaryo. Mabilis na niligpit ng tatlo ang kanilang pinagkainan at sabay- sabay silang nagdasal. Masaya ang puso ni Patricia habang ginagawa iyon, dahil pakiramdam niya sa unang pagkakataon ay hindi na muli siya mawawalan pa ng kaibigan.