Pagdating ng magkakaibigan sa plaza ay nagulat na lamang sila sa kanilang nakita.
"Anong nangyari dito? Bakit naging ganito?" tanong ni Ara nang tumingin sa magkabilang mesa na magkahiwalay.
Iyon na rin siguro ang huling araw ng kanilang paglalaban-laban, kaya naman inihiwalay na ang mga talo sa panalo. Nasa kanan ang panalo. Ang talo naman ay nasa kaliwa. Nagtinginan muna silang tatlo bago mag-iba ang kanilang landas. Pero bago iyon, hinawakan ni Patricia ang kamay ni Ara.
"Kaya natin ito," pagpapalakas ng loob ni Patricia sa kaibigan.
Tumingin muna si Makmak sa kaliwa bago magsalita. "Oo nga! Asus, tingnan mo naman, mukhang madali lang naman silang talunin e," pagyayabang ni Makmak. Kaya mabilis na namang dumapo ang palad ni Ara sa ulo ni Makmak.
"Ang yabang mo talaga! Siyempre, para sa'yo madali 'yun, pero para sa aming walang abilidad na kagaya mo e, napakahirap na," ani Ara nnanng biglang lumungkot ang kanyang boses. Bago tuluyang magpaalam sa isat-isa, ngumiti pa ng tipid si Ara. Tumango naman si Patricia at Makmak bago tumalikod si Ara.
Hindi maipagkakaila ni Ara na makaramdam siya ng kaba at takot, lalo na nang makita niya ang likuran ng kanyang ama sa malayo. Alam na alam niya ang galaw ng ama kahit nasa malayo pa ito. Huminga muna siya ng malalim, bago tumuloy.
Pagkaalis ni Ara, dumiretso na rin sina Makmak at Patricia sa kanilang pwesto. Kaagad namang bumungad sa kanila sina Alter na nakalaban kahapon ni Makmak at ang misteryosang babae na nakalaban naman ni Patricia. Hindi mapigilan ni Patricia na kabahan, lalo na nang tingnan niya ang iba pang mga nanalo na sa tingin pa lang niya ay hindi niya kakayaning makalaban. Bumaling ang tingin ni Patricia kay Makmak na tila tahimik at nakatingin sa malaking mesa.
"Ayos ka lang ba?" tanong niya sa kaibigan nang makita na paulit-ulit lumulunok ng laway si Makmak.
Mabilis namang napatingin si Makmak sa kanya. " Ah..ha? Oo naman! Ayos lang ako, medyo..kinakabahan lang," nahihiyang sambit ni Makmak.
Natawa na lang si Patricia. Hindi niya alam bakit pa nakakaramdam ng kaba ang kaibigan niyang si Makmak, gayong may abilidad naman ito para mabasa ang nasa isip ng isang tao.
Biglang tumunog ang malakas ang ispiker, kasabay ng mikropono, kaya napakasakit niyon sa tainga. Hindi na mapigilan ni Patricia, kaya naman ay tinakpan na niya ito. Pati ang iba ay nagtakip na rin ng kanilang tainga.
"Magandang umaga sa inyong lahat," panimula ng isang lalaki sa likod ng mikropono. Bagong boses na naman iyon na kanilang narinig, kaya naman maige silang nakinig sa anunsyo nito.
"Ayon sa ating nakakataas na pinuno, ngayon na ang huling laban sa pagitan ng mga manlalaro. Ang talo sa mga kanang pangkat at ihahanda na rin nila ang kanilang sarili. Katulad sa kaliwa ay gano'n din. Nawa'y nasisiyahan kayo sa aming inihandog. Pagkatapos ng larong ito ay bibigyan kayo ng dalawang araw na pahinga, kaya sana ay galingan ninyo sa abot ng inyong makakaya," wika ng lalaki.
Ngunit imbes na matuwa ang mga manlalaro ay lalo silang nalugmok. Hindi kasi nila akalain na ito na pala ang pagtatapos ng laro. Kahit ang dating panalo ay matatalo rin at wala silang choice kundi ang makipagsapalaran sa mga Quadro. Biglang tumunog ang trumpeta. Hudyat para magsimula na ang laro.
Nasa sisenta ang manlalaro ng mga panalong pangkat, habang kuwarenta naman ang nasa kabilang panig. Maayos na nakapila ang lahat. Magkalaban ang babae at lalaki. Medyo napanatag ng bahagya si Patricia na hindi na niya muling makakaharap ang babaeng nakalaban niya kahapon, ngunit nanngangatog pa rin siya sa takot dahil sa tatlong panalo na magagawa ng isang manlalaro ay doon muna nila kailangang tumigil.
Nauna ang mga bata. Sa pamamagitan ng pagpito ay malalaman kung sino ang panalo. Sa sampung sumubok, tatlong lalaki at dalawang babae pa lamang ang nanalo. Syempre, malungkot iyong iba dahil alam na nila ang kanilang kahihinatnan pagkatapos nito. Nakaramdam ng awa si Patricia mula sa mga batang lalaki na natalo. Wala siyang magawa,kundi ang hintayin na lamang nilang lahat ang hatol sa kanila.
Si makmak, nakalaban ang isang babae na napakalaki ng katawan. Nakaipot ang itim na buhok ng babae. Parang sasabak iyon sa wresting at hindi sa jack en poy. Napatingin naman si Patricia sa pwesto ng misteryosong babae sa unahan. Hinahanap niya iyon, ngunit kanina pa siya naghahanap ay tila hindi niya iyon makita. Nang tumigil na sa paghahanap si Patricia, biglang may kumalabit sa kanya. Dahan-dahan pa siyang humarap at nang pagharap niya ay nabigla siya sa kanyang nakita.
Isang babaeng napakaganda. Nakakulay itim ang suot, pati ang sumbrero ay itim na bumabagay naman sa maputing kutis ng dalaga.
"Mukhang kanina mo pa ako hinahanap?" wika ng babae sa malambing na boses. Hidni makapagsalita si Patricia at animoy naestatwa sa kagandahan ng dalagang iyon. Ilang minuto rin niyang pinagmasdan ang kasuotan ng babae. Base rin sa mukha nito ay walang namumuong takot o kaba. Patuloy lamang kasi itong nakangiti habang nakatingin kay Patricia.
"Hindi mo ba ako namumukhaan?" tanong muli ng babae, kaya napalunok ng laway si Patricia.
"Ehh, sorry po ha? Mukhang mali po yata kayo ng.." Turo ni Patricia sa kamay ng dalaga na humawak sa kanya. Kahit may ideya na siya kung sino ang babaeng iyon ay hindi niya pinangunahan ang kaniyang iniisip. Ang babaeng kaharap niya ngayon ay tansya niyang nasa edad kwarenta na.Ang kaibahan lang ay kutis porsela ang babae. Matangos ang ilong, bilugan ang mata at may mahabang pilikmata. Halata na rin ang kulobot da mukha ng babae, kaya naman halata ni Patricia na may edad na ito.
"Grabe ka naman. Parang pinuri mo na ako sa sinabi mong 'yan," anas ng babae na ikinagulat ni Patricia.
"Wala pa po akong sinasabi," ani Patricia, ngunit tumawa lang ang babae.
"Oo nga pala," anito saka nilahad ang kamay. "Ako nga pala si Amari. Ako 'yung nakalaban mo noon, kung naalala mo pa," anito.
Tiningnan muna ni Patricia ang magandang kamay ng babae. Pati ang kuko nito ay kulay itim din na mahaba. Pagkatapos niyon ay tinanggap naman niya ang pakikipagkamay sa kanya.
"Ako nga pala si Patricia," tipid na sagot ni Patricia.
Bigla namang tumunog ang pito, kaya bumalik ang tingin ni Patricia sa harapan. Hindi na siya muling lumingon dahil nagsisimula na namang mangatog ang kanyang paa sa takot.
"Hindi ka ba masaya?" Bilang lumapit sa kanya si Amari at bumulong sa tainga, dahilan para mangilabot ng husto si Patricia.
"Pasensya na po ha?" Humarap si Patricia doon, dala ang takot. "Hindi po kasi ako sanay na binubulungan," dagdag pa niya na ikinatawa naman ni Amari.
"Gano'n ba? Pasensya na. Masaya lang kasi ako dahil hindi kita nakalaban ngayon. Sana lang ay pareho tayong makaligtas, para naman makasama pa kita ng matagal dito," anito.
Ngumiti lang ng bahagya si Patricia at bumalik na muli ang kanyang tingin sa harapan.
Sinubukan niyang tumingin kay Makmak, para sana mawala ang kaba at takot niya kahit kaunti,ngunit kahit si Makmak ay hindi mapalagay sa kanyang kinatatayuan. Ni hindi nito maharapan ang kanyang makakalaban.
Sinilip din ni Patricia ang isa pa niyang kaibigan na si Ara kung ayos lang siya doon. Wala ring kibo si Ara at nakapaekis ang kanyang kamay. Napansin ni Patricia na inis na inis ang mukha ni Ara. Nang tingnan ni Patricia kung sino ang kaharap nito ay nabigla siya.
Si Mang Eddie ang makakalaban nito.
Biglang umurong ang linya nilang mga babae nang tinulak sila ng guwardiya sa unahan. Biglang umurong din ang pwesto nila kanina, kaya laking gulat ni Patricia nang paglingon niya sa kanyang tapat ay nakita niya si Alter.
Ilang minutong napatitig si Patricia sa mukha ni Alter. Si Alter naman ay prenteng humihikab lang. At nang mapansin ng lalaki na nakatitig si Patricia rito ay napatigil sa ginagawa nito si Alter.
"Kumusta, binibini?" panunudyong tanong ni Alter sa maliit na boses.
Kung nakikita lang siguro ngayon ni Patricia ang mukha niya sa salamin ay baka tawanan niya ito sa sobrang pamumula. Nagsisimula na ring tumulo ang butil-butil niyang pawis nang tumingin sa kanya ng malagkit si Alter. Imbis na sagutin ay lumunok muli si Patricia at huminga ng malalim. Tinuon na lamang niya ang atensyon sa mga naglalaro sa unahan, ngunit sadyang mapanukso talaga si Alter. Tinatawanan siya nito at ang tawang iyon ay labis na nakakainsulto para sa kanya.
"Hindi ba't parang bastos naman yata na hindi mo sagutin ang tinatanong sa iyo ng iyong katunggali,binibini?" ani Alter.
Humarap na si Patricia rito at pinipilit na ikalma ang sarili.
"Pasensya na. Ang habilin kasi sa akin ni inay na huwag makipag-usap kung kani-kanino," ani Patricia saka tumalikod.
Tumawa lang ng bahagya si Alter at hindi na muling nagsalita.
Tinuon na lamang ni Patricia ang pansin sa harapan. Limang manlalaro na lang pala at si Makmak na ang sasabak. Hindi maiwasan ni Makmak na kabahan, kaya pinili ni Patricia na pagaanin ang loob ng kaibigan kahit panandalian.
"Mak!" tawag niya rito. Mabilis namang humarap si Makmak, habang hindi maipinta ang mukha.
"Ipagluluto kita mamaya!" masayang sabi niya, kaya natigilan si Makmak at bahagyang napangiti.
"Sinigang?" tanong ni Makmak.
Tumango lamang si Patricia.
Bumalik naman ang tingin ni Makmak at Patricia sa harapan nang pumito muli ang guwardiya. pantay lamang ang laban sa pagitan ng mga babae at lalaki. Nang sumabak na ang pangatlong manlalaro, biglang napaurong si Patricia nang umalis ang nasa likuran niya. Napatingin siya doon at nakita si Amari na ngingiti. Wala na sa pwesto ang babae, kaya napapaisip si Patricia kung ano na namang gagawin niyon nang biglang...
"Dito muna ako ha?" Biglang sumingit sa Amari sa pila kung saan katapat nito si Makmak. Nagtinginan ang iilan sa ginawa nito. Wala namang magawa ang babaeng maangas na sana ay iyon ang makakalaban ni Makmak mamaya. Pati si Makmak ay hindi makapaniwala at tila natulala sa angking kagandahan ng babae. Ang hindi nito alam ay mas malupit pa ang makakalaban nito sa susunod.
"Galingan mo, Patricia," wika pa ni Amari kay Patricia bago tuluyang manuod na sa harapan.
Hindi naman makapagsalita si Makmak. Napatingin siya kay Patricia at binigyan lamang siya ng makahulugang tingin ng dalaga.
"Ano na naman kayang binabalak ng babaeng iyon?" bulong sa sarili ni Patricia.
Sa kabilang dako, dalawang manlalaro na lamang ang pagitan nina Ara at ni Mang Eddie. Kanina pa hindi mapakali si Ara dahil palagi na lamang ang tingin sa kanya ng ama. Ayaw niya iyong tingnan, dahil alam nitong magpapaawa lang sa kanya ang ama. Napapaisip siya. Tumutugma ang napanaginipan niya kagabi na hihingi ng tulong sa kanya ang ama, ngunit buo na ang desisyon niya. Kung sino man ang manalo sa kanilang dalawa ay maluwag niya itong tatanggapin at pinangako rin sa sarili na hindi niya hahayaang manalo ang ama, dahil dito lamang siya makakabawi sa lahat ng pasakit sa kanya.
Pumito na ang guwardiya. Sumalang na rin ang nasa unahan nila.
"Ara?" tawag sa kanya ni Mang Eddie. Hindi niya mabilang kung pang ilang beses na iyon, kaya sa inis niya ay kunot noo siyang lumingon sa kinaroroonan ng ama.
"Ano ba? Tawag nang tawag! Nakakairita," inis na sabi ni Ara.
Nag-iba naman ang ekspresyon sa mukha ni Mang Eddie at animoy nagpapaawa ito sa dalaga. Hindi rin lubos akalain ni Mang Eddie na sa dami ng pwede nitong kalabanin ay ang kanyang anak pa.
"Sana kahit papaano ay maawa ka pa rin sa akin," anito sa nahihiyang boses.
Isang nakakalokong tawa naman ang ginawa ni Ara at matalim na tiningnan si Mang Eddie. "Nasabi mo ba sa sarili mo 'yan noong nanghihingi ako ng tulong sa'yo? Eh, bakit hindi ka humingi ng tulong sa magaling mong anak," may diin sa pagkakabigkas ni Ara.
"Ano ba!" sumabat ang matabang babae sa likiran ni Ara. "Mag-aaway na lang ba kayo riyan?! Nakakaabala kayo e. Magpatayan na lang kaya kayo?" inis na sabi nito, kaya inirapan na lang ni Ara si Mang Eddie at hindi na muling kumibo.
Pagtingin ni Ara sa pisara, ang nasa kaliwa ay may tatlong puntos na habang ang nasa kanan naman ay dalawa pa lang. Wala pa siyang nakikita na espesyal sa mga manlalaro rito. Parang mga normal lang ang mga tao na kasamahan niya, hindi katulad sa pwesto nina Makmak at Patricia na naroon lahat ng malalakas at may abilidad na manlalaro.
Limang minuto na lamang bago matapos ang laro,hindi na makapaghintay si Ara na talunin ang kanyang ama. Si Mang Eddie naman ay hindi mapigilang kabahan. Ibang-iba ang Eddie na iyon sa siga at mapanlamang na kilala nila, kaya imbis na maawa si Ara at tinawanan lang niya ito.
Habang naghihintay matapos ang oras, napatingin si Ara sa gawi ni Deth. Pagkatapos pala ng mga naglalaro sa loob ay siya na ang sasalang. Nakita ni Ara ang makakalaban ni Deth. Si Phynx. Kilala si Phynx bilang isa sa tuso at wais na manlalaro. Iyon na siguro ang abilidad ng lalaking iyon, bukod sa matigas nitong buhok na nakataas pa. Hindi mapaliwanag ni Ara kung bakit gano'n ang nararamdaman niya, parang may espesyal din kay Phynx ngunit hindi niya iyon masabi kung ano.
Prenteng nakatayo lang si Phynx habang naghihintay ng kanilang termino. Nang sabay na tumunog ang pito, napatingin na si Ara sa harapan. Bahagya pa niyang sinilip sa gilid ng kanyang mata si Mang Eddie na nag-aalangan pang pumasok sa loob.
Bahid ang ngiti sa labi ay pumasok na si Ara. Siya ang nasa kanan, habang si Mang Eddie naman ang nasa kaliwa. Bago sila magsimula ay pinayagan muna silang ikondisyon ang kanilang sarili, kaya nagkaroon pa ng tiyansa si Mang Eddie na kulitin si Ara.
"Pakiusap, Ara. Kilalanin mo naman ako bilang ama mo, kahit ngayon lang," pagmamakaawa ni Mang Eddie.
Ngunit imbis na maawa si Ara ay nagpintig ang kanyang tainga sa narinig. Ngayon pa ito nagmamakaawa kung kailan huli na ang lahat? Tumawa lang ng bahagya si Ara at hindi na sumagot.
"Ara.." tawag muli ni Mang Eddie ngunit binawalan na itp ng guwardiya dahil tapos na ang kanilang pangongondisyon.
Sa unang laban at paghumpay ng kanilang kamao, nababasa na kaagad ni Ara ang galaw ni Mang Eddie, kaya naman nang ibinagsak nila ang kamay ay nagkaroon kaagad ng isang puntos si Ara, dahil ang gamit niya ay papel, at ang ama naman niya ay bato.
Hindi maipaliwanag ang mukha ni Mang Eddie nang matalo siya, kaya patuloy pa rin ang pagmakakaawa nito kay Ara. Nagmistulang bingi si Ara sa sinasabi ng ama at patuloy lamang sa paghampas ng kanilang kamao.
Tatlong puntos na si Ara,habang si Mang Eddie ay wala pa. Hindi mapigilan ni Ara na matuwa, lalo na nang nakikita niyang kinakabahan at takot na si Mang Eddie, ngunit nabigla na lamang siya sa pag-iibang awra ni Mang Eddie.
Tumawa ito at tumingin ng nakakaloko kay Ara.
"Ngayong basa ko na ang bawat galaw mo, siguro naman pwedeng ako naman ang pumunfos ngayon?" ani Mang Eddie kaya nanlaki ang mata ni Ara.
Tatlong sunod-sunod na talo ang ibinigay ni Mang Eddie kay Ara. Si Ara naman ngayon ay balisa na at wala sa matinong pag-iisip.
"Akala mo hindi ko alam ang taktika ng larong ito?" patawa-tawang sabi ni Mang Eddie.
"Hanggat wala sa matinong pag-iisip at hindi makapagpokus ang kalaban ko, malaking porsyento na manalo ako. Kaya sige lang, mag-isip ka lang nang mag-isip diyan. Hanggang ngayon ay wala ka pa ring kwenta," anas ni Mang Eddie na nakapagpainit ng ulo ni Ara.
Tumatak lahat sa isipan ni Ara ang sinabi ng ama kaya lalong sumidhi ang galit ni Ara tungo sa ama. Wala nang pinalampas na pagkakataon ang dalaga at maige na niyang binantayan ang bawat kilos na ginagawa niya. Sa ika-apat na bagsak, tila pinagsakluban na ng langit at lupa si Ara nang muling magkapuntos si Mang Eddie.
Ang halakhak ng ama ang mas lalong nakapagpasakit sa kanya. Napakasakit niyon sa tainga, dagdag pa ang nakikita niya sa likurang bahagi ni Mang Eddie na isang puntos na lang at panalo na ito. Hindi makakapayag si Ara na matalo na lamang ng ganon sa ama, kaya huminga ng malalim si Ara at sa ikalimang bagsak ay laking gulat ni Mang Eddie na natalo siya.
Pareho na ang kanilang puntos, kaya maaari na nilang gamitin ang kanilang alas. Nagtuloy-tuloy ang puntos ni Ara hanggang sa pantay na sila. Limang puntos.
Hindi nagpalamang si Ara, maige niyang tiningnan at binasa ang gagawing hakbang ng ama. Nang sakto na nilang ilalapag ang kanilang tira ay sakto naman ang pagbibilang ng mga guwardiya. Sa tatlong segundo, nilapag na nila ang kanilang tira at biglang nanlumo si Mang Eddie nang matalo siya ng anak.
"Mamamatay muna ako, bago mo ako matalo," ani Ara nang nilapag niya ang bato at si Mang Eddie naman ay gunting.
Kaagad na pumito ang guwardiya. Sabay na pinalabas sina Mang Eddie at Ara ngunit si Mang Eddie at bitbit ng dalawang guwardiya sa braso, sahil kumakawala ito.
"Bakit mo nagawa sa akin ito!" galit na sabi ni Mang Eddie.
Tinawanan lang siya ni Ara at umalis.
"Anak! Deth, anak!" rinig pang sigaw ni Mang Eddie sa katatapos lang na laro ni Deth. Panalo ang anak nito, ngunit si Mang Eddie ay ididiretso na sa mga Quadro.
"Kapag hindi ka pa tumigil sa kakapiglas, kami mismo ang papatay sa'yo!" pagbabanta ng guwardiya dahil hindi na nila mapigilan ang pagpupumiglas ni Mang Eddie.
Isang nakakaawang tingin ang binigay ni Deth sa Ama at patakbo nitong pinuntahan. Bago pa iyon, nadaanan pa nito si Ara na ngingiti-ngiti. Isang nagmakakaawang tingin ang binigay ni Deth, ngunit isang matalim na tingin naman ang isinukli ni Ara.
"Puntahan mo na ang masiba mong ama!" aigaw ni Ara kay Deth na patakbong hinahabol ang ama.
Dumiretso naman si Ara sa direksyon nina Makmak at Patricia. Nakita niya sa unahan na nanalo pala si Deth kay Phynx. Ang puntosay tatlo laban sa lima. Napansin din niya si Makmak na balisa at hindi mapakali sa kinatatayuan. Nang tumingin siya sa katapat nito ay napataas ang kanang kilay niya.
Isang magandang babae. Mukhang misteryoso rin ang makakalaban ni Makmak. Pero bakit pa ito kakabahan, kung may abilidad naman ito na wala sa iba.
"Makmak!" tawag niya kay Makmak.
Mabilis na humarap si Makmak. Isang ngiti ang iginawad niya sa kaibigan. Isang manlalaro na lamang ay si Makmak na ang sasalang. Pagkatapos no'n ay si Patricia na.