KABANATA XXXIII: BAGONG ABILIDAD

3077 Words
"Urong!" sigaw ng guwardiya nang magdikit-dikit na ang manlalaro. Kasabay ng pag-urong nila, inayos na rin ng iba pang guwardiya ang pila ng babae sa lalaki. Maigeng binantayan ni Patricia si Makmak, dahil nanganganib ang buhay nito sa katapat na si Amari. Hindi naman nagbago ang pila, tulad ng inaasahan ni Patricia. Kahit ang katapat niyang si Alter ay nasa gano'ng pwesto pa rin. "Patchot!" sigaw ng isang boses sa likuran. Napatingin siya doon at laking tuwa sa kanyang labi nang makita si Ara na ligtas at buhay na buhay. "Galingan mo!" sigaw ng kaibigan. Tatango na sana siya ngunit may napansin siya sa mata ng dalaga. Parang iba ang kinikilos ni Ara sa sinasabi ng kanyang mata. Dahil siguro iyon sa nakalaban nito si Mang Eddie. Nababasa ni Patricia sa mata ng kaibigan na mabigat ang kanyang dinadala ngayon. "Salamat!" sagot ni Patricia at preteng ngumiti. Nang tumunog na ang pito ay bumalik ang tingin niya sa harap. Mas lalo siyang kinabahan, nang si Makmak na ang sasalang. Alam ni Patricia na may halong salamangka ang babaeng iyon kaya napaka misteryosa nitong kalaro. Kung normal lang na tao si Makmak ay paniguradong walang binatbat ang kaibigan niya sa babaeng iyon, ngunit nagtiwala na lamang siya sa abilidad na meron si Makmak. "Makmak!" sabay pa nilang sabi ni Ara. Humarap naman si Makmak at binigyan nito ng tipid na ngiti ang magkaibigan. Hindi mawari ngayon ni Makmak kung ano ang mararamdaman niya, habang pinagmamasdan kasi niya ang maamong mukha ng kanyang kalaban ay parang babaliktad rin ang kanyang sikmura sa nerbiyos. Hindi niya maipagkakaila na may kakaiba sa babaeng ito ngayon, dahil bukod sa karisma na kinakalat nito ay labis ang takot na nararamdaman ni Makmak, kaya hindi gumagana ang kanyang abilidad. "Bibigyan kayo ng tatlong minuto para ayusin ang sarili ninyo," wika ng guwardiya na nasa gitnang mesa. Ang guwardiyang iyon ang magmimistulang tagahatol nila sa laro, at kung kanino mang bandera ang tumaas ay siya ang panalo. Nang tapos na nilang ikondisyon ang sarili, huminga ng malalim si Makmak, kasabay no'n ang pagtunog ng trumpeta. Bago magsimula, tumingin pa siya sa mata ni Amari at lalo lamang nangatog ang kanyang tuhod nang nginitian siya nito. Parang may kung ano sa babaeng iyon at ginugulo ang isipan ni Makmak. Hindi rin mabasa ni Makmak ang nasa isip ni Amari, dahil napakagulo nito. "Simulan na!" sigaw ng guwardiya. Sa mabilis na paghampas ng kamao ay isang ngiti ang binitawan ni Amari. Kasabay no'n ang pagkatalo ng babae sa gamit na papel. Si Makmak naman ay gunting. Nakahinga ng maluwag si Makmak nang marinig na sinusulat sa likuran niyang pisara ang kanyang unang puntos. Sa pangalawa at pangatlo ay tila naguguluhan na siya bakit nagpapatalo ang kalaban niya. Nakikita niya mismo ang mabilis na kamay ng babae nang nilapag niya ang kanyang tira at ngumiti ng bahagya ang babae saka nito pinalitan ang tira upang matalo ito. "Hays. Ang hirap mo pa lang kalaro," pagpapalusot ng babae, sabay hinawi ang kaunting pawis sa mukha. Hindi na maipagkakaila ni Makmak ang tagaktak na pawis sa kanyang mukha,kaya naman pinunasan niya rin iyon. Nagtataka na rin siya kung bakit sa tatlong sunod-sunod ay nagpapatalo ang babae sa kanya. Ano ang balak nito? Sa ika-apat na puntos, sawakas ay nanalo rin si Amari sa gamit na bato, habang si Makmak ay gunting. Ibang ngiti ang sumilay sa labi ng babae at malagkit na tiningan si Makmak. Hindi tuloy maiwasan ni Makmak na mangilabot sa ngiti na binigay sa kanya ni Amari. Isang puntos na lanang at matatalo na si Makmak kaya naman naging pokus at seryoso na siya ngayon, habang ang kalaban naman niyang si Amari ay nakangiti lang habang hinahampas ang kamao. Pagkasabi ng huling salita ay binagsak na ni Makmak ang kanyang tira, ngunit tila nagbago ang lahat nang mapansin na tila tumigil ang oras. "Naiinip ako sa larong ito," umpisa ni Amari na ngayon ay umupo na sa mesa, habang si Makmak naman ay tulala pa ring nakatingin sa paligid. Kahit ang kaibigan niyang sina Patricia at Ara at nakatigil rin. "Huwag kang mag-alala. Limang minuto lang naman 'to e. Magpahinga ka muna," anas ni Amari, sabay humigas pa at umunat. "A..anong ginawa mo? Bakit tumigil ang lahat ng tao? Tsaka anong pinagsasabi mo?" naguguluhang tanong niya kay Amari. "Ah iyan ba? Wala e. Iyan ang binigay na abilidad sa akin. Tsaka naiinip ako sa larong ito, kaya magpapatalo na lang ako. Gusto ko naman na tumaas-taas ng kaunti ang rango mo, kaya ginagawa ko ito," ani Amari. "A..ano? Kaya ba pinagbibigyan mo ako? Eh paano ka? Paano kapag natalo ka? Ibibigay ka sa mga Quadro at ipapakain!" nag-aalalang sabi ni Makmak. Napaupo naman si Amari mula sa pagkakahiga at tumingin ng malagkit kay Makmak. "Ang bait mo namang bata. Huwag mo akong alalahanin, marami akong alas para makaligtas doon. Alalahanin mo ang sarili mo. Gusto pa kitang makita sa susunod na antas," anito. Bigla namang bumalik sa normal ang dati at narinig na lamang ni Makmak ang isang malakas na pito sa kanyang likuran. Pati ang bandera na hawak ng guwardiya ay sa kanya nakaturo. Nagtataka siya kung anong nangyari. Pagtingin niya ay nakasakmal pa rin ang kamao niya, habang si Amari ay gunting ang itinira. Bago sila lumabas sa net ay tumingin pa si Makmak kay Amari. Si Amari naman ay hindi mawala ang ngiti sa labi habang hawak siya ng dalawnag guwardiya. Parang wala man lang nararamdamang kaba ang babaeng iyon at patuloy lamang sa pagngiti. "Makmak!" sigaw ng isang boses sa harapan. Pagtingin niya ay isang malawak na ngiti ang sinalubong sa kanya ni Ara. Tumakbo pa si Ara papunta sa kinaroroonan ni Makmak. "Ang galing mo talaga!" Yakap ni Ara sa kaibigan, ngunit si Makmak ay nanatili lamang na blangko ang kanyang ekspresyon. Tinanggal naman ni Ara ang pagkakayakap sa kaibigan at taka nitong tiningnan si Makmak sa mata. "Anong nangyari? Bakit parang hindi ka masaya?" tanong ni Ara. Hindi naman sumagot si Makmak, bagkus hinanap ng kanyang mata si Patricia, at nang makita niya iyon ay ngumiti siya sa dalaga. Nakaramdam ng pagseselos si Ara sa ginawang iyon ni Makmak. Kahit walang kamalay-malay si Patricia ay sinamaan na lamang siya ng tingin ni Ara. Bigla namang inakbayan ni Makmak si Ara, kaya nag-iba rin bigla ang wisyo ni Ara. "Halika. Umupo tayo doon oh." Turo ni Makmak sa isang upuan na nasa ilalim ng malaking Acacia. "Pakiramdam ko kasi ay naubusan ako ng lakas. Alam mo namang ikaw ang lakas ko, hindi ba," ani Makmak saka ngumiti kay Ara at pinisil ang ilong nito. Hindi mapigilang mamula ni Ara sa ginawang iyon ni Makmak. May parang kung anong tutubi ang nagkagulo sa kanyang dibdib at gustong kumawala ng mga ito. Dati naman ay ginagawa 'yon ni Makmak sa kanya, ngunit ang kaibihan lang ngayon ay lumalim na ang pagkagusto ni Ara sa kaibigan. Nang umupo na sila sa simento, nagsimula nang magtanong si Ara nang mapaansing tulala pa rin si Makmak. "Ano ba kasi talagang nangyari?" tanong nito sa kaibigan. "Makmak?!" pag-uulit nito at parang doon lang natauhan si Makmak. "Ah ano 'yon? Pasensya ka na. Pagod lang ako," aniya kahit alam naman ni Ara na iba ang gustong sabihin ni Makmak base sa pinapahiwatig ng mata nito. "Ang sabi ko, ano ba ang nangyari? Kanina lang ang sigla-sigla mo. Tapos ngayon,pagkatapos mong kalabanin ang babaeng weirdo na iyon, naging ganyan ka na," anito. Napakamot naman sa ulo si Makmak at nahihiyang tumingin kay Ara. "May...napansin ka ba kanina na kakaiba? Habang naglalaban kami ng babaeng iyon?" tanong niya sa kaibigan. Kumunot ang noo ni Ara at umiling. "Wala. Normal lang naman ang laro ninyo, bakit?" tanong nito na parang wala pa ring ideya sa sinasabi ni Makmak. "Ang weirdo talaga ng babaeng iyon," bulong sa sarili ni Makmak. "Bakit ba? Anong nangyari? Sa lahat ng panalo, ikaw ang wala sa sarili diyan," anito. "Eh kasi kanina, pinatigil niya ang oras e," mahinang sabi ni Makmak na ikinalaki naman ng mata ni Ara. "Ano?!" Lumapit ng bahagya si Ara sa kaibigan at animoy hindi makapaniwala sa narinig. "Pinakita niya sa akin ang abilidad niya. Sa huling lapag namin, pinatigil niya ang oras. Ang sabi niya, limang minuto lamang ang tinatagal no'n. Sabi niya rin na tinatamad siya sa laro," paliwanag ni Makmak. "Nagawa niya iyon?" Hindi pa rin makapaniwalang sabi ni Ara. "Paano? Anong nangyari noong pinatigil niya ang oras?" kuryos na tanong pa nito. "Syempre pati ang mga tao ay tumigil din. Tapos ang sabi pa niya, kaya raw niya ako papanalunin, dahil gusto niya ako makaharap sa susunod na antas," wika ni Makmak. Susunod na antas?" tanong ni Ara. "Eh hindi ba ang matatalo rito ay ipapakain na sa mga Quadro? O baka naman kakalabanin niya ang Quadrong makakaharap niya, para lamang makaharap ka niya ulit?" naguguluhang tanong ni Ara. Nagkibit-balikat na lang si Makmak. "Hindi ko alam e. Basta nakakatakot ang babaeng iyon. Ang misteryoso niya," ani Makmak at inalala ang buong detalye ng mukha ng babae. Nabaling na lamang ang atensyon ng magkaibigan nang pumito na ang guwardiya. Nakita nila na si Patricia na ang susunod na lalaban at si Phynx. "Sa tingin mo ba mananalo si Patchot kay Phynx?" tanong ni Ara na nababahala. "Oo," walang alinlangang saad ni Makmak. "Magtiwala lang tayo sa kaibigan natin, katulad ng pagtitiwala niya sa atin," ani Makmak habang nakatingin pa rin kay Patricia na papasok na sa paglalaban nito. "May gusto ka ba kay Patricia?" Bulalas ni Ara. Kahit siya ay nabigla rin sa sinabi nito sa kaibigan. Kunot noo naman siyang tiningnan ni Makmak at bahagyang ngumiti. Ang ngiting iyon. Hindi nakakalimutan ni Ara dahil sa tanang buhay niya ay hindi wala pa siyang natanggap na gano'n ka espesyal na ngiti mula sa kaibigan. "Anong pinagsasabi mo?" halata sa mukha ni Makmak ang pagkukunwari. Namumula na rin siya, kaya naman iniwas niya ang tingin kay Ara na ngayon ay parang sinasaksak na naman ang kanyang puso sa sakit. Ilang minuto rin silang naghintay na matapos ang laban ni Patricia kay Alter. Ngunit laking gulat na lamang nila nang marinig ang malakas na halakhak ni Alter. "Hindi ka lang pala maganda. Matinik ka pa," ani Alter kay Patricia kaya nagtaka na ang iba pang manlalaro at lumapit doon. Hindi na rin mapigilan nina Makmak at Ara ang kanilang kuryosidad, kaya naman lumapit na rin sila doon. "Sige, pagbibigyan kita. Pero isang puntos lang ha?" tatawa-tawa pa ring sabi ni Alter. Nag-aalala namang tumingin si Makmak kay Patricia na ngayon ay hiyang-hiya. "Ano bang nangyari?" tanong ni Makmak sa katabi niya. "Paano, nahuli yata ang babaeng 'yan na binabasa ang nasa isip ng kalaban e. Kaya ayun, tinawanan siya ng weirdong batang iyan," wika ng matandang lalaki na katabi ni Makmak. "H..ha? Paano nangyari iyon?" Tumingin siya kay Patricia na ngayon ay wala pa rin kamalay-malay sa nangyari. Namumula na rin ang dalaga ngayon. Bahid ang pag-aalala sa mukha ni Makmak, pinili niyang palakasin ang loob ng kaibigan. "Pachot!" tawag niya sa kay Patricia. Dahan-dahan naman tumingin si Patricia kay Ara at Makmak at tipid na ngumiti. Halata rin sa mukha ni Patricia na nabigla siya sa nangyari kaya hindi ito makapagsalita at pilit lang na ngumiti. "Ituloy niyo na! Huwag kayong magsayang ng oras dahil may tatlong minuto na lamang kayo!" sigaw ng guwardiya na nagbibintay ng puntos kay Patricia. Tumigil na rin kakatawa si Alter at ngayon ay naging seryoso na ang kanyang mukha. "Ano kayang nangyayari kay Pachot, Ara?" tanong ni Makmak. Kibit balikat lang na sumagot si Ara. "Hindi ko alam e. Hindi ko rin mabasa ang kinikilos niya ngayon. Baka mamaya siguro, pagkauwi natin ay ikukwento rin niya," anito. Tumango na lamang si Makmak at muling tumingin kay Patricia. Huminga naman ng malalim si Patricia kasabay ng paghampas ng kanilang kamao. "Jack en poy!" sigaw ng dalawa at sa pangatlong pagkakataon ay si Alter na ang nagkapuntos sa gamit nitong papel, habang si Patricia ay bato. Pareho na sila ngayon ng puntos, kaya umiigting ang laban sa pagitan ng dalawa. Lumipas ang dalawang minuto at ngayon ay treinta segundo na lamang ang natitira sa kanila para sa dalawang puntos. Noong una ay kinakabahan pa sina Makmak at Ara sa magiging resulta ng laban, ngunit nakahinga sila ng maluwag nang madagdagan ang puntos ni Patricia. Ngunit ang akala nilang siguradong kaligtasan ay hindi pala. Simula sampung segundo na lamang para sa isang huling puntos ay nanalo pa si Alter, kaya bago pumito ang guwardiya ay humarap na si Patricia sa mga kaibigan nito. Isang malungkot na mukha ang sumalubong sa kanila dahil sa huli ay natalo si Patricia. Tumawa pa si Alter nang itaas na sa kanya ang bandera. "Paano ba 'yan? Katapusan mo na," anito saka naglakad palabas. Nanginginig naman ang kamao ni Makmak at handa nang sakmalin si Alter sa pambabastos nito kay Patricia. Buti na lamang ay hawak hawak ni Ara ang braso ni Makmak upang pigilan sa balak nitong gawin. "Siraulo pala 'yon e!" galit na sabi ni Makmak. Nag-aalala naman silang tumingin kay Patricia na ngayon ay hawak na ng dalawang guwardiya palabas ng net. "Patricia!" salubong ni Makmak at Ara. Hinawakan lang ni Patricia ang kamay ng mga kaibigan at ngumiti. "Ayos lang," anito. Umiling-iling naman si Makmak at nagsimula nang mamula ang mukha sa galit. "Hindi! Hindi Patricia! Dinaya ka lang niya!" singhal ni Makmak at pilit hinihila ang kamay ni Patricia. "Ano ba bata! Umayos ka nga! Baka isama ka pa namin na ipakain sa mga gutom na Quadro!" galit na sabi ng guwardiya. "Edi isama mo!" matapang na sagot ni Makmak. "Hindi," sabat naman ni Ara. "Pasensya na ho. Hindi lang talaga siya makapagpigil dahil kaibigan namin yan," anito habang hawak ang braso ni Makmak na nagpupumiglas. Lumapit naman si Ara sa tainga ni Makmak. "Kapag hindi kapa tumigil riyan, mas lalo lang natin hindi maliligtas si Patricia," impit na sabi ni Ara. Noon ay kumalma na rin si Makmak, kasabay nang paglalakad pappalayo nina Patricia. Isang tingin na makahulugan ang binigay ni Ara sa kaibigan bago tuluyang makalayo. Nang makalayo na sina Patricia at mga guwardiya ay binitawan na ni Ara ang kamay ni Makmak. Si Makmak naman ay napayuko sa sobrang lungkot. "Ayaw ko nang mawalan ulit ng kaibigan, Ara," bulong niya. Nakaramdam ng awa si Ara, kaya naman hinagod nito ang likod ng kaibigan. "Ililigtas natin si Patricia. Huwag kang mag-alala," anito. Malungkot na tinungo ni Makmak at Ara ang upuan kanina sa ilalim ng Acacia. "Hintayin muna nating magtakip silim, bago tayo gumawa ng hakbang," ani Ara habang nakatingin sa di kalayuan. "Anong hakbang?" nanlalambot na sabi ni Makmak. "Alam kong dinaya si Patricia. Alam ko ang taktika ng lalaking iyon, para lang manalo. Kaya dapat hindi si Patricia ang ipapakain nila!" galit na sabi ni Makmak. "Alam ko, pero pwede ba kumalma ka?!" Hindi na mapigilan ni Ara na mapataas ang kanyang boses. Naiirita na rin kasi siya sa paulit-ulit na pagbigkas ni Makmak sa pangalan ni Patricia, kaya hindi na nito mapigilan ang sarili. "Alam ko. Pero wala tayong pruweba sa pandarayang ginawa ni Alter kay Patricia. Kaya nga gagawa tayo ng paraan hindi ba?" ngayon ay bumalik na sa normal ang boses ni Ara. Hindi na lamang sumagot si Makmak at pinapakinggan na lang ang sunod na sasabihin ni Ara. "Masakit din sa akin na mawalan ng dalawang mahal sa buhay. Masakit na ipanalo ko ang sarili ko, habang ang ama ko ay..ayun, nakikipagbuno sa mga Quadro," anito. Marahang tumingin si Makmak kay Ara. "Ibig sabihin, hindi ka na galit sa ama mo? Hindi ka na galit kay Mang Eddie?" tanong niya. "Galit pa rin," walang pagdadalawang isip na sagot ni Ara. "Galit na galit. Kaya nga nagawa ko siyang talunin e. Pero iniisip ko ngayon, kung ano na ba ang nangyari sa kanya. Kung buhay pa ba siya," ani Ara. "Hayaan mo. Ililigtas natin si Mang Eddie pati na si Patricia," pagpapalakas ng loob ni Makmak. "Pwede bang tumulong?" isang pamilyar na boses ang sumulpot sa kanilang harapan. Pagtingin nila ay si Deth iyon. Ang nag-aalalang mukha ng dati nilang kaibigan. "Alam kong hindi mo ginusto na matalo si papa, kaya gusto ko sanang makipagtulungan sa inyo, para mailigtas siya roon," anito. Nag-aalangan pang sumagot si Makmak at tila natulala na naman sa kagandahan ng dalaga. Si Ara naman ay walang kibo. Umupo si Deth sa tabi ni Ara, kaya si Ara naman ay umusog. "Alam ko galit pa kayo sa akin. Pero may narinig akong usapan kanina," umpisa nito. Tumaas ang kaliwang kilay ni Ara. "Ano naman? tanong nito. "Bukas dadalhin ang mga natalo sa lungga ng mga Quadro. Narinig ko na ikinulong muna silang lahat sa isang silid, upang bukas ay isahan na lamang silang ipapakain. Kailangan nating iligtas ang kaibigan ninyo pati na ang ama ko," pakiusap nito. Nagtiningan lang silang dalawa ni Makmak at Ara. Hinihintay ni Makmak ang sagot ni Ara. "Si-" hindi na natuloy ni Makmak ang kanyang sasabihin nang biglang tinapik ni Ara ang kanyang kamay. "Sigurado ka ba? Baka mapahamak na naman kami sa binabalak mo," anito. Huminga muna ng malalim si Deth. "Alam ko wala na kayong tiwala sa akin ngayon, pero pakiusap. Kahit ngayon lang, magtulungan tayo," anito sa mababang tono. Dahan-dahang tumango si Ara, kaya mabilis naman tumango si Makmak. "Sige. Pero magplano muna tayo kung ano ang ating gagawin para mamaya," wika ni Ara. Sa kabilang banda, habang hila-hila si Patricia ng mga guwardiya ay nararamdaman niyang paluwag nang paluwag ang pagkakahawak sa kanyang braso. Nang makalayo na sila sa maraming tao ay kusang binitawan siya ng dalawang guwardiya. Wala pa ring ideya si Patricia kung bakit dinala siya ng dalawnag guwardiya sa makitid na eskinita, ngunit nang dahan-dahang tinanggal ng mga guwardiya ang kanilang harang sa mukha ay laking gulat niya kung sino ang kanyang nakita. "Adonis? Liv?" tawag niya sa mga ito habang nagniningning ang kanyang mata. "Buti na lamang at mabilis kaming nakipag palit sa kabilang grupo," ani Liv sa masayang boses. Sa sobrang tuwa ni Patricia. Ang kaninang mangiyak-ngiyak niyang mata ay napalitan ng tuwa. Niyakap niya sina Liv at Adonis. "Salamat! Maraming salamat!" aniya. "Nakita ka namin kanina. Namomoblema ka na, kaya alam na namin no'n na wala kana sa tamang pag-iisip at ginugulo ka pa ni Alter. Mabuti na lamang at kami ang nakakuha sa iyo, kung hindi baka pinalapa ka na ng ibang guwardiya sa mga Quadro," ani Liv habang tatawa-tawa.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD