"Ara, ano bang nangyari sa'yo?" nag-aalalang tanong ni Makmak, habang mahigpit ang pagkakayakap kay Ara. Si Patricia naman ay binigyan siya ng isang basong tubig at kaagad niya iyong nilagok.
Tulala pa rin si Ara simula nang gumising siya. Kahit ang mga luhang tumulo sa kanyang pisnge ay hindi na niya inatubiling punasan, kaya si Makmak na ang gumawa niyon.
"Wala," tipid na sagot niya at sawakas ay nagsalita na rin siya. "Nanaginip lang ako ng masama," dagdag pa niya.
Hindi na muling nagtanong si Makmak at niyakap na lamang ang kaibigan. Inalok na rin ni Makmak na magpahinga muna si Patricia dahil kitang-kita na ang lubog na mata ng dalaga.
Kinabukasan, hindi maagang nagising si Patricia. Gayundin sina Makmak at Ara. Mabuti na lamang at kahit papaano ay nakatulog sila ng maayos. Ito na ang kanilang pangalawang araw na pahinga, kaya dapat ay sulitin na nila ito.
Naalimpungatan si Ara nang maramdaman niya ang nangalay niyang braso, dahil yakap iyon ni Makmak. Mahimbing pa ring natutulog sina Patricia at Makmak, kaya naman napangiti siya ng bahagya. Niyapos niya ang buhok ni Makmak at dahan-dahang pinisil ang ilong nito.
Akmang tatayo na sana si Ara,nang bigla siyang mapangiwi sa sakit ng kanyang likuran at binti. Hindi pa rin siya makatayo hanggang ngayon, dahil sa pagkabagsak niya kahapon. Hindi niya pa rin maintindihan kung bakit gano'n na lamang ang naging takot niya sa Quadro kagabi. Kung susumahin ay kayang-kaya nilang dalawa niyon ni Makmak, ngunit naging duwag siya, kaya pati si Makmak ay nadamay.
Biglang nalingat si Makmak nang hilahin ni Ara ang kamay niya. Pupungay-pungay pa ang mata ni Makmak nang humarap sa kanya.
"Ara? Kanina ka pa ba gising?" anito at tinanggal ang pagkakayakap.
"Mak? Pwede mo ba akong kuhanan ng tubig?" anas nito, kaya walang sabi-sabi ay umupo si Makmak at ilang segundo lang ay tumayo na siya at kumuha ng tubig.
"Ayos ka na ba?" tanong nito pagkatapps isauli ang baso sa lababo.
Tumango lamang si Ara. "Oo. Kaso mukhang hindi pa ako makakatayo. Ang sakit pa rin ng likod ko, pati na ng binti ko e," aniya.
Sa kanilang pag-uusap, nagising na rin si Patricia. Umuunat pa siya sabay humikab. Umupo siya sa tabi ni Ara habang pupungay-pungay din ang mata.
"Ayos ka na ba?" tanong nito.
Tumango si Ara. "Patricia? Pwede bang humingi ng pabor?" Tumingin si Ara sa kanya.
Kumunot naman ang noo ni Patricia. "O..oo naman. Ano ba 'yon?" tanong nito.
"Pwede bang pumarito muna kami? Kung uuwi kasi kami sa bahay ay wala kaming makakatulong. Hindi pa rin magaling ang sugat ni Makmak e, tapos ako..." Tumingin si Ara sa kanyang binti.
Bago sumagot si Patricia, sinulyapan muna niya si Makmak. Ngiting-ngiti naman na tumang ang binata, kaya tumango na rin si Patricia.
"Oo naman! Pero..." napatigil si Patricia nang maalala ang kasalanan niya kay Ara.
"Wala na 'yon,Patricia. Nakapag-usap na kami ni Makmak. Ayaw ko namang magkawatak-watak tayo dahil lamang doon," aniya at binigyan ng isang busilak na ngiti si Patricia.
Niyakap naman ni Patricia si Ara sa sobrang tuwa. " Maraming salamat! Hindi ako nagkamali na naging kaibigan ko kayo," anito.
Dahil maayos na ang lahat, nagpasiya si Patricia na ipagluto ng paborito nitong kare-kare si Ara. Para na rin daw mabilis itong gumaling, dahil sa susunod na araw ay magsisimula na naman ang paghihirap nila.
"Siya nga pala," umpisa ni Makmak, habang nginangatngat ang buto ng baboy. "May alam na ba kayo tungkol sa limang estado na 'yan?" kuryos na tanong ni Makmak.
Lumagok muna ng tubig si Patricia bago siya sumagot. "Wala pa nga e. Sa susunod na araw na gaganapin iyon," anito.
"Pero..sa tingin niyo ba kung hindi tayo nag-aklas noong nakaraan, hindi mangyayari ito?" tanong ni Ara.
Umiling naman si Makmak. "Hindi ko masabi. Baka pakulo lang nila iyon, at ang totoo, may balak talaga silang gawin iyon," anito.
"Sabagay," pagsang-ayon ni Patricia.
Hanggang ngayon ay wala pa rin silang kaide-ideya sa kung anong mangyayari sa kanila sa susunod na araw. Hindi nila alam kung ano ang kakaharapin nilang pagsubok at kung sino ang mga susubok sa kanila.
Pagkatapos nilang kumain, inihatid ni Makmak si Ara sa higaan nito at silang dalawa ni Patricia naman ang nagligpit sa mesa at lababo. Pagkatapos nila doon ay nagpresinta si Makmak na siya na ang mamili ng pagkain para sa kanila at makikibalita na rin daw siya sa limang estado na iyon. Si Patricia naman ang nakaatang na magbabantay muna kay Patricia panandalian.
Nang makaalis na si Makmak, inayos naman ni Patricia ang hinihigaan ni Ara. Nakatingin lamang si Ara sa kanya, habang inaalalayan siya nito.
"Patricia?" tawag ni Ara, kaya mabilis na humarap si Patricia sa kanya.
"May gusto o kailangan ka pa ba?" tanong niya sa kaibigan.
Umiling naman si Ara. "Gusto ko lang magpasalamat," aniya.
Napatigil sa ginagawa nito si Patricia at tinitigan ang magagandang mata ni Ara. "Para saan naman?" tanong nito.
"Sa lahat. Sa pag-aalaga mo sa amin ni Makmak. Sa pagtulong at sa pagkakaibigan," aniya.
Ngumiti naman si Patricia at sumandal katabi ni Ara. "Alam mo, ako nga dapat ang magpasalamat sa inyo e. Kung hindi siguro dahil sa inyo, baka nabaliw na ako sa lugar na ito," tatawa-tawa niyang sabi.
"Pero Ara, pwede bang magtanong?" usisa ni Patricia.
Tumango naman si Ara.
"Galit ka pa ba sa nangyari?" nahihiyang tanong nito.
Umiling lamang si Ara. "May tiwala ako sa iyo, Patricia. Alam kong hindi mo aagawin si Makmak sa akin, alam ko rin na kaibigan lang ang turing mo sa kanya at si Vincent ang gusto mo," aniya.
Pagkasabing iyon ni Ara, biglang nag-init ang pisnge ni Patricia. Pakiramdam niya ay namumula siya ngayon, dahil narinig na naman niya ang pangalan ni Vincent. Hindi niya mawari kung bakit nagkakagano'n siya tuwing binabanggit ang pangalan ng lalaking iyon.
"O-oo naman!" utal-utal na sabi ni Patricia kaya natawa si Ara.
"Hindi mo maipagkakaila sa akin 'yan, Patricia. Tingnan mo oh, namumula na ang pisnge mo," aniya.
Bigla namang napatakip ng mukha si Patricia sa hiya.
Sa kabilang banda, tapos na mamili ng pagkain si Makmak. Nagsusumikap pa rin siyang maghanap ng impormasyon patungkol sa gagawin nila. Hindi kasi maaari na isabak lamang sila doon na wala siyang nalalaman. Magtatanong sana siya, ngunit parang siya na lang ang tao sa labas, maliban sa mga nagtitinda.
"Ale eto ho." Abot ni Makmak ng bayad, pagkatapos mamili ng prutas para kay Ara.
"Maraming salamat, anak. Siya nga pala. Mabuti na lang at nakaligtas ka," usyoso ng matandang babae na ngayon ay nilagay na sa malaking bulsa ang pera.
"Ahe, opo. Sa kabutihang palad, nakaligtas naman kami," anito. "Pero teka nga ho, manang. Bakit wala na ang ibang nagtitinda rito?" kuryos na tanong ni Makmak, dahil sa tatlumpung mga nagtitinda rito, nasa tatlo o apat na lang ang natira. ang iba rin ay nakasarado na.
"Ah iyon ba?" anito. Biglang napalitan ng lungkot ang kaninang masayang mukha ng matanda. Nakuryos na rin si Makmak nang umupo na ito at matulala sa isang bagay.
"Napasama sila sa pag-aaklas noong nakaraang araw. Nakakalungkot nga e, dahil kasama ang anak ko sa nasawi," anito.
"Paano pong nasawi? Saan?" tanong ni Makmak.
"Isa siya sa lider ng mga hukbo. Sa kagustuhan niyang umalis na rito ay nagawa niyang sumama sa iba pa. Ayun, nahuli siya at binitay," anito.
"Binitay?" Nanlaki ang mata ni Makmak.
Ibig sabihin ang mga nahuli noong nakaraang araw ay binitay. Laking pasasalamat pa rin niya dahil nakaligtas siya mula doon. Utang na loob niya ang kanyang buhay kay Vincent na siyang nagligtas sa kanila.
"Teka, may nalalaman ka na ba tungkol sa limang estado? Magsisimula na iyon sa susunod na araw ah?" wika ng matanda.
Biglang lumiwanag ang mukha ni Makmak, dahil sa wakas ay makakuha na rin siya ng impormasyon kahit papaano.
"Hindi po. Kayo po ba may alam tungkol doon?" mabilis na tanong ni Makmak.
"Wala rin," tipid na sabi ng matanda.
Ang kaninang masayang mukha ni Makmak ay napalitan ng pagkadismaya. Napasampal na lang siya sa kanyang mukha sa pag-asang may makukuha na siya kahit papaanong impormasyon.
"Pero ipagtanong mo sa iba. Sigurado naman ay may ideya na sila," anas ng matanda.
Nagpaalam naman si Makmak dala ang mukha ng pagkadismaya. Malungkot siyang bumalik sa kanilang bahay,ngunit bago siya tumuloy ay may nakita siyang isang lalaki na nakatalikod sa isang eskinita. Nag-iisa lang iyon, at animoy malungkot, kaya naisipan ni Makmak na puntahan iyon.
Dinukot ni Makmak ang isang tinapay. "Gusto mo?" Nilahad niya iyon sa likuran ng lalaki,ngunit hindi iyon kumibo ni kumilos upang kuhanin ang binibigay ni Makmak.
"Gusto mo ba ng impormasyon?" biglang tanong nito na ikinagulat ni Makmak.
"H..ha?" hindi makapaniwalang tanong ni Makmak sa lalaking nakatalikod.
"Alam ko.. naghahanap ka ng impormasyon tungkol sa limang estado na gaganapin sa ikalawang araw," anito at dahan-dahang humarap.
Hindi inasahan ni Makmak na ang lalaking ito ay iyong lalaki na nakasalubong nila sa bakanteng lote at nagpaliwanag sa pagkamatay ni Mang Eddie.
"T-teka. Sino ka ba talaga?" gulong-gulo na tanong ni Makmak. "Tsaka bakit ka nariyan? Anong ginagawa mo rito?" sunod-sunod niyang tanong.
Tumawa lang ang lalaki at umupo ng tuwid. "Sa tingin mo sasabihin ko kung sino ako?" anito na ikinagulat ni Makmak.
"Pero maaari kong sabihin sa'yo kung ano nga ba ang nakapaloob sa ikalimang antas na iyon," anito na paniguradong may nalalaman talaga siya.
"Hindi ako interesado," direktang sinabi ni Makmak at akmang aalis na nang biglang humalakhak ang lalaki.
"Hindi interesado? Pero bakit sa tindera kanina, noong nalaman mo na wala pala siyang alam, parang...parang dismayado ka?" nanloloko nitong tanong.
Humarap si Makmak rito dala ang nanlilisik na mata. "Eh ano bang pakialam m-"
"Ang unang estado ay ang palaisipan. Sa inyong animnapung manlalaro, iisa-isahin kayong tatanungin ng nakaatang na hurado sa inyo. Gagawin ito sa tore ng Madraska. Kapag mali ang nasagot ninyo, ihuhulog na kayo sa pinakailalim na bahagi, kung saan naroon ang gutom na gutom na mga meiko," anito.
Nanlaki ang mata ni Makmak sa sinabi ng lalaki. Hindi siya makapaniwala sa kanyang nalaman. Ang bawat katagang binibitawan ng lalaki ay kusang tumatatak sa kanyang isipan.
"B-bakit mo ito sinasabi sa akin?" naguguluhang tanong ni Makmak.
Tumayo naman ang lalaki at Nilagay ang dalawang kamay sa magkabilang bulsa.
"Simple lang," anito. "Gusto ko kayong makaligtas. Kayo ng dalawa mo pang kasamahan. Gusto ko kayong makaharap sa pinaka huling laro. Kaya sana, galingan ninyo," dagdag nito at naglakad palayo.
Tulala lamang si Makmak habang tinitingnan ang likuran ng lalaki na papalayo na. Hindi pa rin niya akalain na makakakuha siya ng sagot sa lalaking iyon. Tsaka napapaisip siya, kung bakit gusto ng lalaking iyon na makaharap sila sa huling antas? Sino ang lalaking iyon? At bakit sinabi nito ang mahalagang impormasyon na kahit sino ay hindi nalalaman?
Pag-uwi ni Makmak sa bahay, kaagad niyang tinipon sina Ara at Patricia. Kinwento niya ang lahat ng kanyang nalaman. Gulat namang nakikinig lamang sina Ara at Patricia. Habang patuloy pa rin nilang iniisip kung sino nga ba ang lalaking iyon? At bakit pasulpot-sulpot ito kapag kailangan nila ng tulong.
"Hindi kaya siya si Don Hernandez?" tanong ni Ara habang prente siyang kumakain ng mansanas na hiniwa ni Patricia.
"Oo nga ano? Malay mo disguise niya lang pala iyon, pagkatapos binabantayan niya tayo," dagdag naman ni Patricia.
"Pwede," ani Makmak. "Pero pwede ring hindi."
"Kasi tingnan niyo ha? Kung siya nga si Don Hernandez, bakit siya pagala-gala rito? Kung siya 'yon, baka dinumog at pinatay na siya ng ibang manlalaro. Isa pa, kung si Don Hernandez nga iyon, bakit niya sinasabi ang ipapalaro niya? Para saan?" ani Makmak.
Napaisip ang dalawa at panandaliang tumahimik ang paligid.
"Pero ano naman kayang klaseng palaisipan 'yan?" tanong ni Patricia.
Kibit balikat lang ang isinagot ni Makmak. "Basta ang sabi ng lalaki, sa Tore ng Madraska gaganapin ang labang iyon. Kinakabahan tuloy ako," wika ni Makmak.
"Pero teka." Napahinto siya at tumingin kay Ara. "Hindi ba magaling ka sa mga palaisipan na gano'n, Ara?" tanong ni Makmak. Sa tingin niya kay Ara ay umaasa siyabg makakuha ng matinong sagot.
"Sinong may sabi sa iyo?" kunot noong tanong naman ni Ara. "Magkaiba ang bugtong sa Palaisipan, Makmak," anito.
Bumagsak ang balikat ni Makmak nang sagutin iyon ni Ara. Naalala niya kasi noon na may isang libro si Ara noong bata sila,kung saan madalas siyang tanungin ni Ara tungkol sa mga gano'n.
"Siguro kailangan nating magsanay," sabat ni Patricia.
"Ano pa nga ba?" pag-apruba naman ni Ara.
Pagkatapos nilang mag-usap, nagpasiya sila na magpalitan ng tanong. Ilang minuto rin silang nagsanay, hanggang sa mapagtanto ni Patricia na hindi gano'n ang tinutukoy ng lalaki na palaisipan.
"Teka nga lang," pagtigil ni Patricia sa dalawa. "Teka lang."
"Bakit? Hindi ba tama ang ginagawa natin?" tanong ni Makmak.
Huminga nang malalim si Patricia, dahil simula kanina ay sinisikap na nilang magsanay, ngunit wala silang maisip na halimbawa ng palaisipan na kanilang sasagutin.
"H..hindi kasi ganito ang alam kong palaisipan e?" nahihiya nitong sabi.
"Ang palaisipan na alam ko ay, magbibigay ng isang problema o senario ang isang tao. Matinding palaisipan ang gagawin ng kalaban niyon at hindi basta-basta makukuha ang sagot kung saan. Makukuha lamang iyon sa mismong tanong ng kalaban," paliwanag nito.
Gulong-gulo na ang dalawa sa pinapaliwanag ni Patricia. Sa huli ay wala ring nagawa ang mga ito kung hindi ang hintayin na lamang ang pagsubok na darating sa kanila.
---
Sa paglalakbay nina Vincent at Ian, hindi maiwasan ni Vincent na alalahanin si Patricia. Wala pa kasi siyang lakas ng loob upang aminin sa dalaga ang kanyang araw-araw na ginagawa.
Sino ba naman kasing tanga ang nagsasayang ng araw at oras kay Patricia. Ni hindi nga siya napapansin nito kahit malapit na siya sa kinaroroonan ng dalaga. Sa tagal na nilang namamalagi sa baryo, si Patricia pa lamang ang babaeng hinangaan niya. Bukod kasi sa matapang ito at masipag, marunong din makipagkapwa si Patricia. Isa pa, bonus na ang maganda at mala-anghel nitong mukha.
"Boss?" tawag ni Ian na mukhang kanina pa bagot na bagot.
"O..oh? Anong problema Ian?" tanong niya rito.
"Saan kako tayo pupunta?" pag-uulit ng binata. "Kanina ka pa wala sa sarili. Iniisip mo pa rin ba ang babaeng iyon?" tanong nito.
"Hindi no!" dipensa ni Vincent, ngunit kita sa kanyang mukha ang pag-iinit nito at pamumula, nang sabihin ni Ian ang pangalan ni Patricia.
"Sabagay, hindi naman kita masisisi doon," anito.
Kumunot ang noo ni Vincent. "Bakit naman?" tanong niya.
"Maganda si Patricia. Isa pa, mukha siyang mabait. Hindi katulad nung asungot na kasama niyang babae. Pandak na nga, ang lakas pa ng loob magsalita!" inis na sabi nito, kaya natawa si Vincent sa naging reaksyon ni Ian.
"Alam mo, ganyan talaga ang mga babae, malay mo balang araw, iyong babae pala na iyon ang makakatuluyan mo?" pagbibiro nito.
Suminghal ng husto si Ian. "Kahit wag na! Papalapa na lang ako sa Quadro," seryosong tugon nito na ikinahagalpak ng tawa ni Vincent.
"Boss ayun oh!" Turo ni Ian, kaya natigilan si Vincent. "May bahay doon," anito.
Mabilis nilang pinuntahan ang kubo sa gilid ng burol. Medyo maayos pa iyon, kaysa sa una nilang nakita sa may bukirin. Pagkaupo sa papag na gawa sa kawayan, nilapag din nila ang kanilang dalang mga gamit pati na pagkain.
Si Ian, sa sobrang pagod ay humiga na lamang, kahit hindi pa naibababa ang pagkain nitong dala. Pansin naman ni Vincent ang pwestong iyon. Pagdating nila ay maayos at malinis pa. Walang mga dahon sa papag. Parang may nauna na sa kanila rito.
"Ian?" tawag ni Vincent, ngunit hindi sumagot si Ian.
"Ian??" pag-uulit muli ni Vincent.
"Uhm?" tamad na sagot ni Ian.
"May nagmamay-ari na kaya nito?" tanong niya.
"Boss... huwag mo muna kayang isipin 'yan ano? Magpahinga ka muna at magpapahinga muna rin ako. Nakakapagod kayang maglakad, pagkatapos tirik pa ang araw," reklamo nito.
Hindi na muling sumagot si Vincent. Pansin kasi niya na kanina pa pagod si Ian,pero wala siyang naririnig na reklamo mula rito. Natutuwa siya sa gano'ng ugali ng kasamahan.
Humiga na lamang si Vincent, habang inaalala ang mahaba niyang paglalakbay.
Naalala niya noong una silang nagkita ni Patricia. Noong una ay inis na inis siya sa inaasta ng dalaga. Tingin niya kasi kay Patricia no'n, tatanga-tanga. Pero dahil naaawa siya, napilitan na lamang niyang iligtas iyon. Simula nang umalis siya kinaumagahan, hinanap ni Vincent ang mga kasamahan niya na nagsialisan. Ilang araw at buwan ang ginugol niya sa paghahanap sa kanyang grupo, ngunit wala siyang makitang bakas na kahit ano.
Pinagtanong din niya sa iba pang tao kung may nakakita man lang kahit kay Jake, ngunit wala. Tuluyan na siyang iniwan. Hanggang sa may nakarating na balita sa kanya. Lahat raw ng mga kasamahan niya ay namatay na sa hindi inaasahang pangyayari. Nakita na lamang niya ang damit ng iba niyang kasamahan na hinahangin na lamang.
Ilang buwan nalugmok si Vincent sa bahay. Kahit tuloy-tuloy ang laban, pilit niyang tinatatagag ang kanyang loob upang sa gano'n, mabigyan niya ng hustisya ang mga kaibigan niyang namatay ng walang kalaban-laban.
Hanggang sa nakilala niya si Ian. Si Ian ay isang bagong salta pa lamang. Noong una ay hindi maipagkakailang naiinis din siya rito dahil mukhang walang kamuwang-muwang sa mundo si Ian. Ngunit sinikap niya itong sanayin. Sinasama kung saan, pinakain at pinatira sa kanyang bahay. Hanggang sa tuluyan na ring masanay si Ian at maging bago niyang kasamahan.
Masaya siya kahit papaano na may nakakasama pa rin. Iniisip din niya na protektahan si Patricia, upang kahit man lang silang dalawa ay makaligtas at tuparin ni Patricia ang pangako nito sa kanya.
"Kapag nakaalis na tayo rito, isasama kita sa amin at papakainin ng maraming kakanin!" masayang sabi ng dalaga.
Natawa na lamang si Vincent habang inaalala iyon. Kahit minsan, hindi niya nasusubaybayan si Patricia, nagpapasalamat pa rin siya na ligtas ang dalaga. Ang kanyang minamahal.
Narito sila ngayon sa burol. Matagal nang binabalak ni Vincent ito at ngayon pa lamang niya naisakatuparan. Gusto niya kasing malaman kung ano at paano nabubuhay ang mga Quadro. Gusto niyang matuklasan kung ano ang misteryong ginagawa nila roon at sobra na lamang ang pagsunod nila sa nakakataas. Isa pa, mayroon siyang nakita sa likuran ng Quadro na nakaaway nila noon sa gubat. May kung anong nakadikit sa likuran niyon. Hindi niya masyadong maaninag dahil napakadilim, ngunit isa lang sigurado siya. Iyon ay may nagmamanipula sa mga Quadro.
Buong buhay kasi niya ay akala niyang nilikha rin ng Diyos ang mga Quadro. Akala niya, nilikha ang mga iyon upang pumatay ng tao. Ngayon, gusto niyang masaksihan kung ano ba talaga ang ginagawa sa kanila sa likod ng larong ito at ano ang mga Quadrong iyon.
Iniisip ni Vincent na kukulangin siya ng araw, dahil bukas na ang huling pahinga nila. Hindi sila maaaring tumigil sa paghahanap ng kasagutan, dahil malapit na namang maganap ang unang estado ng laro. Wala siyang ideya o impormasyon kung ano iyon, dahil ang mas mahalaga sa kanya ngayon ay malaman kung ano ba ang makakapuksa sa mga Quadro. At kung paano mapapatigil ang larong ito na kumitil ng napakarami nang buhay.