NAPANGIWI si Charlyn nang pilit niyang ibinangon ang sarili mula sa sofa bed. Lahat yata ng parte ng katawan niya ay nananakit dahil sa pambubugbog sa kanya, tainga na lang yata ang walang latay. Nang makaupo at makasandal sa likod ng sofa ay inisip ni Charlyn kung paanong nakatulog siya roon. Ang natatandaan niya ay umiyak siya kay Lester, at pagkatapos noon ay nakaramdam na siya ng matinding antok ang pagod. Tanglaw ang ilaw mula sa dalawang lampshade na nasa magkabilang tabi ng flat screen TV, napatingin siya sa kumot na naka-cover sa hita niya pababa. Hinaplos niya iyon at napangiti sa isiping kinumutan siya ni Lester, pero nasaan ito? Biglang may kabang bumalot sa puso ni Charlyn nang ilibot ang tingin. Wala roon ang binata, pero may nakalatag na mat, kumot at unan sa sahig sa baba l

