KABANATA NINETEEN

3405 Words
“Napakaganda mo talaga, Prinsesa Amity.”   Napatingin ako sa salamin nang gumawi rin ang paningin ni Kharim Celia ro’n upang pagmasdan ang bawat detalye ng aking mukha. Hindi man lang ito kumurap sa pagtitig sa akin. Maya-maya naman ay itinuon nito ang kaniyang atensiyon sa buhok ko. Kinuha nito ang buhok na nasa tabi ng aking mukha at inilagay nito sa likod ng aking balikat. Hinaplos niya muna ito bago dahan-dahang nilagay ang ancient classic hair clip na may disenyong perlas at bulaklak. Hawak ko ang hair clip na ‘yon kanina at sobra akong nagandahan. ‘Yon ang madalas na gamitin ng mga kababaihan na palamuti sa kanilang buhok no’ng sinaunang panahon.   Hindi naman nahirapan si Kharim Celia na ayusin ang buhok ko dahil hinayaan niya lang ilugay ko ang curly hair ko na hanggang balikat lang ang haba. Bumagay sa buhok kong may pagka-blonde ang pinatong ni Kharim Celia na hair clip dahil kulay gold ito. Mas pinaganda pa nito lalo nang ilagay niya na rin ang headdress sa bandang noo ko na parehong perlas ang disenyo. Hinayaan ni Kharim Celia ang ilang hibla ng buhok na nahulog sa magkabilaang pisngi ko. Nalagyan na rin niya ng light make-up ang mukha ko at ilang saglit lang ay tapos na niya akong ayusan.   Siya ang pinili kong mag-ayos sa akin dahil wala akong kaalam-alam sa tamang ayos ng mga binibini sa panahong ito. Hindi naman ako nagkamali sa pagpili sa kaniya dahil nagandahan ako sa kinalabasan. Maging si Kharim Celia na mag-ayos!   Mula sa likuran ko, ipinatong niya ang dalawa niyang kamay sa ‘king balikat bago muling tumingin sa antigong salamin. “Kamukhang-kamukha mo ang iyong Inang Reyna,” sambit niya. Hinuli pa nito ang aking mga mata.   Ngumiti ako at ‘di pa rin inaalis ang tingin ko sa kaniya sa salamin. Pabiro ko siyang tiningnan na nagtataka. “Kung gayon, masungit din po akong tingnan gaya ng aking Inang Reyna?”   Isang beses pa lang akong nakapunta sa Kaharian ng Lacandia at iyon lang din ang pagkakataon na makita ko ang aking Inang Reyna. Hindi ko siya natitigan nang mabuti noon at suriin ang kaniyang mukha dahil pinangunahan ako ng sobrang kaba dahil napakaseryoso at masungit ang aking Inang Reyna base kung sa paano niya ako kausapin noong nag-ulat ako sa kaniya. Pero kahit pa nadaplisan ko lang ang mukha nito noon, sigurado akong napakaganda nga niya talaga!   “Hindi, Zariya. Napakaamo ng iyong mukha at ang gandang taglay ng iyong Ina ay walang dudang iyong namana. Ikaw ay tunay nga niyang Anak, parehong kayong nagtataglay ng kagandahang mala-diwata.”   Maamo pala ang mukha ng aking Inang Reyna. Mukhang mali ang first impression ko sa ‘king Ina. Marahil ay nadala lang ako ng emosyon ko noon kaya nasabi kong masungit siya. Dibale, sa susunod na punta ko sa Kaharian ng Lacandia, tititigan ko nang matagal ang aking Inang Reyna at kikilatisin ang kaniyang buong mukha kung totoo nga ba ang sinasabi ni Kharim Celia na kamukha ko ito. Gusto kong ako mismo ang makakita at masabing Ina ko nga talaga siya.   Dahan-dahan akong tumayo at nakaalalay naman sa ‘king likod si Kharim Celia. Inalis niya ang upuan na ginamit ko at itinabi ito upang ‘di masagi ang suot kong dress. Inayos ko ang pagkakatindig sa harap ng salamin. Tiningnan ko ang sarili ko mula paa hanggang mukha. Ginamit ko ang pulang sandal na may 2 inches heels na bumagay sa elegante kong red dress. Hindi halatang sinaunang kasuotan dahil may halong modern ito dahil sa disenyo ng dress, off shoulder na siyang nagpalitaw sa mapuputi kong balikat at fit na fit ito hanggang sa tiyan ko at palobo na ito sa bandang bewang ko hanggang sa laylayan. Sa bandang dibdib, may nakadikit na makikinang na perlas at nagsilbi itong disenyo ng damit na ito.   Napakasimple ngunit napakaelegante! Hindi ko inakala na magaling mamili si Prinsipe Arsh sa gan’tong bagay.   Nagustuhan ko talaga ang bigay niyang red dress.   Si Prinsipe Arsh ang namili nito dahil nakasanayan nang sa tuwing may iniimbitahan ang mga Prinsipe na kapareha, sila na mismo ang bahala sa gagamitin na kasuotan ng kanilang kapareho. Sila ang nag-anyaya kaya sila rin ang may responsibilidad sa kung anong gagamitin ng binibini.   “Maya-maya pa’y nandito na si Prinsipe Arsh upang sunduin ka.” Napatingin ako sa gawi ni Kharim Celia. Seryoso lang itong pinagmamasdan ako.   Pakiramdam ko rin ay ilang minuto na lang ay kakatok na sa pinto ng aming silid si Prinsipe Arsh. Pumayag ako sa alok nito kahapon na maging kapareho niya ngayong birthday celebration ni Haring Valor. Kahit wala akong ideya sa gan’tong okas’yon na ginaganap sa mundong ‘to, pumayag pa rin ako. Hindi ako makatanggi dahil nahihiya akong ‘di tanggapin ang paanyaya niya. Sino ba naman ako para hindi pumayag, ‘di ba?   Sa una, nagdadalawang-isip talaga ako kung susulpot ba ako o magdadahilan na lang na sumama bigla ang pakiramdam ko upang makatakas ngunit nangulit si Kharim Celia na pumunta ako. Siya pa ang na-excite para sa akin. Ayon sa kaniya, ‘di naman daw big deal kung dadalo ako kahit na isa lamang akong taga-silbi sa palasyo. As long as niyaya ka ng isang Prinsipe o sinumang may mataas na posis’yon sa kahariang ito, maaari kang dumalo at umaktong hindi taga-silbi sa araw na ‘yon.   Sa gabing ‘yon, ang lahat ay pantay-pantay.   Walang nakakaangat, wala ring nasa laylayan ng lipunan.   “Zariya?” tawag ni Kharim Celia sa ‘kin. “Bago ka dumalo sa kaarawan ni Haring Valor, gusto kong sabihin sa ‘yo ang bilin ng iyong Inang Reyna sa ‘kin.”   “Ano po ‘yon?” Sabik akong malaman dahil sa labis na kuryosidad.   “Kahit anong mangyari, ‘wag na ‘wag kang aalis sa tabi ni Prinsipe Arsh. Siguraduhin mong nasa tabi ka lang ng Prinsipe hanggang sa matapos ang piging,” seryoso niyang paalala. “Huwag mong hahayaang mag-isa ka lamang. Sulitin mo ang gabi kasama ang mga Prinsipe at iba pang mga panauhin.”   Lalo akong nagtaka. Anong dahilan? Bakit ‘di ako p’wedeng lumayo kay Prinsipe Arsh? May ‘di ako magandang naramdaman sa mangyayari ngayong gabi. Itatanong ko pa sana kung ano ang rason ngunit ‘di natuloy dahil tatlong beses na katok na ang aming narinig mula sa pinto. Mukhang si Prinsipe Arsh na ‘yon.   Lumapit doon si Kharim Celia.   Nang buksan ni Kharim Celia ang pinto, tumambad doon si Prinsipe Arsh. Nakasuot ito ng eleganteng kasuotan ng isang tunay na Prinsipe, navy blue ito na may logo sa bandang dibdib, isang uri ng ibon na sumisimbolo sa Kaharian ng Norland. Kahit anong isuot niya, bumabagay sa kaniya. Kahit pa siguro kasuotan ng isang mahirap na mamamayan ng Norland, lilitaw at lilitaw pa rin ang angking kakisigan at kag’wapuhan niya.   “Magandang gabi, Kharim Celia.” Kasabay nang pagbati ni Prinsipe Arsh ang siya ring pagyuko ni Kharim Celia upang magbigay galang sa Prinsipeng nasa harap niya. Bumilis ang t***k ng puso ko nang dumako na sa ‘kin ang paningin ni Prinsipe Arsh. “Narito ako upang sunduin ang aking binibini sa gabing ito,” ani nito na nakatitig sa ‘kin. Nailang ako sa pagkakatitig niya dahil ngayon lang niya ako nakita sa ganitong suot. Ngayon niya lang din ako nakitang nag-ayos.   Kahit nahihiya man, pinilit ko pa ring humakbang papunta sa pinto. Nang makalapit na ako sa kaniya, naamoy ko agad ang nakakahalina niyang amoy. Mas mabango pa ang pabango niya kaysa sa mamahaling mga pabango sa modern world. Hindi ito matapang, sakto lamang.   “Magandang gabi, Prinsipe Arsh.” Gaya ng ginawa ni Kharim Celia kanina, yumuko rin ako sa harap nito.   “Mas maganda ka pa sa gabi, Zariya,” ani nito na ikinapula ng pisngi ko. Lalo akong nahiya dahil narito sa tabi namin si Kharim Celia. Baka kung ano ang isipin nito.   Inayos ni Prinsipe Arsh ang tindig niya. Nilagay niya ang kanang kamao nito sa bandang tiyan niya senyales na inaaya na niya akong umalis. Gaya ito sa nangyayari t’wing prom at formal way sa paglalakad kasama ang partner.   Nag-aalangan akong hinawakan ang kamay niya. Ipinasok ko ang kamay ko at marahang hinawakan iyon.   Pinaalam na ako ni Prinsipe Arsh kay Kharim Celia. Susunod naman daw si Kharim Celia sa amin dahil kailangan niya ring tumulong sa paghahanda ng iba pang makakain sa venue. Marami ang mga panauhin ni Haring Valor kaya naman marami ring inatasan na mga taga-silbi na tumulong sa kusina.   Habang binabaybay namin ni Prinsipe Arsh ang hallway palabas ng silid ng mga taga-silbi, ramdam kong nilalamig ang kamay ko. Hindi dahil sa malamig ang panahon, kung ‘di dahil kinakabahan ako. First time kong um-attend sa gan’to’ng okas’yon. Hindi ko alam kung ano ang mga ginagawa nila sa klase ng okasiyon na ito.   Nagdiretso kami sa the great hall ng palasyo, dito madalas ginaganap ang mga piging. Nang papalapit kami, tanaw ko na ang ganda ng venue. Bukod sa malawak na espasyo, napakaliwanag din ng buong paligid dahil sa naglalakihang gasera na nakasabit sa kisame at mayroon ding mga nakadikit sa pader. Mahahabang lamesa ang inihanda at ‘di mabilang na upuan ang naroon sa loob. Inilabas mula sa kusina ang mga mamahaling kagamitang pangkain katulad ng plato, kutsara at baso na gawa sa ginto. Sa bungad pa lang ay napapalamutian na ng mga nag-gagandahang bulaklak na kami mismo ni Prinsipe Arsh ang namitas. Upang makapasok sa loob, kailangan naming dumaan sa ginawang arko na puno ng isang uri ng luntiang d**o na may gold flower, ang namumukod-tangi sa lahat ng bulaklak.   Huminto ako saglit dahilan para mapahinto rin si Prinsipe Arsh. Bumuntong-hininga ako nang malalim. Umatras na kaya ako ngayon din?   Pinasadahan ako ng tingin ni Prinsipe Arsh. “Huwag kang kabahan dahil kasama mo ako. Hindi kita pababayaan, Zariya.”   Tiningnan ko siya. Ang kalmado ng boses niya at ‘yon ang pinanghawakan ko para ‘di na makaramdam ng ano mang kaba.   Mas hinigpitan ko ang pagkakahawak ko kay Prinsipe Arsh nang magsimula na kaming pumasok sa loob ng great hall of Palace. Nasa ilalim pa lang kami ng arko nang halos lahat ng bisita ay natuon ang paningin nila sa aming dalawa. Halata na may matataas na posis’yon at kilala sa Kaharian ang mga dumalo. Batay sa kanilang suot, masasabi mong marangyang buhay ang kanilang tinatamasa. Hindi mabilang ang mga alahas na nakasabit sa kanilang katawan. Seryoso nila kaming sinusuri at ang ibang mga kababaihan ay nagsimula nang magbulungan. Ramdam ko ang mapanuring mata ng lahat sa akin. Alam kong hinuhusgahan na nila ako sa kanilang isipan.   “Iwaksi mo sa ‘yong isipan na isa kang taga-silbi. Sa gabing ito, gaya ka rin nilang lahat kaya ‘wag mong iisiping naiiba ka. Tanging sa paningin ko lamang… ikaw ang natatangi sa lahat ng kababaihang narito ngayon.” Binigyan ako ni Prinsipe Arsh ng matipid na ngiti at bumalik ang walang emosyon niyang mukha nang may ilang bisita ang lumapit sa amin.   “At sa wakas, narito na ang ikatlong Prinsipe,” ani ng isang matandang lalaki. “Sino ang binibining iyong kasama, Prinsipe Arsh?” Tiningnan ako nito mula ulo hanggang paa. Naasiwa ako sa ginawa niya.   Bumaling muna sa ‘kin si Prinsipe Arsh. Inalis nito ang kamay niya mula sa tiyan kaya napabitaw rin ako sa pagkakahawak rito. Pero kinuha rin nito agad ang kamay ko at pinagtiklop ang aming mga palad bago bumalik ang kaniyang paningin sa matandang lalaki na nagtanong. “Siya si Zariya, ang aking binibini.”   Bakas sa mukha ng matandang lalaki ang pagkagulat. Maging ang ibang bisita na nakarinig kay Prinsipe Arsh ay nagulat din. Mas lalo nila akong pinagtuunan ng pansin. Ang ibang kababaihan na wari ko’y kaedad ko lamang ay tiningnan na rin ako mula ulo hanggang paa. Lahat sila ay hindi inalis ang paningin sa akin.   Bakit ganoon na lamang sila makatingin matapos sabihin ni Prinsipe Arsh na ako ang partner niya sa gabing ito?   “Ibig bang sabihin ay nakalimutan mo na nang tuluyan ang Anak ko?” May halong pang-aasar ang tono nito. “Kung oo man, mabuti naman dahil mas karapat-dapat ng Anak kong si Kaira si Prinsipe Ravi kaysa sa ‘yo,” dagdag niya.   Dahil sa mga sinabi niya, nakilala ko ang taong nasa harap namin.   So, tatay pala ni Haya Kaira ang matandang lalaki na kaharap namin ngayon? Kaya pala gano’n ang ugali ni Haya Kaira, may pinagmanahan naman pala. Hindi nagkakalayo ang pag-uugali ng Tatay niya sa kaniya.   “Nga pala, malayong mas maganda ang Anak ko kaysa sa ‘yong binibini ngayon.” Hindi pa ito nakuntento at may pinahabol pa siya and worst, kinumpara pa niya ang gandang taglay namin ng Anak niya! Ganito ba siya ka-insensitive? Hindi niya inaalala ang bawat salita na binibigkas nito.   Alam kong nagtitimpi na sa galit si Prinsipe Arsh dahil napahigpit pa lalo ang pagkakahawak niya sa kamay ko. Pinisil ko naman ang kamay niya upang iparating sa kaniya na kumalma siya.   Namumuro na rin kasi itong Tatay ni Haya Kaira. Pati ang nakaraan ng kaniyang Anak at ng ikatlong Prinsipe ay hinahalungkat pa niya. Lahat ng sakit na naramdaman ni Prinsipe Arsh noon ay naging sariwa na naman.   Hindi na ako nakapagpigil na sumingit sa usapan nila. “Mawalang galang na po, pero batay sa paniniwala ko, lahat ng kababaihan ay pantay-pantay ang ganda kaya naman, wala kayong karapatan na ikumpara ang isang binibini sa isa pang binibini. Lahat kami ay maganda… pero alam niyo po kung ano ang mas nagpapaganda pa lalo sa isang binibini? Ang maganda ring ugali na mayroon siya. Kaya naman natatangi lang ang ganda ng isang binibini sa lahat kung tataglayin din nito ang magandang asal.” Ngumiti ako ng matamis sa kaniya matapos banggitin ‘yon.   Sana ay naintindihan niya ang pinupunto ko.   “Tama ang iyong sinabi, binibini.”   Marami ang nakisang-ayon sa ‘kin. Ang iba pang mga panauhin na nakarinig ay pumalakpak pa.   Ang tatay naman ni Haya Kaira ay mukhang napikon dahil nagpaalam na itong aalis na at pupuntahan pa raw ang kaniyang Anak na magaling magpanggap.    Iginaya ako ni Prinsipe Arsh sa lamesa kung sa’n nakaupo ang dalawa niyang kapatid, sina Prinsipe Dern at Prinsipe Nesh. Ito ang lamesa na para lamang sa mga Anak ng Hari. May kaniya-kaniya kasing lamesa ang bawat bisita ni Haring Valor. Nasa gitnang harap ang lamesa ng limang Prinsipe. Kaharap ang mini stage kung sa’n nakalagay ngayon ang upuan na gagamitin ni Haring Valor. Ang upuan na ‘yon, gawa sa gold gaya ng suot niyang korona, kumikinang-kinang pa ito.   “Napakaganda mo, Zariya!” Tumayo si Prinsipe Dern at lumapit sa ‘kin. Hindi pa rin binibitawan ni Prinsipe Arsh ang kamay ko kaya naman ang isa kong kamay ang walang pasabing kinuha ni Prinsipe Dern. Dahan-dahan siyang yumuko at inilapit ang mukha sa ‘king kamay. Akmang hahalikan niya ito pero bago niya pa ilapat ang kaniyang labi, agad nang binawi ni Prinsipe Arsh ang kamay ko mula sa pagkakahawak ng kapatid niya. Muntikan tuloy mapasubsob si Prinsipe Dern.   “Ako lang ang p’wedeng humawak sa aking binibini,” mapanakot na wika ni Prinsipe Arsh sa ika-apat na Prinsipe.   Hindi maipinta ang naging reaksyon ni Prinsipe Dern. Sumimangot ito at bumalik sa kaniyang upuan. Nang makaupo ito nang tuluyan, siya namang pagtawa nang malakas ni Prinsipe Nesh, tawa na puno ng pang-aasar. Tinapunan agad ni Prinsipe Dern si Prinsipe Nesh ng masamang tingin. Natigil tuloy ito sa pagtawa at agad na lamang sinubo ang mansanas na nasa harap nito. Napangiti na lamang ako nang palihim sa inasta ng dalawang Prinsipe.   Ilang minuto lang, napalinga ako sa paligid nang magsimulang umingay ang lahat. Nagsipunta na rin ang ilan sa kaniya-kaniyang lamesa.   “Paparating na ang Hari,” malakas na sigaw ng kanang-kamay ni Haring Valor.   Tumalima ang lahat. Wala nang ingay na maririnig at seryosong inaabangan ang paglabas ni Haring Valor sa pinto na nasa gilid ng mini stage. Nakahanda na rin ang mga kawal na may hawak na plauta na magbibigay musika sa entrance na gagawin ni Haring Valor.   May isang kawal ang bumulong sa kanang-kamay ng hari. Naging alarma ang kanang-kamay ni Haring Valor at dali-daling pumunta sa gitnang harap, sa harap mismo ng lamesa ng mga Prinsipe.   “Mga ginoo at binibini, ating salubungin ng mainit na pagbati para sa kaniyang ika-limampu’t walo na kaarawan… Ang Ama ng ating Kaharian, si Haring Valor!”   Napuno ng palakpak at musika ang hall nang lumabas sa pinto si Haring Valor. Parehas ng suot ng limang Prinsipe ang suot ng kanilang Amang hari, naiba lang ang kulay nito. Kung sa mga Prinsipe ay kulay navy blue, kay Haring Valor naman ay kulay pula. Kahit pa malapit na itong mag-senior citizen, malakas pa rin siya. Hindi pa niya kailangan ng ilang kawal o taga-silbi na umalalay sa bawat lakad niya. Kayang-kaya pa niyang lumaban at mamuno sa Norland.   Malapad ang ngiti ni Haring Valor na naglakad papunta sa trono niya. Huminto siya sa tapat ng upuan at nanatiling nakatayo. May nais pa yata siyang sabihin. Bago pa magsalita ang Hari, dumating na sa aming lamesa si Prinsipe Cozen. Nginitian niya ako nang makita niya ako kaya naman sinuklian ko rin siya ng matipid na ngiti. Sumunod na dumating sina Prinsipe Ravi kasama si Haya Kaira na animo’y linta sa sobrang pagkakalingkis sa Prinsipe. Palihim itong umirap sa ‘kin nang magtama ang aming paningin.   Hugutin ko mata niya, eh!     “Nais kong magpasalamat sa inyong lahat at pinagbigyan niyo akong samahan ako na ipagdiwang ang aking kaarawan. Mas lalong sumaya ang gabi kong ito dahil sa lima kong pinakamamahal na mga Anak. Wala ni isang kaarawan ko na hindi sila kompleto.”   Kumalas si Prinsipe Arsh sa pagkakahawak sa kamay ko. Sabay-sabay na naglakad ang limang Prinsipe papunta sa harap ni Haring Valor. Lahat sila ay yumuko sa harap ng kanilang Amang Hari. Nagsipalakpakan ang lahat kaya naman sumabay na rin ako sa pagpalakpak. Matapos ‘yon ay bumalik agad ang limang Prinsipe rito sa aming lamesa.   Naupo na si Haring Valor sa kaniyang trono.   Inalalayan ako ni Prinsipe na umupo. Nasa gitna ako nina Prinsipe Arsh at Prinsipe Nesh. Katabi naman ni Prinsipe Nesh si Prinsipe Dern. Nasa tapat namin sila Prinsipe Ravi, Haya Kaira at Prinsipe Cozen.   Nagsimula nang kumain ang lahat habang walang tigil sa pagtugtog ng musika ang mga kawal gamit ang iba’t-ibang instrumento. Namayani sa loob ang nakakahalinang kanta.   “Ano ang iyong nais kainin, Zariya?” Bumulong sa ‘kin si Prinsipe Arsh dahil maingay ang paligid. Ramdam ko tuloy ang mainit na hininga nito sa tainga ko na nagbigay sa ‘kin ng ‘di maipaliwanag na pakiramdam lalo pa nang isandal niya ang kamay nito sa upuan ko.   Ilang inches na lang ang layo ng mukha namin nang lingunin ko siya. “Ayos na sa ‘kin ang tinapay at prutas, Prinsipe Arsh.”   Siya na mismo ang naglagay ng pagkain sa plato ko. Hindi ko man tingnan si Haya Kaira, ramdam kong nakamasid siya sa ‘kin habang inaasikaso ako ni Prinsipe Arsh. Ayokong masira ang gabing ‘to kaya ‘di na ako nag-aksaya pa ng oras na pansinin siya.   Matapos kaming kumain, nabusog naman ako sa sunod-sunod na presentas’yon na inihain ng mga mananayaw ng Norland. Sobra akong nag-enjoy sa folk dance na kanilang pinakita sa gitna ng hall. Ang space na ‘yon sa gitna ang nagsilbing dance floor. Hindi ko inakala na ganito kaganda ang sinaunang sayaw. Kung alam ko lang, sana’y ‘di ko na lang tinulugan ang music subject ko noon.   Matapos nilang mag-perform, unti-unti silang nagsialisan sa gitna. Ang kaninang masiglang musika ay napalitan ng mabagal na uri ng kanta. Hula ko ay ito ang slow dance sa modern world. Hindi nga ako nagkamali nang may ilang by partner ang pumunta na sa dance floor. Karamihan sa kanila ay mag-asawa.   Tumikhim si Prinsipe Arsh sa tabi ko kaya natuon na sa kaniya ang paningin ko ngayon. Nagtaka ako nang tumayo ito pero ilang saglit lang ay lumuhod naman ito sa harapan ko.   Anong ginagawa niya?   Inilahad niya ang kaniyang palad sa ‘kin. “Maaari ba kitang isayaw, binibini?”   Naagaw namin ang atensiyon ng iba pa naming kasalo sa lamesa. Seryoso silang lahat na nakatingin sa amin ni Prinsipe Arsh at seryosong hinihintay ang isasagot ko
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD