♞♟♜♚
Nakayuko sa hospital bed ang ina ni Reo habang binabantayan ang katawan ng anak na ngayon ay nahihimlay at wala pa ring malay.
Hawak niya nang mahigpit ang kamay ninto at ilang beses na nagdarasal para muling magising at imulat ng kaniyang anak ang mga mata ninto
Pangalawang araw na ito at ni isa sa mga players ay hindi pa rin nagigising mula sa larong nagkulong sa kanilang isip.
Hindi pa rin humuhupa ang gulo na dulot ng larong ginawa ni Reo pero alam na naman ng media ang totoong nangyari at hinahanap na kung sino ang gumawa sa kanila ng bagay na ito.
"Anak ko, gumising ka na," bulong ng kaniyang ina habang hawak-hawak ang malamig na kamay ni Reo nang biglang maalarma dahil sa mabilis na pagpintig ng puso ng kaniyang anak.
"Reo? Reo!" Natataranta nitong sigaw habang kitang-kita niya ang pagtaas ng numero sa screen ng machine na nakakonekta sa katawan ni Reo.
"Doc! Tulong!" Hiyaw niya dahil wala naman siyang ibang magagawa kung hindi humingi ng tulong sa mga bagay na alam niyang wala siyang kakayahan.
Mabilis naman pumasok ang doctor sa loob ng kwarto ni Reo at tinignan ang aparatus na nakakabit sa katawan ng binata.
Marami silang nagmamasid sa kung ano ang nangyayari sa katawan ni Reo at isa lang ang sagot ng doctor sa kung ano ang dahilan ng mabilis na pagtibok ng puso ni Reo.
"Sa ngayon ay nagdaranas ang anak niyo nang matinding kaba, paniguradong may kinakalaban siya sa loob ng isip niya," sagot ng doctor at agad ding pumasok ang ibang game developer sa loob ng silid ni Reo kasama si Mr. Sy.
"Panong may kinakalaban Doc?" Tanong ng kaniyang ina na walang alam sa mga bagay na nangyayari sa loob ng laro.
"Isipin niyo na lang po na nasa isang bangungot siya ngayon, na hindi siya maaaring makalabas," sagot ng Doctor at seryosong pinagmasdan ang pasyente habang iniintay itong kumalma dahil wala rin naman silang ibang magagawa kung hindi sumuporta lamang mula sa labas.
Hindi nila maaaring pilitin na alisin ang head gear ng mga players dahil delikado ito at isa pa konektado ito sa kanilang isipan. Kaya naman buong tiwala na lang sila na umaasang matatapos ng mga players ang final boss habang sila naman ang mga nag iingat sa mga katawan ng mga players na ito.
"Mabilis din ba ang heart rate ni Reo?" Tanong ni Mr. Sy na natataranta sa mga kaganapan na hindi pa rin niya na reresulba.
"Ganito rin ba ang nangyayari sa ibang players?" Tanong ng isang developer at tumango naman ang nurse na katabi ninto.
"Merong anim na players na katulad ng sitwasyon ngayon ni Reo, mukhang magkakasama silang anim at may kinakalaban sa loob ng game," sagot ng Doctor at napatingin na lang si Mr. Sy sa ina ni Reo at hindi alam kung pano haharapin o kakausapin ito.
Kinakain pa rin siya ng kaniyang konsensya sa lahat ng mga nangyayari ngayon, dahil sa kapabayaan niya ay napahamak ang maraming inosente sa larong magbibigay sana ng saya at aliw sa lahat.
"May report na galing sa HQ, na pag-alaman namin na may isang employee ang pumasok sa game room kung saan nakahanda lahat ng head gear isang buwan na ang nakakalipas bago ito lumabas sa merkado," paumpisang salita ni Mr. Sy.
"Na pag-alaman namin na pinalitan niya ang bawat microchip sa loob ng head gear para ma-hack ang program at palitan ito ng duplicate game na kinopya niya sa program ni Reo," pagpapatuloy niya at halos manlambot naman ang ina ni Reo sa mga narinig ninto.
"Hindi namin siya na detecf dahil gamit niya ang identity ng isa naming employee na nasa vacation ngayon, hindi rin namin alam ang motibo niya kung bakit niya ginagawa ito, basta ang alam lang namin ay mukhang hindi lang nag-iisa ang tao na ito," dagdag ni Me. Sy at lahat naman sila ay napaisip din sa dahilan kung bakit ito ginagawa ng salarin.
"May lead na ba kayo kung na saan ang suspect ngayon?" Usisa ng isang doctor at umiling naman si Me. Sy.
"Bali siyam na lugar na ang binabalak i-raid ng mga kapulisan, sana sa siyan na iyon ay matagpuan na ang salarin," sagot niya at lahat sila ay bumalik ng tingin kay Reo habang patuloy na hinihiling na makalabas sila ng ligtas sa kung ano man ang nakakasagupa nila ngayon.
♞♟♜♚
Samantala sa loob naman ng kweba ay patuloy na nakikipaglaban ang anim at humanda na sila sa mabilis na pag atake na ginagawa ni Reo ngayon.
Sobrang bilis ng pintig ng puso ni Reo dahil sa kaba nang makita niya ng malapitan ang mukha ng boss sa level one stage na ito.
Pero patuloy pa rin siyang tumakbo para marating ang kinaroroonan ninto sa dulong bahagi ng kweba.
Lahat ng mga imp na tumatakon at humaharang sa kaniya ay namamatay dahil sa mabilis na galaw ng kaniyang kamay gamit ang matalim na sandata.
Kaya ko 'to, kailangan kong bilisan bago pa ko atakihin ng final boss sa stage one ng larong ito.
Alam ni Reo na kaya niya talunin ang kalaban dahil sa mataas na ang level ng character niya at kung naglalaro lang siya ngayon ay sisiw na sisiw lang sa kaniya ang stage na ito.
"Hiro kaya mo 'yan! Tapusin mo na!" Hiyaw ni Kyo at pati ang iba nilang kasama ay sinusuportahan siya habang papalit siya nang papalapit sa kalaban nang bigla siyang mapatingala at magtama ang tingin nila ng babaeng halimaw.
Natatakpan ng mahaba nintong buhok ang mga mata na kulay pula ngunit alam niya at ramdam niyang nakatingin ito sa kaniya.
Hindi niya mawari bakit tila hindi niya maalis ang kaniyang tingin dito saka siya napahinto sa pagtakbo nang bigla itong humiyaw nang malakas sa kaniyang harapan at halos dumugo na ang kaniyang tainga sa sobrang lakas ng tunog na pinakawalanan ninto.
"Arrrgh!" Napayuko siya at hinawakan ang kaniyang tainga, umiiyak na naman ang halimaw at alam niya na pag umiiyak ito ay lalapit ang mga tiyanak at poprotektahan ang kaniyang ina.
"Hiro sa likod mo!" Hiyaw ni Kyo sa hindi kalayuan at bago pa man siya makalingon ay bigla nang bumagsak ang tiyanak sa kaniyang harapan at saka niya nakita si RU na naka-asinta sa kaniyang harapan habang hawak ang baril ninto na umuuso pa ang dulo.
"Mag-focus ka sa harapan mo! Ako bahala sa likuran mo!" Hiyaw ng dalaga sa kaniya at tumango naman siya saka muling sinubukan na sumugod ngunit nang muli siyang tumingin sa halimaw ay nakangiti na ito sa kaniya.
Mga ngiting nagbigay ng kilabot sa buong sistema niya, dahil para itong buhay na nilalang, may emosyon at may isip.
Ramdma niya na hindi ito ang klase ng kalaban na ginawa niya sa loob ng game, ramdam niyang may kakaiba rito at tila ba bumabalik ang trauma niya tuwing binubugbog siya ni Arch at mga tropa ninto.
Napatigil siya sa pagtakbo, muling natulala at tila ba nais na naman niyang sumuko dahil unti-unti na naman siya pinaghihinaan ng loob.
'Weakling!'
'Nerd at mahina.'
'Walang kwentang basura.'
Umeeko sa isip ni Reo ang boses ni Arch habang paulit-ulit niyang naririnig ang mga salitang iyon na tila ba hindi siya lulubayan kailan man.
"May mali kay Hiro, sandali at tutulungan ko siya!" Sabi ni Kyo dahil hindi niya matiis ang kaibigan at alam niyang may kakaiba kay Reo kaya naman hindi na siya nag dalawang-isip na puntahan ang kaibigan at tulungan ito.
Patuloy silang binak-up-an nila RU at iba pa sa kanilang likuran habang si Kyo naman ay mabilis na prinotektahan ang kaibigan.
Nakita niyang nakayuko ito at tulala, balisa at wala sa sarili. Alam niyang may problema pero hindi niya alam kung ano ang gagawin kaya isang malakas na pagbatok ang ginawa niya sa kaibigan para magising.
"Labo! Gumising ka nga! Hindi 'to oras para matulala!" Hiyaw niya sa kaibigan at agad naman siyang nakita ni Reo.
Napatingin si Reo sa mga mata ng kaibigan habang si Kyo naman ay patuloy na prinoprotektahan siya mula sa mga atake ng tiyanak.
"Kyo, naririnig ko si Arch," sagot ni Reo sa kaibigan at hinawakan naman ni Kyo ang dalawang balikat niya at sinimulan na naman siyang alugin ninto.
"Alam kong malaki ang trauma mo sa ginawa ni Arch sa 'yo simula nung college, pero men, hindi si Arch ang nasa harapan mo kung hindi isang halimaw na kakain sa 'tin kung hindi ka umayos!" Hiyaw ninto at doon na balik sa wisyo si Reo.
Napalingon siya sa kaniyang mga kasamahan at nakita niyang nahihirapan na sila Kenneth sa pagbibigay ng suporta sa kanila at kung magtagal pa siya rito at walang ginawa ay lahat sila ay mamatay dahil sa kagagawan niya.
"Kung ano man 'yang iniisip mo, gawin mo na bago pa tayo mamatay rito isa-isa!" Utos sa kaniya ni Kyo dahil alam niyang may plano ang kaibigan at alam ninto kung saan pupuntiryahin ang halimaw.
Mabilis naman tumango si Reo at tumakbo sa kinaroroonan ng kalaban, bagamat nakangiti pa rin ito na nagbibigay ng kilabot sa buo niyang katawan ay pinilit niya na lang na lunukin ang takot at sumugod sa kalaban.
Hindi naman siya ninto hinayaan makalapit at binigyan siya ng mga atake gamit ang kaniyang mahabang buhok na agad naman na iiwasan ni Reo.
Mabilis na ang galaw ng character niya at alam niyang hindi siya matatamaan ng mga ito basta naka-focus lang siya sa mga galaw niya. Nasa likod niya rin sila Kyo at RU na nagbibigay ng back up sa kaniya at si Kenneth na nag he-heal ng ano mang damage sa katawan niya.
Parang kidlat kung gumalaw ang character ni Reo at ramdam niya ang bilis ninto sa katawan niya, tila ba isa na sila ng hangin na kaniyang hinihinga.
Pakiramdam niya ay kayang-kaya niya ang lahat, para bang hindi na siya ang lampa at talunan na lalaking parating binubugbog ng bully na si Arch.
"Hindi na ko papatalo sa 'yo Arch," bulong niya sa sarili habang iniisip na ang kalaban niyang halimaw ay si Arch na siyang bully at pumatay sa matalik niyang kaibigan na si mang Toni.
Lahat ng naipon na galit ni Reo kay Arch ay na punta sa sandatang hawak niya, mahigpit niya itong hinawakan at itinuon lahat ng kaniyang lakas dito.
"Aaaaaah!" Mabilis siyang tumalon sa harapan ng halimaw at hindi na ninto naiwasan pa ang galaw ni Reo dahil malalim nintong naibaon ang dagger at braso sa tiyan ng kalaban.
"Ieeeeek Ieeeeek!!!" Nakakabinging hiyawan ng mga tiyanak na unti-unting nagiging numero at lerang kulay berde habang nawawala sa hangin.
Huminga nang malalim si Reo nang makita niya ang pagkamatay ng maliliit na halimaw ngunit hindi pa rin niya binubunot ang kaniyang kamay at sandata sa tiyan ng halimaw.
"Haaaaa..." paghabol niya ng hininga habang matapang na nakatingin sa mga mata ng halimaw na nasa harapan niya at nakatitig din sa kaniya.
Hindi niya alam kung bakit nakangiti pa rin ito kahit na nakikita na ni Reo ang unti-unting paglalaho ninto bilang maliliit na berdeng numero.
Nakataas ang dalawang bahagi ng bibig ninto habang labas ang matutulis at sungki-sungking ngipin na parang pating at patuloy na nakangiti sa kaniyang harapan.
Mga ngiting hahabulin siya sa kaniyang Panaginip at hinding-hindi niya malilimutan.
[ SYSTEM ANNOUNCEMENT ]
[ THE IMP'S CAVE LEVEL ONE MISSION IS CLEAR ]
[LEVEL 1 REWARD]
New weapon.
1000 Battle points
EXP +50
Start-dust 1
[ SPECIAL ITEM]
KEY TO THE DUNGEON
TYPE: KEY
LEVEL OF DIFFICULTY: ERROR
[ A key that allows you to enter the dungeon. This item may be used at any location after the given time.
( 23 hrs 59 mins 52 sec )]
Napatingin na lang si Reo sa kaniyang screen matapos lumabas ang announcement sa kaniyang harapan.
Nagtataka sa kakaibang item na hindi niya pa nakikita o wala naman sa larong kaniyang ginawa.
“Waaaaah! Na clear na natin ang stage one!” Hiyaw nila Ahruem at masayang nagtatalunan nang makita ang pagbukas ng lagusan.
Napalingon si Reo sa mga kaibigan pabalik sa kaniyang kamay na walang kahit anong bahid ng dugo mula sa kalaban kanina.
Hindi niya mawari bakit kakaiba ang pakiramdam niya, idagdag pa ang kakaibang item na nakuha niya.
“Hiro! Tara na!” Tawag sa kaniya ng mga kaibigan saka siya nabalik sa wisyo at sumunod sa paglalakad palabas ng unang mission na na-clear nila.
TO BE CONTINUED