Aurora
“Ayoko nga sabi!” bwisit na sigaw ko kay Sharlene habang hinahabol niya ako. Pilit kasi niyang isinusubo sa ‘kin ang adobong tipaklong na binigay ni Mang Jose kanina, ‘yong matanda na nakita namin sa mall. Sinabi niya kasi sa ‘min na may orasyon ‘yon, at kailangan kong kainin para makilala ko kung sino ang lalaki sa panaginip ko.
Malakas daw kasi ang hinala ng matanda na nasa reyalidad na rin ang tinatawag niyang nilalang, at nakakasalamuha ko.
“Oryang, sabi ni Mang Jose kailangan mo ‘tong kainin! Makulit ka rin e, ‘no?” gigil na sabi ni Sharlene. “Paano mo malalaman kung sino ‘yong nanggagambala sa ‘yo kung hindi ka naman kikilos?”
Hunalukipkip ako. “Ah, basta. Ayoko.” Nagpakawala ako ng buntonghininga. “Pasok mo na lang muna siguro sa ref. Kapag kaya ko na, susubo ako.”
Napapalatak na lang si Sharlene, pero sinunod niya ang request ko. Nang matapos ay umupo siya sa tabi ko at nagbukas ng TV, para maghanap ng papanoorin.
Sumandal si Sharlene sa balikat ko. “Minsan, nag-aalala na ‘ko sa ‘yo. Alam ko naman na hindi ikaw ‘yong tipo na mahilig humingi ng tulong, pero sana, kapag gan’to, magsasabi ka pa rin sa ‘kin, okay?”
Ngumiti ako at kinuha ang kamay niya. “Okay. Ayoko lang kasi na makaabala sa ‘yo minsan. Alam ko naman na marami ka ring iniisip…”
Tumawa si Sharlene at kinurot ang ilong ko. “Sira! Never akong magiging busy para sa best friend ko, ‘no!”
Nasa ganoong posisyon kami nang biglang nag-ring ang doorbell. Napakunot ako ng noo at binalingan ang kaibigan ko. “Nagpa-deliver ka ba?”
Umiling ito. “Huh? Hindi ah.” Tumayo si Sharlene at kinuha ang martilyo sa ilalim ng upuan. “D’yan ka lang, ako na ang sisilip.”
Lumabas si Sharlene. Bigla naman akong nakaramdam ng uhaw kaya naman nagpunta ako sa kusina para kumuha ng tubig. Nang makalabas ako ulit sa sala ay papasok na siya, habang may kasunod na malaking bulto ng lalaki na may bitbit na supot ng pagkain.
“Gideon?” nakakunot-noong tawag ko sa pangalan ng lalaki.
Ngumiti siya at nilampasan si Sharlene, bago iniabot ang plastic ng pagkain sa ‘kin. “Ah, hindi ako inimbita ni Sharlene. Kakauwi ko lang kasi galing cooking class, tapos may natira sa output ko kaya naisipan ko na idaan dito.”
Umirap naman si Sharlene. “Sinungaling. Ang sabihin mo, buong araw kang nagluto para lang umakyat ng ligaw!”
Kaagad kong naibalik ang plastik sa kamay niya. “Ah—”
Binalik ‘yon ni Gideon sa kamay ko. “Hey, take it. Mas masama naman kung tatanggi ka sa pagkain, ‘no.”
Wala na akong nagawa. Pumasok ako ulit sa kusina para kumuha ng plato at isalin ang pagkain, nang marinig ko na naman ang pagtunog ng doorbell.
“Ako na!” sumigaw si Sharlene bago miling lumabas ng bahay. Kahit nasa loob ako ay rinig na rinig ko ang malakas at gulat na boses niya nang makita ang estrangherong kumakatok. “Sir Raphael?!”
Kaagad akong napatakbo palabas ng kusina. Kasabay naman niyon ang pagpasok ni Sir Raphael sa loob ng bahay ko, may bitbit na bouquet ng rosas at isang basket ng sariwang prutas.
Nagsalubong ang mga mata nila ni Gideon. Saglit kong nakita ang pagbalasik ng tingin nila sa isa't isa, na kaagad namang nawala.
“Mr. De Guia, you're here,” kaswal na sabi ni Sir Raphael sa kanya bago siya nito lampasan upang iabot ang mga hawak niya sa ‘kin. “Hello, Miss Dela Vega.”
“Sir…” halos mautal na sabi ko. “Napabisita po kayo?”
Ngumiti si Sir Raphael bago inipit ang ilang hibla ng buhok na tumatabing sa mukha ko sa likod ng tainga ko. “I'm just checking on you. Palagi ka kasing nagkakasakit.”
“May sakit ka, Aurora? Bakit ‘di mo ko sinabihan? Sana naipagluto kita ng soup,” singit ni Gideon sa usapan namin. Napansin ko ang pag-igting ng panga ng amo ko.
“Ah, hindi na. Hindi naman malala. Siguro pagod lang sa trabaho,” agap ko bago inilapag ang basket sa lamesa. “Ah, si Sir Azul pala?”
“At home,” maikling tugon ni Sir Raphael. Nanunudyo na ngumiti siya sa ‘kin st bumulong sa tainga ko. “Bakit, mas na-mimiss mo ba ang kapatid ko kaysa sa ‘kin?”
Tahimik ko siyang hinampas sa dibdib. “Sir, may usapan tayo,” paalala ko sa kanya.
“Fine…”
Tumikhim si Sharlene bago hinila ang pinsan niya. “Hoy ‘insan, tulungan mo nga ako pumili ng papanoorin dito.”
Nang tuluyan silang makalayo ay nagpunta ako sa kusina. Alam kong susunod si Sir Raphael kaya naman hinarap ko siya ng may halong inis. “Excuse me ho, Sir, pero anong ginagawa niyo rito sa bahay ko?”
“I already told you my reason,” sagot niya bago siya kumuha ng kutsilyo at nagbalat ng mansanas mula sa basket na bitbit niya. “E anong ginagawa ng lalaking ‘yon dito sa bahay mo?”
“Wala ka na do’n,” bulong ko bago siya tinalikuran at inayos ang pagkaing bitbit ni Gideon.
Ngunit sadya yatang matalas ang pandinig ni Sir Raphael. Walang anu-ano’y bigla niya akong pinaharap at siniil ng halik sa labi. Bago pa man madala ay tinulak ko siya. “Baliw ka ba? Nasa labas lang sila Sharlene!”
Natigilan ako nang makita ko ang pamumugto ng kanyang mga mata. Wala sa huwisyo na nahaplos ko ang pisngi niya, kasabay ng paghigpit ng yakap ni Sir Raphael sa beywang ko.
Sinubsob niya ang mukha niya sa balikat ko. Dala na rin ng bigat at laki niya ay napasandal ako sa tiles na lamesa ng kusina. Hindi niya man sabihin, alam kong umiiyak siya sa balikat ko. Ramdam ko ang unti-unting pagkabasa ng manggas ng suot kong blusa.
Dapat ay lumalayo ako at tinataboy ko si Sir Raphael. Ngunit hindi ko alam kung anong mahika ang meron siya, dahil nakita ko na lang na niyayakap siya pabalik at tahimik na inaalo. Nakakatawa man isipin, ngunit… sadyang hindi ko siya mahayaan na umiyak na lang nang mag-isa.
“Can I stay the night?” tanong niya habang nakasubsob sa balikat ko.
“Aba, abusado,” biro ko.
Tumawa siya at tumingin sa ‘kin. “Please?”
“Baka makitulog din si Sharlene at Gideon—”
“Tapos ako, bawal?”
Nagpakawala ako ng malalim na buntonng-hininga. “Bahala ka sa buhay mo. May tatlong spare na kwarto sa itaas, mamili ka na lang kung saan mo gusto.” Dinuro ko siya. “At please lang, Sir Raphael, ‘wag mo akong gagapangin!”
Naglaro ang pilyong ngiti sa mga labi niya. “‘Di ko ‘yan maipapangako.”