Nakakasakal ang katahimikang bumabalot sa loob ng malawak na hapag-kainan sa loob ng mansiyon ng mga Aguilar. Napasulyap si Raphael kay Azul, bago sa kanilang ama na nakaupo sa kabisera. Tahimik ito habang nagbabasa ng dyaryo.
Tradisyon na ng kanilang pamilya na magsabay ng pagkain tuwing Biyernes. Maliban sa tinatanong ng kanilang ama ang kalagayan ng kanilang negosyo, pati na rin ang mga teritoryong binabantayan nila, ‘yon lamang ang tanging pagkakataon na makita nila ang kanilang ina na si Vera.
Matapos kasi nitong ipanganak si Azul, ikinulong ito ng kanilang ama para mapigilan ito sa pagtakas patungo sa kalaguyo nitong Aswang.
“Raphael, napag-isipan mo na ba kung sino sa mga babaeng pinakilala ko sa ‘yo ang mapapangasawa mo?” basag ni Don Raul sa katahimikan habang nagbabasa ng dyaryo. “Hindi ka na bumabata pa. Sa susunod na eklipse, papalitan mo na ‘ko sa posisyon.”
Wala sa loob na sumagot si Raphael. “Wala akong gusto sa kanila, Papa.”
Napakunot ang noo ng matanda. “Wala? Hinainan kita ng modelo. Artista. May mga scholar pa nga. May isinama rin akong galing sa ibang uri. May diwata, sirena… Ano pa ba ang hinahanap mo?”
“Papa, tingin ko hindi ko naman kailangan ng asawa para mamuno,” matigas na sabi niya. “Ayokong—”
“At ano, hahayaan mong mamatay ang ating lahi?” pagtataas ng tinig ni Don Raul. “Tandaan mo, Raphael. Unti-unti nang lumalakas ang mga Aswang. Kung hindi tayo kikilos ngayon at pagtitibayin ang—”
“Kaya ko silang tapusin gamit ang kung anong meron tayo. Kung anong kapangyarihang meron ako! Hindi ba kayo nagtitiwala sa ‘kin?”
Sarkastikong tumawa ang matanda. “Alam ko na kung anong pinagpuputok mo. Dahil ba sa babaeng itinakda sa ‘yo? Azul, sabihin mo nga sa ‘kin, nahanap na ba ng pendejo na ‘to ang nakatakda sa kanya?”
Nag-alangan si Azul sa pagsagot. Alam kasi ng nakababata niyang kapatid na maiipit ito kahit na sino man ang panigan nito. “Papa—”
“Anong saysay ng pagtatakda niya sa ‘kin kung hindi ko siya puwedeng mahalin?” pagsagot ni Raphael. “Kaya ko siyang protektahan, Papa. At kung ‘yon man ang huling kailangan kong gawin, gagawin ko—”
“Hijo de puta! Naririnig mo ba ang sarili mo, Raphael? Tingin mo ba, kung magkakatuluyan kayo, mabubuhay ang mortal na ‘yon? Kapag nagbuntis na siya ng isang Mandaragit na kagaya mo, tingin mo ba kakayanin niya ang hirap ng panganganak? Matatanggap niya ba kung anong klaseng nilalang ka?” nanggagalaiting sigaw ni Don Raul bago siya binato ng kutsilyo. Nahagip ‘yon ni Raphael, dahilan para masugatan ang kanyang palad.
Sa tindi ng bugso ng emosyon ay hindi niya napigilan ang kanyang sarili. Lumitaw ang malalaking pakpak ng binata, ganoon na rin ang pagpapalit ng anyo nito. Ang kanina lamang na itimang buhok nito ay unti-unting nagkulay abo. Humaba ang mga pangil niya at kuko, at sabay-sabay na naglitawan ang mga namumutok na ugat sa kanyang kamay.
Napatayo si Azul. Katulad niya ay lumabas na rin ang pakpak nitong may pagka-abuhin. Para bang naghahanda na awatin siya at ang kanyang ama.
“Nakatakda siya sa ‘kin. Kahit na anong nilalang pa ‘ko, kung inadya ng langit, mamahalin niya ‘ko,” angil ni Raphael.
“Kuya—”
Lalong lumakas ang nakakalokong tawa ng kanyang ama. Hindi ito nagpasindak sa biglang pagbabagong anyo niya. Katulad niya ay lumabas din ang ginintuang pakpak nito at mabilis siyang inatake. Kaagad na nahablot ni Don Raul ang kanyang lalamunan, habang si Azul naman ay pilit na umaawat sa kanilang dalawa.
“Tonto! Alam mo ang propesiya, Raphael. Ang babaeng ‘yon ang magpapakawala ng kung ano mang sumpang nakatago d’yan sa loob mo! Kaya kung alam mo kung ano ang tama at mali, pipili ka ng babae sa mga nilapag kong pagpipilian mo, papakasalan mo siya, at gagawin mong asawa mo, naiintindihan mo ba?” Bumaon ang kuko ni Don Raul sa kanyang leeg. “Huwag mong hayaan na ako mismo ang magligpit sa mortal na ‘yon, Raphael.”
Lalong nanginig ang kalamnan ng binata. Lumakas ang pagaspas ng kanyang pakpak habang nagpupumiglas sa hawak ng kanyang ama. “‘Wag mo siyang hahawakan, Papa! Kung hindi—”
“Inulol ka na ng pagmamahal mo!” nanggagalaiting sigaw ng kanyang ama bago siya pinakawalan. “Sinasabi ko sa ‘yo, Raphael. ‘Wag mong subukin kung hanggang saan ang haba ng pasensya ko. Responsibilidad natin na protektahan ang balanse ng mundo, at hindi ko hahayaan na masira ang ilang libong taong paghihirap ng angkan natin dahil lang hindi mo mgawang pigilan ‘yang pinipintig ng puso mo!”
Tumayo si Raphael, sapo ang bahagyang nagdurugong leeg niya. Sinamaan niya ng tingin si Don Raul. “Hindi na ‘ko nagtakang hindi ka kayang mahalin ni Mama.”
Walang lingon-lingon ay lumipad siya palabas ng mansiyon, dahilan para mabutas ang salaming bubong na nasa ibabaw ng ulo nila. Nakita niya pa si Azul na akmang susunod sa kanya, ngunit hindi na nito nagawa dahil napigilan ito ng kanilang ama.
Nagpupuyos ang damdamin ni Raphael. Hindi niya ninais na maging tagapagmana. Lalong-lalo na ang mabigat na responsibilidad na kaakibat ng sumpang nakakabit sa kanya.
Sa lahi nila, ang kulay ng pakpak ng sanggol pagkapanganak dito, pati na rin ang lakas ng kapangyarihang taglay nito, ang magdedesisyon kung ano ang magiging posisyon nito sa kanilang lipunan. Ang abong pakpak na katulad ng kay Azul ay ang dahilan kung bakit ito magiging hukom sa kanilang lahi balang araw. Ang ginintuang pakpak ng kanyang mga magulang ang dahilan kung bakit sa dinami-rami ng mga inakay ng mga ninuno nila, sila ang nagmana ng trono at korona.
At siya? Ang itim niyang pakpak ang sumisimbulo ng kakaibang lakas na taglay niya, dahilan para siya ang iluklok na tagapagmana ng kanyang ama. Hinding-hindi niya makakalimutan ang sandali na lumuhod sa harapan niya lahat ng lahing Mandaragit nang makita ang itiman niyang pakpak.
At kaakibat ng kulay na ‘yon ang isang propesiya… na responsibilidad niyang hindi hayaang magkatotoo.
“Sa oras na mamatay sa ‘yong mga kamay ang nakatakda sa ‘yo, Raphael, magigising ang halimaw na natutulog sa loob mo, at ‘yon ang magdadala ng pagkawasak ng mundo. Walang makakapigil sa ‘yo, at pamumunuan mo ang nabubuhay at ang mga pumanaw na, habang dinadala mo sila sa isang bagong siglong puno ng karahasan, kamatayan, at kaguluhan.” Hindi niya makakalimutan ang sinabing ‘yon sa kanya ng manggagamot na tumingin sa kanya.
Alam niyang tama ang kanyang ama. Sa oras na mawalan siya ng kontrol sa kanyang sarili at hindi niya sinasadyang masaktan si Aurora, tiyak na magugunaw ang mundo. At siguro nga, solusyon ang pagpili ng ibang mapapangasawa kaysa sa…
Napailing si Raphael. Ayaw niyang isipin na ‘yon lang ang paraan. Para niya na ring sinukuan nang maaga si Aurora kung ganoon.
At alam niyang kahit kailan, hindi niya kayang saktan ang dalaga. Mahal niya ito. Kung nanaisin nga nito, tatalikuran niya ang lahat para lang makasama at manatili sa tabi ng dalaga.
Natigilan siya nang makarinig siya ng isang malakas na tili—na nanggagaling sa bahay ni Aurora.