5

1281 Words
Aurora Himala na lang talaga ng langit na kahit sinampal ko si Raphael Aguilar noong isang araw, hindi niya ako sinesante. Para pa nga siyang nang-aasar, dahil pagkapasok ko ng sumunod na araw, nalaman ko na lang na ako na ang bago niyang sekretarya. Tatanggi sana ako pero nang makita ko kung gaano kalaki ang sahod na alok niya at ang makapal na kontratang nagsasaad kung magkano ang babayaran ko kung tatanggi ako, wala na akong nagawa kung hindi ang pumirma. “Sabi ko sa’yo, Oryang, e! May something talaga d’yan kay Sir Raphael! Tingnan mo nga, sexytary ka na niya ngayon!” halos pabulong na saad ni Sharlene na ikinasamid ko naman. Sa tuwing naririnig ko kasi ang salitang s*x ay si Sir Raphael ang unang pumapasok sa isipan ko. Dahil kahit na anong pigil ko na mapanaginipan siya, nakaukit pa rin sa isipan ko kung paano niya ako inaangkin gabi-gabi sa panaginip. Hindi ko naman maikakaila; guwapo ang amo ko. Makisig. Para bang hindi man lang nadadampian ng usok at alikabok ang balat. Sabi nga ni Sharlene, kapag dumadaan daw ‘yon sa department nila, nalalaglag ang panga ng mga katrabaho niya. Bilib na bilib nga raw siya sa ‘kin dahil parang wala man lang epekto sa ‘kin ang appeal ng amo namin. “Oh, nasamid ka?” natatawang puna niya. “I mean, deserve mo naman ‘yang position at sahod na ‘yan, Aurora. Siguro nakita niya rin kung gaano ka ka-effective magtrabaho.” Tumango na lang ako bago humigop ng kape. “Tsaka wala naman akong choice. Anlaki ng babayaran ko kung hindi ako u-oo.” Napag-isip-isip ko nga, na nakakatakot pala ang mga Aguilar. Buti nga at kahit sinampal ko ang unico hijo nila, ganito lang ang ganti niya, kung ganti man ito na matatawag. Hindi ko na mabilang sa mga daliri ko kung gaano na karami ang bigla na lang naglaho pagkatapos nilang kalabanin ang angkan na ‘yon. Ultimo ang mga matataas na opisyal dito sa siyudad ay hindi basta-basta kumikilos ng walang go signal galing sa kanila. Para ngang sila ang nagmamay-ari ng bansang ito. Nang matapos ko ang huling subo ng tanghalian ko ay nakita ko na agad ang pagsulpot ng malaking bulto ni Sir Raphael sa may entrance ng restaurant ng hotel. Mabilis akong nagpaalam kay Sharlene bago kinuha ang mga folder na hawak ko, at naglakad papalapit sa kanya at sa assistant niyang napag-alaman kong kanya palang nakababatang kapatid, si Sir Azul. “You should've waited for us,” ani ni Sir Raphael habang nakatingin naman si Sir Azul kay Sharlene na papalayo na. “Next time, invite your friend.” “Noted, sir,” mahina kong tugon bago ko sila sinundan. Nang makahanap sila ng pwestong uupuan ay kaagad niya akong pinaupo sa tabi niya, at inumpisahan niyang tingnan ang mga kontrata na hawak-hawak kong kanina pa naghihintay ng pirma niya. Hindi ko na namalayan pa ang paglipas ng sandali. Kakabit ng pagiging sekretarya ng isang Aguilar ay ang pagsabay sa busy na schedule nito, lalo na at siya pala ang nag-aasikaso ng mga negosyo ng pamilya niya sa bansa. Nakapagpahinga lang ako nang may dumating na bisita. Isang lalaki na hindi masyadong umiimik, may bitbit na briefcase. “Leave us for a while,” utos nito sa ‘kin pagkalapag ko ng tray na may baso ng kape sa lamesa. "Huwag kang babalik hangga't 'di kita pinapatawag." “Yes, sir,” tahimik na tugon ko bago ako tumalilis palabas ng silid. Bago tuluyang sumara ang pinto ay bahagya ko pang naaninag ang itsura ng kaharap nitong mataman akong tinitingnan, habang may ngisi sa labi. Bahagyang gumapang ang kilabot sa aking katawan nang mapansin kong tila kakaiba ang repleksyon ko sa kanyang mga mata. Isinara ni Sir Azul nang tuluyan ang pinto, tila ba hudyat na hindi ako nararapat na tumambay doon. Napagdesisyunan ko na bumalik sa aking opisina, na nasa dulo lang ng pasilyo, at tapusin ang natitirang gawain sa lamesa ko. Hindi pa man ako nakakapag-umpisa na tumipa sa laptop nang marinig ko ang malalakas na kalabog sa kabilang kwarto. Kahit na gusto kong ipagsawalang-bahala ang mga ingay ay mas nanaig ang kuryosidad ko. “Sir?” tawag ko habang papalapit sa pinto. Bahagyang natahimik ang pasilyo. Babalik na sana ako nang pumailanlang ang isang malakas na sigaw sa pasilyong aming kinatatayuan. Galing sa silid kung nasaan sila Sir. Dala na rin siguro ng pagkabalisa—at takot—hindi na ko nag-isip pa at kaagad kong isinalya ang katawan ko sa kahoy na pinto. Hindi ‘yon naka-lock kaya naman kaagad ‘yong bumukas, dahilan para dumausdos ako sa sahig. Tahimik ang silid. Mag-so-sorry sana ako at ipapagsawalang-bahala na lang ang lahat nang mapansin ko ang mapulang likidong unti-unting kumakalat sa sahig. “Dugo…” Bahagya akong nanginig nang mapadako ang tingin ko sa bisitang kanina lang ay nakaupo sa sofa at tila mataman akong tinitingnan. Halos… hindi makilala ang itsura niya… At sa kanya nanggagaling ang umaagos na dugo. Napatingala ako nang may pares ng mga paa na naglakad papalapit sa akin. ‘Ni hindi niya man lang iniwasan ang dugo sa sahig. Kilala ko ang pares ng sapatos na ‘yon. Kay Sir Raphael. Ngunit imbes na ang kanyang guwapong mukha ang bumungad sa ‘kin, binati ako ng mukha na madalas ay sa libro ko lang nababasa. Walang puti ang kanyang mga mata. Mahahaba ang kanyang pangil na nababahiran ng dugo, pati na rin ang kanyang kanina lamang ay puting-puti na polo. Nang bumaba ang tingin ko sa kanyang mga kamay ay may matatalim at maiitim na kuko ro’n, kung saan umaagos ang dugo habang may hawak siyang malaking tipak ng laman. Parang sasabog ang ulo ko habang sinusubukan na mapalayo sa kanya. At tila hindi pa nasisiyahan si Sir Raphael sa pinakita niya, dahil mula sa kanyang likod ay lumabas ang pares ng maiitim at malalapad na pakpak, na tila ba mga pakpak ng uwak. Lumikha ‘yon ng malakas na hangin sa loob ng silid nang ipagaspas niya ang mga ‘yon, at nilipad ang mga papel sa lamesa niyang ang ilan ay sumugat pa sa pisngi ko. Nakakawala lang ako sa pagkatulala nang maramdaman ko ang hapdi ng maliit na hiwang nanggaling sa mga nilipad na papel, dahilan para kaagad akong mapatayo at magtatakbo palabas ng silid. Tinatambol ang dibdib ko noong mga oras na ‘yon habang pilit na tinatakbo ang dulo ng pasilyo kung saan naroroon ang mga elevator. Parang walang hangganan ang pasilyong ‘yon. Ngunit isa lang ang alam ko: kailangan kong makalayo. Hindi ko alam kung anong klaseng nilalang siya, o kung mapagkakatiwalaan ko ba ang mga tao sa hotel. Sa yaman at kapangyarihan ng mga Aguilar, para lang akong alikabok sa kamay nila. Ito na ba ang parusa niya sa ‘kin? Makakaligtas ba ako? paulit-ulit kong tanong sa aking isipan habang tumatakbo. Magiging pulutan pa ata ako... Anong laban ko sa isang… katulad ni Sir Raphael? ‘Ni hindi ko alam kung ano siya. Bago ko pa man mapindot ang down button ng elevator ay may bigla na lamang humila sa akin palayo ro’n. At bago pa man ako makatili, may isang malaking kamay na na tumakip sa aking bibig at ilong, dahilan para unti-unti akong mawalan ng hininga at malay. Sinubukan kong pumalag, ngunit siguro ay dala na rin ng diprensya ng lakas naming dalawa ay madali niya akong napigilan. Bago ako mawalan ng malay, narinig ko pa ang malalakas na pagaspas ng pakpak, pati na rin ang baritonong tinig ni Raphael Aguilar. “At tingin mo, makakatakas ka pagkatapos mong malaman ang lihim ko, pinakamamahal kong Aurora?”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD