Malamig ang simoy ng hangin at malaki ang buwan na tanging nagbibigay ng liwanag sa siyudad. Karamihan sa mga bintana ng mga bahay ay nakasarado na, kung hindi man nakapatay ang ilaw sa loob. Tanging ang mahinang huni na lamang ng mga insektong panggabi ang naririnig sa paligid.
At ang mahinang pagaspas ng pares ng maiitim na pakpak na sinusuyod ang madilim na kalangitan.
“Nasisiraan ka na ba, Raphael? Sinabihan ka na ni Papa. Hindi mo pwedeng lapitan o kausapin man lang ang nakatadhana sa ‘yo! Alam mo ang propesiya! Lahat tayo mapapahamak sa ‘yo!” may halong inis na singhal ni Azul Aguilar, ang nakababatang kapatid ni Raphael, habang sinasabayan niya ito sa pagsuyod ng kalangitan.
“Mapipigilan mo ba ako, Azul? Alam mo namang ilang daang taon ko na siyang hinihintay,” tahimik na katwiran ni Raphael. “Hindi ko gugustuhin na mamatay na lang na hindi ko man lang siya nakikilala.”
Napapalatak ang kapatid niya bago nito hinampas ng abuhing pakpak nito ang kanyang itim na itim na pares ng pakpak. “At paano kung dahil d’yan sa kagaguhan mo, magkagulo ang mundo natin at ang mundo ng mga tao? Kung mahal mo siya, Raphael, hindi mo siya ilalagay sa kapahamakan.”
Alam naman ni Raphael iyon. Bilang tagapagmana ng trono ng kanyang amang Mandaragit, higit kanino man ay alam niya iyon.
Alam niya na kung paiiralin niya ang kanyang puso, maaring malagay si Aurora at ang mga mortal na tao sa kapahamakan.
Wala siya sa posisyon para magmahal at malayang pumili ng kanyang mamahalin.
Nagpakawala na lamang siya ng malalim na buntong-hininga bago bumaba ang lipad at naupo sa isang malaking sanga ng puno ng santol. Sumunod ang kanyang kapatid. Naupo si Azul sa tabi niya, tila ba tinitimbang ang kanyang nararamdaman.
“Huwag ka nang sumimangot, Kuya. Alam mo namang wala sa atin ang maaaring magmahal. Tingnan mo si Papa at si Mama. Kahit na malalaki na tayo, kahit kailan, hindi pa rin nila minahal ang isa’t isa.”
Natawa na lang siya sa pampalubag-loob ni Azul. “At sa tingin mo gusto ko ‘yon? Azul, alam kong si Aurora ang—”
“At alam mo rin na ikakapahamak at ikamamatay niya ang ibigin ka,” putol nito sa sasabihin niya. “Nasulat na ‘yan sa mga bituin! Nakatakda na ‘yan at ang tanging paraan lang para manatili siyang ligtas ay ang paglayo mo.”
“Ligtas?” ulit ni Raphael. “Sa mundong ito, tingin mo magiging ligtas siya? Kanina lang, sa hotel, marami na namang salot ang naglipana. Mukhang nalaman na nina Grigor at ng mga alagad niyang aswang na si Aurora ang nakatakda sa ‘kin.”
Hindi nakaimik si Azul. Wala sa sariling nahawakan ni Raphael ang kanyang pinging namimintig pa rin dahil sa sampal sa kanya ni Aurora kanina. Habang iniisip ang dalaga ay hindi niya mapigilang mapangiti.
“Sobra ata ang alok ko sa kanya kanina,” bulong niya sa sarili.
“At hindi tama! Pa’no kung isumbong ka ni Aurora kay Papa? Alam mong kaya kitang pagtakpan, Kuya, pero iba ang galit ni Papa! Lalo na kung involved ang mga pinakamamahal niyang mortal!”
Alam naman ni Raphael ‘yon. Bilang susunod sa yapak ng kanyang ama, simula pagkabata ay tinuruan na siya nitong dapat niyang mahalin ang mga mortal kagaya ng pagmamahal niya sa kanilang kauri. Dahil ‘yon ang trabaho niya.
At hindi niya dapat pairalin ang kanyang puso sa kung ano mang desisyon na gagawin niya.
Ilang millenia na ring matagumpay na naprotektahan ng kanyang angkan ang mga tao mula sa mga masasamang puwersa ng kadilimang naghihintay lang ng oportunidad. Mula sa kanyang lolo, hanggang kay Don Diego Aguilar, ang kanyang ama, walang makapantay sa kanilang mga Mandaragit at sa kanilang pinaglalabang kapayapaan.
Ngunit nagbago ang lahat ng ‘yon nang ipanganak siya. Matagal nang hindi masaya ang pagsasama ni Don Raul at at ng kanyang asawa na si Emilia dahil hindi sila mabiyayaan ng tagapagmana. Dala ng kalungkutan, nagmahal ang kanyang ina ng isang Aswang habang ipinagbubuntis siya, at dahil doon ay nahawaan siya ng dugo ng mga ito. Dahil sa malakas ng dugo ng Mandaragit ay nagawa niyang makatakas sa kamatayan, ngunit hindi inakala ng kanyang mga magulang na may kaakibat na sumpa ang kanyang pagkabuhay.
Sa araw na mamatay ang kanyang pinakamamahal na nakatakda sa sarili niyang mga kamay, mawawasak ang makapangyarihang harang sa pagitan ng mga mundo nila at walang magagawa ang angkan niya upang protektahan ang mga mortal sa puwersa ng kadiliman.
At ang magdadala ng kadiliman na iyon ay… siya.
Nang pumatak ang alas dose ay nagpaalam na si Azul na babalik sa hotel. Kinuha ni Raphael ang pagkakataon na ‘yon para tahimik na tumalilis patungo sa tahanan ni Aurora.
Malayo pa lang ay nararamdaman niya na ang pagtawag ng kanyang hiyas na nakatanim sa rebulto ng fallen angel na nabili nito sa antique shop ng mga Aguilar.
Napapalatak siya nang mapansin na bukas na naman ang bintana ng dalaga. Tahimik siyang pumasok sa loob ng bahay at isinara ‘yon, habang inaayos ang mga gamit nitong naiwanan sa salas. Pati na rin ang mga platong naiwan sa lababo at kubyertos ay hinugasan niya na nang tahimik.
Tila ba nakikisama ay hindi man lang lumangitngit ang hagdan sa kanyang paghakbang. Nang marating niya ang pinto ng silid nito ay kaagad niyang napansin na hindi ito nakasarado.
Natawa siya nang makita ang ayos ng dalaga. Halos hindi na matakpan ng kumot ang katawan nito habang yakap ang mahabang unan sa kanyang tabi. Marahan niyang inayos ang damit at kumot nito bago naupo sa paanan ng kama, tahimik na pinagmamasdan ang mukha ng dalaga.
Alam naman ni Raphael na mali. Nitong nakaraan lang ay nabanggit ng kanyang ama na pumipili na ito ng mapapangasawa niya, bagaman labag sa kanyang kalooban. Hindi niya sinubukang magprotesta. Alam niya higit sa lahat ang lakad ng kanyang ama. Ngunit nang tawagin siya ng hiyas patungo sa tahanan ni Aurora at nang malaman niya na sa Hotel Aguila ito nagtatrabaho, kaagad siyang gumawa ng paraan para lang makumbinsi si Don Diego na hayaan siyang humalili sa pamamahala ng kanilang mga negosyo.
“Ang ganda mo pa rin kahit natutulog ka,” mahinang bulong niya habang pinapadaan ang dulo ng kanyang daliri sa makinis na pisngi nito. “Pero sana, kapag gising ka, hindi ka palaging nakakunot-noo, mahal kong Aurora.”
Natawa siya nang namukot na naman ang noo nito, tila ba naririnig siya. Tumagilid si Aurora ng higa, at kinuha niyang senyales iyon na kailangan niya nang umalis.
Ngunit nang mapadaan si Raphael sa harapan ng malaking full-sized mirror ng dalaga ay kaagad siyang napahinto. Napuna niya ang dugong tumilamsik sa kanyang damit at pakpak, ganoon na rin ang kanyang duguang mga pangil at matang nanlilisik at purong kulay itim. Napaiwas siya kaagad ng tingin sa salamin bago bumalik sa kanyang katawang tao, bagaman walang suot na saplot.
Tama si Azul. Kapahamakan lamang ang madadala niya sa buhay ni Aurora. Lalo na at mortal ito. Hindi nito kakayanin kung sakali mang…
Bago umalis ay nagtanim siya ng isang mariin na halik sa noo ng dalaga. “See you later, Miss dela Vega…”
Bago pa man dumilat ang mata ni Aurora, nakalabas na si Raphael sa munting tahanan at muling nagtago sa kadiliman.