Aurora
Tensyonado ang mga katrabaho namin nang makarating kami ni Sharlene sa hotel. Halos hindi magkandaugaga si Hannah, ang head housekeeper ng hotel, sa pagmamando sa mga tauhan niya sa kung anong klaseng mga bulaklak ang ilalagay sa hallway, o kung tama na ba ang linis ng mga pasilyo.
“May darating ba tayong bisita?” tanong ko sa kanya habang inaayos ang name tag ko sa kanang dibdib.
“Biglang nagsabi ang assistant ni Sir Raphael na ngayon ang dating niya,” stressed na sagot ni Hannah.
“Bakit wala man lang nagsabi sa ‘kin? Eh ‘di sana—”
“Eh…” nag-aalangang panimula ni Hannah. “Ma’am Aurora, sinabihan kami ng assistant ni Sir na huwag ka na raw sabihan. At pagdating niya, gusto ka raw niya makita sa opisina niya.”
Napamulagat na lang ako sa sinabi ni Hannah. Bakit naman ako gustong makita ni Sir Raphael? tanong ko sa aking sarili. Hindi naman ako sipsip at maayos din naman ako magtrabaho…
Kinakabahan man ay inumpisahan kong tulungan si Hannah sa mga kailangang gawin habang nakikipag-koordina sa iba pang department ng hotel. Para akong sinusian at hindi ko man lang napansin ang mabilis na paglipas ng oras. Ang tanging alam ko lang, pagsapit ng alas tres ng hapon, may bumaba mula sa mga VIP suite para sabihan ako na hinihintay na ako ni Mr. Aguilar.
Pinatuwid ko ang laylayan ng suot kong uniporme at ang ribbon na nakatali sa leeg ko bago ako pumasok sa opisina niya. Matagal na ring hindi ‘yon nagagamit, at sa loob ng higit isang dekada na pagtatrabaho ko sa hotel na ‘yon, bilangh lang sa daliri ang mga pagkakataon na nakapasok ako sa silid.
Red wine. ‘Yon ang unang rumehisto sa isipan ko nang makaapak ako papasok sa silid. Napasulyap ako sa lamesa sa aking harapan. Mayroong dalawang baso ng vintage wine ang nakapatong sa ibabaw ng narra na lamesa, habang ang nasa likod niyon ay nakatalikod at nakatanaw lamang sa malaking bintana kung saan tanaw ang kabundukan sa labas ng siyudad.
“Ah, Ms. Dela Vega. You’re here,” alingawngaw ng baritonong tinig sa loob ng silid. “Good thing you received my message.”
“Ah, good afternoon, Mr. Aguilar. I—”
“Hindi mo na kailangang magpakilala. Kilala na kita,” sabi niya bago itinaas ang kamay. Napukaw ang pansin ko ng malaking singsing na nakasuot sa kamay niya, na may dekorasyon ng isang malaking ruby na napapalibutan ng isang pares ng pakpak. Gawa iyon sa ginto at mukhang… antigo.
“May kailangan ho ba kayo sa akin, Mr. Aguilar?” direktang tanong ko nang mapansin kong wala siyang balak na sabihin kung ano ang agenda namin noong araw na iyon.
Nang iikot niya ang kanyang upuan ay nalaglag ang panga ko nang makita ko ang kabuuan ng kanyang mukha. Siya! Siya ang…
Ang lalaki sa panaginip ko!
Itinukod niya ang kanyang braso at nangalumbaba sa lamesa, halatang naiirita sa biglaan kong pagtatanong. “Impatient, aren’t we?” Sinenyasan niya ang kanyang asisstant at lumabas naman ito ng silid. Nang lumapat ang pinto ay hindi siya nag-aksaya ng panahon. Tumayo si Sir Raphael at dahan-dahang humakbang.
Papalapit sa akin.
“Hindi mo man lang ba ako natatandaan? After last night, I thought I left a good impression here…” Ngumisi siya. “O kulang pa ang performance ko?”
Nawala ang kulay sa mukha ko. “Paanong—”
Lumapat ang likod ko sa malamig na pinto ng silid. Naghalo ang nakalalasing na amoy ng kanyang pabango at ng barnis ng kahoy na pinto… na tila ba mas lalo pang ginugulo ang isipan ko.
Ngumisi si Sir Raphael. Dumiretso siya ng tayo at humahalakhak na humakbang papalayo, habang nananatili akong nakatulos sa aking kinatatayuan, habol ang aking hininga. “Relax, Miss Dela Vega. You looked so stiff, so I thought I should humor you a bit. Mukhang hindi ata nag-landing nang maayos ang joke ko.”
Kahit na nanginginig ang tuhod ay pinilit kong ayusin ang aking pagkakatayo pati na rin ang nagusot kong uniporme. Muli siyang umupo sa kanyang upuan, bago nagsalin ng nakalalasing na inumin sa dalawang baso na nasa lamesa.
“So, gaano ka na katagal sa hotel?”
“10 years na rin po, Sir…”
Tumango-tango si Sir Raphael, bago sinimsim ang alak sa hawak niyang baso. Iniabot niya sa akin ang isa ngunit umiling lang ako.
“Hindi po ako umiinom, sir.”
Natawa siya. Inilapag ang dalawang baso sa ibabaw ng lamesa bago nagsindi ng isang rolyo ng tabakong kinuha niya mula sa isang antigong kahon.
“Married?”
“Wala po akong balak mag-asawa,” diretsong sagot ko. “Sir, bakit ho ba tayo—”
“I'll triple your salary if you sleep with me,” walang kaabog-abog na sabi niya.
Napamulagat ako. “Ho?”
Humithit muna siya ng isang malalim na hininga bago ako tiningnan, mata sa mata. “Titriplehin ko sahod mo, kung papayag ka na ibahay kita.”
Sa tagal ko na na nagtatrabaho sa hotel, lahat na ata ng uri ng manyak nakilala ko na. Merong mga matatandang politiko na mahilig sa bata. O kaya naman e mga guest na mahilig sa mga kakaibang… gawi.
Sa buong tanang buhay ko, nakaya kong i-tolerate ang mga ganoong klaseng kliyente. Pero bakit ngayon, may kung anong kumukulo sa loob ko?
Ang sunod ko na lamang na napagtanto ay umalingawngaw sa loob ng silid ang malakas na paglapat ng palad ko sa chiseled na panga ng boss ko.
“Sorry ho, Sir Rafael, pero tingin nyo ho ba, porket mayaman kayo at amo ko kayo, ganun na lang kadali na makuha ako? Ano ako, babayaran nyo lang tapos bubukaka na? Sorry to rain on your parade, sir, pero hindi ho ako kalapating mababa ang lipad! If you want, I can suggest an escort service to you.”
Nanatili siyang walang imik. Na para bang unang beses iyon na may sumampal sa kanya. Pero wala akong pakialam, kahit na sisentehin niya pa ako. Hinding-hindi ako papayag na ganoon kababa lang ang tingin niya sa ‘kin!
“You can fire me if you want, Sir Raphael. Hindi kabawasan sa pagkatao ko na tinanggihan ko ‘yang offer mo!” matalim na sabi ko bago nagmartsa palabas ng silid. Habang papalabas pa nga ay muntik pang humampas sa mukha ng assistant niya ang pinto na aking isinalya pabukas.
Hindi ko pinansin ang pagtawag niya sa akin, o kung gaano binabagabag ang utak ko ng itsura niyang kapareho ng lalaki sa aking panaginip. Isa lang ang alam ko.
Ang antipatikong Rafael Aguilar na ‘yon ay nasa dulo ng listahan ng mga lalaking posible kong pagpantasyahan!