THE next day, lahat kami ay nataranta sa biglang pagkakaroon ng lagnat ni Bibo. At hindi lang bastang lagnat, kundi mataas na lagnat. Alalang-alala kami sa kanya lalo na nang dumugo ang ilong niya. Doon na kami nagdesisyon na isugod siya sa ospital at doon ay napag-alaman namin na meron siyang dengue.
“Kasalanan ito ng mga vase ni Donya Dora, eh! Binabahayan kasi iyon ng mga lamok!” naiiyak na himutok ni Becca sa akin habang nagbabantay kami sa bunso namin. Wala si Kiko dahil nasa school ito at hindi pa nito alam ang nangyari kay Bibo.
Sabagay, may point siya.
Simula kasi nang i-display ni Donya Dora ang mga vase niya ay napansin ko rin na dumami na ang lamok sa bahay.
Sa isang public hospital lang namin nadala si Bibo kaya naman bukod sa kanya ay may apat pang pasyente sa kwartong iyon na hindi ko alam ang sakit o kalagayan.
Mukhang kailangan kong kumayod nang kumayod nito dahil sa pagkakasakit ng kapatid ko. Dodoblehin ko ang sipag ko simula ngayon dahil for sure ay malaki ang babayaran namin sa ospital. Wala pa naman kaming PhilHealth.
Tinawag si Becca. “Becca, okey lang ba sa’yo na `wag muna kitang ibili ng bagong cellphone? Ilalaan ko muna sana iyon dito sa ospital.”
Sunud-sunod siyang tumango. “Sige, Ate Iska. Okey lang. Magtitiis na lang muna ako sa cellphone ko, basta gumaling lang si Bibo.”
Mabuti na lang at binigyan ako ng mauunawain na kapatid.
HALOS isang linggo na si Bibo sa ospital at hindi ko siya nakakakitaan ng improvement sa kalagayan niya. Awang-awa na ako sa kanya dahil namamaga na ang mga braso niya dahil palagi siyang kinukunan ng dugo upang i-eksamin. At ayon sa doktor ay pababa nang pababa ang platelet count ni Bibo. Isang bagay na hindi maganda…
Ako ang toka sa pagbabantay kay Bibo nang gabing iyon. Matapos niyang kumain ay bigla siyang sumuka. Pinalinis ko iyon sa nurse.
Gusto ko pa sanang kausapin si Bibo pero agad din siyang nakatulog.
“Bibo, magpagaling ka na, please… Hindi kaya ng ate na makita kang ganiyan. Gusto ko, naglalaro ka, tumatawa, tumatakbo… Promise mo sa akin, magpapagaling ka na, ha…” Lumuluhang kausap ko sa kanya habang natutulog siya.
At ginawaran ko ng isang halik sa noo ang kapatid ko.
HINDI ko alam pero sa isang iglap ay nagising na lang ako sa isang lugar na puro puti ang paligid. Parang walang hangganan ang puti na nakikita ko. Parang… langit. Pero paano naman ako mapupunta sa langit? Eh, buhay pa ako. Nagbabantay pa nga ako kay Bibo sa ospital.
Wait nga lang.
Alam ko na. This is just a dream.
Naglakad-lakad ako habang patingin-tingin sa paligid.
Puro white talaga, eh.
Maya maya ay nakaramdam ako ng kamay na marahang humawak sa kaliwang kamay ko. Pagtingin ko sa tabi ko ay napa-smile ako ng bigtime nang makita ko si Bibo pala ang humawak sa akin.
Naka-smile din siya sa akin at malusog na malusog siyang tingnan.
“Bibo!” gulat pero masayang tawag ko sa kanya.
Tumigil ako sa paglalakad at lumuhod para magpantay ang aming mga mukha. Hinawakan ko siya sa magkabila niyang pisngi na namumutok sa katabaan.
“Ate Iska!” masigla niyang bati sa akin.
“Anong ginagawa mo dito? Alam mo ba ang lugar na ito?”
Umiling siya. “Hindi ko alam, ate… Basta, paggising ko `andito na ako.”
“Gano’n ba?” Luminga-linga ako. “Tara, lakad tayo. Baka makakita tayo ng daan palabas dito.”
“Iska… Bibo…” Natigilan ako nang may biglang magsalita sa likuran.
Boses ng isang babae na kilalang-kilala ko.
Tumayo ako sabay harap.
“M-mama…” Tama, ang mama namin at katabi niya si papa. “Papa…”
Parehas silang nakasuot ng puro puti.
Bigla akong kinabahan nang makita sila. Oh my, God! Langit na ba ito? Pero nananaginip lang ako, `di ba?
“Iska, isasama na namin si Bibo…” sabi ni Mama.
Biglang kong inilagay sa likod si Bibo. Pangitain ba ito?
Umiiyak na umiling ako. “`Ma, `wag… Bata pa si Bibo. Ayoko po!”
“Iska, kailangan na niyang sumama sa amin. Hindi na kaya ng katawan niya. Sinusundo na namin siya…” sabi ni Papa.
“Ate, siya sina Mama at Papa, `di ba?” sabat ni Bibo pero hindi ko siya sinagot.
“Bibo, anak… halika…” yumukod si Mama at ibinuka niya ang kanyang mga braso.
“Mama!” tuwang-tuwa na sigaw ni Bibo. Kumawala siya sa pagkakahawak ko at biglang sinugod ng yakap si Mama.
“Bibo! `Wag!”
Pero wala nang nagawa ang pagpigil ko.
“Ate Iska, gusto kong sumama kina Mama at Papa…”
“`Wag, Bibo… Iiwanan mo na ba ako?”
Naglakad pabalik si Bibo sa akin. Yumukod ako at niyakap siya. Matapos ang mahigpit na yakapan namin ay kinausap niya ako. “Ate, bago ako umalis, may ibibigay ako sa’yo…” aniya.
Itinapat ni Bibo ang dalawang kamay niya sa mga mata niya. Matapos iyon ay inilagay niya ang dalawang kamay niya sa mga mata ko. Ha? Ano iyon?
“Ba-bye na, Ate Iska! Hihintayin ka namin, ha!” At mabilis siyang tumakbo palapit kina Mama. Nakangiti silang kumaway sa akin at tumalikod na para maglakad palayo. Gusto ko sana silang habulin at bawiin si Bibo pero hindi ko magawang maiangat ang paa ko. Wala akong nagawa kundi ang umiyak nang umiyak.
Panaginip lang ito… Panaginip lang ito, pangungumbinse ko sa aking sarili.
“BIBO!” sigaw ko agad nang magising ako mula sa panaginip na iyon.
Panaginip nga lang. Haay… mabuti naman.
Medyo nahimasmasan na ako nang makita kong nakahiga pa rin si Bibo sa hospital bed at natutulog. Akala ko talaga ay isinama na siya nina Mama at Papa sa langit.
Tumayo na ako mula sa pagkakaupo ko. Talagang nakaupo na akong natulog, ha.
Nag-inat-inat ako at saka tumingin sa wall clock. Alas-tres pa lang pala ng madaling araw.
Nilapitan ko si Bibo at hinaplos ang kanyang buhok. Bigla akong natigilan nang mapansin ko na parang… hindi na siya humihinga!
Mahina ko siyang sinampal-sampal. “Bibo? Bibo? Bibo? Bibo, gising!” Hindi maalis-alis ang kaba sa dibdib ko.
“Bibo, gumising ka! Nurseee!!!” sumigaw na talaga ako. Wala na akong pakialam kung magising ang ibang pasyente at nagbabantay sa silid na iyon.
Ilang beses pa akong sumigaw para tawagin ang mga doktor at nurse pero walang dumating. Kaya naman lumabas na ako ng kwartong iyon at agad kong hinarang ang babaeng nurse na nakasalubong.
“Tulungan niyo po ako! `Yong kapatid ko! `Yong kapatid ko!”
“Bakit po? Anong nangyari?”
“Hindi ko alam! Iligtas niyo siya! Parang awa niyo na!”
Ayoko man mag-isip nang masama pero malakas ang kutob ko na magkakatotoo ang napanaginipan ko. Hindi nga kaya isa na iyong pangitain na iiwan na kami ni Bibo?
`Wag naman sana… Masyado pang bata si Bibo.
Marami pa akong pangarap para sa kapatid kong iyon.