MENTAL'S POV:
--
"ALENG PASING!?" Malakas na sigaw ko at halos kalampagin ko ang maliit niyang tindahan dahil kanina pa ako rito sa labas ng kanyang tindahan.
"Sino ba 'yang sigaw ng sigaw na akala mo ay wala ng umaga?" Rinig kong sambit ni Aling Pasing mula sa kanyang bahay at pumasok ito sa munti niyang tindahan. "Aba, Mental ikaw pala? Anong kailangan mo at ganito kaaga eh nambubulahaw ka ng may bahay?"
Ngumiti ako ng pagkatamis-tamis kay Aleng Pasing kahit na may screen na nakapagitan sa aming dalawa.
"Pagbilhan niyo po ako ng dalawang itlog, at mantika. Samahan niyo na rin ng limang kamatis."
"Sus, bibili ka lang pala mambubulahaw ka pa." Aniya bago kumilos at pinagkukuha sa kanyang tindahan ang nais ko.
Isa si Aleng Pasing sa mga kapitbahay ko nang mapadpad ako rito sa probinsiya at tuwing sumasapit ang summer, inaabangan ko ang season na ito dahil sabi ni Lola Meldrid uuwi ang kanyang mga apo at gusto niya akong ipakilala sa pamilya ng anak nila ni Lolo.
Tipikal na senaryo sa isang probinsiya na maagang magising para magpakain ng mga alagang hayop. Mag igib ng tubig sa sapa, magpainom ng mga kalabaw sa batis at higit sa lahat, magtanim ng palay at gulay na pwedeng maimbak kapag sasapit ang masamang panahon.
"O heto ang kailangan mo. At saka ang init-init bakit nakasuot ka nang ganiyang damit?" Puna nito sa suot kong pantulog.
Actually, sanay ako sa ganitong damit na mahaba ang manggas hanggang sa pulsuhan ko at pabagsak naman ang laylayan ng palda nito hanggang paa ko na halos matakpan na.
It is a winter coral fleece nightgown. Isa sa mga paborito kong suotin ang nightgown na ito sa loob o sa labas man ng bahay. Makapal ang damit ko at hindi ko man lang alintana ang init ng panahon dahil sanay akong nakakulob ang katawan ko sa makapal na tela.
At ang buhok kong kulot at bagsak ay hindi pa nadadaanan ng suklay mula pa kaninang pag gising ko.
"Ang tagal ko na rito sa probinsiya niyo Aleng Pasing, ngayon ka pa talaga magtataka?" Kinuha ko ang mga kailangan ko at saka binigay ang bayad kay Aleng Pasing.
"Anakng, wala akong barya rito sa isang libo." Reklamo nito habang hawak ang pera ko.
"Akin na Aleng Pasing ang pera ko! Wala ka naman palang barya sana hindi ka na nagtinda." Binawi ko sa kamay ni Aleng Pasing ang pera ko na isang libo at saka pinalitan ng isang daan.
"Aba't! Loko ka talagang bata ka."
"Keep the change na lang Aleng Pasing. Baka swertehin ang tindahan mo dahil sa akin. Bye!"
Iniwan ko na ang tindahan ni Aleng Pasing pero rinig ko pa ang pagtawag niya sa pangalan ko. Patalon-talon na naglakad ako habang tinatahak ang bahay ni Lola Meldrid. Actually, araw-araw akong nakatambay sa bahay ni Lola Meldrid dahil wala naman akong kasama sa bahay. Si Lola rin mismo ang nag-utos sa akin na bumili ng itlog at mantika para sa umagahan namin.
"Hello, Lola." Masayang bati ko kay Lola Meldrid nang makita ko ito sa kanilang bakuran at nagdidilig ng halaman.
"O Mental, nabili mo ba 'yong inutos ko?" Aniya bago binitawan ang timba na may lamang tubig bago at saka ako nito nilapitan.
"Oo naman po. Heto na po ang pinabili ninyo." Ibibigay ko kay Lola ang plastik na hawak ko. Kaso nagtaka ako nang ilahad niya ang isa niyang palad sa harapan ko.
Nagtatakang nagpalipat-lipat ang tingin ko kay Lola at sa palad nitong nakabukas sa harap ko kaya naman nakangiting ipinatong ko ang kamay ko sa palad niya pero hinawi niya 'yon.
"Na saan ang sukli ko, Mental?"
Napakamot ako sa sarili kong batok. "Hehe..Pinatago ko po kay Aleng Pasing."
Napabuntong hininga na lang si Lola at akma ako nitong kakaltukan pero nakaatras ako agad at hinarang ang braso ko sa aking ulo.
"Loko ka talagang bata ka. Kaya yumayaman si Pasing dahil sa'yo. Pumasok ka na doon sa bahay at magluluto na ako."
Nakangusong sinunod ko ang utos ni Lola at dumiretso ako sa kanilang kusina. Pagkarating ko, agad akong naupo sa isang silya at nagsalin ng gatas na nagmula pa sa baka na alaga nila bago ininom 'yon.
Mabait at matulongin si Lola Meldrid at ang asawa nitong si Lolo Dyrroth. Mula nang umapak ako rito sa probinsiya, silang mag-asawa ang una kong naging kaibigan. Ang totoo niyan, mababait naman ang mga tao rito at masayahin pa. Minsan nga napipikon na sila sa kakulitan ko pero hinahayaan lang nila ako.
Ako lang din ang mag-isa sa malaking bahay na nasa itaas ng bundok nitong baranggay na kinaroroonan ko at alam ng lahat na doon ang bahay ko.
"Kumain ka na Mental." Inilapag ni Lola ang itlog na niluto niya sa harap ko at hindi ko napansin na marami na pala siyang naluto. May scrabled egg, tocino, footlong, sinangag at sandwich. Samahan pa ng mainit na kape at gatas ng baka talagang matatakam ka.
"Lola, hindi po ba pupunta rito ang mga apo mo?" Usisa ko bago kumuha ng plato na gawa sa kahoy maging ang kutsara, tinidor at baso. Pawang mga inukit sa matibay na punong kahoy.
Umupo si Lola sa harapan ko at saka kumuha rin ito ng sariling plato at kutsara at saka siya nagsalin ng pagkain sa plato ko na kaya ko namang gawin pero hinahayaan ko lang si Lola at baka magalit na naman sa akin.
"Hindi ko alam dahil magti-third year college na sa susunod na taon ang apo ko. At yung bunso naman ay mag-fourth year high school na."
Napatango naman ako sa kanyang sinabi. "Nag-aaral po pala."
"Oo. Pero pinagsasabihan ko naman na kapag bakasyon sa eskwela ay bisitahin nila kami rito nang maranasan naman nila ang buhay probinsiya. Masyadong maingay ang Maynila. Nakapunta ka na ba roon?"
Nagsalin muna ako ulit ng gatas sa baso ko bago ko sinagot si Lola. "Hindi pa ho. Wala ho akong balak na mapunta sa maingay na lugar kaya nga ho pinili kong manatili rito sa probinsiya dahil sariwa ang hangin."
"Bakit ka nga nakasuot ng ganyang damit gayong magsisimula na ang tag-init?"
Ngumisi ako kay Lola. "Para hindi po ako umitim, Lola."
Napailing na lang si Lola sa akin at saka kami nagpatuloy sa pagkain.
Matapos no'n ay nagpresenta akong maghugas ng pinagkain kaso tinaboy lang ako ni Lola kaya busangot ang mukha ko nang lumabas ako sa bahay at saktong nakasalubong ko si Lolo na may dalang sako na naglalaman ng mga gulay.
"Mental, magandang umaga." Bati nito sa akin.
"Magandang umaga, Lolo Dyrroth. Ano ho 'yang dala niyo?" Lumapit ako kay Lolo at inusisa ang kanyang dala.
"Bagong ani ng gulay mula sa aming taniman. Gusto mo ba?" Binuksan ni Lolo ang sako na dala niya at marami ngang iba't-ibang gulay.
"Yung kalabasa lang po tyaka talong ang gusto ko." Inilabas ni Lolo mula sa sako ang gulay na gusto ko at pumasok sa bahay at pagbalik nito may dala na itong plastic at inilagay doon ang tatlong bilog na kalabasa at sampung pirasong talong.
"Oh, ayan." Iniabot sa akin ni Lolo ang plastic at nakangiti ko naman 'yong tinanggap.
"Salamat po."
"Teka, nag-almusal ka na ba?" Aniya bago inayos muli ang sako na may lamang gulay.
"Katatapos lang ho namin ni Lola. Magpapaalam na rin ho ako dahil kailangan kong umuwi. Hindi pa ho ako naliligo." Nakangiwing wika ko at napakamot pa sa sariling noo.
Mataas na rin kasi ang araw at nanlalagkit na ang balat ko sa loob ng night gown na suot ko.
"Hindi ka ba hihimatayin dyan sa suot mo?" Pinasadahan pa ni Lolo ng tingin ang kabuohan ko.
Ano bang problema nila sa suot ko? Hindi man tugma sa panahon pero mas komportable ako rito.
Nginitian ko na lamang si Lolo at saka muling nagpasalamat at nagpaalam na sa kanila.
Tahimik na binagtas ko ang daan patungo sa malaking mansyon na nasa tuktok ng bundok at may nakakasalubong pa akong mga bata na galing sa batis at ang mga kadalagahan na may dala-dalang mga labahin.
"Hello, Ate Mental."
"Magandang umaga Ate Mental."
"Oy, Ate white lady. Kumusta?"
Samu't-saring bati sa akin ng mga bata. Tinatawag nila akong white lady dahil sa suot ko na dinagdagan ng magulo kong buhok.
"Huwag mo akong tatawaging white lady kung ayaw mong kagatin kita." Biro ko kay Amboy na isa ring lokong bata katulad ko.
"Joke lang Ate. Ang ganda mo kaya."
"Sus, nambola ka pa."
Kumaripas ng takbo si Amboy kasama ang ilan pang mga bata at nakasalubong ko si Glendyl na anak ni Aleng Pasing. Galing ito sa kabilang bayan dahil doon ito nag-aaral ng kolehiyo.
"Hello, Mental." Aniya.
"Hi, Glendyl. Ang aga mo yata?"
Sumabay nang paglakad sa akin si Glendyl habang sukbit ang bag nito sa balikat.
"Ah, kauuwi ko lang galing sa kabilang bayan. Alam mo na bakasyon sa eskwela. Pauwi ka na ba?"
"Oo."
"Tulungan na kita sa dala mo?"
Bago pa man ako maka-hindi, kinuha na ni Glendyl ang supot ng gulay na dala ko at siya na mismo ang nagbitbit no'n.
Isa si Glendyl sa mga naging kaibigan ko rito na mga ka-edad ko rin pero dahil sa nag-aaral siya sa kabilang bayan. Bibihira lang kami magkita kapag umuuwi siya sa bayan namin tuwing bakasyon at wala siyang pasok sa eskwela.
Ang kagandahan lang sa lugar na ito ay sagana sila sa yamang-tubig at lupa. Mahal nila ang bigay ng kalikasan at hindi sila madamot sa kung ano ang itinatanim nila sa kanilang bukirin. Minsan nga nagigising na lang ako na may kumakatok sa pinto ko at bumungad sa akin ang mga kabaranggay ko na may dala nang iba't-ibang uri ng gulay, prutas, isda at iba pa na pwede naming magamit sa oras ng kagipitan.
Makalipas ang ilang minuto, narating namin ang bungad ng malaking mansyon at nakatayo kaming pareho ni Glendyl sa b****a ng malaking gate na gawa sa bakal.
"Paano ba yan, hanggang dito ka na lang. Hindi ka pwedeng pumasok sa bahay." Paalala ko rito.
"Alam ko naman 'yon. Mag-isa ka lang dyan, pero kung kailangan mo ng tulong tawagin mo lang ako. Isasama ko ang buong baranggay."
Pagak akong natawa sa kanyang sinabi. Kinuha ko mula sa kamay ni Glendyl ang supot ng gulay at saka nagpaalam sa isa't-isa. Tinanaw ko pa ang papalayong pigura ni Glendyl pababa ng bundok at nang masiguro kong wala na si Glendyl, saka ako pumasok ng malaking gate at marahang sinara yon.
Bumungad sa akin ang malawak na hardin at may malaking fountain na may rebulto ng sirena sa gita ng hardin. Mga bulaklak ng rosas sa paligid na humahalimuyak ang amoy nito sa hangin. Tahimik na tinahak ko ang pasilyo hanggang sa makatuntong ako sa main door ng bahay at binuksan 'yon.
Tumambad sa akin ang tahimik na sala. Ang mga mwebles na balot ng puting tela kasama ang isang set ng sofa, maliit na mesa na gawa sa salamin at malaking tv sa gitna. Dumiretso ako sa kusina at saka inilagay sa cup board ang gulay na dala ko at saka ako pumanhik sa mahabang hagdan patungo sa kwarto ko.
'Tahimik na ang buhay mo Mental kaya wala ka nang dapat ipag-alala pa.'