Nanatili akong nakatingin kay Alice na ngayon ay umiiyak sa harapan ko. Hindi ko alam kung anong kasalanan ang nagawa ko at bakit siya nagkakaganito.
Masaya pa kami kahapon at nag-usap tungkol sa mga bagay na gagawin namin sa future.
"Anong ibig mong sabihin Alice?" nagtatakang tanong ko.
Sa edad kong kinse ay nagmahal ako sa babaeng nagngangalang Alice Villaluna. Nagkakilala kami nang magbakasyon ako sa poder ni Grandpa at Grandma sa isang probinsiya.
"Kailangan na nating maghiwalay Dyrroth, patawarin mo ako."
Tila nabingi ako sa sinabi niya.
"Okay pa tayo kahapon diba?"
Tinakpan ni Alice ang kanyang mukha gamit ang sariling palad na basang-basa na ng luha dahil sa kanyang pag-iyak.
Hindi ko maintindihan kung bakit nakikipaghiwalay na siya sa akin. Nangako ako na kapag bumalik ako dito galing sa Maynila ay siya pa rin ang mahal ko.
"Nangako tayo sa isa't-isa diba? Na kahit anong mangyari walang maghihiwalay. Pero bakit ngayon hinihiling mo sa akin na bitawan kita?"
"Hindi mo kasi naiintindihan." sagot niya sa akin. Nasasaktan ako sa nakikita kong pag-iyak niya sa harapan ko.
Bukas makalawa ay uuwi na ako sa Maynila, bukas na bukas din ay uuwi sina Mommy dito sa probinsiya para sunduin ako. Gusto ko sanang ipakilala si Alice sa parents ko kaso mukhang malabo na.
"Paano ko maiintindihan kung hindi mo naman sinasabi sa akin ang dahilan? May mahal ka na bang iba?"
Hindi sumagot si Alice.
Napabuntong hininga ako at tumingala sa langit. Magdidilim na rin at kasabay ng pagsapit ng kadiliman ay ang pagbabadya ng malakas na ulan kahit summer naman.
"Kung may mahal ka ng iba handa akong magpaubaya. Tutal aalis na rin naman ako bukas makalawa at babalik ako rito sa susunod na taon pa. Pero mukhang malabo nang makabalik pa ako dito dahil wala na akong babalikan na tulad mo."
Hinawakan ni Alice ang kamay ko at tinitigan ako sa mata.
"Dyrroth ikaw lang ang mahal ko pero mga bata pa tayo. Kaya ako nakikipaghiwalay sayo, may matindi akong dahilan at alam kong mauunawaan mo 'yon. Isa lang naman ang pakiusap ko ... 'yon ay palayain mo ako."
Bumitaw ako mula sa mga kamay ni Alice ng maramdaman ang tubig mula sa kalangitan.
Tinignan ko siya ng may panlalamig na pakikitungo. "Kung 'yan ang gusto mo hindi kita pipigilan. Isa lang rin ang pakiusap ko sa'yo kapag pinalaya kita. Huwag na huwag mo akong lalapitan o kakausapin kapag nagtagpo ang landas nating dalawa. Ang sakit lang kasing isipin na ang taong pinag-alayan ko ng pagmamahal ay handa akong iwan para sa hindi malamang kadahilanan. Malaya ka na, Alice."
Tinalikuran ko si Alice at iniwan siya sa plaza na siyang tagpuan naming dalawa. Kung ayaw niya akong makasama sa sarili niyang mundo ay hindi ako magrereklamo.
Binigay ko naman ang pagmamahal na alam ko pero mukhang hindi pa ito ang oras para magkasama kaming dalawa.
Hanggang sa bumuhos ang malakas na ulan, hudyat 'yon na magtatapos na ang summer at ito na rin ang araw na magtatapos ang nabuo naming istorya ni Alice.
Ang summer na pinakagusto ko sa tuwing buwan ng Abril at Mayo, kinamumuhian ko na ng pumatak ang Hunyo at magsimula ang tag-ulan sa taon na ito.
Umuwi ako sa bahay ng Grandpa at Grandma ko nang basang-basa. Nakasalubong ko pa si Grandma pagpasok ko sa bahay pero hindi ko ito pinansin. Bagkus, nagpatuloy lang ako hanggang sa makapasok ako sa sarili kong kwarto.
Gusto ko ng umuwi sa Maynila at ipagpatuloy ang buhay ko sa syudad. Ayoko ng manatili sa probinsiya kung ang idudulot lamang sa akin ay sakit ng alaala sa aming dalawa ni Alice.