“Sonia? Are you okay?”
“Ha? Uhm… Y-Yeah. Ayos lang ako.”
“Sigurado ka? Kanina ka pa kasi walang kibo.”
Mataman niyang tinitigan si Tora. Kung hindi lang dahil sa concern na ipinapakita nito sa kanya ngayon, malamang ay kanina pa niya ito nabatukan. Pero alam niya sa sarili na malabo rin niyang magawa ang bagay na iyon. Pakiramdam kasi niya ay naubos ang lahat ng lakas niya sa katawan matapos marinig ang naging pahayag nito sa taxi. Nawala rin sa normal ang takbo ng kanyang utak dahil wala nang ibang tumatakbo roon kundi ang press release nito. Para tuloy siyang tanga nang nagtatakang tignan siya ni manong taxi driver bago sila bumaba ng sasakyan. Hindi pa rin kasi niya ibinabalik dito ang notebook at ballpen na iniabot nito para sa autograph niya. At kung hindi pa nito iyon binanggit ay malamang na dadalhin niya iyon pababa ng sasakyan.
Bumuntong hininga siya. “I’m fine, Tora. Iniisip ko lang si manong driver.”
“Nag-aalala ka ba dahil may nakakita sa ating dalawa ng magkasama?” tanong nito. Tumango siya bilang sagot. “Don’t worry. Tingin ko naman ay hindi tsismosong tao si manong. Isa pa, loyal fan mo ang anak niya.”
“Sana nga.” Muli siyang nagpakawala ng isang buntong hininga bago tumingin sa establishimento sa kanilang harapan. “A Karaoke Bar? Seriously?”
“Hindi ko rin inaasahan na dito pupunta sina Cio at Keene.”
“Ano namang gagawa nila dito?”
“There’s only one way to find that out.” Hinawakan nito ang kamay niya at saka iginaya siya patungo sa pintuan ng bar. “Let’s go, Sonia.”
Muli na namang sumipa ang kakaibang pakiramdam na iyon sa kanyang dibdib. Tama na, Sonia. Alam mong hindi ito tama, di ba? Ayaw mo nang maulit yung nangyari dati, di ba? saway niya sa sarili.
Nang makapasok sila sa loob ay agad silang sinalubong ng isang lalaki. Agad niya itong nakilala bilang manager ng bar base na rin sa nameplate na nakakabit sa polo nito. Bukod doon, may pakiramdam siyang kilala nito si Tora batay na rin sa paraan ng pagkakangiti nito sa katabing lalaki.
“Tora! You’re here too?” bungad-tanong nito sa kanila. “Magkakasama ba kayo nina Cio? Kakapasok lang nila dun sa booth nila. Sandali at sasabihin kong nandito na kayo.”
“Huwag!” mabilis na pigil ni Tora sa lalaki bago pa man ito makapihit patalikod sa kanila. “Actually, hindi alam ni Cio na nandito kami.”
Nagpalipat-lipat ang tingin ng lalaki sa kanilang dalawa. Nang mapatingin ito sa magkahugpo nilang kamay ay unti-unting sumilay sa labi nito ang isang makahulugang ngiti bago ito pumalatak. “Iyong totoo, Tora? Date sa tanghaling tapat? Ano ka, Intsik?”
Mabilis na hinila ni Sonia ang kamay mula sa pagkakahawak ni Tora. Malakas namang bumuntong hininga si Tora bago muling sumagot. “We’re not dating. So wipe that stupid grin off your face. Mahiya ka naman kay Sonia,” sita nito.
“Weh? Hindi nga?” tatawa-tawang sagot nito kay Tora bago tumingin sa kanya. Nanlaki ang mga mata nito nang sa wakas ay makilala siya. “You’re Sonia of Serenade, hindi ba? Oh my gosh! I’m really sorry.”
“Hinay-hinay kasi ang bibig. Mapapahamak ka dahil diyan one of these days,” wika pa ni Tora.
“My sincere apologies, Miss Sonia. That was very rude of me.” Tinampal ng lalaki ang noo. “What’s with me today? Kanina napagkamalan ko rin si Cio at si Miss Keene as a couple.”
“So, hindi sila nagpunta rito para mag-date?”
Umiling ang lalaki. “Unfortunately, no. Binulyawan nga nila ako ni Cio matapos ko silang mapagkamalan tulad ng nagawa ko sa inyo. Hindi niyo naman kasi ako masisisi, di ba? They look so perfect together. Parang kayong dalawa lang.”
“Nasaan na sila ngayon?” tanong ni Sonia. Gusto niyang palakpakan ang sarili dahil kalmado pa rin ang ipinapakita niyang imahe sa mga kaharap sa kabila ng pagkailang na nararamdaman. “Ano nang ginagawa nila?”
“Naroon sila sa isa sa mga bagong booth namin. I’ll show you where it is.”
Sinundan nila ni Tora ang lalaki hanggang sa tumigil sila sa tapat ng cubicle na nasa pinakadulo ng pasilyo. Sa kinatatayuan ay bahagya nilang naririnig ang nagtatalo pa ring boses nina Cio at Keene. Lumapit siya sa pinto at sinilip niya ang dalawa mula sa maliit na salamin niyon. She saw Keene standing in front of the giant T.V screen and holding the microphone while Cio is sitting in one of the booth couches as he flips the pages of what seems to be the songbook.
Maya-maya pa ay pumailanlang ang tunog ng napiling kanta ni Keene mula sa speakers ng booth. Kita niya kung gaano kaseryoso ang kabanda sa pagkanta na tila nasa gitna ng isang contest. Napangiti pa siya nang makitang sumimangot si Cio matapos bumirit si Keene ng mataas na tono.
“What the hell are they doing?”
Napapitlag siya. Naramdaman niyang dumampi ang hininga nito sa kanyang pisngi kaya napalingon siya dito. At gusto niyang pagsisihan ang ginawa matapos mabatid kung gaano na kalapit ang mukha nila sa isa’t-isa.
“S-Singing,” sagot niya. Kumakabog nang husto ang dibdib niya. Ano ba? Tama naman na, Sonia. Hindi pwedeng palaging ganito ang reaksiyon mo kay Tora. Tumikhim siya.“Ano… Halika na, Tora.”
“Sigurado ka? Hindi mo na ba kakausapin si Keene?”
Umiling siya. “Hindi na. Hindi naman sila nag-aaway ni Cio tulad nang inaakala ko so okay na ako. Iyon lang naman ang inaalala ko kaya ko sila gustong sundan.”
May ilang sandaling nakatingin sa kanya si Tora bago ito tumango. “Okay. If that’s what you want.”
Matapos senyasan ni Tora ang manager ng bar ay tahimik na silang umalis. Pasimple siyang umagapay sa manager habang naglalakad. Ipinagpapasalamat niyang naroon ito at kasama nila. Dahil kasi dito ay nagawa niyang pakalmahin ang pusong nagwawala sa loob ng kanyang dibdib dahil sa eksena nila ni Tora.
Nasa labas na sila ng bar at hinihintay ang taxing tinawag para sa kanila ng muli niyang marinig ang boses ng lalaki. “Babalik ka na ba sa condominium ninyo?” tanong nito sa kanya.
Tumango siya. “Oo. Baka kasi hanapin ako nina Sofia at Camilla. Ang alam kasi nila ay naroon lang ako sa coffee shop sa building namin.”
“I see.”
Kapwa na sila tahimik habang naghihintay sa kanilang sasakyan. Sa paglipas ng oras ay nagtataka na si Sonia sa iginagawi ng kasama. Napansin kasi niya na makailang-ulit na nagkamot ng batok si Tora. Ilang beses din niya itong nahuli na akmang may sasabihin ngunit sa huli ay ngingitian lamang siya at saka babaling sa kung saan ang tingin.
“Wala pa rin yung taxi ninyo?” tanong sa kanila ng manager mula sa pintuan ng bar.
Ngumiti siya dito. “Wala pa rin eh. Baka na-traffic lang papunta rito.”
“Ah… Baka nga. Rush hour na rin kasi.” Saglit itong natahimik na tila nag-isip. "You know what? Why not stay here for a while?" maya-maya ay wika nito sa kanila. "I'll let the both of you use one of our booth for free as compensation sa nagawa kong pagkakamali sa inyo ni Tora kanina."
Mabilis na umiling si Sonia. "Naku, hindi na kailangan. Hindi mo naman–“
"Talaga? Cool!” Malakas na wika ni Tora. Wala na ang bakas ng alanganin sa boses at mukha nito. Napalitan na iyon ng magkahalong tuwa at excitement. “Mamaya ka na uwuwi, Sonia. Gusto mo bang tawagan ko sina Sofia para ipaalam sa kanya na nandito ka ngayon sa bar at magkasama tayo?”
“No need. Ako nalang ang bahalang mag-text sa kanila.”
“Ibig sabihin pumapayag ka nang manatili muna dito?”
“Ha? Hindi iyon ang ibig kong—“
“Okay!” putol nito sa sasabihin niya. “Dahil pumayag ka, ililibre rin kita. Kahit anong gusto mo. Tamang-tama. May nakita akong bagong bukas na cake shop malapit doon sa condominium ninyo. Let’s buy some later. Narinig kong masarap daw ang strawberry cheesecake nila. Hindi ba’t gusto mo iyon?” Mabilis nitong hinawakan ang kanyang kamay at hinila muli papasok ng bar. “Halika na, Sonia.”
“Teka sandali lang.” Ngunit imbes na tumigil ay nilingon lamang siya nito at saka ngumiti. Sa huli ay wala siyang nagawa kundi ang sumunod na lamang dito.
Napatingin siya sa magkahugpo nilang mga kamay ni Tora. Bumuntong hininga siya. Mukhang hindi pa tapos ang pakikipagbuno niya sa kanyang puso para sa araw na iyon.