“Hoy, Sonia. Gising ka na ba?”
Marahang kinusot ni Sonia ang mata at kumurap ng ilang ulit. Ang nakakunot-noong mukha ni Keene ang bumungad sa kanya. “I’m up. Sorry nakaidlip ako,” hinging-paumanhin niya sa kabanda.
“Tapos na kaming ayusan ni Sofia. Pumunta ka na dun sa may dressing table para maayusan ka na ni Heart.”
“Okay.” Tumayo siya at saka lumapit sa kinaroroonan ng kanilang stylist. Nilalagyan na siya nito ng foundation sa mukhan nang di niya napigilan ang sarili na maghikab. Mula sa salamin ay nakita niya ang pagngiti sa kanya ng babae. “Sorry, Heart,” hinging paumanhin niya dito.
Narinig niya ang pagpalatak ni Keene. “You're causing troubles for Heart because of your eyebags, Sonia,” her bandmate said teasingly. “Are you okay? Napapansin ko lately na palagi kang puyat. Ikaw kasi, Sonia. Pagkatapos ng gig natin, diretso uwi na. Huwag nang gumala pa.”
“Siraulo. But seriously, I’m fine. Medyo nahihirapan lang akong makatulog sa gabi.”
“Nahihirapan kang matulog? Kailan ka pa nagsimulang magkaganyan?”
“Mag-iisang lingo na yata.”
“Oi, Sonia, hindi healthy iyan ha?” Nawala ang himig panunukso sa boses ni Keene at napalitan iyon ng pag-aalala. “Gusto mo bang samahan kita sa doctor pagkatapos nitong show appearance natin? Mabuti na iyong matignan ka muna ng doctor para at least alam natin kung okay ka nga bang talaga o kung kailangan mo nang mag-take ng gamot.”
Ngumiti siya dito. “Thank you, Keene. Next time nalang siguro. Kaya ko pa naman.”
“Okay. Basta sabihan mo lang ako.” Naglakad ito kung saan naroon ang mini ref at binuksan iyon. “Pambihira, hindi ba sila bumili ng Ice Coffee?”
“Keene, narinig ko na mahigpit na ibinilin ni Camilla na huwag mag-stock niyon today,” sagot ni Heart dito.
“What?! Si Camilla talaga! Alam naman niyang iyon ang gusto kong iniinom eh!”
“Ginagawa mo na kasing tubig, Keene. Nag-aalala lang si Camilla sa iyo at sa boses mo,” aniya dito.
“Wala naman siyang dapat na ipag-alala eh.” Bumuntong hininga ito. “Hay naku! Lalabas na muna ako. Hindi ako matatahimik hangga’t hindi ako nakakainom ng Ice Coffee ko.” Matapos kunin ang pitaka sa bag ay dire-diretso na itong nagmartsa palabas ng kanilang waiting room. Napailing nalang siya.
“Ang mga addict nga naman oo,” wika niyang ikinatawa ni Heart.
“Oo nga. Pikit ka, Sonia. Lalagyan na kita ng eye shadow.”
Tumango siya at saka tumalima dito. Sa mga sumunod na sandali ay hinayaan niya ang sarili na ma-relax habang patuloy na inaayusan ni Heart. Habang nakapikit ay unti-unting inookupa ng iisang imahe ang kanyang utak. The balcony, the lights and soft music, and that raven-haired guy. Dalawang taon na magmula nang mangyari ang eksenang iyon. Sa loob ng mahabang panahong iyon ay ngayon lang niya ulit iyon nakita sa kanyang panaginip.
Isang lingo nang paulit-ulit ang partikular na eksenang iyon sa kanyang panaginip na sa tuwina’y gumigising sa kanya sa kalagitnaan ng gabi. Kadalasan ay nagigising siyang habol ang paghinga at basa na ng luha ang kanyang mukha. At dahil okupado na niyon ang isipan ay hindi na niya nagagawa pang bumalik sa pagtulog. Magawa man niyang makatulog ulit ay hindi na rin iyon nagtatagal dahil kailangan na niyang bumangon at maghanda para sa kung anumang schedule niya.
Sa umpisa ay ayos pa ang pakiramdam niya ngunit sa paglipas ng mga araw ay unti-unti na niyang nararamdaman ang epekto ng puyat sa kanyang katawan. Kaya naman sa tuwing nakakahanap ng pagkakataon ay hinahayaan niya ang sarili na makabawi ng tulog. Hindi niya gustong magkasakit lalo pa at nalalapit na ang araw ng kanilang first major concert.
Ilang sandali pa at narinig niya ang boses ni Heart nang sabihin nitong tapos na siyang ayusan. Tumayo siya at pinagmasdan ang sarili sa salamin. Sa dalawang taon niyang pagiging miyembro ng Serenade ay hindi na nawala ang pagkamangha niya sa tuwing makikita ang sarili pagkatapos maayusan ng kanilang makeup artist.
Her hair hung in long graceful curves over her shoulders while her eyes and lips were painted with light pink eye shadow and lipstick. A black lace chocker adorned her slender neck. Her body encased in a black, gothic-style corset dress. Hindi niya maiwasang hindi mapangiti sa nakikitang repleksiyon. Hands up talaga ako sa galing ni Heart pagdating sa makeup, aniya sa sarili. Maganda na ako, pero mas lalo akong gumaganda dahil sa mga ginagawa niya.
Napalingon siya sa pintuan ng bumukas iyon. Mula roon ay dumungaw si Camilla, ang kanilang manager. Ito ang bumuo ng kanilang grupo. Ito rin ang composer ng kanilang mga kanta.
“You’re done? Good. Magsisimula na ang palabas,” wika nito sa kanya. She motioned her to follow her out. Nagpasalamat siya kay Heart bago sumunod kay Camilla. Paglabas niya ng waiting room ay nakita niyang naroon na rin ang dalawa pang kabanda. Walang salitang sumunod ang mga ito at ang ilan pa nilang staff sa kanila patungo sa studio.
“Girls, alam na ninyo ang gagawin sa show, right?” tanong nito sa kanila habang nananatili ang mga mata sa hawak nitong tablet. “Thirty minutes ang itatakbo ng palabas. Pagkatapos kayong interview-hin tungkol sa latest single at upcoming concert ninyo ay magpe-perform kayo ng isang kanta. Bukod sa inyo ay may isa pang banda na magpo-promote rin ng kanilang upcoming single.”
Nang bumaling si Camilla sa isa sa mga kasabay nilang staff ay naramadaman niyang umagapay sa paglakad niya si Sofia. “Narinig ko kay Keene na puyat ka raw?” tanong nito sa kanya. “Are you sure na okay ka lang?
“I’m fine, Sofia. Nakaiglip naman ako kahit paano kanina sa waiting room kaya medyo nakabawi na ako.”
“Glad to hear that. Kapag hindi maganda ang pakiramdam mo, bigyan mo lang kami ng signal para masabihan agad si Camilla, okay?”
“I will. Thank you.”
“Sabi ko naman sa iyo, Sofia. Wala kang dapat na ikabahala,” ani Keene na nasa tabi na rin pala niya.
“To be honest, sa iyo ako kinakabahan. I swear, Keene. Kapag pumiyok ka mamaya dahil sa pag-inom mo ng Ice Coffee, sasabihin ko na talaga kay Camilla na i-ban na nang tuluyan ang pag-stock niyan pati na rin ang pagdadala ng kahit na anong klase ng cake. Whether it is a gift or not.”
Malakas na suminghap si Keene dahil sa sinabi nito. “You can’t do that, Sofia!”
Bumaling dito si Sofia at saka ngumisi. “Try me.”
“Ang salbahe mo, Sofia! Para kang iyong makinang na lalaki kanina doon sa may lobby!”
Kumunot ang noo niya. “Makinang?” nagtatakang tanong niya.
Hindi na nagawang sumagot ni Keene sa tanong niya. Naagaw na kasi ang atensiyon nila ng grupo ng mga lalaking nakatayo sa entrance ng studio kung saan gaganapin ang taping. Nakita niyang nilapitan ni Camilla ang isa sa mga lalaki at kinamayan. Habang nag-uusap ang mga ito ay isa-isa niyang pinagmasdan ang iba pang naroon.
All five guys are wearing eccentric but stylish costumes. Each were wearing makeup na lalong nagpa-enhance ng anking kaguwapuhan ng mga ito. Kapansin-pansin rin ang kulay ng buhok ng mga ito. Tatlo sa mga ito ay may kulay blonde na buhok ngunit iba-iba iyon ng shade. Matingkad na pula naman ang buhok ng isa samantalang ang isa ay…
Natigilan si Sonia nang mapatingin sa pinakamatangkad na miyembro ng grupong iyon. Dalawang taon na ang lumipas ngunit madali pa rin niyang nakilala ito. At nang magtama ang kanilang mga mata ay naramdaman niya ang malakas na pagkabog ng kanyang dibdib.
“Tora?”