"Parang wala ka sa sarili mo kanina habang nasa meeting, Samir. May problema ba?" tanong ni Raji sa kanya nang pumasok ito sa opisina niya. Tamad siyang umupo sa executive chair dala-dala ang sakit ng eksenang bumabalik sa isipan niya kanina pa. Ang eksenang hinahalikan ng ibang lalaki ang babaeng mahal niya. Ilang beses niya nang binalaan si Gia na itigil ang pakikipagkita kay Art pero patuloy pa rin ang relasyon ng dalawa. Tama si Raji. Hindi na si Gia ang dating babaeng minahal niya. Nakalaya na ito sa nakaraan nila. Kailangan na rin niyang palayain ang sarili. "Ibebenta ko na ang condo at ang yate," mapait niyang wika. Wala nang dahilan para kumapit pa sa mga bagay na magdudulot lang ng sakit sa kanya. "Hindi na kayo nagkaayos ni Gia?" "She's in love with somebody else."

