Hera Isabella Diamante
Kanina pa ako nakatayo dito sa may pinto at hawak ko ang doorknob. Hirap akong pihitin ‘yon para buksan at makalabas ng kwarto ko.
Hindi pa ako nagpapaalam na aalis ako ng mansion ay takot na takot na agad ako kay Nanay. Kagabi sana ako magsasabi pero naisip ko na baka bulyawan lang ako nito dahil sa dami nitong nilabhan at sinampay. Kapag gano’n na pagod ito ay hindi talaga ako naglalakas loob na kausapin ito dahil katakot takot na mura ang aabutin ko panigurado.
‘Yon nga lang na relax ang katawan ni Nanay at may itatanong lang ako ay nakasinghal na sa akin, eh.
Napakislot pa ako nang biglang mag-ring ang cellphone kong nasa bulsa ng skirt na bigay sa akin ni Ate Ellen.
Kahit hindi ko tingnan ay alam ko naman na ang kaibigan kong si Anna ‘yon. Siya lang naman at si Ninang Riza ang naka-save sa contacts ko na tumatawag sa akin. Ang iba kong kaibigan ay kinukumusta ako ay thru social media naman. Pero hindi rin naman ako gano’ng kahilig na makipag-chat kaya madalas ay hindi na sila nagpaparamdam sa akin.
Bigay pa sa akin ni Ninang Riza ang cellphone na ito na gamit ko since highschool pa. Si Nanay naman kasi ay hindi man lang din ako nabilhan ng cellphone. Nang hindi pa kami magkasama ay tila kinalimutan na talagang may anak siya.
Thankful talaga ako kay Ninang Riza na napakabait sa akin. Kaya nga excited ako sa pag-alis ko ngayon dahil gusto ko nang mayakap ang Ninang ko. Kay Ninang, makakapaglabas ako ng sama ng loob. Siya lang ang nakakaintindi sa akin higit kanino man.
“Hello, Anna,” sambit ko nang sinagot ko na ang tawag ng kaibigan ko.
“Hello, Hera! Ano na? Hindi ka man lang nagre-reply sa text ko.” Mataas ang boses na bungad ni Anna.
Napailing naman ako.
“Hello! Alam mo na naman na wala akong load. Kaya sa mess#nger ako nagsabi sa’yo dahil nakiki-wifi ako dito sa mansion. Kaso hindi mo na naman ako sini-seen.” Reklamo ko naman.
“Ay, pasensya na. Alam mo naman na simula ng magkasakit si Nanay at magtrabaho sa beerhouse ay hindi na ako nakakagamit ng socmed. Tawag at text ang gamit ko.”
Napabuntong hininga ako sa narinig. Simula nang magkwento si Anna tungkol sa sinapit niya ay nasasaktan na ako sa sitwasyon ng kaibigan ko.
“Siya, sige. Magpapaalam na ako kay Nanay. Nakabihis na din ako. Hintayin mo na lang ako, hah? Pagkatapos kong dalawin si Ninang Riza ay pupuntahan na kita.”
“Sige, Hera… Mag-ingat ka, ha. Sobrang miss na kita. Marami akong i-kwento sa’yo.”
Binaba ko na ang tawag matapos ng ilang saglit. Nag inhale exhale muna ako bago ako lumabas ng kwarto. Tinungo ko ang kwarto ni Nanay. Ilang minuto pa akong tumayo do’n at kumatok.
Narinig ko agad ang boses ni Nanay na nagtatanong kung sino ang kumakatok. Mas malumanay ‘yon kesa sa normal nitong boses kapag ako ang kausap. Expected siguro nitong si Nanay Choleng ang kakausap sa kanya. Bilang lang kasi sa daliri na kinatok ko siya dito sa kwarto nito.
Hindi rin kami sabay na kumakain sa breakfast. Sinabi sa akin ni Nanay na ayaw nitong nasisira ang umaga kaya sa lunch or dinner lang kami nagsasabay. Hindi pa madalas ‘yon.
“Nay, si Hera po ‘to.” sambit ko. Sapat na para alam kong marinig ng nasa loob ang boses ko.
Wala akong narinig na boses mula sa loob na pinapapasok ako. Malamang ay nakasimangot na si Nanay ngayon.
Hanggang sa bumukas ang pinto.
Kagaya ng inaasahan ko ay matalim na tingin ang binungad sa akin ng ina ko. Matapos niya akong tingnan sa mata ay binaba niya ang tingin hanggang sa paa at kinilatis pa ang suot ko.
Maayos na damit ang suot ko. Pinaglumaan ni Ate Ellen pero hindi halatang luma dahil maalaga ito sa damit. Isa ‘yong terno ng skirt na above the knee at blouse. White maong ang tela. Nang tiningnan ko ang itsura ko sa salamin ay nagandahan din ako sa outfit ko ngayon. Pinusod ko pa ang buhok kong hanggang balikat kaya maaliwalas at kita ang hugis puso kong mukha.
“Saan ka pupuntang bata ka!?” Naningkit ang mata ni Nanay matapos ako nitong pasadahan ng tingin.
“N-nay, magpapaalam lang po ako na dadalawin ko si Ninang Riza. Tapos po dadalawin ko si Anna.”
“Anna?”
“O-opo… K-kaibigan ko po.”
“Putr@gis kang bata ka! Oo alam kong kaibigan mo ‘yun!”
Napalunok ako sa taas ng boses ni Nanay. Ang worry ko ay baka may makarinig na naman na ibang tao na minumura niya ako. Kahit naman marami nang nakakaalam kung paano ako itrato ng sarili kong ina ay nahihiya ako.
“Akala mo ba hindi ko alam ko alam na nagtatrabaho na sa beerhouse ang kaibigan mo na ‘yon. Tapos may gana kang puntahan pa? Paano kung magkagulo do’n at madamay!?”
Umawang nang husto ang bibig ko sa narinig.
Nanaginip ba ako? Bakit may pag-aalala sa kanya kahit pasigaw ang pagkakasabi niya. Ayaw niyang madamay ako sa gulo?
Kung panaginip nga ‘to ay parang ayaw ko na tuloy magising.
“Nay, ‘wag po kayong mag-alala. Sa bahay po ni Anna ang punta ko. Hindi naman po ako gagabihin.” Puno ng emosyon na sabi ko.
“Mag-alala!? Sino naman nagsabi sa’yo na nag-aalala ako!?” Galit na sabi ni Nanay na humakbang pa hanggang sa maglapit nang husto ang katawan namin.
Parang sandali tuloy akong inilipad sa alapaap pero sa bigla kong narinig ay lumagapak agad ako.
Dinuro ako ni Nanay. Hanggang sa ang daliri niya ay nasa sentido ko na.
“Itaga mo sa kukote mo na hindi ako nag-aalala sa’yo. Kahit kailan ay bwisit ka sa buhay ko. Alam mo kung saan ako nag-aalala? Ang iniisip ko ay baka may mangyaring gulo kung saang lupalop ka man pupunta. Baka mapagastos pa ako pampa-ospital mo! Buti sana kung deretso kabaong ka na para isang gastusan na lang! Gaga!”
Pagkasabi ni Nanay no’n ay marahas niyang tinulak ang ulo ko gamit ang daliri na do’n nakatapat sa sentido ko.
Hindi ako nasaktan sa ginawa ni Nanay. Ang masakit ay ‘yung mga salitang binitawan niya. Gusto na niya akong mamatay. Nagbanta ang luha na gusto nang kumawala sa mata ko dahil naramdaman ko ang panunubig no’n pero wala man lang akong nakitang awa sa mukha ng sarili kong ina.
“Bahala ka kung saan mo gustong magpunta basta hindi kita bibigyan ng pera!” Pagkasabi ni Nanay ay tumalikod na siya. Pumasok sa kwarto niya at padabog na sinara ang pinto.
Hindi man lang nakita ni Nanay na tuluyan nang tumulo ang luha ko. Tahimik akong umiyak sa harap ng saradong pinto. May kaunting pag-asa pa ako na balikan ako ni Nanay at mag-sorry sa sinabi niya kahit alam kong suntok ‘yon sa buwan.
Patuloy ang hikbi ko pero bigo akong pagbuksan ng pinto. Pinunasan ko ang luha ko at bumalik sa kwarto ko.
Sobrang bigat ng pakiramdam ko na umupo muna sa gilid ng kama ko at kinalma ang sarili bago muling nag-ayos para makaalis na ng mansion.
Hinanap ko muna si Nanay Choleng para magpaalam. Nakita ko siya sa kusina at nagkakape. Maaga pa kasi at alam kong ganitong oras siya nagkakape. Nilapitan ko siya sa table.
“Wow! Napakaganda mo naman, anak.” Nakangiti agad ang mayordoma nang makita ako.
Ngumiti na rin ako sa matanda. Ayokong makita nito na bad mood agad ako nang umagang umaga. Ayoko na mahawa siya sa negative aura ko.
“Salamat po, Nanay Choleng. Magpapaalam lang po ako na matutuloy po ako sa pag-alis ngayon. Huwag po kayong mag-alala. Ako na pong bahala dito mamayang pag-uwi ko.”
“Mag-ingat ka, anak, ha? May pera ka ba?” Tanong nito.
Hindi pa ako sumasahod. Sapat na pera lang ang dala ko na pamasahe. Tira mula sa binigay sa akin ni Ninang Riza.
“Salamat po, Nanay Choleng. Opo, may pera pa naman po ako.” Sambit ko na lang.
“Naku… Baka kulang ang pera mo. Hindi ka pa sumasahod at malamang na hindi ka naman binigyan ng Nanay mo.”
Biglang tumayo si Nanay Choleng.
“Hintayin mo ako sandali, Hera… Kukuha lang ako ng pera.”
Pinigil ko agad si Nanay Choleng. “Nanay Choleng! Wag na po—”
“Hay naku, Hera… ‘Wag makulit… Basta kukuha ako ng pera hintayin mo lang ako dito sandali.”
Wala na akong nagawa nang umalis sa kusina ang mayordoma. Tapos na akong umiyak kanina pero ngayon ay parang naiiyak na naman ako. Tears of joy. Nata-touch ako na may mga tao pa rin na nagmamalasakit sa akin. Bagay na hindi ko na yata mararanasan mula kay Nanay.
Hindi ako naghintay ng matagal at bumalik si Nanay Choleng na may dalang isang libong papel.
“Nay Choleng, ang laki po nito.”
“Hayaan mo na, hija. Kumain ka sa masarap.”
Hindi ko na napigilang yakapin ang mayordoma. First time ko maka-receive ng ganitong kalaking pera. Sobrang saya ko hindi dahil sa mukha akong pera at materialistic. Masaya ako dahil may nagmamahal pa rin sa akin kahit hindi ko kadugo.
“Nanay, maraming salamat po. Ibabalik ko na lang po ito kapag nakasahod ako.” Sambit ko matapos yakapin ang matanda.
Hindi naman pumayag ang matanda sa sinabi ko. Regalo niya raw sa akin ang pera. Sa huli ay labis na pasasalamat na lang ang sinabi ko.
Lumabas ako ng mansion. Kahit papaano ay nakalimutan ko na rin ang pinagsasabi sa akin ni Nanay kanina.
Nang papalabas na ako ng gate ay nilingon ko pa kung saan nakaparada ang sasakyan ni Sir Zeus at wala doon ang kotse nito.
Hindi ko alam kung bakit ko kailangang gawin ‘yon. Dahil siguro affected ako sa amo ko. Kahapon lang ay hindi ito mawala sa utak ko habang nagtatrabaho ako. Umaga pa lang kasi ay nasungitan na ako nito nang dinalhan ko sila ng kape ni Sir Nathaniel.
Nang hapon naman ay ako rin ang inutusan ni Nanay Choleng na magdala ng merienda ni Sir Zeus. Hindi nga ako nito sinungitan pero hindi naman maganda ang mga titig nito sa akin. Parang imbyerna pa rin ito sa akin na hindi ko maintindihan.
Nakaalis na ako nang tuluyan sa mansyon. Wala pang isang oras ay nakarating ako sa bahay ni Ninang Riza.
“Ninang!” Mahigpit na yakap ang ginawa ko nang makita ko ito. “Sobrang na-miss ko po kayo!” Puno ng emosyon na sabi ko.
“Naku, ang ganda naman ng inaanak ko. Mabuti at nadalaw ka dito. Alam mo ba kung gaano na kita na-miss? Lagi kong tinitingnan ang mga picture nating dalawa.”
Kinayag na ako ni Ninang Riza na maupo sa sala nila. Wala naman doon ang asawa nito.
“Mas na-miss kita, Ninang.” Sambit ko. Nakangiti ako pero alam kong nakita nito sa mata ko ang lungkot.
Hanggang sa nauwi sa pagsusumbong ang usapan namin. Ramdam ko ang awa sa akin ni Ninang nang nagsimula akong umiyak. Panay himas nito sa likod ko para pakalmahin ako.
“Pasensya na po, Ninang. Hindi ka na dapat na-stress. Buntis ka pa naman.”
“Sus… Wala ‘yon. Ikaw ang paborito kong inaanak kaya kapag may problema ka ay gusto kong ako din ang maunang tumulong sa’yo. Alam mo naman na mahal din kita parang anak.”
Muli kong niyakap si Ninang Riza. Sa totoo lang ay para ko na rin siyang nakatatandang kapatid. Sobrang close talaga kami.
Ilang sandali ay nagtatawanan na rin kami. Marami kaming napagusapang dalawa. Nagkwento rin ako tungkol sa amo ko.
“Wait… Tama ba ang nakikita ko sa mata mo?” Biglang huminto naman si Ninang Riza nang nagsasabi na ako ng first time experience ko kay Sir Zeus.
“Ano ‘yon, Ninang?”
“Iba ang kislap ng mata mo, eh… Crush mo ang amo mo, noh?”
“Naku, hindi, Ninang… G-gwapo siya pero hindi ko crush!” Mariing tanggi ko pero ramdam kong nag-blush ako.
“Parang tatay mo na ‘yon kung sakali. Mas matanda pa pala kay Divine, eh.” Natatawang sambit ni Ninang Riza.
Sinabi ko kasi sa kanya ang edad ni Sir Zeus. 35-years old na pala si Sir Zeus. Mas matanda pa nga ito sa Nanay ko.
Pasimple kong naitanong ang edad ni Sir Zeus kahapon kay Nanay Choleng. Pati na rin ang tungkol sa lovelife nito. Ang sabi naman sa akin ng matanda ay single naman daw ang amo namin.
Ilang sandali pa kami nag-usap ni Ninang Riza. Naabutan na rin ako ng lunch at ito na ang nagpakain sa akin.
Nagpababa lang ako ng kinain at ilang sandali pa ay nagpunta naman ako sa bahay ni Anna na hindi naman kalayuan mula kina Ninang.
Kagaya ng pagkikita namin ni Ninang Riza ay parang ang tagal ko tuloy hindi nakita ang bestfriend ko kahit wala pang isang buwan kaming nagkahiwalay.
Madaming kamustahan ang ginawa namin. Ilang sandali ay dinala na niya ako sa kwarto niya at doon kami nag-usap ng tugnkol sa nangyari sa nanay niya.
“I’m sorry, Anna. Wala ako nang kailangan mo ng karamay. Pero mabuti na lang at maayos ayos na ang nanay mo.” Sambit ko matapos nitong magkwento nang tungkol sa nangyari dito.
“Wala ‘yon… Alam ko naman na meron ka rin na pinagdadaanan, Hera… Uhmm ‘Yung gusto kong sabihin sa’yo…”
“Ano ‘yon?’”
“Naisuko ko na ang virginity ko.”
Doon ako natigilan sa sinabi ni Anna. Naikwento nito na may isang customer sa beerhouse na pinagtrabahuhan at inalok ito ng one-night stand kapalit ng pera. Tanging pangalan lang nito ang nalaman ni Anna. Isang Axel raw ang nakakuha ng virginity nito.
Nagulat ako sa binalita ni Anna sa akin. Hindi ko expect na mawawala ang virginity nito na naka-reserba lang daw sa magiging asawa nito. Iba talaga ang nagagawa kapag gipit ang isang tao.
Marami pa kaming napag-kwentuhan ni Anna. Hanggang sa sumapit na ang hapon. Kahit pinangako ko na hindi ako magpapagabi ay napasarap naman ang kwentuhan namin ni Anna. Parang isang taon tuloy kaming hindi nagkita.
Mag-aalas sais ng gabi nang magpaalam ako sa kaibigan ko Tinanggihan ko na rin ang alok nitong dinner. Hinatid pa ako nito hanggang sa sakayan. Kung minamalas na nasiraan pa ang sinasakyan kong jeep. Imbes na nasa isang oras lang ang byahe ko ay naging mahigit dalawang oras dahil nahirapan akong sumakay.
Hanggang sa makauwi ng mansion. Pagkauwi ko do’n ay agad kong pinuntahan si Nanay Choleng. Sakto na nakabihis na ito at papaalis na rin ng mansion.
“Nanay Choleng, pasensya na po. Napasarap po ang kwentuhan namin ng kaibigan ko.” Nahihiyang sabi ko.
“Naku, okay lang, Hera. Karapatan mo ‘yan at day-off mo ngayon. Ngayon pa lang talaga ako aalis.”
Tinanong ko kung nasaan ang Nanay ko at kagaya ng expectation ko ay umalis na nga si Nanay. Wala man lang akong idea kung saan ito pupunta.
“Oh, bahala ka muna sa mansion, ha. Nag-check naman ako at maayos naman. May pagkain ka na rin sa kusina. Bahala ka muna, anak, hah?”
“Opo, Nanay Choleng. Mag-iingat po kayo.” Paalam ko sa matanda.
Nang mapag-isa na ako sa mansion ay nagtungo na ako sa kusina at kumain. Ang lungkot kumain ng mag-isa kaya parang wala rin akong gana kahit gutom ako. Matapos kumain ay nilinisan ko agad ang kusina.
Maaga pa at hindi ko naman alam ang gagawin ko kaya naisip kong maglibot muna sa mansion para i-check kung may kakaiba at maayos naman ang mga kwarto.
Nagpunta na ako ng kwarto ko para doon magpalipas ng oras. Ginawa ko na rin ang night routine ko. Pinalipas ko ang oras sa pagbabasa ng online novel. Nakaramdam ako ng antok matapos ang ilang oras na pagbabasa dahil sumakit na rin ang mata ko.
Napapaisip ako kung lalabas ba ako para i-check si Sir Zeus kung nakauwi na. Ang bilin sa akin ni Nanay Choleng ay bago matulog ay siguraduhin na safe na ang mansion at baka may magnanakaw na makapasok. Though may guard naman sa labas. Si Kuya Miguel naman ay baka naroon na sa kwarto nila at malamang na tulog na.
Sa huli ay naisipan kong silipin muna ang mansion para makampante ako. Suot ang short at t-shirt ay lumabas ako ng kwarto ko. Nagsuot na lang ako ng bra at baka may tao pang makakita sa akin kung sakali.
Tahimik ang mansion ng lumabas na ako. Nagpunta ako sa kusina para silipin pati ang gas stove. Baka may naiwan pang ibang appliances na nakasaksak. Maayos naman ang buong mansion. Akmang lalabas na ako ng entrance ay nagulat ako nang bigla pasok naman ng driver namin.
“Kuya?” sambit ko.
Pero wala sa driver ang tingin ko. Ang lakas ng kaba ng dibdib ko dahil may inaalalayan ang driver namin.
Si Sir Zeus na mukhang lasing na at nakaakbay sa driver dahil hindi na makatayo ng tuwid.
* * *
Anna & Axel (friend ni Jacob Lavarias) story soon. Nagbunga ang nangyari kay Anna at Axel. May anak na pala si Axel nang wala siyang kamalay malay=>