Kinagabihan ay nagpasya silang apat na magtungo sa bayan ng Misericordia kung saan nang mga oras na iyon ay may nagaganap na kasiyahan. Naroon ang mga tao na nag-iinom at ang ilan naman ay sumasali sa mga palaro. “Acutus, bakit hindi mo subukan ang isang iyon?” Tinuro naman ni Immitis ang isang makinang kapag sinuntok ng kalahok ay bibigyan ito ng puntos base sa lakas nito at kakayahan. “Napakadali niyan para sa akin. Tiyak kong ako ang mananalo riyan,” pagyayabang pa niya. “Manong, maaari ko bang masubukan ang isang iyan?” “Tatlong dolyar kapalit ng isang subok.” Napatingin siya sa dalawa ngunit sumenyas ang mga ito na wala itong mga salapi kung kaya walang nagawa si Cres kung hindi maglabas ng kaniyang pera. “Salamat,” sabi niya rito. Tumango lang ito bilang pagtugon.

