Chapter 38

1320 Words
Nang makarating kami sa harap ng gate ng apartment ay bahagya kong nilingon iyong taxi driver na kasunod lang namin. “Kamsahamnida ajeossi,” Thank you, mister, usal ko saka ako yumuko bilang paggalang. Maingat naman niyang ibinaba ang maleta ko saka umalis. Nang makapasok kami sa loob ng bahay ay agad naming ibinaba sa sofa iyong kano. Doon ay tinitigan siya ni Lola. “Sandali. Parang kilala ko ito,” sabi niya saka hinawakan ang mukha niyong lalaki. “Kilala ninyo po, Lola?” halos walang interes na tugon ko dahil abala ako sa pagmasahe ng nanakit kong binti. “Oo, tama!” bulalas niya saka ngumiti nang malapad. “Siya si Chadri. Isa siyang turista na nagbabakasyon dito sa Itaewon. Half Russian ang binatang ito,” dagdag niya. Napaawang lang ng bahagya ang aking bibig habang minamasahe naman ngayon ang aking balikat. So Russian na naman nga? Napakurap ako bago ko pasimpleng tinampal ang aking pisngi. Ano ba’ng iniisip ko? “Paano n’yo po nakilala ‘yan?” tanong ko pa saka hinila papasok ang aking dalang maleta. “Nangungupahan ‘yan rito sa taas. Siguro ay may isang linggo na siya rito sa Seoul.” “Ah,” maikling sambit ko. “Ang galing naman po at saktong ako pa ang inabala.” “Ya s-skuchayu p-o vam...” I love you... Pareho kaming napalingon ni Lola Yumi kay Chadri nang muli niyang sabihin ang katagang iyon. “Mukhang brokenhearted,” sabi ni Lola habang inaalis niya ang leather jacket na suot nito. Umupo ako sa lapag habang bahagyang pinipisil ang nananakit kong paa saka ako nagkibit-balikat. “Hindi ko po alam,” sabi ko. “Baka po nananaginip lang ‘yan o kaya ay nag-oorasyon.” “Hay! Bakit ba ang hilig mag-inom ng mga kabataan ngayon?” naiiling-iling na sabi ni Lola. “Mabuti pa’y dito na muna siya ngayong gabi para makapagpahinga. Teka, kukuha lang ako ng kumot para sa kaniya,” aniya pa saka umalis at pumasok sa isang kwarto. Tinitigan ko si Chadri. Ilang segudo ko ring inaral ang detalye niya mula sa kinauupuan ko. Guwapo rin naman siya kung tutuusin. Maputi, maporma pa dahil sa suot niyang gray na turtleneck sweater, isang black leather jacket na kaaalis lang ni Lola, at itim na pants. Sa tantiya ko pa’y anim na talampakan ang kaniyang taas. Baka nagpunta ito sa club at nambabae. Mayamaya’y nakita ko na ulit si Lola na may bitbit na kumot. “Lola?” tawag ko kay Lola na kinukumutan na ngayon si Chadri. “Oh, Apo?” “Akala ko po ba may sakit kayo? Mukhang mas malakas pa kayo kaysa sa akin, a.” Kanina pa kasi ako nagtataka kay Lola. “Ay, kumusta ka na ba, Apo?” tanong niya dahilan para mapatitig ako sa kaniya. Habang hihingal-hingal ay sinagot ko siya. Sabi ko, “Ayos lang po ako. Kayo po? Gabing-gabi na, bakit naglalabas pa kayo ng mga basura? Masama ‘yan lalo’t may sakit kayo,” sambit ko at doo’y hindi na siya nakasagot. “Lola?” tawag ko sa kaniya. “Ay nako, Apo! Bilisan na natin at medyo mabigat ang lalaking ito.” Nagkibit-balikat na lamang ako pagkatapos. Nilingon ako ni Lola saka niya ako nginitian. Isang ngiti iyon na parang isang batang nahuli habang gumagawa ng kalokohan. Tumayo ako, pinagkrus ko ang aking mga braso saka pinanliitan ng mga mata si Lola. “May dapat po ba akong malaman, Lola?” Nakita ko ang paglunok niya. “Apo, ang totoo kasi,” nagkakamot sa ulong sabi niya, “ay wala naman talaga akong sakit. Malakas ako. Pasensya ka na talaga. E, kasi ‘yong mama mo...” Mariin akong napapikit. “Ganito kasi. Gusto ka munang pagbakasyunin kahit isang linggo lang. Mukha ka raw kasing stress sa trabaho mo,” pagpapaliwanag niya. Napasuklay pa ng kaniyang buhok si Lola Yumi nang muli akong nagmulat ng mga mata. Dagdag pa niya, “Papayag ka lang daw kung magpapanggap akong may sakit.” “Lola naman!” halos pasigaw kong sambit. “Hindi po magandang biro ang ginawa ninyo ni Mama! Hay!” Agad kong binuhat ang aking maleta saka ko pa sinabing, “Magpapahinga na po ako!” “Calli, Apo...” Hindi ko na pinansin pa si Lola. Kung iintindihin ko ang nangyari ay alam kong para sa akin ang ginawa nila pero ang ayaw ko lang ay iyong niloloko ako! Dahil sa inis ay nagdire-diretso ako sa kuwartong nakalaan talaga para sa akin tuwing bumibisita ako rito sa bahay ni Lola Yumi saka iyon ini-locked. “Mga pasaway!” bulong ko sa aking sarili saka ko inilapag sa isang tabi ang maleta. Pabagsak akong humiga sa kama saka ako tumitig sa langit mula sa bukas na bintana ng kuwarto. Hawan ang kalangitan kaya kita ang karamihan sa mga bituin. Nabasag lamang ang katahimikan nang biglang tumunog ang telepono ko. Message tone iyon mula sa w******p. Kinapkap ko iyon mula sa aking bulsa saka tiningnan. “Line,” sambit ko nang makita ko ang pangalan ni Line. “Nasa Itaewon ka na, Calli?” tanong niya. “Oo. An hour ago na siguro,” reply ko habang titig sa aking telepono. “Kumusta? Marami bang oppa d’yan?” Napasimangot naman ako. “Siraulo talaga ‘to,” sambit ko sa sarili ko saka muling nag-type ng mensahe. “Oo marami. Maraming oppa-ngit. Bye.” Iyon ang naging huling reply ko sa kaniya dahil sa inis na nararamdaman ko ngayon. “Oppa, oppa! Tsk!” Pagbaba ko sa aking telepono ay nakarinig ako ng tatlong katok mula sa pinto. “Apo, iyong Lolo Geunsoo mo nga pala ay nasa bukid kasama ang kaniyang kaibigan,” sabi ni Lola Yumi. Hindi ako sumagot. Tumitig lamang ako sa pinto saka pinakinggan ang sunod niyang sinabi. “Baka sa kabilang linggo pa iyon makakauwi.” Dagdag pa niya, “May pagkain nga pala rito sa mesa. Lumabas ka na lang at kumain dito kapag nagutom ka. Hindi na muna kita aabalahin.” Muling tumahimik. Pasado alas dyes na kasi ng gabi kaya marahil ay matutulog na siya. “Walang may sakit. Ano pala ang gagawin ko rito?” usal ko saka itinakip sa mukha ko ang isang unan. Mayamaya’y bumangon rin ako. Dahil hindi pa naman ako inaantok ay naisipan kong ayusin ang mga gamit ko sa isang maliit na closet sa loob ng kuwarto. Inabot rin ako ng siyam-siyam dahil habang nag-aayos ay nanonood ako ng Korean drama gamit ang isang flat screen TV sa loob ng kuwarto. “Bet ko si Na Wangshik para sa Empress,” nangingiti-ngiti kong sambit nang kiligin ako sa eksena sa The Last Empress na pinanonood ko. Nang makaramdam ako ng gutom ay itinigil ko ang aking panonood. Pinatay ko ang TV saka dahan-dahang lumabas ng kuwarto. Wala pa rin namang nagbago sa bahay ni Lola. Maaliwalas at pastel na mga kulay ang pintura sa loob. Malinis, katulad pa rin ng dati. Kulang nga lamang ang dahil wala ang makulit kong si Lolo Geunsoo. “Ano ba ‘yan,” bulong ko nang masipat ko si Chadri sa sofa na wala ng kumot sa katawan. Nilapitan ko siya’t muling ikinumot sa kaniya ang blanket. “Napakalikot matulog,” dagdag ko. Muli ko siyang tinitigan. Kahit patay ang ilaw sa sala at kaunting liwanag lang ang tumatama sa kaniyang mukha mula sa ilaw sa kusina ay kita pa rin ang kaniyang kaguwapuhan. Nawala ang inis ko sa magulo niyang hitsura. Hindi naman siya iyong cute at charming, he’s a Russian that’s why he looked rough around the edges. Itinaklob ko sa kaniyang katawan hanggang sa kaniyang mukha ang kumot. “Mas guwapo ka na.” Pigil-tawa ako habang tinutungo ko ang kusina para sana kumain.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD