Naglalakad na kami papuntang KFC nang may mapansin akong pamilyar na lalaki sa hindi kalayuan.
“Hershey,” tawag ko sa katabi ko at kinalabit siya.
“Hmm?”
“Si Sir Alexander ‘yon ‘di ba?” at lumingon naman siya sa direksyon na tinuro ko.
Dahil may kalabuan ang mata niya ay inabot pa muna siya ng ilang segundo bago makilala ‘yong lalaki na tinuro ko.
“Ah, oo nga. Si sir nga ‘yon,” sabi naman niya ng makilala ito.
Napatingin akong muli sa direksyon ni Sir Alexander at sa babaeng kasama nito. Oo, may kasama siya babae at nakahawak pa ito sa braso niya.
“Sino naman ‘yong babae na kasama niya?” tanong ko naman.
“’Yon ba? Si Ma’am Divina ‘yon, fiancé ni Sir Alexander,” fiancé? May fiancé na si Sir Alexander? Bakit hindi ko alam? “Nakauwi na pala siya.”
“Nakauwi? Bakit, saan ba siya galing?”
“Ang alam ko kasi umalis siya papuntang Paris dahil sa company nila. Akala ko nga ay matatagalan pa siya dahil halos tatlong buwan din siya nawala, pero mukhang hindi naman.”
Bigla naman akong nalungkot dahil sa nalaman ko. Hindi ko alam kung bakit. Dahil ba sa may girlfriend na siya at ikakasal na? Muli akong napatingin sa babae at masasabi ko na maganda nga siya, matangkad at sopistikadang tignan. Bagay na bagay silang dalawa.
“Hoy! Natulala ka na r’yan, tara na nagugutom na ako,” at tuluyan na niya akong hinatak papasok ng KFC habang papalayo na sina Sir Alexander kasama ang fiancé niya.
Nagpahatak na lang din ako sa kanya papasok dahil tila parang nawalan ako ng lakas.
“Teh, Cheska, ayos ka lang ba? Masama ba pakiramdam mo?” bakas naman sa mukha niya ang pag-aalala kaya pinilit kong ngumiti para hindi siya masyadong mabahala.
“Hindi, ayos lang ako. Medyo nahihilo lang ako dahil sa gutom,” palusot ko sa kanya. Hindi naman kasi siya aware na may gusto ako sa boss namin.
“Sige, ako na lang muna ang mago-order, maupo ka na lang d’yan, okay?” tumango na lang ako at umalis na siya para pumila pagkatapos tanungin kung ano ang gusto kong kainin.
Para tuloy akong bata na inagawan ng candy ng dahil sa itsura ko.
Naku, Cheska, iwas bad vibes muna tayo, dapat happy lang. bawal negative, kung hindi made-delay sweldo.
Bakit ba naman kasi ngayon ko lang din nalaman na may fiancé na pala si sir, edi sana habang maaga pa, pinigilan ko na sarili ko. Nakakahiya. Ang harot pa nang puso ko no’ng nagphotoshoot siya last week.
Paano ba naman kasi, kami ang naka-assign na ni Bettany sa mga damit na gagamitin ng model for that photoshoot para sa brochure na gagawin ng company. Ang hindi ko alam, isa pala si sir sa mga model, buti na lang talaga at hindi ako nagkamali, kung hindi napahiya na ako agad-agad sa kanya.
At ang nakakaloka pa talaga that time, topless lahat ng kuha ni Sir, hindi man lang ako nasabihan na may pa-pandesal pala, sana nagdala na ako ng kape at palaman. Buti napigilan kong maglaway, kung hindi, it’s another no-no for me.
Ang pinagtataka ko lang ay kung paano kumilos si Bettany sa harapan ni Sir Alexander. Kung makapag-usap pa sila parang matagal na silang magkakilala, may time pa na sinusungitan ni Bettany si sir, pero si Sir Alexander naman parang waley lang sa kanya.
Isang malalim na buntong hininga naman ang pinakawalan ko. Grabe, ang sabog na naman ng utak ko.
“Ang lalim naman no’n,” hindi ko napansin na nakabalik na pala si Hershey. Masyado akong natangay sa kawalan kaiisip.
“Sorry, tara kain na tayo, nagugutom na rin ako,” hindi na siya umimik pa kaya naman sinimulan na namin ang pagkain.
Nagkwentuhan lang din kami tungkol sa ilang bagay at sa pagiging natural na machika ni Hershey, halos mai-kwento na niya ang talambuhay niya. napabilib nga ako sa kanya eh, akalain mo ‘yon, sa loob ng kalahating oras nai-kwento na rin niya halos kalahati ng buhay niya.
Matapos kumain ay agad kaming bumalik sa company, isang oras lang din naman kasi ang break time namin kaya pagkatapos kumain ay umalis na rin kami kaagad sa mall.
“Uy, Cheska, ah. ‘Wag mong kakalimutan, pakilala mo ako sa kanya. O kaya naman pasundo ka sa kanya bukas para naman ma-meet ko siya,” pangungulit niya sa akin habang paakyat kami.
“Oo na, oo na. Sige na, tama na. P’wede mo nang bitawan braso ko,” sabi ko sa kanya at agad naman niyang binitawan ang braso ko sabay nag-peace sign siya.
Naikwento ko kasi sa kanya kanina si Nicholai tapos nangulit siya na ipakita ko sa kanya ‘yong picture ng kaibigan ko kaya naman pinakita ko sa kanya. Kaso ang loka, na-love at first sight daw, na-in love raw siya kay Nicholai kaya naman gusto niyang ipakilala ko siya.
Hanggang sa kinulit na niya ako ng kinulit at napapayag niya rin ako sa huli. Nalamog braso ko kahahawak niya, eh, kaya go na rin. Kakausapin ko na lang siguro si Nicholai bukas. Kapag pumayag, mas okay, hindi na ako mahihirapan pa. Pero kung hindi, kailangan daanin sa santong paspasan.
Napatawa na lang ako sa iniisip ko. “Sige, bukas, kakausapin ko siya tapos papakilala kita.”
“Yey! I love you na talaga, Cheska. Simula ngayon bestfriends na tayo,” sabi niya sabay lambitin sa leeg ko.
“Yeah, yeah. Sige na, dito na ako. See you when I see you,” paalam ko sa kanya at dumiretso na sa office. Mahirap nang ma-late, baka mapagalitan pa ako ni Ma’am Angel.
Hindi pa nagtatagal simula nang makaupo ako ng biglang lumapit sa akin si Bettany na may dala-dalang maraming folder. Napatingin ako sa mga folder ng bigla niya ‘tong ilapag sa mesa ko.
“Ano ‘to?” taking tanong ko sa kanya.
“Seriously? You’re asking me that? Jeez! That’s a folder, and you need to arrange all of them alphabetically and submit it tomorrow—“
“What? Lahat ‘to? Tapos bukas kaagad?” gulat na tanong ko sa kanya.
“Yeah. Binigay ‘yan na task sa akin ni Sir Alexander. And after you do that, just bring all of that in his office,” at iniwan na niya ako ng hindi man lang umaangal.
What the! Sa kanya naman pala binigay pero bakit sa akin niya ipagagawa? At saka, bukas na kaagad? Agad-agad? Eh, isang tambak kaya ng folder ‘yong dala niya.
But on the good side, bukas pagkatapos ko ‘tong gawin ay ihahatid ko sa office ni sir. So it means, makakapasok ako sa office niya.
“Yah!” impit naman akong napatili sa isipang makikita ko si Sir Alexander bukas. Bigla tuloy akong sinipag na gawin ‘to kahit na marami.
Okay, for my dearest love to Alexander Montes. I’ll do it!