Pagkatapos makausap si sir Mark ay bumalik na rin ako kaagad sa opisina para tapusin ang iba ko pang gawain. May ilang oras pa naman ako bago umuwi kaya naman aayusin ko na ‘yong mga sketch na nagawa ko para kapag okay na ay maipasa ko na kaagad bukas.
Isang linggo naman ang binigay sa akin ni Miss Valerie para matapos ang mga bagong design at may ilang araw pa ako para siguraduhing maayos ang magagawa ko. Kaya naman mas okay kung makakapagpasa na ako bukas para ma-check niya rin ‘yong mga nagawa ko.
Para kung sakaling may mali o kung may dapat mang baguhin ay may mahabang oras ako para maayos ‘yon. Ewan ko ba, pero mabilis lang naman kasi akong gumawa kaya naman kapag may binibigay na task sa akin ay mabilis ko lang din natatapos. Ayoko naman kasi na nagc-cram kaya naman mas mabuting maaga kong natatapos ‘yong mga dapat gawin.
At dahil good mood din ako ngayong araw ay ganado akong gawin ang mga task ko. Kahit na medyo maraming dapat gawin ay ayos lang sa akin, mas okay na kasing busy ako at productive, kaysa naman pumapasok ako at wala akong ginagawa, mas lalo lang akong tatamarin kapag gano’n.
At dahil may mga design naman na akong nagawa ay aayusin ko na lang ang mga sketch no’n at pagkatapos ay iisipan ko kung anong mga kulay ang babagay sa mga damit na ‘yon. Kailangan ko rin palang ayusin at ilista ang mga tela at iba pang gamit na kailangan para magawa ‘yong mga damit.
Kung sakali ay sakto lang din pala ang oras na meron ako. Mabilis na lang din naman na ‘yong paggawa ng listahan kaya naman posible na makapagpasa na ako bukas. Sa kulay ng damit naman ay siguro iisipan ko ngayong araw. May mga ilang kulay naman na akong naisip pero kailangan ko pang tignan kung babagay ba sa damit, sa tela, at sa kabuuang design.
“Hindi ka pa ba uuwi, Cheska?” agad naman akong napatingala dahil sa nagsalita.
“Ikaw pala Angel, uuwi na rin, tatapusin ko lang ‘tong ginagawa ko,” nakangiting sagot ko sa kanya. Hindi ko namalayan ang oras, alas-singko na pala.
“Hmm, sige, mauna na ako,” paalam niya kaya naman nakangiti akong tumango sa kanya. Saka ko lang din napansin na nagsisi-uwian na ang iba, wala na rin pati si Bettany, mukhang nauna na ring umalis.
Wala akong balak mag-ot ngayon dahil susunduin ako ni Nicholai, isa pa ay kasabay namin umuwi si Hershey. Sakto at patapos na rin naman na ako kaya naman binilisan ko na ang paggawa. Kahit na medyo nagmamadali ay sinigurado ko pa rin naman na maayos ang nagawa ko. Saka iche-check ko pa naman ‘to mamaya pag-uwi para lang masigurado na maayos at walang mali.
Ilang minuto pa ang lumipas ay naka-receive ako ng text mula kay Nicholai, nasa baba na pala siya at naghihintay. Sakto naman at tapos na rin ako kaya naman nag-reply na rin ako sa kanya na pababa na ako. Naalala ko pala kasabay namin si Hershey, kaya lang ay hindi ko sigurado kung tapos na ba siya sa trabaho kaya naman nag-text na rin ako sa kanya.
Habang naghihintay ng reply ay inayos ko na ang mga gamit ko, mabuti na lang at natapos ko ang mga sketch saktong pagkarating ni Nicholai. Nakakahiya naman kasi kung paghihintayin ko pa siya, nanghingi lang naman ako ng pabor sa kanya para kay Hershey.
Sana lang ay hindi niya napansin ang sasakyan ko sa baba.
Mukhang magco-commute na lang ako papasok bukas dahil maiiwan ang sasakyan ko rito. Well, ayos lang naman dahil sanay naman akong mag-commute. At saka hindi naman gano’n kalayo ‘yong apartment ko rito sa trabaho kaya hindi masyadong hassle kung magco-commute ako papasok.
Habang nag-aayos ng gamit ay naka-receive ako ng reply mula kay Hershey kaya naman agad kong binasa ‘yon. Hindi ko maiwasan na mapangiti ng mabasa ko ang reply niya. Mabuti na lang din at nakapag-out na siya, mukhang wala ngang masyadong ganap si sir Alexander ngayon dahil ang aga rin makakauwi ni Hershey. Napaisip tuloy ako bigla kung nasa opisina niya pa siya o papauwi na rin.
Napailing na lang ako ng maisip ko na naman si sir Alexander. No, hindi muna ngayon, dapat ay hindi ko muna siya maisip ngayong araw para hindi ako ma-distract. Dapat ay mag-focus muna ako kina Hershey at Nicholai, lalo na at pinili ko na maging tulay sa kanilang dalawa kaya naman ipu-push ko na ‘to.
Hanggang sa makarating ako sa may elevator ay hindi pa rin maalis ang ngiti sa mukha ko. Nang bumukas ang elevator ay nagkagulatan pa kami ni Hershey, kasi naman parehas kami na malawak ang mga ngiti.
Pagpasok ko sa loob ay hindi ko maiwasan na pagmasdan siya. Napailing na lang tuloy ako sa isip ko, paano ba naman kasi, halatang-halata na nag-paganda siya. Napansin ko ‘yon agad dahil hindi naman gano’n ‘yong ayos niya kanina no’ng magkita kami.
Pero hindi naman OA ‘yong ayos na ginawa niya, napansin ko lang talaga agad kasi ngayon ay naka-makeup na siya, naka-braid din ang buhok niya. Napangiti na lang din ako habang nakatingin sa kanya dahil bagay na bagay sa kanya ‘yong ayos niya ngayon. Naka-dress pa siya kaya naman mukhang makikipag-date ang ayos niya.
“’Wag mo masyadong ipahalata na kinikilig ka ah. Dapat dalagang Pilipina pa rin para dagdag points,” natatawang sabi ko sa kanya kaya naman sinimangutan niya lang ako. Magsasalita pa sana siya kaya lang ay bumukas na ang elevator kaya naman lumabas na ako agad.
Bigla naman akong napahinto sa paglalakad ng bigla niyang hawakan ang braso ko. “Ayos lang ba ‘yong itsura ko? Hindi ba nagulo ‘yong buhok ko? ‘Yong makeup ko, okay pa ba? Itong damit ko hindi ba pangit tignan? Huh?” sunod-sunod na tanong niya kaya naman hindi ko magawang sumagot kaagad.
“Hershey, kumalma ka lang. Hindi naman magulo ‘yong buhok mo at ang ganda tignan kaya ‘wag kang mag-alala. ‘yong makeup mo naman ayos maayos din, hindi ka haggard tignan, para ngang papasok ka pa lang sa trabaho. At ‘yong damit mo, ang ganda, bagay na bagay sa ayos mo ngayon.”
“Talaga?” tanong niya pa ulit kaya naman nakangiting tumango-tango ako sa kanya na may kasama pang thumbs up. Natawa naman siya sa ginawa ko kaya naman natawa na rin ako.
“Tara na, baka naiinip na ‘yong isa ro’n,” wika ko kaya naman nagpatuloy na kami sa paglalakad.
Paglabas namin ay agad kong napansin si Nicholai, as usual, kahit nakatayo lang siya habang nagc-cellphone ay pinagtitinginan na agad siya ng mga babae. Hindi rin naman kasi maikakaila na gwapo ang kaibigan ko. Sikat nga siya no’ng college kami dahil ang dami talagang nagkakagusto sa kanya no’n.
Hanggang ngayon naman ay marami pa ring nagkakagusto sa kanya. Kaya nga nagtataka ako kung bakit hanggang ngayon ay wala pa rin siyang nagiging girlfriend ulit. Pero ayos lang din pala ‘yon na single siya dahil may pag-asa na maging sila ni Hershey, basta ba ay gagalingan ko lang ang pag-reto sa kanila.
Bago pa man kami makalapit sa pwesto niya ay naramdaman ko na nag-vibrate ang cellphone ko kaya naman agad kong tinignan no’n at bumungad sa akin ang pangalan ni Nicholai.
Mukhang naiinip na ‘tong maghintay dahil tumawag na. Imbes na sagutin ay pinatay ko na ang tawag niya dahil malapit naman na kami sa kanya. Hindi niya pa ata kami napapansin dahil parang tatawag pa ulit siya sa akin kaya naman kinuha ko na ang atensyon niya bago pa siya makapag-dial.
“Ang tagal mo naman, nagugutom na ako,” agad na reklamo niya ng makalapit kami sa pwesto niya.
Sinimangutan ko naman siya dahil sa sinabi niya. “Sabi ko sayo may tinatapos pa ako, saka hindi naman kami natagalan masyado,” sagot ko sa kanya. Naramdaman ko na may humawak sa braso ko kaya naman agad akong napatingin sa kasama ko.
Hay naku, muntik ko pang makalimutan na may kasama ako, kasi naman ‘tong si Nicholai, inuna agad ang pagre-reklamo. Hinatak ko naman papalapit sa akin si Hershey kaya naman napatingin sa kanya si Nicholai.
“Nicholai, ito nga pala si Hershey, friend ko. Siya ‘yong sasabay sa atin pauwi,” nakangiting wika ko. “Hershey, ito naman si Nicholai, ‘yong sinasabi ko sa’yo na bestfriend ko,” pakilala ko sa kanila.
“Hi, I’m Nicholai,” pakilala niya ulit at saka inihaba ang kamay para makipag-shake hands.
“Hershey,” todo ngiting sagot naman nitong katabi ko at saka nakipag-shake hands. Bahagya ko naman siyang siniko dahil masyadong obvious ang pagkakilig niya, baka mamaya ay makahalata si Nicholai, baka mapurnada pa ang plano ko na paglapitin sila.
“Tara na, sabi mo nagugutom ka na ‘di ba? Kumain muna tayo bago umuwi, okay lang ba sa’yo Hershey?” tanong ko sa kanya. At syempre, todo tango naman siya kaya naman ang lawak ng ngiti ko. “Sa likod na lang ako p-pwesto, gusto kong iunat ang paa ko dahil kanina pa ako naglalakad,” pagdadahilan ko.
At bago pa makapag-reklamo si Nicholai ay dumiretso na agad ako sa likuran. Bago tuluyang makapasok ay napansin ko pa ang patagong pag-thumbs up ni Hershey kaya naman napangiti ulit ako. Syempre, gentleman ang kaibigan ko kaya naman pinagbuksan niya pa ng pinto si Hershey.
“Kinikilig ka na naman,” pabulong na sabi ko sa kanya ng masara ni Nicholai ang pintuan. Hindi naman na siya nakasagot pa dahil saktong nakapasok na rin sa sasakyan si Nicholai.
“Saan niyo gustong kumain?” tanong niya kaya naman napaisip ako kung anong gusto kong kainin, kaya lang ay hindi pa naman ako nagugutom kaya wala akong maisip na kainan.
“Hmm, wala akong maisip. Ikaw ang nagugutom ‘di ba? Anong gusto mong kainin?” balik na tanong ko sa kanya. Ang daming kainan pero kasi ang hirap mag-isip kung saan at anong kakainin mo, depende na lang kung may cravings ka kaya naman hindi mahirap mag-decide kung saan.
Kapag naging successful nga ako, magpapatayo ako ng resto o kaya fastfood tapos ang pangalan ay “Ikaw Bahala,” o kaya naman ay “Kahit Saan.” Tapos ‘yong mga pangalan ng pagkain sa menu ay “Kung ano sa’yo gano’n na lang din akin,” o “Parehas na lang tayo,” something like that.
Paniguradong papatok ang negosyo ko kung sakali. Natawa na lang tuloy ako sa kalokohang naisip ko.
“Sa Chinese resto na lang tayo,” sabi niya kaya naman tumango na lang ako. “Ayos lang ba sa’yo, Hershey?” tanong niya pa kay Hershey at imbes na sumagot ay tumango lang din siya.
Kahit na nasa likuran ako ay pansin na pansin ko ang pamumula ng mukha ni Hershey, gusto ko tuloy sana siyang asaran kaya lang ay pinigilan ko ang sarili ko. Baka mamaya ay mapansin na ni Nicholai na ship ko silang dalawa.
Pati tuloy ako ay kinikilig sa isipin na baka magkatuluyan sila. Kung titignan kasi ay bagay silang dalawa.