At dahil masyadong maraming nangyari ngayong araw ay kailangan ko na talagang magpahinga. Sabi ko pa naman kanina ay tatapusin ko na lahat ng sketch na nagawa ko para kaunti na lang ang gagawin ko bukas, kaya lang ay hindi na rin kaya ng katawan ko. Hanggang ngayon nga ay wala pa rin akong naiisip na kulay para sa mga damit, mukhang bukas na lang talaga sila.
Kung pipilitin ko kasing gumawa ngayon ay baka masira lang ang mga gawa ko, paniguradong hindi rin naman makikisama ang utak ko kaya naman mas mabuting magpahinga na muna ako. Hindi naman rush ‘tong gawain na ‘to kaya naman may ilang araw pa ako para tapusin lahat. Kaya naman bukas na lang sila.
Bago dumiretso sa kwarto ay nag-shower na muna ako para naman presko sa pakiramdam. Kanina pa talaga ako nakauwi kaya lang ay tinatamad akong kumilos kanina kaya naman ngayon pa lang ako mag-aasikaso. Mabuti na lang din pala at nakakain na ako kanina, kung hindi ay paniguradong magugutom ako ngayong araw dahil tinatamad pa naman akong kumilos at magluto.
Matapos mag-shower ay inayos ko lang ang ibang nakakalat na gamit sa sala para hindi na marami ang lilinisin ko bukas. At dahil hindi naman gano’n karami ‘yong kalat ay mabilis din akong natapos. Tinignan ko rin muna kung maayos ba lahat ng gamit at walang ibang nakasaksak na appliances bago ako dumiretso sa kwarto para magpahinga.
Kaya lang ay bigla akong natigilan sa pagbukas ng pinto dahil may biglang nag-doorbell. Hindi muna ako agad gumalaw dahil baka mamaya ay namali lang pala ako ng rinig pero nag-doorbell ulit ‘yong nasa labas kaya naman kahit labag sa loob ko ay dumiretso ako sa pinto para tignan kung sino ‘yong istorbo.
Pagkabukas na pagkabukas ko ng pinto ay pizza at fried chicken ang bumungad sa akin kaya naman bigla akong nakaramdam ng gutom. Marami naman akong nakain kanina, pero ewan ko ba, ngayong nakakita ako ng pagkain ay parang bigla akong nagutom ulit.
“Sabi na nga ba at hindi mo matatanggihan ang pagkain,” narinig kong wika ng may dala-dala ng pagkain. Nang makita ko kung sino ‘yon ay agad ko siyang pinapasok. Pasalamat talaga siya at may dala siyang pagkain, dahil kung wala ay pagsasaraduhan ko talaga siya ng pintuan.
“Ano namang ginagawa mo rito? Wala ka bang pasok bukas? Dis oras na ng gabi paggala-gala ka pa,” sermon ko sa kanya. At bago pa man siya makapalag ay kinuha ko na ang pagkain na dala-dala niya para ihanda, baka mamaya kasi ay maisipan niya na bawiin, sayang naman kung sakali.
“Maaga pa naman,” sagot niya at tinulungan na ako sa paghahanda ng pagkain. “At saka may dapat kang ipaliwanag sa akin,” seryosong sabi niya pa kaya naman saglit akong natigilan sa ginagawa ko. Bigla tuloy akong napaisip kung may nagawa ba akong mali ngayong araw.
Base sa pagkakatanda ko ay nagpasundo lang naman ako sa kanya, pagkatapos ay kumain kami, at saka niya kami inihatid pauwi. Saglit tuloy akong napatingin kay Nicholai na abala sa pag-aayos ng pagkain. Ano kayang dapat kong ipaliwanag sa kanya, hindi kaya dahil siya ‘yong pinagbayad ko ng kinain namin kanina? Pero hindi ko naman siya pinilit dahil siya ang nag-presenta na magbayad.
Hindi tuloy ako mapakali dahil ang seryoso niya masyado. Akala ko pa naman ay mae-enjoy ko na ang pizza at fried chicken. Kung alam ko lang na magse-seryoso siya masyado ay sana pala talaga hindi ko na siya pinagbuksan ng pinto.
“Ang seryoso mo naman masyado,” pagbibiro ko para lang hindi masyadong mabigat ‘yong atmosphere. Aasarin ko pa sana siya kaya lang ay seryoso niya akong tinignan kaya naman itinikom ko agad ang bibig ko. Ano ba naman ‘tong lalaki na ‘to, masyadong seryoso sa buhay.
Imbes na asarin pa siya ay naupo na lang agad ako at nagsimula nang kumain. Medyo mainit-init pa ‘yong pizza kaya naman sarap na sarap ako sa kinakain ko. Mukhang tamang desisyon din pala na pumunta siya rito dahil makakakain ako. Naku, pasalamat talaga siya at masarap ang pagkain na dala niya.
“Ano palang pag-uusapan natin?” nagtatakang tanong ko sa kanya. Imbes kasi na kumain ay napansin ko na nakatingin lang siya sa akin, bigla tuloy akong nailang kasi baka mamaya ay ang dugyot kong kumain. Pero isinantabi ko na lang ang pagkailang ko at itinuloy ang pagkain, masama kayang pinaghihintay ang grasya, kaya naman kain lang dapat nang kain.
“Gusto mo bang ligawan ko ‘yong kaibigan mo?” diretsang tanong niya kaya naman bigla kong nalunok agad ‘yong kinakain ko. At dahil hindi ko nanguya ay nabulunan ako. Inabutan naman niya agad ako ng tubig kaya naman agad kong inubos ang laman no’n.
Napatapik na lang ako sa dibdib ko dahil muntik pa akong hindi makahinga. Nakakaloka naman kasi ‘tong lalaking ‘to. Walang pasintabi. Ito na ba ‘yong sinasabi niyang seryoso naming pag-uusapan? Akala ko pa naman ay may atraso ako sa kanya, kinabahan pa ako para sa wala.
Sasagutin ko na sana ang tanong niya kaya lang ay bigla kong na-realize kung ano ang ibig niyang sabihin. Nanlaki tuloy ang mga mata ko habang nakatingin sa kanya. Hindi ko in-expect na magiging ganito kabilis ang lahat, pakiramdam ko tuloy ang ang galing-galing kong tulay dahil gusto agad ligawan ni Nicholai si Hershey. Parang gusto ko tuloy makausap agad si Hershey para sabay kaming kikiligin.
“Ang bilis mo naman,” natatawang sagot ko sa kanya. Kaya lang ay ang seryoso niya pa rin kaya naman nagtatakang napatingin ako sa kanya. Napasimangot tuloy ako sa kanya dahil kanina pa siya gan’yan. Hindi ko tuloy matukoy kung seryoso ba talaga siya o pinagti-trip-an niya lang ako.
“Seryoso ako,” sabi niya na mukhang nabasa niya ang iniisip ko. Hindi naman ako nakasagot kaagad dahil hindi ko alam ang sasabihin ko sa kanya. Pakiramdam ko ay may mali, kaya lang ay hindi ko matukoy kung ano ‘yon. Daig niya pa tuloy ang babae, ang hirap niya intindihin.
“Gusto mong ligawan si Hershey? Eh ‘di ba kanina lang kayo nagkakilala?” nagtatakang tanong ko sa kanya. Ship ko silang dalawa kaya lang ay parang ang bilis masyado, feeling ko tuloy ay may mali talaga. Ayaw niya lang sabihin sa akin.
“Bakit ibinabalik mo sa akin ang tanong? Ikaw ang tinatanong ko niyan. Gusto mo ba na ligawan ko siya?” tanong niya pa kaya naman hindi ko na magawang sumagot. Ang dali lang naman sabihin ng ‘oo’ kaya lang ay parang gustong isagot ng bibig ko ay ‘hindi.’ Nalilito tuloy ako kung ano ang isasagot ko sa kanya.
“Bakit ako ang tinatanong mo?” nasabi ko na lang dahil hindi ko talaga alam ang isasagot sa kanya. Naibaba ko tuloy ‘yong hawak kong pizza, parang mali kasi na may hawak-hawak akong pagkain habang seryoso ‘yong pinag-uusapan naming dalawa.
“Akala mo ba hindi ko napapansin ‘yong senyasan niyong dalawa?” sabi niya kaya naman muling nanlaki ang mata ko. “Isa pa ay pilit mo kaming iniiwan na dalawa, kagaya kanina. Mauuna nating madaanan ang bahay niya pero gusto mo umikot tayo para ikaw ang una kong maihatid,” dagdag niya pa.
Bahagya tuloy akong napayuko dahil sa hiya. Akala ko pa naman ay ang successful na ng mga ginawa ko, ‘yon pala ay napapansin niya kami kanina pa. Mukhang hindi talaga bagay sa akin ang maging tulay.
Ang pangit ko naman maging cupid, ang epic fail masyado. Hindi ko tuloy alam kung paano ko haharapin si Hershey bukas, parang ang hirap sabihin na mission failed. Sinamaan ko tuloy ng tingin si Nicholai. Kainis, bakit ba naman kasi ang bilis niya makapansin ng mga bagay-bagay.
“Kainis ka,” reklamo ko sa kanya sabay kagat sa pizza. “Bakit sinabi mo pa sa akin, dapat nagpanggap ka na lang na hindi mo alam. Mission failed tuloy,” reklamo ko pa.
“Ang obvious mo naman kasi masyado, paanong hindi ko mapapansin?” natatawang sabi niya kaya naman agad akong napatingin sa kanya. Napakunot naman ang noo ko sa kanya. Ang bilis naman magbago ng mood ng lalaking ‘to, daig pa ako na babae.
“Fine! Nakita kasi ni Hershey ‘yong picture mo, tapos gusto ka niyang makilala kaya naman ginawa ko ‘yon.” pag-amin ko sa kanya. “Pero hindi ibig sabihin no’n ay kailangan mo na agad siyang ligawan, gusto ko lang na magkakilala kayong dalawa,” paliwanag ko pa.
Well, gusto ko talaga na magkatuluyan sila dahil bagay talaga silang dalawa. Pero syempre ay hindi ko sasabihin sa kanya ‘yon dahil malalang mission fail talaga ang mangyayari. Sa tagal naming magkakilala ay gamay ko na ang ugali niya kaya naman kailangan ko lang galingan ang pag-acting ko.
“Pwede naman na maging magkaibigan din kayo, tapos kapag nagkakilala na kayong mabuti, edi saka ka mag-decide kung liligawan mo siya o hindi,” sabi ko pa. “Single ka naman, single rin siya. So walang magiging problema kung magiging kayo.”
“Pwede kaming maging magkaibigan, pero ang maging kami, imposible,” sagot niya kaya naman agad akong napatingin sa kanya.
“Bakit naman hindi? Parehas naman kayong single ah,” gatong ko pa. Pero imbes na sagutin ang tanong ko ay nagsimula na siyang kumain. Parang gusto ko tuloy bigla siyang batukan dahil ayaw niyang sagutin ang tanong ko. Minsan talaga hindi ko makuha kung ano ba ang tumatakbo sa isipan niya.
“Hindi naman kasi ibig sabihin na parehas kaming single ay magiging kami na. Bakit ikaw, single ka rin naman,” sabi niya sabay abot ng manok sa akin kaya naman kinuha ko ‘yon at agad na kinain. “Parehas tayong single, so pwede rin na maging tayo?” dugtong niya.
Nailuwa ko tuloy agad ‘yong manok na kinakain ko dahil sa sinabi niya. “Ano ka ba? Ayos ka lang? Akala mo ba papatulan kita?” I said. Bigla naman niyang binitawan ang kinakain niya at humarap sa akin. Hindi naman ako nagpatalo kaya naman nakapamewang na humarap din ako sa kanya.
“Excuse me, sa gwapo kong ‘to? Tatanggi ka pa? Aayaw ka pa?” sabi niya pa habang naka-pogi sign. Parang gusto ko tuloy takpan ng pinggan ang mukha niya. Minsan talaga ay nakakalimutan ko na may pagkamayabang din siya. Hindi ko tuloy maiwasan magtaka kung paano kami naging magkaibigan.
“Okay, fine, gwapo ka nga. Pero tingin mo ba lahat magkakagusto sa’yo?” sagot ko naman sa kanya kaya naman napataas ang kilay niya. Akala niya siguro ay magpapatalo ako kaya naman inilabas ko ang dila ko at inasar-asar ko pa siya.
Alam ko na mabilis siyang maasar kaya naman nakakapanibago na makita siyang nagtitimpi. Madalas kasi na pinapatulan niya lahat ng pang-aasar ko kaya naman parang mas lalo ko siyang gustong asarin ngayon dahil hindi siya gumaganti.
Hanggang sa mapagod ako sa pang-aasar sa kanya ay hindi siya lumaban, kaya naman ako na lang din ang sumuko. Hay, bahala na nga siya sa buhay niya.
Napagod lang ako sa ginawa ko, pakiramdam ko tuloy ay nawala lahat ng kinain ko ngayong araw.
“Kumain ka na nga lang,” sabi niya kaya naman hindi na ako tumanggi. Kahit hindi niya sabihin ay kakain naman talaga ako.
Favorite ko kaya ang pizza at fried chicken kaya naman hindi ko ‘to palalampasin. Libre rin kasi. Sabi nga nila, mas masarap kumain kapag libre.
“Pero seryoso, ayaw mo bang kilalanin muna si Hershey? Malay mo naman magustuhan mo rin siya. You know, it takes time kaya,” I said.
Pansin ko naman na hindi siya interesado kay Hershey, pero hindi naman masama na ipilit kaya naman hanggang kaya pa ay ipu-push ko talaga ang loveteam nila.
Wala akong maisip na dahilan kung bakit ayaw niya kay Hershey. At saka sa tagal din naming magkaibigan ay wala akong nakitang babae na niligawan niya. Ang huling tanda ko na nagka-girlfriend siya ay no’ng college kami.
At no’ng nag-break sila ay wala na akong nakilalang naging girlfriend niya. Kung tutuusin nga ay kung gusto niyang magka-girlfriend ay hindi na siya mahihirapan dahil ang daming babae ang nagkakagusto sa kanya. Dumagdag pa nga sa listahan si Hershey.
Sa dami ng posibleng dahilan ay isa lang ang nasa isip ko. “Kaya ba imposibleng maging kayo kasi may gusto kang iba?” seryosong tanong ko sa kanya.
Napansin ko naman na bigla siyang natigilan kaya naman mukhang tama ang hinala ko.
“Seryoso ba? May iba kang gusto?” pangungulit ko pa sa kanya. Now I know! Kaya naman pala todo tanggi siya sa mga babae na lumalapit sa kanya ay dahil may iba na siyang gusto.
Hindi ko tuloy maiwasan na malungkot para kay Hershey. Mukhang wala rin pala talagang pag-asa kahit anong gawin ko.