Matapos kong magligpit ay dumiretso ako kay sir Mark para ibigay ulit ang mga task na hindi ko pa natapos. May mga nakalagay naman na ro’n kung ano-ano ‘yong hindi ko pa nagagawa. At saka halos patapos ko na rin naman na ang mga ‘yon kaya naman paniguradong hindi na mahihirapan pa kung sino man ang tatapos no’n.
Pagkatapos kong masiguro na wala na akong naiwan na gawain ay nagpaalam na ako sa kanila. Kahit na ilang buwan ko pa lang silang nakakasama ay napalapit na rin sila sa loob ko kaya naman nakalulungkot na aalis kaagad ako.
At dahil nagmamadali rin ako ay hindi na ako masyadong nagtagal pa at agad na dumiretso palabas. Habang pababa ay bigla kong naalala si Hershey. Nag-text kasi ako sa kanya kaninang umaga na ngayong ang flight ni Nicholai pero wala pa naman siyang reply.
Kahit na bagong magkakilala pa lang sila ay pakiramdam ko kailangan kong sabihin kay Hershey ang pag-alis ni Nicholai, kaya lang ay hindi niya pa nababasa ang message ko. Hindi ko na rin naman na siya madadaanan sa taas dahil nagmamadali rin ako, baka mamaya kasi ay hindi ko pa maabutan si Nicholai.
Mukhang busy siya ngayong araw dahil hindi ko pa siya nakikita. Sabagay, madalas nga palang busy si Hershey dahil ang dami ring inaasikaso ni sir Alexander. Ilang araw ko na rin kasi siyang hindi nakikita. Kahit na sa iisang kompanya lang kami nagta-trabaho ay ang hirap niya pa rin makita.
Bumalik din ako sa reyalidad ng bumukas ang elevator kaya naman lumabas na ko at dumiretso sa parking. Hindi gano’n kalayo mula rito ang airport pero aabutin pa rin naman ako ng mahigit kalahating oras sa byahe kaya naman umalis na rin ako kaagad.
-----
Ngayong ang unang araw na papasok ako sa bago kong department. At kanina pa ako nakatayo rito sa harap ng elevator pero hindi ko magawang sumakay, hindi pa kasi ako handang pumasok. Actually, parang gusto ko nan g**g umuwi kaagad. At dahil may labing limang minuto na lang ako bago magsimula ang shift ko ay wala na rin akong nagawa kung hindi ang sumakay.
Hindi ko pa nga napindot kaagad ang floor kung nasaan ang Editorial Department dahil pakiramdam ko ay hindi pa ako handa. Tama si Nicholai! Iisipin ko na lang na new challenge sa akin ang pagkalipat ko ng department, hindi magiging madali ang trabaho pero kakayanin.
Napatingin tuloy agad ako sa cellphone ko para tignan kung nag-text na ba siya pero wala pa naman hanggang ngayon. Mukhang hindi pa rin nakakarating dahil matagal-tagal din naman ang byahe. Pero sabi naman niya ay magsasabi kaagad siya sa akin kapag nakarating na siya ro’n.
No’ng magkita kasi kami kahapon ay saglit na lang din kaming nakapag-usap dahil kailangan na rin niyang umalis kaagad. Mabuti na lang at nagkaayos din kaming dalawa, nabanggit ko pa nga sa kanya na nalipat ako ng department. At dahil ilang minuto lang din kaming nakapag-usap ay ilang beses ko pa siyang ni-text kahapon, ewan ko lang kung nabasa na niya dahil wala pa naman siyang reply.
Pagbukas ng elevator ay automatikong bumagal ang paglalakad ko, para bang kada hakbang ko ay bumibigat ang paa ko. Pero matapos lang din ang ilang hakbang ay nakarating na ako sa pinto. At kagaya no’ng unang punta ko rito ay abala ang lahat. Feeling ko tuloy ay hindi sila nauubusan ng gawain.
Wala pa namang nakakapansin sa pagdating ko kaya naman dumiretso na ako sa loob. Pagpasok ay hindi ko alam kung saan ako pu-pwesto kaya naman ilang minuto pa akong napatayo sa gilid. Nang makahanap ng bakanteng upuan ay dumiretso na ako ro’n para ayusin ang gamit ko.
“Oh you’re here. We’ll be co-workers from now on!” masayang bati no’ng lalaki na hindi ko alam ang pangalan. Ngumiti naman ako sa kanya at saka bumati pabalik.
“Ah yes, thank you. Nice meeting you,” bati ko. Ngumiti lang naman siya at saka umalis na. Mukhang may ginagawa rin kasi siya dahil nagmamadali na siya.
Nagsimula na rin akong ayusin ang mga gamit ko. Hindi ko pa alam kung sino ang head dito o kung sino ang dapat kong kausapin pero mamaya na siguro. Tatapusin ko na lang muna siguro ‘tong pag-aayos ng gamit bago ako makipag-usap, para kung sakali man na ibigay na gawain ay naka-ready na ako.
Habang nag-aayos ng gamit ay may na-receive naman akong text kaya naman tinignan ko muna ‘yon. Hindi ko naman maiwasan na mapangiti ng mabasa ko ang text. Galing ‘yon kay Nicholai at kararating niya lang daw sa US. Hapon na ro’n ngayon kaya naman kailangan niya ring dumaan muna sa opisina nila.
Nag-reply na lang din ako sa kanya na hindi na ako makakasagot agad dahil may trabaho na kaya naman iniligpit ko na ang gamit ko at itinuloy ang pag-aayos. Maya-maya lang ay may biglang bumati nang pagkalakas-lakas kaya naman napapitlag pa ako.
“Good morning, everyone!” at agad naman silang nagsilapitan sa bagong dating.
Hindi ko alam kung sino ‘yong bagong dating pero mukhang siya ang boss namin. Habang lahat sila ay nando’n, naiwan naman ako rito sa pwesto ko. Hindi ako makalapit dahil hindi ko pa naman sila kilala, isa pa ay hindi ko rin alam kung anong pinag-uusapan nila.
"Wow! Editor-in-chief, iba ang awra natin today ah. Fresh na fresh."
"Yes, oo naman. That's because I'm expecting a special person today, making it a special day."
"Sino naman kaya 'yan?"
"Malalaman niyo rin mamaya kung sino,” pabitin na sabi niya pa.
Pati tuloy ako ay na-curious kung sino ba ‘yong sinasabi niya. Mukhang bukod sa akin ay may iba ring nalipat ng department. Pero mukhang hindi lang basta-basta empleyado ‘yong malilipat dahil mukhang excited siya at nabanggit niya kanina na espesyal ang araw na ‘to.
“Did they actually transfer you here?” napabaling naman ako sa gilid ko nang dahil sa nagsalita. At saka ko napansin ‘yong lalaki na muntik ko nang matapunan ng kape sa lobby.
“Uhm, yeah. Hindi ko nga lang alam kung bakit,” sagot ko na lang sa kanya. Hanggang ngayon kasi ay nagtataka pa rin ako kung bakit ba ako nalipat sa department na ‘to.
“What's your name, by the way?” tanong niya pa.
“I’m Francheska Constantine, nice to meet you,” pakilala ko sa sarili ko.
“Nice to meet you, and just call me Bryan,” pakilala naman niya kaya naman ngumiti na lang ako. Ayoko naman maging bastos, pero medyo naiilang pa kasi ako kaya naman hindi ko magawang dugtungan pa ‘yong usapan naming dalawa.
Muli naman akong napatingin sa harapan ng mapansin ko na parang tumahimik ang paligid. Ngayon ay lahat sila ay nakatingin sa pinto kaya naman napatingin na lang din ako ro’n. Kita ko mula sa labas na may naglalakad papasok pero hindi ko makita kung sino dahil may harang.
At parang tumigil ang mundo ko ng makita ko kung sino ang bagong pasok. Kung kailan unti-unti ko nang natatanggap na nasa ibang department na ako ay parang gusto ko na tuloy bumalik ulit sa dati. Kung pwede nga lang din na magpakain sa lupa ay ginawa ko na.
"Let's all welcome, our new Associate Director, Mr. Montes," pakilala ng editor-in-chief sa bagong dating. At bago niya pa man ako mapansin sa pwesto ko ay agad akong nagtago sa ilalim ng mesa.
Napansin ko pa ba bahagyang nagulat si Bryan dahil sa ginawa ko pero wala na akong panahon pa para magpaliwanag. Hindi ko alam kung bakit nagtatago pa ako gayong hindi naman niya ako kilala pero pakiramdam ko ay kailangan kong magtago dahil baka mapansin niya ako.
“Anong ginagawa mo?” mahinang tanong ni Bryan kaya naman muli akong napatingin sa kanya.
“Huh?” balik na tanong ko sa kanya dahil hindi ko alam anong idadahilan ko sa kanya. “Ah, nahihiya kasi ako sa mga hindi ko pa gano’n kakilala,” palusot ko na lang.
Mas sumiksik naman ako sa mesa para hindi ako masyadong mapansin. Gusto ko na nga sanang paalisin si Bryan dahil baka may makakita kaagad sakin dito sa pwesto ko pero ayaw ko naman maging bastos kaya naman mas lalong nagtago na lang ako. Mabuti na lang din at hinanap na siya kaya naman umalis din siya sa harapan ko.
Pagkaalis niya ay agad kong iniharang ‘yong upuan sa sa kung saan ako naka-pwesto ngayon. Hindi ko masyadong makita kung ano na ang ginagawa nila pero naririnig ko naman ang boses nila. Sa ngayon ay nagpapakilala sila sa isa’t isa.
Pero teka lang, ano naman kaya ang ginagawa ni sir Alexander dito? Base sa pagkakatanda ko ay siya pa rin ang CEO nitong company, kaya naman bakit magiging Associate Director namin siya ngayon? Ano ba ‘yan, hindi ko na kasi nakakausap si Hershey nitong mga nakaraang araw kaya hindi ko na alam kung anong nangyayari sa kanya.
Kung gano’n ay ibig sabihin araw-araw ko ng makaka-trabaho ang love of my life ko? Parang gusto ko tuloy tumalon at tumili dahil sa saya, kaya lang ay hindi pwede dahil nasa trabaho pa ako. Masaya ako na araw-araw ko na siyang makikita, kaya lang ay natatakot ako dahil baka magkamali ako.
“Carol, will you kindly introduce our department to the Associate Director?”
“Yes, ma'am. I already have all the information ready. Please pull out all the new season's clothing, Jessica and Debb.”
Napansin ko naman na nagsimula na silang magsibalikan sa pwesto nila pero nanatili pa rin akong nakatago sa ilalim ng mesa. Nando’n pa rin kasi si sir Alexander kaya naman hindi ko pa magawang umalis sa pinagtataguan ko. Mukhang hindi rin pala ako makakapag-trabaho ng maayos dito dahil sa kanya.
Isang malaking goodluck na lang talaga sa akin lalo na sa mga susunod na araw. Ilang minuto na akong nakatago rito at namamanhid na rin ang mga paa ko pero hindi pa rin ako makalabas. Hanggang ngayon kasi ay may kausap pa rin siya kaya naman nando’n pa rin siya sa dati niyang pwesto.
Maya-maya lang din ay napansin ko na pumasok sila sa kabilang opisina kaya naman dahan-dahan akong lumabas mula sa pinagtataguan ko at mabilis na naglakad palabas ng opisina.
Wala namang nakapansin sa akin dahil lahat sila ay busy na sa ginagawa nila kaya naman dali-dali akong dumiretso pababa papunta sa opisina ni Miss Valerie. Mukhang hindi ko kakayanin na mag-trabaho sa department na ‘yon lalo na kung araw-araw kong makikita si sir Alexander.
Pagdating sa opisina ay agad akong lumapit sa kanya habang magkahawak pa ang dalawang kamay. “Please, Miss Valerie, I beg of you. I'll work twice as hard if you switch me back today,” pagmamakaawa ko pa sa kanya.
Kulang na lang ay halos lumuhod na ako sa harapan niya para lang kunin niya ulit ako. Pero kahit anong sabi ko ay mukhang buo na talaga ang desisyon niya, pero hindi pa rin ako titigil hangga’t kaya ko pang ipilit. Kung alam ko lang na ganito ang mangyayari, sana no’ng una pa lang ay tumanggi na ako.
“Cheska, not that I disagree, mind you. It's because I wouldn't dare. How could I say no when the editorial department requested more staff? We wouldn't dare challenge them.”
“Anong ibig mong sabihin, Miss Valerie?” nagtatakang tanong ko sa kanya.
“That department. The head editor of that department has a highly unknown past, but some says, she is one of the largest shareholders in this company. Kaya naman, Cheska, please, stay in that department.”
At ngayon ay parang nabaliktad pa kami ng posisyon, dahil siya na ang nagpupumilit sa akin na ‘wag ng lumipat ng department. Hindi pa naman ako magaling tumanggi, kaya naman hindi ko na alam kung anong gagawin ko. Gusto ko na ngang maiyak dahil sa frustrations, pero wala namang magagawa ang mga luha ko kung iiyak ako.
Kahit siguro isang balde pa ang iiyak ko ay hindi na talaga magbabago pa ang desisyon ni Miss Valerie. Kung alam ko lang talaga, sana talaga una pa lang tumanggi na ako. Kung sakaling si Bettany ang napili ay baka natuwa pa ‘yon ng sobra dahil siya ang may gusto na lumipat ng department.
Halos magmakaawa na nga sa akin si Miss Valerie na ‘wag na akong lumipat kaya naman sa huli ay wala na rin akong iba pang nagawa kung hindi ang tanggapin ang kapalaran ko. Habang pabalik sa bago kong opisina ay para tuloy akong pinagbagsakan ng langit at lupa.
Kulang na nga lang ay gumapang ako para lang makarating kaagad sa opisina. Nang makarating sa pinto ay sumilip muna ako, baka kasi mamaya ay nand’yan pa si sir Alexander at bigla kaming magkita. Nakakainis, hindi ko alam kung bakit ako nagkakaganito, eh hindi ko nga sigurado kung natatandaan niya ba ako.
Parang bigla ko tuloy na-miss si Hershey. Teka, speaking of Hershey, nasaan kaya siya. Hindi ko siya nakita kanina. Nakapagtataka lang kasi nandito si sir Alexander pero wala siya, o baka naman may inasikaso lang kaya wala siya rito ngayon.
“Oh my!” muntik pa akong mapasigaw dahil sa gulat. Tinignan ko kung sino ang nasa likuran ko at bumungad sa akin ang nakangiting si Bryan. Hindi ko tuloy alam kung matutuwa o maiinis ba ako sa kanya.
“Why are you lurking around?” tanong niya kaya naman napakamot ako sa batok ko.
“Hindi naman,” pa-simpleng sagot ko.
“So why are you being so sneaky here? Is our department really that scary?” tanong niya pa kaya naman unconsciously napatango ako. Parehas tuloy kaming nabigla sa ginawa ko.
“Bakit, ano bang problema? Ayaw mo ba rito?” tanong niya ulit pero hindi ako makasagot agad.